Sino ang Dumanas ng Katakut-takot na Hirap sa “Holocaust”?
NOONG Hunyo ang Kongreso ng mga Judiong Amerikano ay nagpadala ng isang bukás na liham kay Papa John Paul II. Ito’y inilathala sa The New York Times, Hunyo 26. Tinutulan nito ang pakikipagkita ng papa kay Kurt Waldheim, ang presidente ng Austria, na pinararatangan ng pagiging kasangkot sa pagpatay ng mga Nazi sa mga Judio noong Digmaang Pandaigdig II. Si Waldheim ay sinipi bilang ang simbolo “ng kasalukuyang mga pagsisikap upang bawasan, palsipikahin at kalimutan ang Holocaust.”
Pagkatapos kilalanin na ang katakut-takot na hirap ng Holocaust ay hindi na mababawi, ang liham ay nagsasabi: “Subalit tiyak ang pinakasagradong kagalingan ng ating salinlahi ay ang alaala: huwag kalimutan kung paanong ang katahimikan ay naging pagwawalang-bahala, ang pagwawalang-bahala ay naging pakikipagsabwatan, at sa wakas ay naging isang masamang panaginip ng pagpatay sa angaw-angaw.” Si Waldheim, sabi ng liham, “ay nagnanais na ipadama sa mga biktima ng Holocaust ang pangwakas na insulto ng pagkamakalilimutin.” Ang papa ay saka pinagsalitaan nang masakit sapagkat kaniyang “isinaisang-tabi ang moral na prinsipyo” at kaniyang tinanggap si Waldheim sa Vaticano. Ang sulat ay nagpapatuloy:
“Posible kaya, Inyong Kamahalan, na sa pagkamalilimutin ni Waldheim [tungkol sa Holocaust] ay mayroong isang alingawngaw, gaano man kalayo, tungkol sa pagkamalilimutin din ng Simbahan? Pinakitunguhan ba ng Inyong Kamahalan ang pagwawalang-bahala ng mga simbahang Katoliko sa Europa tungkol sa sinapit ng mga Judio noong Digmaang Pandaigdig II? Walang anumang nabanggit tungkol sa paksang ito sa alinman sa inyong mga pagdalaw sa iba’t ibang bansa sa Europa at sa mga Kampo ng Kamatayan. Sa kabila ng pambihirang kabayanihan ng napakaraming indibiduwal na mga Katoliko, hindi ba’t totoo na, kasama ng maraming iba pa sa daigdig, ang opisyal ng mga simbahan ay lubhang tahimik at pinabayaan ang mga Judio sa kanilang katakut-takot na hirap? At kung ang Simbahan, na inaasahan ng angaw-angaw para sa moral na patnubay, ay ayaw harapin ang katotohanan tungkol sa nakalipas nito, kung hindi nito matutugunan ang mga kahilingan ng sagradong alaala, anong pag-asa mayroon para sa iba?”
Mangyari pa, ang tangkang paglipol sa angaw-angaw na mga Judio ay humihiling na ito’y alalahanin. Subalit mag-isip na sumandali. Kapag binabanggit ng liham ang
Holocaust, hindi ba’t ito’y natatanging inihaharap bilang isang Judiong holocaust? Hindi ba’t ang mga simbahang Katoliko ang pinararatangan ng pagwawalang-bahala “sa sinapit [lamang] ng mga Judio”? At sang-ayon sa liham na ito, hindi ba’t pinabayaan ng ‘maraming iba pa sa daigdig at ng iba pang mga relihiyon’ “ang mga Judio sa kanilang katakut-takot na hirap?” Mga Judio ba lamang? Hindi ba’t karagdagan pa sa mga Judio ang iba pa ay naghirap din?
Ipinakikita ng aklat na The Forgotten Holocaust na may tatlong milyong di-Judiong mga Polako ang nakasali sa Holocaust. Binabanggit ng A History of Modern World ang angaw-angaw na iba pang mga tao na nasangkot dito. Kahit na sa mga Saksi ni Jehovang Aleman, ang mga babasahing hindi-Saksi ay nag-ulat na “mga 10,000 Saksi ang ibinilanggo” at “mahigit na dalawang libo ang namatay sa mga kampong piitan.”
Samakatuwid, ang Holocaust ay hindi dapat ituring na isang pagsalakay sa mga Judio lamang. Si Hitler ay determinadong lipulin ang anumang grupo ng mga tao na hindi sumusunod sa kaniyang Aryan na doktirna ng kahigitan. Ang mga Saksi ni Jehova ay nakasama rito sapagkat sila’y naniniwala at ikinakapit nila ang simulain ng Bibliya sa Gawa 17:26, 27.