Ang “Ginto” ng Hilaga
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA POLAND
MULA pa noong sinaunang panahon, ang amber (labí ng namuo at tumigas na dagta ng punungkahoy) ay tinatawag na ang ginto ng Hilaga. Ito’y itinuturing na isang kalakal sa sinaunang Roma. Sa katunayan, napaulat na si Emperador Nero ay nagsugo ng isang maharlika upang bumili ng amber mula sa Poland. Ano naman ang ipinakikipagpalit sa mga mangangalakal ng amber? Mga baryang ginto at pilak bukod pa sa mga bagay na ginagamit sa araw-araw. Sinasabing ang ruta sa pangangalakal ng amber ay nakatulong sa pagpapalaganap ng Kristiyanismo sa Poland noong unang mga siglo ng Karaniwang Panahon.
Naniniwala ang ilan na ang amber ay may kapangyarihan sa mahika. Kaya naman ginamit ito sa paggawa ng mga anting-anting—na diumano’y magdudulot ng suwerte, magsasanggalang sa isa laban sa kamalasan, at tutulong sa pangangaso at sa pakikipaglaban. Ginamit din ang amber sa pagsamba sa patay. Ang maninipis na mga plato, maliliit na ulo ng palakol, at mga piguring gawa sa amber ay ginamit sa mga kultong sumasamba sa araw, sa ninuno, at may kaugnayan sa pag-aanak.
Karagdagan pa, may ginampanang mahalagang papel ang amber sa panggagamot ng mga albularyo. Pinaniniwalaan noon na ang mga kuwintas na yari sa abaloryong amber ay magdudulot ng ginhawa mula sa pananakit ng ulo, leeg, at lalamunan, samantalang ang mga pulseras na amber ay makatutulong naman sa mga may rayuma. Ginamit din ang iba’t ibang pamahid, balsamo, timplada, at tinunaw na amber na ibinabad sa alkohol. Maging sa ngayon, naniniwala ang iba na nakapagpapagaling ang amber.
Talagang ang amber ay isang kapurihan sa Maylalang ng lahat ng bagay, ang Diyos na Jehova. Kaya may mabuting dahilan ang salmista nang maudyukan itong magpahayag: “Kay rami ng iyong mga gawa, O Jehova! Sa karunungan ay ginawa mong lahat ang mga iyon. Ang lupa ay punô ng iyong mga likha.”—Awit 104:24.
[Picture Credit Line sa pahina 31]
Lahat ng larawan: Dziȩki uprzejmości DEJWIS COMPANY; Gdańsk-Polska