Maaari Nilang Nakawin ang Pagkakakilanlan sa Iyo!
ANG kabataang babae ay nagsimulang makatanggap ng masasagwang mensahe sa kaniyang answering machine. Pagkatapos ay tinawagan siya sa telepono ng isang lalaki at nagsabing tumutugon ito sa mahahalay na imbitasyon na ipinaskil niya sa Internet. Ngunit wala man lamang siyang computer. Natagalan pa bago niya natuklasan na may gumagamit ng pagkakakilanlan sa kaniya sa cyberspace [daigdig ng mga computer] at nagpapaskil ng mga patalastas na iyon sa Internet. Hindi lamang iyon, kundi ipinatatalastas din ng lihim na impostor ang kaniyang adres, kung paano mararating ang kaniyang bahay, at pati mga mungkahi kung paano iiwasan ang alarma sa kaniyang bahay!
Ipinagwawalang-bahala ng karamihan sa atin ang ating pagkakakilanlan. Kilala natin kung sino tayo, at kung pag-aalinlanganan, mapatutunayan natin ito. Ngunit ang mga bagay na kalimitang ginagamit natin bilang ebidensiya ng ating pagkakakilanlan—sertipiko ng kapanganakan, numerong pagkakakilanlan,a lisensiya sa pagmamaneho, pasaporte, mga identification card, at ang mga katulad nito—ay nagiging mas madali nang palsipikahin o nakawin anupat isang bagong termino sa krimen ang nabuo, “pagnanakaw ng pagkakakilanlan.”
Isang Salot ng Pandaraya
Ang uring ito ng krimen ay masalimuot, tuso, at nakapagdudulot ng malaking pinsala. Bigla na lamang matutuklasan ng mga biktima na may umuutang ng malalaking halaga, nandaraya sa mga nagpapautang, at gumagawa ng iba pang malulubhang pinsala sa kanilang pangalan. Sa ilang lupain, ipinagsasanggalang ng batas ang mga biktima laban sa pagbabayad ng gayong mga utang, ngunit naiiwan silang may nasirang reputasyon at masamang rekord sa pangungutang.
Lubusang kinikilala ng mga ahensiya ng pulisya, mga tauhan ng industriya ng pagpapautang, at ng mga grupong kapanig ng mga mamimili na ang pagnanakaw ng pagkakakilanlan ay sanhi ng pagkalugi ng bilyun-bilyong dolyar bawat taon. Walang paraan upang matiyak kung ilang tao ang nadadaya sa pamamagitan ng pagnanakaw ng pagkakakilanlan. Ang isa sa pinakamalalaking problema ay na maraming buwan ang maaaring lumipas bago matuklasan ng isang tao na nanakawan na pala siya ng pagkakakilanlan. Ang pagnanakaw ng pagkakakilanlan ay tinatawag ng ilang awtoridad ng pulisya bilang ang pinakamabilis lumaganap na krimen sa Estados Unidos. Gayunding mga problema ang iniuulat sa ibang mga bansa.
Ang lalo pang nagpapalala ng situwasyon, alam ng mga magnanakaw na ang pandaraya sa pagkakakilanlan ay mahirap imbestigahan at na bihira itong makarating sa paglilitis. “Para sa mga kriminal, ito’y isang krimen na walang taong maaapektuhan,” ayon sa obserbasyon ni Cheryl Smith, isang espesyal na imbestigador. “Ang biktima ay isang bangko o department store. Hindi nila iniisip na makapinsala ng isang indibiduwal.”
Binibiktima ang Iyo Mismong Pangalan
Ang mga magnanakaw ng pagkakakilanlan ay nagnanakaw ng isa o mas marami pang mapagbabatayang bahagi ng iyong personal data, gaya ng numerong pagkakakilanlan o lisensiya sa pagmamaneho. Pagkatapos ay gagamitin nila iyon upang magpanggap na ikaw at magbukas ng mga credit account sa iyong pangalan. Kasabay nito, ipahuhulog nila ang anumang kaugnay na papeles sa kanilang sariling buson ng sulat. Uutang sila ng pinakamalaking halaga na mauutang nila sa lalong madaling panahon. Hindi mo matutuklasan kung ano ang nangyayari hanggang sa umpisahan ka nang tawagan ng mga ahensiyang tagasingil.
Paano nakapagnanakaw ng gayong personal na impormasyon ang walang-prinsipyong mga indibiduwal na ito? Napakadali. Malimit na nagsisimula ito sa pangongolekta ng personal na impormasyon na karaniwang ibinibigay ng maraming tao sa mga aplikasyon sa pangungutang o sa mga nagbebenta sa telepono. Ang ilang kriminal ay nagsasagawa ng ‘dumpster diving’—paghahalukay ng iyong basurahan upang makakuha ng mga rekord sa bangko, sangla, o pagkakautang. Ang iba naman ay nanghaharang ng mga liham na may kinalaman sa pananalapi mula sa mga buson. Ang mga ‘shoulder surfer’ ay mga magnanakaw na gumagamit ng mga kamera at largabista upang manmanan ang kanilang mga biktima habang pumipindot ng mga numero sa mga automated teller machine (ATM) o mga teleponong pampubliko. Sa ilang bansa, maraming personal na impormasyon ang madaling makuha mula sa mga korte, mga dokumentong pampubliko, o sa Internet.
Ninanakaw ang Iyong Mabuting Pangalan
Kapag hawak na ng kriminal ang iyong numerong pagkakakilanlan, baka kailanganin din niyang kumuha ng iba pang impormasyon na pagkakakilanlan, gaya ng petsa ng iyong kapanganakan at ang iyong adres at numero ng telepono. Sa pamamagitan ng impormasyong ito, at kasama rin marahil ang isang huwad na lisensiya sa pagmamaneho na nilagyan ng kaniyang sariling litrato, mauumpisahan na ng magnanakaw ang krimen. Ang magnanakaw ay personal na mag-aaplay ng instant credit o sa pamamagitan ng koreo, na nagkukunwaring ikaw. Malimit na ibibigay niya ang kaniyang sariling adres, na ipinangangatuwirang lumipat na siya ng tirahan. Sa pagmamadali nilang magpautang, hindi tinitiyak ng mga tagasuri ng kredito ang impormasyon o mga adres sa lahat ng pagkakataon.
Kaya kapag ang impostor ay nakapagbukas na ng unang account, maaari niyang gamitin ang bagong account na ito lakip ang iba pang piraso ng impormasyong pagkakakilanlan upang madagdagan ang kaniyang kredibilidad. Lalo pa nitong padadaliin ang paglubha ng pandaraya. Ngayon ay maaari nang magpayaman ang kriminal at, habang ginagawa niya ito, sinisira naman ang iyong kredito at mabuting pangalan.
Ang pagsasaayos sa napinsala ay maaaring maging mahirap, nakauubos ng maraming panahon, at nakayayamot. Natuklasan ni Mari Frank, isang abogada mula sa California, kung gaano ito kahirap nang makapangutang ang isang impostor ng may halagang $100,000 sa kaniyang pangalan. “Kinailangan kong sumulat ng 90 liham at gumugol ng 500 oras upang linisin ang aking pangalan,” sabi niya. “Ito’y pakikipaglaban para sa iyong kredito at katinuan. . . . Kadalasan ay hindi mo alam kung sino ang gumagawa nito, at hindi kailanman nahuhuli ang mga kriminal.”
Kung Ano ang Dapat Gawin
Kung ikaw ay biktima ng isang magnanakaw ng pagkakakilanlan, may ilang hakbang na maaari mong gawin. Una sa lahat, makabubuti kung tatawagan mo at sasabihan ang dibisyong nag-aasikaso sa mga kasong pandaraya na nasa ilalim ng kawanihan ukol sa pagpapautang sa inyong lugar. Pagkatapos ay magpadala ka rin ng isang nasusulat na kapahayagan, at hilingin mong makipag-ugnayan sila sa iyo upang tiyakin ang anumang kahilingan sa hinaharap may kinalaman sa pangungutang.
Pagkatapos, magharap ka ng report sa pulisya. Tiyakin mong mabigyan ka ng kopya ng report sa pulisya sapagkat baka kailanganin mo iyon sa pagbibigay-alam sa mga pinagkakautangan.
Dapat mo rin itong ipagbigay-alam sa mga bangko at mga kompanya ng credit card na nag-aasikaso sa iyong mga transaksiyon. Ang magnanakaw man ay gumamit ng ninakaw na impormasyon upang makakuha ng mga bagong credit card, pinakamabuti sa iyo kung ipababago mo ang lahat ng iyong credit card. Gayundin, kung ginamit ng magnanakaw ang iyong checking at savings account, baka kailanganin mong magbukas ng mga bagong account. Bukod pa riyan, baka kailanganin mong kumuha ng bagong mga ATM card at bagong personal na mga numerong pagkakakilanlan.
May Lunas Bang Natatanaw?
Ang mga pamahalaan, mga ahensiya ng pulisya, at mga institusyon sa pagpapautang ay nagmamadali sa paghahanap ng mga paraan upang mahadlangan ang pagnanakaw ng pagkakakilanlan. Sa ilang lugar, may mga panukalang batas na inaprobahan na doo’y ibinibilang ang krimeng ito na isang malubhang krimen (felony) at higit na nagsasanggalang sa personal na impormasyon. Ang iba pang high-tech na mga pamamaraan ay ipinanukala. Kasama rito ang paglalakip ng digital na tatak ng mga daliri sa mga card, mga ATM card na nakakakilala sa bakas ng palad o boses, chip card na makapag-iimbak ng personal na impormasyong pagkakakilanlan gaya ng uri ng dugo at tatak ng mga daliri, at mga card na may espasyo para sa pirma na hindi mabubura.
Bukod pa sa gayong masalimuot na mga paraan ng paghadlang, may praktikal na mga bagay na maaari mong gawin upang maipagsanggalang ang iyong sarili. (Tingnan ang kahon na “Kung Paano Maaaring Ipagsanggalang ang Iyong Sarili Mula sa Pagnanakaw ng Pagkakakilanlan.”) Lakip ang patiunang pag-iisip at maingat na pagpaplano, maaari mong bawasan ang panganib na manakawan ka ng pagkakakilanlan!
[Talababa]
a Sa maraming bansa, ang mga mamamayan at residente ay inaatasan ng isang uri ng numerong pagkakakilanlan. Ito’y maaaring gamitin hindi lamang bilang personal na pagkakakilanlan kundi para rin sa pagbabayad ng buwis at pagpapagamot. Sa Estados Unidos, ang mga mamamayan ay tumatanggap ng tinatawag na Social Security number. Ang termino para sa gayong numerong pagkakakilanlan ay nagkakaiba-iba depende sa bansa.
[Kahon sa pahina 21]
Kung Paano Maaaring Ipagsanggalang ang Iyong Sarili Mula sa Pagnanakaw ng Pagkakakilanlan
● Ibigay lamang ang iyong numerong pagkakakilanlan kung talagang kailangan.
● Huwag dalhin ang mga ekstrang credit card, ang iyong identification card, sertipiko ng kapanganakan, o pasaporte sa iyong bag o pitaka, maliban kung kailangan.
● Pagpunit-puniting mabuti ang mga aplikasyon sa pangungutang na patiunang inaprobahan bago itapon ang mga iyon. Gayundin ang gawin sa mga statement ng bangko, mga bill sa telepono, mga resibo ng credit card, at iba pa.
● Gamiting pantakip ang iyong kamay kapag gumagamit ng automated teller machine o kapag tumatawag nang long distance sa pamamagitan ng iyong phone card. Maaaring may mga ‘shoulder surfer’ sa malapit na may mga largabista o kamera.
● Maglagay ng de-kandadong buson upang maiwasan ang manakawan ng sulat.
● Kunin ang mga bagong tseke sa bangko sa halip na ipadala sa iyo ang mga iyon sa koreo.
● Mag-ingat ng listahan o kopya ng lahat ng numero ng mga credit account, at itago ito sa isang ligtas na lugar.
● Huwag na huwag mong ibibigay ang numero ng iyong credit card o iba pang personal na impormasyon kapag nakikipag-usap sa telepono malibang nagtitiwala ka sa kompanya at ikaw ang tumawag.
● Isaulo ang iyong password. Huwag kang magtatago ng nakasulat na rekord ng mga password sa iyong bag o pitaka.
● Regular na kumuha ng kopya ng iyong credit report kung posible.
● Ipatanggal ang iyong pangalan mula sa promosyonal na listahan na pinangangasiwaan ng mga kawanihang nagbibigay ng credit report at niyaong mga nagpapautang.
[Larawan sa pahina 20]
Minamanmanan ng mga ‘shoulder surfer’ ang kanilang mga biktima habang pumipindot ng mga numero sa mga teleponong pampubliko o sa mga automated teller machine
[Larawan sa pahina 21]
Ang mga ‘dumpster diver’ ay naghahalukay ng basura upang makapagnakaw ng personal na impormasyon