Ang Kagalakan ng Pagmamasid sa mga Ibon
TUNAY ngang magiging ibang-iba ang daigdig kung walang mga ibon! Ang kanilang huni, mga awit, sari-saring mga kulay at paglipad—ay pawang nakadaragdag sa magandang pagkakaiba-iba ng buhay. Ngunit gaano kadalas tayong humihinto upang pakinggan at pagmasdan ang mga ito? Kung ikaw ay nakatira sa siyudad na pinalilibutan ng abala at magulong buhay sa araw-araw at ng ingay ng trapiko, baka hindi mo man lamang napapansin ang mga ibon sa iyong lugar. Kahit na nakatira ka sa lalawigan, napakadaling ipagwalang-bahala ang mga ito. Ngunit nais mo bang makita nang malapitan ang mga ibon sa inyong lugar?
Magagawa mo ito sa pamamagitan ng isang simpleng kainan ng ibon sa inyong bakuran, na inilagay sa isang angkop na distansiya mula sa isang bintana. Pagkatapos, ang kailangan mo lamang ay isang largabista at isang kamera na may mahusay na zoom lens—at kaunting tiyaga! Ihanda ang maraming high-speed film at isang giyang-aklat na may maiinam na paglalarawan hinggil sa pagkakakilanlan ng mga ibon. Pagkatapos ay magmasid, makinig, at masiyahan!