Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g01 6/8 p. 23-25
  • Kapag Pumula ang Tubig

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Kapag Pumula ang Tubig
  • Gumising!—2001
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Kung Ano ang mga Ito
  • Ang mga Biktima
  • Pagkalason sa Red Tide
  • Ang Solusyon
  • Kapag Nagkasakit Dahil sa Isda
    Gumising!—2006
  • Pula
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Ang Mahiwagang Paglaki at Pagkati ng Tubig sa Evripos
    Gumising!—2002
  • Kamangha-manghang mga Bagay sa Ilalim ng Dagat na Pula
    Gumising!—1994
Iba Pa
Gumising!—2001
g01 6/8 p. 23-25

Kapag Pumula ang Tubig

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA PILIPINAS

Gunigunihin ang mga mangingisdang naglalakad patungo sa dalampasigan, na handang isagawa ang kanilang rutin ng paghahanda ng kanilang mga bangka at mga lambat sa madaling araw. Gaya ng dati, inaasahan nilang marami silang mahuhuling isda. Ngunit nagulat na lamang sila sa isang kahila-hilakbot na tanawin na tumambad sa kanilang mga matang inaantok pa. Libu-libong isda ang naanod sa dalampasigan​—patay na lahat. Ang sanhi ng lansakang pagkalipol na ito? RED TIDE!

ANG mga red tide ay isang pambuong-daigdig na kaganapan. Naobserbahan ang mga ito kapuwa sa mga baybayin ng dagat ng Atlantiko at Pasipiko sa Estados Unidos at Canada. Nagaganap din ang mga ito sa Australia, Brunei, hilagang-kanlurang Europa, Hapon, Malaysia, Papua New Guinea, Pilipinas, at sa iba pang lugar. Bagaman masasabing iilang tao ang may kabatiran sa mga ito, hindi na bago ang mga red tide.

Sa Pilipinas, unang nakita ang red tide sa lalawigan ng Bataan noong 1908. Noong 1983, nalason dahil sa red tide ang mga isda at mga kabibe sa Dagat ng Samar, Maqueda Bay, at Villareal Bay. Mula noon, ang mga red tide ay nakita na sa marami pang baybayin. Si Zenaida Abuso, ng National Red Tide Task Force ng Pilipinas, ay nagsabi sa Gumising! na “bukod pa sa pagkamatay ng mga isda, naitala ng Kawanihan ng Pangisdaan at Kayamanang-Tubig ng Pilipinas ang 1,926 na kaso ng paralytic shellfish poisoning na dulot ng mga red tide.”a Ngunit ano nga ba ang nakamamatay na mga kaganapang ito?

Kung Ano ang mga Ito

Ang terminong “red tide” ay kumakapit sa pag-iiba ng kulay ng tubig na kung minsan ay nagaganap sa ilang lugar sa karagatan o sa tubig-alat. Bagaman kadalasan nang kulay-pula, maaari rin itong maging iba’t ibang antas ng kulay-kape o kulay-dilaw. Iniuulat ng The World Book Encyclopedia na “ang mga lugar na nag-iiba ng kulay ay maaaring sumaklaw nang wala pang ilang yarda o metro kuwadrado hanggang sa mahigit na 1,000 milya kuwadrado (2,600 kilometro kuwadrado).”

Ano ang sanhi ng gayong pag-iiba ng kulay? Sa pangkalahatan, ang sanhi ng mga red tide ay ang ilang uri ng isang-selulang lumot na makikita lamang sa tulong ng mga mikroskopyo o ang mga protozoan na tinatawag na mga dinoflagellate. Ang maliliit na organismong ito ay may mga nakausling tulad-buhok na tinatawag na mga flagellum​—tulad-latigong mga sanga, na siyang ginagamit nila sa paglangoy. May mga 2,000 uri ng dinoflagellate, at 30 sa mga ito ay nakalalason. Ang maliliit na organismong ito ay karaniwan nang namamalagi sa mainit-init na katubigan na may mataas na antas ng alat.

Nagaganap ang red tide kapag may biglaan at mabilisang pagdami, o pagkapal ng bilang, ng pagkaliliit na mga dinoflagellate na ito. Ang dami ng mga organismong ito ay maaaring umabot sa 50,000,000 bawat litro ng tubig! Bagaman hindi lubusang nauunawaan ng mga siyentipiko kung bakit ito nangyayari, batid na dumarami ang mga dinoflagellate kapag sabay-sabay na naapektuhan ng ilang kalagayan ang tubig. Kasama rito ang di-normal na lagay ng panahon, tamang-tamang temperatura, sobrang suplay ng mga sustansiya sa tubig, saganang sikat ng araw, at paborableng agos ng tubig. Kapag nagkaroon ng malakas na pag-ulan, ang mga mineral at iba pang mga sustansiya ay naaanod kung minsan mula sa katihan tungo sa katubigan sa baybayin. Ang mga sustansiyang ito ay maaaring makatulong sa pagdami ng mga dinoflagellate. Ang resulta? Mga red tide!

Nakalulungkot, lumilitaw na kung minsan ay pinalalala pa ng mga tao ang kaganapang ito. Kapag maraming dumi ng industriya at ng tao ang itinapon sa tubig, maaari itong magdulot ng sobrang suplay ng ilang sustansiya. Maaari itong magbunsod ng lansakang pagdami ng mga dinoflagellate. Di-magtatagal at ang natitirang oksiheno sa tubig ay mauubos, anupat magbubunga ito ng pagkamatay ng maraming isda.

Nagaganap ang mga red tide sa mainit-init na karagatan at sa mga kalmadong katubigan sa baybayin, karaniwan na sa pagitan ng pagtatapos ng mga buwan ng tag-araw at sa pasimula ng tag-ulan. Maaari itong tumagal nang ilang oras lamang hanggang ilang buwan, depende sa mga kalagayang umiiral sa lugar na iyon.

Ang mga Biktima

Karamihan sa mga red tide ay hindi naman nakasasamâ; gayunman, ang ilan ay lubhang nakapipinsala. Ang ilang uri ng dinoflagellate ay naglalabas ng lason sa tubig na pumaparalisa at pumapatay ng isda at ng iba pang buhay sa dagat. Ang ilang red tide ay nagdulot ng pagkalipol ng napakaraming isda, talaba, pusit, lukan, tahong, hipon, at alimasag na kumakain ng mga dinoflagellate. Kapag lumitaw ang isang mapaminsalang red tide, napakaraming patay na isda ang makikitang lumulutang sa tubig, at maaaring maipon ang mga ito sa mga dalampasigan sa haba na umaabot ng maraming kilometro.

Lubhang apektado rin ang mga tao. Sa mga lugar kung saan pangingisda ang pinagkakakitaan, ipinagkakait ng mga red tide sa mga mangingisda ang kanilang huli, na siyang kabuhayan nila. Mas masaklap pa rito, ang mga red tide ay naging sanhi ng pagkamatay ng mga tao.

Pagkalason sa Red Tide

Ang isa sa mga lasong inilalabas ng ilang dinoflagellate ay kilala bilang saxitoxin. Isa itong asin na natutunaw sa tubig na umaatake sa sistema ng nerbiyo ng tao. Kaya inuuri ito bilang isang neurotoxin. Iniuulat ng The New Encyclopædia Britannica na ang “mga lason na inilalabas sa tubig ay nakaiirita sa sistema ng palahingahan ng tao.” Napipilitang magsara ang mga beach resort kapag ang mga lason ng red tide ay pumapailanlang sa hangin dahil sa pagdaluyong ng alon.

Mahilig ka bang kumain ng kabibe at iba pang pagkaing-dagat? Buweno, dahil sa red tide ay maaaring maging nakalalason ang mga kabibe na kumakain ng mga dinoflagellate. Sinasabi ng magasing Infomapper na ‘ang mga kabibe at iba pang kauri nito gaya ng talaba, tahong, at mga lukan ay nagdudulot ng pinakamalaking panganib dahil ang mga ito’y mga filter feeder at sumisipsip ng mas maraming lason kaysa sa isda.’ Gayunman, ang “isda, pusit, hipon, at mga alimasag . . . ay maaaring ligtas pa ring kainin ng tao.” Ang dahilan nito? Naiipon ang mga lason ng red tide sa mga bituka ng mga nilalang na ito, at karaniwan nang inaalis ang mga bitukang ito bago lutuin.

Gayunman, dapat mag-ingat kapag kumakain ng pagkaing-dagat​—lalo na ng kabibe​—na kinuha sa mga lugar na kilaláng may mga red tide. Ang gayong mga red tide ay maaaring maging sanhi ng isang kondisyon na tinatawag na paralytic shellfish poisoning, o PSP. Kung nakakain ka ng lason ng red tide, maaaring makaramdam ka ng sintomas sa loob ng 30 minuto. Nakatala sa kalakip na tsart ang ilan sa mga sintomas na ito. Kung hindi ito magagamot nang wasto, maaaring mauwi ang PSP sa paralisis ng palahingahan, na maaaring ikamatay.

Sa kasalukuyan, wala pa ring natutuklasang gamot na panlaban sa lason ng red tide. Gayunman, waring mabisa ang ilang pangkagipitang panggagamot. Maaaring mapalabas ang lason ng red tide mula sa sikmura ng pasyente kung siya’y pasusukahin. Ang paglilinis sa sikmura sa pamamagitan ng pagpapasok sa bibig ng isang tubo patungo sa sikmura ay ginagawa rin upang mapalabas ang lason. Sa ilang kaso, kailangan ang artificial respiration. Sa Pilipinas, ipinapalagay ng iba na ang pag-inom ng gata ng niyog na may pulang asukal ay nakatutulong sa mga biktima upang gumaling nang mas mabilis.

Ang Solusyon

Sa ngayon, sa kalakhang bahagi ay hindi natin makokontrol ang mga red tide. Ngunit naniniwala ang marami na ang suliranin sa mga red tide ay lubhang mapagagaan kung babawasan ang paggamit ng mga kemikal na pataba at mga pestisidyo. Dahil dito ay maiiwasan ang pagkaanod ng mga ito sa dagat. Makatutulong din kung ipagbabawal ang pagtatapon ng dumi ng industriya at ng tao sa mga katubigan. Ang isa pang paraan ay alisin sa mga baybayin ang mga posibleng pagmulan ng mga sustansiya na nakapagpaparami sa mga dinoflagellate.

Samantala, maingat na minamanmanan ng ilang pamahalaan ang situwasyon. Halimbawa, sa Pilipinas, isang ahensiya ng gobyerno ang regular na sumusuri sa mga kabibe upang tiyaking ligtas ang mga ito para sa lokal at internasyonal na mga pamilihan. Ngunit sa katapus-tapusan, tanging ang Maylalang lamang ang makapapawi sa nakapipinsalang mga epekto na sumasapit sa sangkatauhan kapag pumula ang tubig.

[Talababa]

a Bagaman sa Pilipinas ay tuwirang iniuugnay ang red tide sa suliranin hinggil sa paralytic shellfish poisoning, sinasabi ng ilang eksperto na hindi ito laging totoo sa lahat ng bansang nakararanas ng mga red tide.

[Kahon sa pahina 24]

Mga Sintomas ng Pagkalason sa Red Tide

1. Pagkadama na parang tinutusuk-tusok o nag-iinit ang mga labi, gilagid, at dila

2. Pagkadama ng pamamanhid at parang tinutusuk-tusok ang mukha, na kumakalat sa ibang bahagi ng katawan

3. Sakit ng ulo at pagkahilo

4. Matinding pagkauhaw at paglalaway

5. Pagduwal, pagsusuka, at pagtatae

6. Nahihirapang huminga, magsalita, at lumulon

7. Pananakit ng mga kasukasuan at pagkadama ng kagaanan ng ulo

8. Pagbilis ng pulso

9. Panghihina ng kalamnan at kawalan ng kakayahang manimbang

10. Pagkaparalisa ng katawan

[Mga larawan sa pahina 24, 25]

Mga organismong nagdudulot ng mga red tide

Pyrodinium bahamense

Gymnodinium catenatum

Gambierdiscus

[Credit Lines]

Courtesy of Dr. Rhodora V. Azanza, University of the Philippines

Courtesy of Dr. Haruyoshi Takayama

ASEAN-Canada Cooperative Programme on Marine Science

[Larawan sa pahina 25]

Mga epekto ng red tide

[Credit Line]

Grant Pitcher/Courtesy WHOI

[Picture Credit Line sa pahina 23]

Peter J. S. Franks, Scripps Institution of Oceanography

[Picture Credit Line sa pahina 25]

Scripps Institution of Oceanography

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share