Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g01 3/22 p. 3-4
  • Ang Anyo ng Makabagong Digmaan

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Anyo ng Makabagong Digmaan
  • Gumising!—2001
  • Kaparehong Materyal
  • Maliliit na Armas, Malalaking Suliranin
    Gumising!—2001
  • Ang Bagong Mukha ng Digmaan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2004
  • Tulungan ang mga Dayuhan na ‘Maglingkod kay Jehova Nang May Pagsasaya’
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2017
  • Ang mga Taong Naghahanap ng Katiwasayan
    Gumising!—2002
Iba Pa
Gumising!—2001
g01 3/22 p. 3-4

Ang Anyo ng Makabagong Digmaan

ANG kampo ng mga nagsilikas ay madaliang itinayo upang mapangalagaan ang 1,548 na nagsilikas na nagdagsaan mula sa isang kalapit na bansa sa Aprika. Ang mga toldang kulay-asul at kulay-kaki ay nakatayo sa isang maputik na dakong hinawan sa gitna ng isang kagubatan ng mga punong palma. Walang elektrisidad o mga kagamitan sa pagtulog, at walang mga gripo ng tubig o mga palikuran. Umuulan noon. Gumamit ng mga patpat ang mga nagsilikas upang humukay ng maliliit na kanal upang huwag pumasok ang tubig sa mga tolda. Dalawang internasyonal na mga ahensiya sa pagtulong ang di-makaugaga sa paggawa upang mapabuti ang mga kalagayan sa pamumuhay roon.

Bago pa nito, sinamantala ng mga nagsilikas ang pagkakataon na sumakay sa isang sira-sirang barkong pangkargamento upang matakasan ang digmaang sibil na sumalanta sa kanilang bansa sa loob ng maraming taon. Ang digmaan ay hindi ipinakipaglaban sa pamamagitan ng mga hanay ng mga tangke o ng malalaking eroplanong pambomba. Nagsimula ito nang mga 150 sundalo na armado ng mga ripleng pansalakay ang may-pananakot na pumasok sa bansa. Sa loob ng sumunod na mga taon, isa-isang sinakop ng mga sundalo ang mga nayon, na humihingi ng tributo mula sa mga sibilyan, nangangalap ng karagdagang mga sundalo, at pinapatay ang sinumang sumalungat. Nang maglaon, nasakop nila ang buong bansa.

Ang isa sa mga nagsilikas na nasa kampo ay isang kabataang babae na nagngangalang Esther. “Ang pinakamasamang karanasan ko kailanman sa buhay ay ang pagkamatay ng aking asawa sa digmaang ito,” ang sabi niya. “Binaril nila siya. Talagang nakatatakot. May naririnig kang sumisigaw, at akala mo’y may paparating para patayin ka. Kapag nakakita ka ng may baril, akala mo’y papatayin ka niya. Lagi akong balisa. Dito lang ako nakakatulog sa gabi. Sa amin, hindi ako makatulog. Dito ay nakakatulog akong parang sanggol.”

“Kahit sa mga basang toldang ito?” ang tanong ng isang manunulat ng Gumising!

Napatawa si Esther. “Kahit matulog pa ako sa putikan na ito, mas makakatulog ako kaysa sa pinanggalingan ko.”

Si Ambrose, sampung taóng gulang, ay nakagugol na ng kalakhang bahagi ng kaniyang buhay sa pagtakas mula sa mga lugar ng digmaan kasama ng kaniyang pamilya. “Nais kong makakita ng kapayapaan at mag-aral muli,” ang sabi niya. “Tutal, lumalaki na ako.”

Si Kpana, na siyam na taóng gulang, ay may magagandang kayumangging mata. Nang tanungin kung ano ang kauna-unahang bagay na naaalaala niya, walang-atubili siyang sumagot: “Digmaan! Labanan!”

Ang uri ng digmaan na tinakasan ng mga taong ito ay karaniwan sa nakalipas na mga taon. Ayon sa isang mapagkukunan ng impormasyon, sa 49 na malalaking digmaan na sumiklab mula noong 1990, 46 ang pinaglabanan na ang ginamit ay magagaan na sandata lamang. Di-tulad ng isang espada o isang sibat, na nangangailangan ng kasanayan at lakas upang magamit nang epektibo sa pakikipaglaban, dahil sa maliliit na armas ay maaaring makipaglaban sa digmaan kapuwa ang mga baguhan at mga propesyonal.a Kadalasan ay mga tin-edyer at mga bata ang kinakalap at pinupuwersang magnakaw, puminsala, at pumatay.

Marami sa mga digmaang ito ang pinaglalabanan, hindi sa pagitan ng mga bansa, kundi sa loob mismo ng mga bansa. Ang naglalaban-laban dito ay hindi mga sinanay na sundalo sa isang lugar ng digmaan, kundi kadalasan ay mga sibilyan sa mga lunsod, bayan, at nayon. Yamang karamihan ng nakikipaglaban ay wala namang pagsasanay sa militar, hindi nangingiming labagin ang tradisyunal na mga alituntunin sa digmaan. Bunga nito, pangkaraniwan na lamang ang malulupit na pagsalakay sa di-armadong mga lalaki, babae, at bata. Pinaniniwalaan na sa mga digmaan sa ngayon, mahigit sa 90 porsiyento ng mga napapatay ay mga sibilyan. Sa gayong mga digmaan, ang maliliit na armas at magagaan na sandata ay gumaganap ng malaking papel.

Sabihin pa, hindi naman mga baril ang tuwirang sanhi ng digmaan​—matagal nang naglalaban ang mga tao bago pa naimbento ang pulbura. Gayunman, ang pagkakaroon ng napakaraming baril ay maaaring humikayat ng labanan sa halip na negosasyon. Ang mga sandata ay maaaring magpatagal ng mga digmaan at magpatindi sa lansakang pagpatay.

Bagaman ang mga sandata na ginagamit sa mga digmaan sa ngayon ay yaong magagaan lamang, nagdudulot naman ito ng malulubhang epekto. Noong dekada ng 1990, ang gayong mga sandata ay pumatay ng mahigit sa apat na milyong katao. Mahigit sa 40 milyong iba pa ang alinman sa nagsilikas o naitaboy mula sa kanilang bayan. Sinalanta ng maliliit na armas ang mga lipunang ginigiyagis ng digmaan sa mga larangang pampulitika, panlipunan, pangkabuhayan, at pangkapaligiran. Ang gastos ng internasyonal na komunidad sa tulong na pangkagipitan, pangangalaga sa nagsilikas, pagpapanatili ng kapayapaan, at pakikialam ng militar ay umabot na sa sampu-sampung bilyong dolyar.

Bakit nagkaroon ng malaking papel ang maliliit na armas sa makabagong digmaan? Saan nanggagaling ang mga ito? Ano ang maaaring gawin upang malimitahan o maalis ang kanilang nakamamatay na epekto? Isasaalang-alang natin ang mga katanungang ito sa sumusunod na mga artikulo.

[Talababa]

a Ang terminong “maliliit na armas” ay tumutukoy sa mga riple at mga baril na pangkamay​—mga sandata na nadadala ng isang tao; kalakip sa katagang “magagaan na sandata” ang mga machine gun, mortar, at grenade launcher, na kung minsan ay nangangailangan ng dalawang tao upang magamit.

[Picture Credit Line sa pahina 3]

UN PHOTO 186797/J. Isaac

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share