Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g02 9/22 p. 12-13
  • Ang Mahiwagang Paglaki at Pagkati ng Tubig sa Evripos

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Mahiwagang Paglaki at Pagkati ng Tubig sa Evripos
  • Gumising!—2002
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Mga Pagsisikap Upang Ipaliwanag ang Pambihirang Pangyayari
  • Bakit Nagkakaiba?
  • Talaan ng mga Nilalaman
    Gumising!—2002
  • Kapag Pumula ang Tubig
    Gumising!—2001
  • Naiimpluwensiyahan ba ng Buwan ang Iyong Buhay?
    Gumising!—2000
  • Buwan
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
Iba Pa
Gumising!—2002
g02 9/22 p. 12-13

Ang Mahiwagang Paglaki at Pagkati ng Tubig sa Evripos

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA GRESYA

SA SILANGANG panig ng Gresya, malapit sa lunsod ng Khalkís, isang makipot na lagusan ang naghihiwalay sa pangunahing bahagi ng Gresya mula sa isla ng Évvoia. Ito ang kipot ng Evripos. Walong kilometro ang haba nito at iba-iba ang lapad nito mula sa 1.6 kilometro hanggang 40 metro lamang. Sa pinakamababaw na bahagi nito, anim na metro lamang ang lalim nito. Mainam na inilalarawan ng pangalang Evripos, na nangangahulugang “Matuling Agos,” ang kung minsan ay malakas na daloy ng tubig sa kipot, na kadalasa’y bumibilis nang halos 20 kilometro sa bawat oras. Gayunman, nakapagtataka na may mga panahong ang agos ay waring dumadaloy nang banayad sa magkabilang panig, o maaari pa nga itong huminto! Maraming dumadalaw sa Khalkís ang nagpupunta sa isang maliit na tulay sa ibabaw ng kipot upang mapagmasdan ang pambihirang pangyayaring ito ng paglaki at pagkati ng tubig.

Ang paglaki at pagkati ng tubig ay nangyayari dahil sa puwersa ng araw at ng buwan na humihila sa mga karagatan ng lupa. Sa dahilang ito, nagbabago ang paglaki at pagkati ng tubig ayon sa posisyon ng lupa may kaugnayan sa araw at sa buwan. Sa panahon ng bagong buwan, ang araw at ang buwan ay kahanay ng lupa. Sa kabilugan ng buwan, ang mga ito ay nasa magkabilang panig ng lupa. Kung panahon ng bagong buwan o kabilugan ng buwan, magkasabay na humihila ang puwersa ng araw at ng buwan, anupat lumilikha ito ng pinakamataas na paglaki ng tubig.

Karaniwang nararanasan ng kipot ng Evripos ang dalawang paglaki ng tubig at dalawang pagkati ng tubig tuwing 24 na oras. Ang agos ay dumadaloy sa isang direksiyon sa loob ng 6 na oras at 13 minuto, sandaling humihinto, at pagkatapos ay nagbabago ito at dumadaloy sa kabilang direksiyon. Sinusunod nito ang regular na takbong ito sa loob ng 23 o 24 na araw ng buwang lunar. Subalit, sa huling apat o limang araw ng buwan, nangyayari ang di-pangkaraniwang mga bagay. Sa loob ng ilang araw, isang direksiyon lamang ang agos ng tubig. Sa ibang panahon, nagbabago ito ng direksiyon nang mga 14 na beses!

Mga Pagsisikap Upang Ipaliwanag ang Pambihirang Pangyayari

Ang pambihirang pangyayari sa Evripos ay nakalito sa mga nagmamasid sa loob ng libu-libong taon. Sinasabi ng popular na alamat na si Aristotle, na nabuhay noong ikaapat na siglo B.C.E., ay nalunod dito nang tumalon siya sa kipot dahil sa hindi niya malutas ang nakalilitong palaisipan hinggil sa paglaki at pagkati ng tubig. Ang totoo, sa halip na magpakalunod, sinikap niyang ipaliwanag ang paglaki at pagkati ng tubig. Sa kaniyang akdang Meteorologica, sumulat siya: “Waring dumadaloy ang dagat sa makitid na lagusan dahil sa nakapalibot na lupain. Dumadaloy ito mula sa isang mas maliit na dagat tungo sa mas malaking dagat dahil sa pag-ugoy ng lupa.” Mali ang pag-aakala ni Aristotle na ang lupa mismo ang gumagalaw dahil sa alon ng dagat at dahil sa mga lindol na madalas sa lugar na iyon. Pagkalipas ng mga isang siglo, natalos ng astronomong Griego na si Erastothenes na “sa magkabilang panig [ng kipot] ang dagat ay may magkaibang antas.” Inakala niyang nangyayari ang mga agos dahil sa magkaiba ang taas ng dalawang pampang ng kipot.

Kahit sa ngayon, hindi pa lubusang maunawaan ang iregular na paglaki at pagkati ng tubig sa Evripos. Subalit waring maliwanag na ang regular na agos ay dahil sa magkaibang antas ng tubig sa magkabilang dulo ng kipot. Pinangyayari nito na ang tubig ay humugos pababa mula sa mas mataas na antas tungo sa mas mababang antas. Ang pagkakaiba sa antas ng tubig ay maaaring mga 40 sentimetro, at makikita ito mula sa tulay sa Khalkís.

Bakit Nagkakaiba?

Paano maipaliliwanag ang pagkakaiba sa antas ng tubig? Ang papasók na agos ng tubig mula sa silangang Mediteraneo ay nagsasanga sa dalawa pagdating nito sa Isla ng Évvoia. Ang nagsangang agos sa gawing kanluran ay dumadaloy sa timugang dulo ng kipot. Subalit, ang nagsangang agos sa gawing silangan ay dapat maglakbay sa palibot ng isla bago ito pumasok sa kipot mula sa hilaga. Naaantala nang mga isang oras at 15 minuto ang pagdating ng agos ng tubig sa gawing silangan sa Evripos dahil sa mas mahabang ruta na ito. Sa ilalim ng mga kalagayang ito, ang antas ng dagat at ang presyon ng tubig sa isang panig ng kipot ay maaaring mas malaki kaysa sa kabilang panig. Lalo pang pinalalakas ng karagdagang presyon ang puwersa ng regular na agos ng tubig na dumadaloy sa Evripos.

Subalit kumusta naman ang hinggil sa iregular na agos? Sa panahon na palaki at paliit ang buwan, sinasalungat ng grabidad ng araw ang grabidad ng buwan sa halip na suportahan ito. Samantalang pinangyayari ng buwan ang pagkati ng tubig, ang hila naman ng araw ang nagpapalaki ng tubig. Bunga nito, sa mga panahong ito ay walang gaanong pagkakaiba sa pagitan ng mga antas ng dagat sa dulong hilaga at timog ng kipot. Kaya, humihina ang agos ng tubig. Kung minsan, kapag may hangin, ang agos ay ganap na nababago at humihinto.

Mangyari pa, marami pang masasabi tungkol sa kawili-wili subalit mahiwagang kilos ng agos. Kailanma’t mapunta ka sa Gresya, pumasyal ka sa Évvoia at masdan mo ang kawili-wili’t pambihirang pangyayari na paglaki at pagkati ng tubig sa Evripos!

[Mga mapa sa pahina 12, 13]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

DAGAT MEDITERANEO

DAGAT AEGEANO

ÉVVOIA

Khalkís

Ang Kipot ng Evripos

GRESYA

ATENAS

[Credit Line]

Mountain High Maps® Copyright © 1997 Digital Wisdom, Inc.

[Larawan sa pahina 13]

Kuha mula sa itaas ng Kipot ng Evripos

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share