Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g01 4/8 p. 8-10
  • Ano ang Magiging Kinabukasan ng mga Lunsod?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ano ang Magiging Kinabukasan ng mga Lunsod?
  • Gumising!—2001
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Kamatayan ng Lunsod?
  • Ano ang Magiging Kinabukasan ng mga Lunsod?
  • Pagpapalit ng Pangangasiwa
  • Mga Lunsod—Bakit Dumaranas ng Krisis?
    Gumising!—2001
  • “Magtayo Tayo ng Isang Lungsod Natin”
    Gumising!—1994
  • “Ang Lungsod ay Punô ng Pang-aapi”
    Gumising!—1994
  • Ang Hamon ng Pagpapakain sa mga Lunsod
    Gumising!—2005
Iba Pa
Gumising!—2001
g01 4/8 p. 8-10

Ano ang Magiging Kinabukasan ng mga Lunsod?

“ANG pagmamasid sa ating mga lunsod ay pagtanaw sa ating kinabukasan.” Ganiyan ang sinabi ni Ismail Serageldin ng World Bank. Ngunit sa mga nakita natin hanggang sa puntong ito, ang kinabukasang iyon ay hindi maaliwalas.

Kapuri-puri naman na may ginagawang mga seryosong pagsisikap upang pabutihin ang buhay sa maraming lunsod. Kamakailan ay natapos sa New York City ang pagpapaganda sa Times Square sa Manhattan. Ito’y dating bantog sa mga puwestong may kaugnayan sa pornograpya, sa pag-aabuso sa droga, at sa krimen. Nakahanay ngayon sa mga kalsada ang mga bagong tindahan at sinehan, na umaakit sa libu-libong bumibisita. Ang Naples, Italya, “isang maningning at maunlad na lunsod na dating karanggo ng London at Paris,” ayon sa magasing National Geographic, ay dumanas ng pagkasira noong Digmaang Pandaigdig II. Ang Naples ay naging mistulang simbolo ng krimen at kaguluhan. Gayunman, nang mapili ang lunsod upang pagdausan ng isang komperensiyang pampulitika noong 1994, ito’y waring muling isinilang dahil sa malakihang pagkumpuni na isinagawa sa sentro ng lunsod.

Sabihin pa, ang pagkakaroon ng mga lunsod na mas ligtas at mas malinis ay may kabayaran. Ang dagdag na kaligtasan ay madalas na nangangahulugan ng mas maraming pulis. Maaaring ang isa pang kabayaran ay ang kawalan ng privacy. Ang ilang pampublikong lugar ay patuloy na minamanmanan ng mga kamera ng TV at mga pulis na nakasibilyan. Habang bumabagtas ka sa isang parke at dumaraan sa mga fountain, mga eskultura, o mga nakatanim na bulaklak, maaaring hindi mo namamalayan na dumaraan ka sa mga checkpoint na panseguridad.

Kung minsan, ang mga pagbabago ay humihiling din ng malaking kabayaran mula sa mga dukha. Isaalang-alang ang tinatawag ng ilan na gentrification​—ang proseso ng paglipat ng mga pamilyang nakaririwasa sa mga dating lugar ng mahihirap. Ang gentrification ay resulta ng nagbabagong ekonomiya​—isang “pagbabago mula sa mga pabrika tungo sa mga serbisyo, mula sa pagdepende sa mga pangkaraniwang kasanayan tungo sa mga kagamitang awtomatiko.” (Gentrification of the City, isinaayos nina Neil Smith at Peter Williams) Habang naglalaho ang mga trabahong manwal at lumalaki ang pangangailangan sa mga trabahador na propesyonal at teknikal, lumalaki rin ang pangangailangan sa kombinyenteng tirahan para sa nakaririwasa. Sa halip na magbiyahe patungo sa labas ng lunsod, mas gusto pa ng maraming propesyonal na kumikita ng malaki na magpaganda ng mga bahay sa mga pamayanan na dating tinitirhan ng mahihirap.

Sabihin pa, ang resulta nito’y malaking pagbuti ng kalagayan sa pamayanan. Ngunit habang bumubuti ang kalagayan sa mga pamayanan, tumataas naman ang halaga ng bilihin. Malimit na nasusumpungan ng mga dukha na hindi na nila abot-kaya ang manirahan sa mga pamayanan na doo’y maraming taon na silang nanirahan at nagtrabaho!

Kamatayan ng Lunsod?

Maaaring ngayon pa lamang nadarama sa mga lunsod ang mga puwersa ng pagbabago na likha ng mga bagong teknolohiya. Habang nagiging mas popular ang Internet bilang isang paraan ng pamimili at pangangalakal, ito’y maaaring magbunga ng malalaking pagbabago. Dahil sa mga bagong teknolohiya ay mas madali na para sa ilang negosyo ang lumipat sa labas ng lunsod​—at tangay nila ang kanilang maraming manggagawa.

Habang nagiging pangkaraniwan ang pamimili at pagtatrabaho sa pamamagitan ng computer, baka ayaw nang magbiyahe ng mga tao patungo sa masisikip na distrito ng negosyo. Ang aklat na Cities in Civilization ay nagpahiwatig: “Ating makikini-kinita na ang ibang manggagawang de-rutin, lalo na ang mga manggagawang part-time, ay magtatrabaho na lamang mula sa kanilang tahanan o sa mga istasyon ng trabaho sa malapit, . . . sa gayon ay makababawas sa pangkalahatang kapal ng trapiko.” Hinihinuha rin ng arkitektong si Moshe Safdie: “Sa bagong kalagayang ito, maaaring magkaroon tayo ng malawakang pangangalat ng milyun-milyon sa mga nayon, anupat nabibigyan ang mga indibiduwal sa lugar na iyon ng mga kaalwanan ng buhay-nayon at dahil sa elektronikong pamamaraan ay naibibigay sa kanila ang yamang pangkultura ng dakila at makasaysayang mga lunsod.”

Ano ang Magiging Kinabukasan ng mga Lunsod?

Maraming nagmamasid ang naniniwala na kahit walang teknolohiya, ang mga lunsod ay naglalaan ng mga serbisyo at kapakinabangan na patuloy na aakit sa mga tao. Anuman ang idudulot ng kinabukasan, ang mga lunsod sa panahong ito ay nanganganib na ngayon! At walang natatanaw na lunas sa naglalakihang problema sa pabahay at sanitasyon para sa dumarami pang milyun-milyong dukha sa lunsod. Wala pa ring nakakatuklas ng paraan upang masugpo ang krimen, pagkasira ng kapaligiran, o polusyon sa lunsod.

Ipangangatuwiran ng ilan na ang dapat lamang gawin ng mga pamahalaan ay gumugol ng mas maraming salapi para sa kanilang mga lunsod. Ngunit kung isasaalang-alang ang rekord ng maraming pamahalaan sa pangangasiwa sa kanilang kayamanan, makatotohanan bang isipin na ang lunas sa mga problema ng mga lunsod ay nakasalalay lamang sa pinansiyal na kakayahan? Ilang dekada ang nakararaan, ang aklat na The Death and Life of Great American Cities ay nagsabi: “May mapangaraping haka-haka na kung mayroon lang sana tayong sapat na salaping magugugol . . . , maaalis natin ang lahat ng ating mga lugar ng iskuwater . . . Ngunit tingnan kung ano na ang naitayo natin sa unang ilang bilyon: Mga proyektong para sa mahihirap na nagiging mas masasamang sentro ng delingkuwensiya, bandalismo at pangkalahatang kawalang-pag-asa sa lipunan kaysa sa mga lugar ng iskuwater na dapat sanang hinalinhan ng mga ito.” Ang mga salitang ito ay waring totoo pa rin.

Ngunit kung hindi salapi ang lunas, ano nga ba talaga? Dapat nating tandaan na ang mga lunsod ay binubuo ng mga tao, hindi lamang ng mga gusali at kalsada. Kaya sa katapus-tapusan, mga tao ang dapat magbago upang mapabuti ang buhay sa lunsod. “Ang pinakamahusay na ekonomiya ng isang lunsod ay ang pangangalaga at pagpapaunlad sa mga tao,” sabi ni Lewis Mumford sa The City in History. At kung ang pag-aabuso sa droga, prostitusyon, polusyon, pagkasira ng kapaligiran, kawalang-katarungan sa lipunan, bandalismo, graffiti, at mga katulad nito ay susugpuin, higit pa ang kailangan kaysa sa pagkakaroon ng mas maraming pulis o ng bagong pahid ng pintura. Dapat tulungan ang mga tao na gumawa ng malalaking pagbabago sa kanilang pag-iisip at paggawi.

Pagpapalit ng Pangangasiwa

Ang pagpapatupad ng gayong malalaking pagbabago ay malinaw na hindi kaya ng mga tao. Kaya ang mga pagsisikap na lutasin ang mga problema ng mga lunsod sa ngayon​—gaano man kabuti ang kanilang intensiyon​—ay mabibigo sa dakong huli. Ngunit ang mga estudyante ng Bibliya ay hindi nasisiraan ng loob sapagkat minamalas nila ang mga pangkasalukuyang suliranin ng mga lunsod bilang isa pang halimbawa ng kawalang-kakayahan ng tao na pangasiwaan nang wasto ang ating planeta. Ang napakalalawak at magugulong lunsod sa ngayon ay mariing nagpapatingkad sa mga salita ng Bibliya sa Jeremias 10:23: “Ang lakad ng makalupang tao ay hindi sa kaniyang sarili. Hindi sa taong lumalakad ang magtuwid man lamang ng kaniyang hakbang.” Ang mga pagsisikap ng tao na pamahalaan ang kaniyang sarili ay nagbunga ng malawakang pagdurusa​—mga problemang itinatawag-pansin lamang ng ating mga lunsod.

Kung gayon, ang mga naninirahan sa mga lunsod sa buong daigdig ay magtatamo ng kaaliwan sa pangako sa Bibliya na nakaulat sa Apocalipsis 11:18, na ‘ipapahamak [ng Diyos] yaong mga nagpapahamak sa lupa.’ Sa halip na maging negatibo, ito’y tumutukoy sa isang positibong kinabukasan para sa sangkatauhan. Ipinangangako nito na hahawakan na ng Diyos ang pangangasiwa sa ating planeta sa pamamagitan ng isang pamahalaan, o Kaharian. (Daniel 2:44) Hindi na mamumuhay ang milyun-milyon sa di-maguniguning karalitaan, anupat walang maayos na tahanan at simpleng sanitasyon, walang dignidad, at walang pag-asa. Sa ilalim ng pamumuno ng pamahalaan ng Diyos, ang mga tao ay magtatamasa ng materyal na kasaganaan, ganap na kalusugan, at maiinam na tahanan.​—Isaias 33:24; 65:21-23.

Ang bagong sanlibutang ito ang tanging tunay na lunas sa mga problema ng mga lunsod sa ngayon.

[Mga larawan sa pahina 8, 9]

May ginagawang mga seryosong pagsisikap upang pabutihin ang buhay sa maraming lunsod

Naples, Italya

New York City, E.U.A.

Sydney, Australia

[Credit Line]

SuperStock

[Larawan sa pahina 10]

Ang bagong sanlibutan ng Diyos ay naglalaan ng lunas sa mga problema ng mga naninirahan sa mga lunsod sa ngayon

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share