Pagmamasid sa Daigdig
Naaapektuhan ng Isip ang Puso
Ang kaigtingan sa isip ay nagpapalaki sa panganib na muling atakihin sa puso, sabi ng Tufts University Health & Nutrition Letter, ngunit “dumarami ang ebidensiya na ang isip ay may ginagampanan ding papel sa unti-unting pagkakaroon ng sakit sa puso.” Ipinakikita ng kamakailang mga pag-aaral na “ang mga taong madaling magalit ay halos tatlong beses na mas malaki ang panganib kaysa sa iba na dumaranas ng atake sa puso o namamatay sa sakit sa puso” at “lumilitaw na ang mga bunga ng pagiging magagalitin ay nakaaapekto nang maaga sa buhay.” Pinipinsala ng kaigtingan ang kalamnan ng puso at ang daluyan ng dugo na tumutustos at pumapalibot sa puso. Maaaring palakihin ng panlulumo ang panganib ng atake sa puso o iba pang sakit sa puso nang mahigit sa 70 porsiyento. Ngunit kung ang isang tao ay may mataas na antas ng suporta mula sa lipunan—pamilya at mga kaibigan—ang mga epekto ng panlulumo ay maaaring mabawasan, ang sabi ng mga mananaliksik.
Isang Pinagtatalunang Pagpili
Noong Setyembre 2000, itinuloy ni Pope John Paul II ang pagbibigay ng relihiyosong karangalan kay Pius IX (papa, 1846-78). Sa pahayagang Katoliko na La Croix, binanggit ng istoryador na Pranses na si René Rémond na si Pius IX ay gumawa ng “mga desisyon na nakagigitla sa ebanghelikal na isipan—tulad ng pagpapahintulot sa pagpatay sa makabayang mga Italyano na sinentensiyahan ng kamatayan dahil sa pag-aalinlangan ng mga ito sa kaniyang kapangyarihan bilang pinuno ng Estado.” Tinatawag na ang “huling monarkang Europeo na may ganap na kapangyarihan,” binanggit ng pahayagang Le Monde ang kawalan ng pagpaparaya ng haring papa na ito at lalo na ang kaniyang paglaban sa “kalayaan ng budhi, karapatang pantao, at sa pagpapalaya sa mga Judio.” Idinagdag pa ng pahayagan na “tinuligsa [ni Pius IX] ang demokrasya, kalayaan sa relihiyon, at paghihiwalay ng Simbahan at Estado” at gayundin ang “kalayaan sa pamamahayag, pag-iisip, at pakikisama.” Si Pius IX ang nagbukas ng unang konseho ng Batikano noong 1869, kung saan itinakda ang doktrina ng kawalang-pagkakamali ng papa hinggil sa pananampalataya at moral.
Masisipag na Tagahukay
Dapat na mapaglabanan ng mga magsasaka sa Chile ang coruro, isang maliit, maitim, at mabalahibong daga na naghuhukay ng mga tunel sa pang-ibabaw na lupa na may 600 metro ang haba. Kamakailan, isang masusing pag-aaral ang ginawa sa malawak at nagsasangang sistema ng tunel ng mga ito. Dalawang soologo, isa na galing sa University of Essen, Alemanya, at ang kaniyang kasama na taga-Chile, ang lubos na nagdukal sa tirahan ng isang kolonya ng 26 na hayop. Sa mga bodega ng pagkain, nasumpungan nila ang 5,000 ulo ng halaman, na inimbak para sa panahon ng tag-init. Ang sistema ng tunel ay may kalakip ding mga pugad na silid na may sapin na yari sa damo at mga bag na plastik. Gayunman, bagaman tila nakatutuwa at kamangha-mangha ang maliliit at maiitim na hayop na ito na may nakausling mga ngipin, itinuturing ng mga magsasaka ang mga ito bilang peste. Madalas na napipilayan ang mga baka kapag natapakan ng mga ito ang ibabaw ng isang tunel at bigla itong gumuho.
Iyang Kahanga-hangang Panirang-Damo—Ang Dandelion
Ang mga dandelion “ay may panlalait na tinaguriang Numero Unong Kaaway ng Bayan ng mga superintendente ng mga golf course at ng mga metikulosong nagmamay-ari ng mga damuhan saanmang dako” at bilang “ang panirang-damo na hindi mawala-wala,” sabi ng The News ng Mexico City. Gayunman, ang dandelion “ay isa sa pinakakapaki-pakinabang na halaman sa daigdig” at malaki ang maitutulong nito sa iyong kalusugan at diyeta. Mayaman sa Bitamina A at sa potassium, mas masustansiya ang dandelion kaysa sa broccoli o spinach. Napapakinabangan ang lahat ng mga bahagi nito. Ang mga murang dahon ay maaaring gamitin bilang gulay sa mga salad o sa halos kahit na anong resipi na nangangailangan ng spinach; ang tuyo at inihaw na mga ugat, para sa isang tulad-kapeng inumin; at ang mga bulaklak, para sa alak. Sa kasaysayan, ang dandelion ay ginagamit bilang isang inumin na pampalakas at pampalinis ng atay, bilang pandalisay at pamparami ng dugo, at bilang isang di-matapang na pampaihi. Ang dandelion ay “isa sa anim na pangunahing halaman sa kabinet ng gamot ng Tsino,” pahayag ng The News. At para sa mga tao na may damuhan o malapit sa pastulan, makukuha ang mga dandelion nang walang bayad.
Pagkatunaw ng Yelo sa Andes
Sa nakalipas na 67 taon, ang ilan sa mga glacier sa mga Bundok ng Andes sa Peru ay bumaba mula 850 hanggang 1,500 metro, ulat ng pahayagan ng Lima na El Comercio. Ayon sa mga pag-aaral ng isang Pranses na nag-aaral ng glacier na si Antoine Erout, sa loob lamang ng 20 taon, ang pagkatunaw ng yelo ay nakalikha ng mahigit na 70 bagong lawa—na ang ilan ay malamang na umapaw at sumira sa likas na mga prinsa ng mga ito. Ang pagkatunaw ng yelo ng glacier at niyebe ay nangangahulugan ng pag-unti ng tubig-tabang na ginagamit sa mga bukirin, mga proyekto sa pagpapatubig, at mga plantang hydroelectric. Ang mga pinagkukunan ng tubig na ito ay ang pangunahing pinagmumulan din ng tubig na maiinom para sa tatlong kabiserang Latino-Amerikano: Lima, Peru; Quito, Ecuador; at La Paz, Bolivia. “Maguguniguni mo ba kung ano ang mangyayari kung ang mga depositong iyon ng niyebe at yelo ay mawala?” tanong ng El Comercio. Ipinahiwatig ni Erout na ang ilan sa mga pangunahing sanhi ng suliraning ito ay ang pagbabago ng klima na nauugnay sa likas na pangyayari na El Niño.
“Sudden Wealth Syndrome”
“Ang bilang ng mga milyunaryo sa Estados Unidos at Canada ay tumaas nang halos 40% mula noong 1997 na naging 2.5 milyon,” sabi ng pahayagang National Post ng Canada. Sinabi rin ng pahayagan na ang high-tech na daigdig ang nagpapangyaring maging napakayaman ng maraming kabataan. Gayunman, ayon sa sikologong si Dr. Stephen Goldbart, hindi kayang pangasiwaan ng ilan ang kanilang biglang pagyaman. “Maaaring sirain nito ang kanilang buhay, wasakin ang kanilang pamilya at akayin sila sa isang landas ng nakapipinsalang paggawi. Hindi laging nagdudulot ng kapayapaan at kasiyahan ang pera,” sabi ni Goldbart. Ayon sa ilang sikologo, nakalikha ang high-tech na daigdig ng “isang bagong sakit—sudden wealth syndrome,” na nakikita mismo sa matinding panlulumo, mga pagsumpong ng pagkataranta, at di-pagkakatulog. Gaya ng binanggit sa Post, “nakokonsiyensiya ang mga bagong mayayaman hinggil sa pagkakaroon ng napakaraming pera at nadarama nilang hindi sila karapat-dapat na magkaroon ng ganoong pera, o na hindi sila nararapat na maging mayaman.” Ang iba ay nagiging paranoid at natatakot na sila’y pagsamantalahan. Iminumungkahi ni Dr. Goldbart na ang mayayaman na di-maliligaya ay makisama sa komunidad at hindi lamang basta pumirma sa mga tseke para sa mga kawanggawa.
Sobrang Paggamit ng mga Antibiyotiko
“Paulit-ulit na ipinagwawalang-bahala ang mga babala ng mga opisyal sa kalusugan hinggil sa sobrang paggamit ng mga antibiyotiko,” sabi ng magasing New Scientist. “Isang surbey sa 10 000 katao mula sa siyam na estado sa Estados Unidos ang nagsiwalat na 32 porsiyento ang naniniwala pa rin na nakapagpapagaling sa sipon ang pag-inom ng mga antibiyotiko, 27 porsiyento ang nag-iisip na kapag may sipon, mapipigilan ng pag-inom ng mga antibiyotiko ang mas malubhang sakit, at 48 porsiyento ang umaasang irereseta sa kanila ang mga antibiyotiko kapag nagpatingin sila sa doktor para sa mga sintomas ng sipon.” Gayunman, hindi tumatalab ang mga antibiyotiko sa mga sakit na dulot ng virus, tulad ng sipon. Tumatalab lamang ang mga ito sa mga sakit na dulot ng baktirya. Ang sobrang paggamit ng antibiyotiko ay itinuturing na isang pangunahing sanhi ng mga karamdamang hindi tinatablan ng gamot. (Tingnan ang Gumising! ng Disyembre 22, 1998, pahina 28.) Sabi ni Brian Spratt ng Oxford University: “Kailangan nating maghanap ng mas mabisang paraan upang maipaabot ang tamang mensahe.”
Ang Pambihirang Insekto sa Yelo
“Ang isa sa mga unang larawan na ilalathala hinggil sa isang bihira at mahirap maunawaang ‘insekto sa yelo’ na nakatira sa Rockies at sa mga bahagi ng Russia ay lilitaw sa bagong akda na Handbook of Insects,” ulat ng The Sunday Telegraph ng London. Ang insektong ito sa mga bundok ng hilaga ay nabubuhay sa matataas na mga lugar na ang kinakain ay patay na nasila o mga bahagi ng insekto na tinangay ng hangin. Ang insekto ay kulay mapusyaw na tsokolate at dilaw, na may mahahabang antena ngunit walang mga pakpak, at ang mga anak nito ay medyo kahawig ng insektong earwig na hindi pa malaki. May sukat na 3 sentimetro ang haba, ito ay bahagi ng isang pangkat ng mga insekto na natuklasan halos 100 taon na ang nakalipas. “Lubos itong nakababagay sa napakalamig na kapaligiran nito anupat mamamatay ito sa heatstroke kapag hinawakan ng kamay ng tao,” ang paliwanag ng pahayagan. Si Dr. George McGavin ng Museum of Natural History ng Oxford University, ang awtor ng handbuk, ay nagsabi na wala pa sa ikalimang bahagi ng mga insekto sa daigdig ang nakikilala sa ngayon.
Bakit May Caffeine ang mga Soft Drink?
“Kung hindi napasasarap ng caffeine ang lasa ng mga soft drink, para saan ito?” tanong ng magasing New Scientist. “Natuklasan ng mga siyentipiko sa Johns Hopkins University sa Baltimore na 2 lamang mula sa 25 adulto na umiinom ng cola ang nakalalasa ng kaibahan ng inuming may caffeine at yaong walang caffeine.” Gayunman, 70 porsiyento ng 15 bilyong lata ng inuming carbonated na nainom ng mga Amerikano noong 1998 ang may caffeine. Sa isang naunang pag-aaral, ang psychopharmacologist na si Roland Griffiths at ang kaniyang mga kasama ay “nakasumpong ng ebidensiya ng hirap na dulot ng paghinto sa pag-inom ng mga soft drink sa mga bata na pinagkaitan ng kanilang karaniwang dami ng soft drink na may caffeine.” Sinabi ni Griffiths: “Nagdaragdag sila ng isang drogang di-gaanong nakasusugapa, isa na tiyak na sanhi ng katotohanan na ang mga tao ay umiinom ng lubhang maraming soda na may caffeine kaysa sa walang caffeine.”