Mula sa Aming mga Mambabasa
Patotoo ng Paglalang Yamang nagtatrabaho akong kasama ng mga siyentipiko sa loob ng maraming taon, lagi akong naiinis sa kanilang mga pag-aangkin na ang paniniwala sa paglalang ay napakasimple. Ang seryeng “Nakikita ang Higit Pa sa Nakikita ng Iyong Mata” (Agosto 22, 2000) ang ganap na kasagutan sa gayong mga pag-aangkin. Sa ilang pahina lamang, naglaan kayo ng kapani-paniwalang patotoo ng paglalang. Dapat papurihan ang Gumising! sa kalibre ng pagsulat at pananaliksik nito.
B. E., New Zealand
Nakikipag-aral ako ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova, at ang aking pananampalataya sa pag-iral ng Diyos ay talagang napatibay nang isaalang-alang ko ang impormasyon hinggil sa mga atomo, selula, at DNA.
T. K., Hapon
Ngayon ay kaya ko nang ipaliwanag kung bakit tayo may mga bahaghari, kung bakit luntian ang damo, at kung ano ang atomo! Bagaman ang Gumising! ay hindi isang magasin sa siyensiya, tinutukoy nito ang makasiyensiyang patotoo na umaalalay sa paniniwala sa isang Maylalang.
M. F., Estados Unidos
Paggaling Kahit Walang Pagsasalin ng Dugo Ang artikulong “Depende sa Budhi” (Agosto 22, 2000) ay labis na nakaantig sa akin. Nasumpungan ko ang aking sarili sa gayung-gayon na kalagayan nang masuri akong may acute promyelocytic leukemia. Ang sumunod na nangyari sa akin ay halos kagayang-kagaya ng nangyari kay Darlene. Sinabi sa akin na ilang araw na lamang ako mabubuhay. Tatlong taon na ang nakalilipas mula noon.
A. B., Alemanya
Seksuwal na Panliligalig Nais kong ipahayag ang aking pagpapahalaga sa artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Paano Ko Pakikitunguhan ang Seksuwal na Panliligalig?” (Agosto 22, 2000) Napakarami nilang bansag sa akin noon sa paaralan dahil hindi ako nakikibahagi sa imoral na paggawi. Pagkatapos ng haiskul, akala ko’y matitigil na ang panliligalig, ngunit ang ilang babae ay nagbigay sa akin ng mga komento na mahalay ang pahiwatig. Ang pagpapabatid ko sa lahat ng aking mga paniniwalang Kristiyano ay nakatulong sa akin na mapaglabanan ang gayong mga alok. Salamat sa paglalaan sa amin ng espirituwal na pagkaing ito.
H. C., Zambia
Malaking tulong ang artikulo. Isang batang lalaki sa aming klase sa ikatlong-baitang ang laging nakatitig sa akin. Ngayon ay alam ko na kung ano ang gagawin.
H. K., Estados Unidos
Tamang-tama ang pagdating nito! Dumaranas ako ng seksuwal na panliligalig sa pinagtatrabahuhan ko. Nasasaid na ang emosyon ko. Nang malapit na akong sumuko, lumabas ang artikulong ito. Ngayon ay alam ko na kung paano pakikitunguhan ang mga tao sa trabaho.
L. T., Estados Unidos
Lunsod sa Russia Yamang ang aking kompanya ay may internasyonal na negosyo, nasisiyahan ako sa pagbabasa ng mga artikulo hinggil sa iba’t ibang bansa. Isa sa aking katrabaho ang may anak na lalaking nakatira sa Russia, kaya binanggit ko sa kaniya ang tungkol sa artikulong “Pagdalaw sa ‘Pinakamatandang Lunsod ng Russia.’” (Agosto 22, 2000) Tuwang-tuwa siyang matanggap ito, at matapos basahin ito ay humiling siya ng isa pang kopya ng Gumising! Ibinigay ko sa kaniya ang isyu ng Mayo 22, 2000, na may artikulong “Isang Kakaibang Orasan sa Prague.” Dahil dito ay tumanggap siya ng isang suskrisyon sa Gumising! Salamat sa paglalaan ng gayong mahalagang impormasyon.
S. O., Estados Unidos
Masabaw na Goulash? Binalak kong subukan ang resipe para sa Hungarian goulash sa artikulong “Ang Rekado na Galing sa Kabilang Panig ng Daigdig.” (Setyembre 8, 2000) Mabuti naman ang takbo ng lahat hanggang sa sabihin ng resipe na magdagdag ng dalawang litro ng tubig. Ang goulash ko ay nagmukhang sopas sa halip na nilaga na gaya ng ipinakikita sa larawan. Mali ba ang pagkaunawa ko sa resipe?
L. P., Canada
Hindi, nagkamali kami sa pagtawag dito na nilaga, yamang ang resipe sa katunayan ay para sa sopas na Hungarian goulash. Iminumungkahi ng ilang aklat sa pagluluto na gumamit ng mas kaunting tubig kaysa sa inirekomenda namin. Gayunman, kapansin-pansin na sinubukan ng ilang mambabasa ang resipe at sumulat sila upang sabihin na lubos silang nasiyahan dito!—ED.