Mangyayari Kayang Muli ang Holocaust?
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA SWEDEN
NOONG Enero 26-28, 2000, ang mga pinuno ng Estado at iba pang mga kinatawan ng 48 pamahalaan mula sa buong daigdig ay nagtipun-tipon sa kabisera ng Sweden para sa Stockholm International Forum on the Holocaust. Isiniwalat ng ilan sa mga pahayag mula sa entablado ang ikinatatakot ng mga lider sa daigdig na muling pagbangon ng Nazismo. Sinabi ng dating punong ministro ng Israel na si Ehud Barak: “Ang komperensiyang ito ay nagbibigay ng isang pandaigdig na mensahe: Huwag muling pahihintulutan kailanman, saanman sa balat ng lupa, ang isang rehimen ng kabalakyutan at pagpatay at pagtatangi sa mga tao salig sa kanilang relihiyon, lahi o kulay.”
Hindi Lamang Isang Alalahanin ng mga Judio
Iniuugnay ng maraming tao sa buong daigdig ang salitang “Holocaust” sa mga Judio lamang. Gayunman, ang iba ay mga biktima rin. Sa isang seremonya bilang pag-alaala ng mga Judio sa Holocaust na binigyan ng maraming publisidad at ginanap sa Great Synagogue of Stockholm sa panahon ng pagpupulong, iminungkahi ng punong ministro ng Sweden na gumawa ng isang kasunduan na lahat ng artsibo sa palibot ng daigdig ay buksan upang maliwanagan ang publiko hinggil sa Holocaust. “Ating alamin,” sabi niya, “ang hinggil sa paglipol sa lahi ng mga Roma [mga Hitano], ang lansakang pagpatay sa mga taong may kapansanan at ang pag-uusig at pagpatay sa mga homoseksuwal, sa mga tumututol at sa mga Saksi ni Jehova.”
Inilathala ng pamahalaan ng Sweden ang isang aklat hinggil sa Holocaust na pinamagatang Tell Ye Your Children, na ipinamahagi nang walang bayad sa buong bansa sa lahat ng sambahayan na may mga bata. Sinasabi ng publikasyong ito na ang mga Saksi ni Jehova ay “tumangging manumpa ng katapatan kay Hitler at sa Nazing Alemanya. Natatangi ang gayong paglaban yamang mapahihinto sana ang pag-uusig sa kanila kung pipirma lamang sila sa isang dokumento na nagpapahayag ng kanilang katapatan—gayunman ay kakaunti ang pumili nito.”
Ang Holocaust at ang mga Saksi ni Jehova
Noong 1933, may mga 25,000 Saksi ni Jehova sa Alemanya. Libu-libo sa kanila ang kabilang sa unang mga tao na ipinatapon sa mga kampo at mga bilangguan ng Nazi. Ipinahayag nila ang kanilang neutralidad bilang mga Kristiyano sa lahat ng uri ng gawaing pulitikal at pangmilitar. Hindi sila sumaludo kay Hitler. Tumanggi silang tanggapin ang ideolohiya ng Nazi na pagtatangi ng lahi at makibahagi sa organisasyon ni Hitler sa pulitika at militar. Mga 2,000 ang namatay, at mahigit sa 250 sa mga ito ay sa pamamagitan ng hatol na kamatayan.
Karagdagan pa, tinulungan ng mga Saksing bilanggo ang mga kapuwa bilanggo na magbata, kalakip na ang mga Judio at iba pa. Ginawa nila ito sa pamamagitan ng pagkikintal sa kanila ng salig-Bibliyang pag-asa at sa pamamagitan ng pagbabahagi ng anumang taglay nila sa mga maysakit at mahihina, na kadalasan ay ibinibigay ang ilan sa kanilang huling piraso ng tinapay. Noong unang mga taon ng pag-uusig ng Nazi, ipinuslit din nila palabas sa nasasakupan ng mga Nazi ang impormasyon hinggil sa pag-iral ng mga kampong piitan at hinggil sa nangyayari sa loob ng mga ito. Mula noon, sa kanilang mga magasing ipinamamahagi sa buong daigdig, Ang Bantayan at ang Gumising!, nakapaglathala sila ng maraming artikulo hinggil sa mga kalupitan ng Nazi at gayundin, mga talambuhay ng mga nakaligtas.
Ang takot sa muling pagbangon ng Nazismo ay nakita sa mga delegado sa Stockholm International Forum on the Holocaust. Si Propesor Yehuda Bauer, direktor ng International Center for Holocaust Studies sa Institute of Contemporary Jewry, sa Israel, ay nagpahayag ng ganito: “Yamang nangyari na ito minsan, maaari itong mangyari muli, hindi sa gayunding anyo, hindi kinakailangan na sa gayunding mga tao, hindi sa pamamagitan ng gayunding mga tao, ngunit sa kahit sino sa pamamagitan ng kahit sinuman. Wala pa itong nakakatulad na pangyayari, ngunit nariyan na ngayon ang parisan.”
[Larawan sa pahina 12]
Ang lilang tatsulok ang naging pagkakakilanlan ng mga Saksi ni Jehova sa mga kampo
[Mga larawan sa pahina 12, 13]
1. Si Julius Engelhardt, isa sa mga Saksi ni Jehova, ay pinatay ng mga Nazi sa Brandenburg noong Agosto 14, 1944
2. Tatlong Saksi ni Jehova ang pauwi na pagkaraang mapalaya mula sa Sachsenhausen, 1945
3. Si Elsa Abt, isang Saksi na inihiwalay sa kaniyang munting anak na babae at ibinilanggo sa loob ng halos tatlong taon
[Credit Line]
Nordrhein-Westfälisches Hauptstaatsarchiv, Düsseldorf
[Mga larawan sa pahina 13]
Sa mga video na ito, inilahad ng mga Saksing nakaligtas ang kuwento nila