Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g89 4/8 p. 9-11
  • Ang Holocaust—Ang Limot Nang mga Biktima

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Holocaust—Ang Limot Nang mga Biktima
  • Gumising!—1989
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Kasakiman ni Hitler sa Tirahang Lugar
  • “Negatibong Patakarang Demograpiko”
  • Ang Holocaust—Oo, Talagang Nangyari Ito!
    Gumising!—1989
  • Mangyayari Kayang Muli ang Holocaust?
    Gumising!—2001
  • Sino ang Dumanas ng Katakut-takot na Hirap sa “Holocaust”?
    Gumising!—1987
  • Bakit Nangyari ang Holocaust? Bakit Hindi Ito Pinigilan ng Diyos?
    Sagot sa mga Tanong sa Bibliya
Iba Pa
Gumising!—1989
g89 4/8 p. 9-11

Ang Holocaust​—Ang Limot Nang mga Biktima

“Ang patakaran ng mga Nazi na lansakang pagpatay ay nagbunga ng kamatayan ng halos magsindaming Polakong Gentil at Polakong Judio, sa gayo’y ginagawa silang magkasamang-biktima sa isang ‘Limot Nang Holocaust.’”​—“The Forgotten Holocaust,” ni Richard C. Lukas

HOLOCAUST​—ano ang ibig sabihin nito? Sang-ayon sa ilang diksiyunaryo, ito ang lansakang pagpatay ng mga Nazi sa mga Europeong Judio noong panahon ng Digmaang Pandaigdig II. Agad itong nagbibigay ng impresyon na tanging ang mga Judio lamang ang naghirap at namatay sa kamay ng mga Nazi. Gayunman, makatuwiran at makatotohanan bang sabihin na ang “Holocaust” ay kumakapit lamang sa mga biktimang Judio noong panahon ng Nazi?

Sabi ng manunulat na si Richard Lukas: “Ang salitang Holocaust ay nagpapahiwatig sa karamihan ng mga tao ng trahedyang dinanas ng mga Judio sa ilalim ng mga Aleman noong Digmaan Pandaigdig II. Mula sa sikolohikal na pangmalas, mauunawaan kung bakit pinipili ng mga Judio ngayon na ang kataga ay natatanging tumukoy sa karanasang Judio . . . Gayunman, sa hindi pagsasali sa iba sa Holocaust, ang mga kakilabutan na tiniis ng mga Polako, ng ibang mga Slavo, at mga Hitano sa kamay ng mga Nazi ay kadalasang winawalang-bahala, kung hindi man kinalilimutan.”

Binanggit din ni Lukas: “Sa kanila [mga mananalaysay], ang Holocaust ay natatangi sa mga Judio, at sila samakatuwid ay may kaunti o walang masabi tungkol sa siyam na milyong mga Gentil, pati na ang tatlong milyong Polakong [Gentil], na naglaho rin sa pinakamalungkot na pangyayaring kailanman’y nakilala ng daigdig.”

Ang Kasakiman ni Hitler sa Tirahang Lugar

Nang salakayin ng mga hukbo ni Hitler ang Poland noong Setyembre 1939, sila’y pinag-utusan na isagawa ang patakaran ni Hitler na pagkuha ng Lebensraum, tirahang lugar, para sa mga Aleman. Gaya ng pagkakasabi ni Richard Lukas: “Sa mga Nazi, ang mga Polako ay Untermenschen (mababa-sa-tao) na sumasakop sa lupain na bahagi ng Lebensraum (tirahang lugar) na pinag-iimbutan ng superyor na lahi ng Aleman.” Sa gayon, inautorisa ni Hitler ang kaniyang tropa upang patayin “nang walang awa o habag ang lahat ng lalaki, babae, at mga bata na may Polakong pinagmulan o wika. Sa ganitong paraan lamang makukuha natin ang tirahang lugar na kailangan natin.”

Noong Setyembre 1939 nagsimula ang walang lubay na malaking takot para sa mga Polako. Sinabi ni Hitler: “Ang digmaan ay magiging isang digmaan ng paglipol.” Ang tauhan ni Hitler na si Heinrich Himmler ay nagsabi: “Lahat ng Polako ay maglalaho sa daigdig. . . . Mahalaga na isaalang-alang ng maraming Aleman na isang malaking atas na lipulin ang lahat ng Polako.” Kaya, ang Holocaust ay hindi lamang nilayon sa mga Polakong Judio, ito’y nilayon sa “lahat ng Polako.”

“Malaking takot ang isinagawa sa lahat ng nasakop na mga bansa. . . . Subalit sa Poland ang lahat ay madalas na dumanas ng gayong kalupitan, at lansakang mga pagpatay batay sa simulain ng panlahat na pagkakasala, sapagkat ang bawat Polako, anuman ang edad, sekso, o kalusugan, ay miyembro ng isang hinatulang bansa​—hinatulan ng mga tagagawa-patakaran sa partido at pamahalaan ng Nazi,” sabi ni Catherine Leach, tagasalin ng aklat Polako na Values and Violence in Auschwitz. Sinabi niya na ipinalalagay ni Himmler ang mga Polako na mas mababang lahi na dapat panatilihin sa pagkaalipin.

“Kahit na pagkatapos sumuko ng Poland [Setyembre 28, 1939], patuloy na dinibdib ng Wehrmacht [hukbong Aleman] ang utos ni Hitler noong Agosto 22, 1939, nang bigyan niya ng karapatan ang pagpatay “nang walang awa o habag sa mga lalaki, babae, mga bata na may Polakong pinagmulan o wika.’” Paano naudyukan ang mga sundalong Aleman at ang SS sa gayong walang-awang mga pagpatay? Sa pamamagitan ng pagpuno sa kanilang isipan ng turo tungkol sa kahigtan ng lahing Aryan at ang pagiging mababa ng lahat ng iba pa. Kaya, gaya ng pagkakasabi rito ni Lukas sa The Forgotten Holocaust: “Ang teoriya ng Nazi na kolonyal na imperyo sa Polako ay salig sa pagkakait ng makataong pagtrato sa mga Polako na, kasunod ng mga Judio, ay lubhang kinapootan ni Hitler.”

“Negatibong Patakarang Demograpiko”

Sa kaniyang introduksiyon sa aklat na Commandant of Auschwitz, si Lord Russell ng Liverpool ay nagsabi: “Noong panahon ng digmaan malamang na hindi kukulangin sa labindalawang milyong mga lalaki, babae, at mga bata mula sa sinalakay at sinakop na mga teritoryo ay pinatay ng mga Aleman. Sa isang katamtamang tantiya, walong milyon sa kanila ang namatay sa mga concentration camp. Sa mga ito, wala pang limang milyon ay mga Judio. . . . Gayunman, ang tunay na bilang ay hindi kailanman malalaman.” Batay lamang sa mga bilang na ito, hindi kukulangin sa pitong milyong biktima ay hindi Judio.

Isa pang patotoo ay yaong kay Catherine Leach, na sumulat: “Ang Poland ang unang bansa na napasakop sa ‘negatibong patakarang demograpiko’ ni Hitler, na ang layunin ay ihanda ang malalaking teritoryo sa ‘Ang Silangan’ para sa pamayanang Aleman, at ang Poland ay dumanas ng napakaraming kamatayan sa lahat ng nasakop na mga bansa​—220 sa bawat 1000 mamamayan. Binanggit ng Polakong pinagmulan na hindi kukulangin sa 6,028,000 mamamayang Polako . . . ang namatay.” Sa mga ito, 3,200,000 ay mga Judio. Nangangahulugan iyan na halos 50% ng mga Polakong namatay ay hindi Judio.

Hindi matututulan, nagkaroon ng “Limot Nang Holocaust” ng angaw-angaw na mga biktimang hindi Judio, karamihan ay may Slavong pinagmulan. Kabilang dito ang angaw-angaw na mga Ruso na pinatay ng mga Nazi. Ang mga Rusong iyon ay walang mapagpipilian. Dahil sa doktrina ng Nazi sa lahi, sila ay matatag na hinatulan sa kamatayan.

Gayunman, hindi kasali sa estadistika ang libu-libong hindi-Judiong Aleman na dumanas din ng hirap bilang mga biktima ng Holocaust dahil sa lakas-loob na pagsalansang kay Hitler at sa kaniyang pilosopya na kahigtan ng lahi. Kabilang dito ang libu-libong mga Saksi ni Jehova na tumangging makipagtulungan sa militaristikong paghahambog ni Hitler. Oo, nakakalat sa ibayo ng Alemanya at ng mga bansang sinakop-ng-Nazi ang libu-libong mga tao na gumawa ng kusang pagpili na humantong sa mga concentration camp at sa kamatayan para sa marami bilang mga martir.

Kaya, ang nauukol na tanong ay, Ano ang kaibhan sa pagitan niyaong mga biktima ng Holocaust at niyaong mga martir?

[Mapa/Mga larawan sa pahina 10]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Ang ilan sa mga concentration camp at lipulan na Nazi sa ibayo ng Europa. Karagdagan pa, may 165 mga kampo ng sapilitang pagtatrabaho

NORTH SEA

LATVIA

Riga

LITHUANIA

Kaunas

E. PRUSSIA

POLAND

Stutthof

Treblinka

Chelmno

Sobibor

Lublin

Skarżysko-Kamienna

Majdanek

Plaszow

Belzec

Auschwitz

GERMANY

Papenburg

Neuengamme

Belsen

Ravensbrück

Sachsenhausen

Oranienburg

Lichtenberg

Dora-Nordhausen

Torgau

Buchenwald

Gross-Rosen

Ohrdruf

Flossenbürg

Dachau

Landsberg

NETH.

Westerbork

Vught

BELG.

LUX.

FRANCE

Natzweiler-Struthof

SWITZ.

ITALY

AUSTRIA

Mauthausen

Sachsenburg

CZECHOSLOVAKIA

Theresienstadt

[Larawan]

Sabi ni Hitler: “Ang digmaan ay magiging isang digmaan ng paglipol.” Pataying “walang awa at habag ang lahat ng lalaki, babae, at mga bata na may Polakong pinagmulan at wika”

[Credit Line]

Library of Congress

[Larawan]

Sinabi ni Himmler: “Lahat ng Polako ay maglalaho sa daigdig”

[Credit Line]

UPI/Bettmann Newsphotos

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share