Pagbagsak ng Radyaktibong Materya—Isang Bagay na Dapat Ikabahala
PAGKATAPOS ng mga pagsubok sa mga sandatang nuklear noong dekada ng 1950, ang strontium 90 (Sr90), isang kakambal na produkto ng mga nuklear na reaksiyon, ay natuklasan sa unang mga ngipin ng mga bata, ulat ng pahayagang Globe and Mail sa Canada. Noong panahong iyon, ito ang sinisi sa pagdami ng kanser sa mga bata.
Ngayon, pagkalipas ng mga dekada, ang mga siyentipiko na nakaugnay sa U.S. Radiation and Public Health Project ay muling nababahala. Ipinaliliwanag ni Dr. Janet Sherman, isang espesyalista sa internal-medicine na kasamang nagtatrabaho sa proyekto, na “ang mga antas ng Sr90 sa unang mga ngipin ng mga bata na ipinanganak mula noong 1990 ay umaabot sa mga antas na gaya niyaong umiral noong mga taon na sinusubok ang mga sandatang nuklear sa ibabaw ng lupa.”
Saan nanggagaling ang Sr90? Itinuturo ng ilang siyentipiko na ang mga posibleng pinagmulan nito ay ang mga nakalipas na nuklear na aksidente, radyasyon mula sa plantang nuklear na tumatakbo nang maayos, o mga pagsubok sa mga bomba na isinagawa noong nakalipas na maraming taon.a Anuman ang pinagmulan nito, naipapasok ng mga tao sa kanilang katawan ang Sr90 sa pamamagitan ng pagkain ng mga halamang may radyaktibong materya at sa pag-inom ng gatas mula sa mga baka na kumain ng damong may radyaktibong materya. Yamang ang Sr90 ay katulad ng calcium sa kemikal na kayarian, iniimbak ng mga tao ang radyaktibong materya sa kanilang mga buto, anupat lumalaki ang panganib ng pagkakaroon ng kanser sa buto at ng leukemia.
Nagpahayag din ang Globe ng pagkabahala hinggil sa pagkalantad ng mga darating na salinlahi sa radyasyon. “Kapag inalis mula sa reactor core (ang pinangyayarihan ng nuklear na reaksiyon),” paliwanag ng pahayagan, “[ang duming nuklear] ay humigit-kumulang isang milyong beses na mas radyaktibo kaysa sa noong ito’y inilagay sa reactor core. Ang isang bungkos ng panggatong na kaaalis pa lamang sa reactor core ay pinaniniwalaang lubhang nakamamatay anupat ang isang taong nakatayo sa layong isang metro [tatlong piye] lamang ay mamamatay sa loob ng isang oras dahil sa pagkalason sa radyasyon.”
Dahil sa panganib ng pagbagsak ng radyaktibong materya na nagbabanta sa sangkatauhan, makatotohanan bang umasa sa isang tiwasay na kinabukasan? Nang unang nilalang ang lupa at ang mga nabubuhay na bagay rito, sinasabi sa atin ng Bibliya na ang bawat bagay ay “napakabuti.” (Genesis 1:31) Makapagtitiwala tayo sa pangako ng Bibliya na malapit nang maging isang paraiso ang ating planeta. Ang pagkain at tubig na may radyaktibong materya ay mawawala na.—Awit 65:9-13; Apocalipsis 21:1-4.
[Talababa]
a Pagkatapos ng aksidente noong 1986 sa nuklear na planta ng kuryente sa Chernobyl, Ukraine, ang mga antas ng Sr90 sa unang mga ngipin ng mga bata sa Alemanya ay tumaas nang sampung beses.
[Picture Credit Line sa pahina 31]
Larawan: U. S. Department of Energy photograph