Pagmamasid sa Daigdig
Maliliit na Bata at Nakapangingilabot na Musika
Nahahantad ang mga batang pito o walong taóng gulang sa musikang naglalaman ng kalaswaan, mahahalay na liriko, at karahasan, ulat ng Chicago Tribune. “Noon, ang mga batang pangkindergarten hanggang sa pang-elementarya ang edad ay may sariling ‘musikang pambata,’” ngunit “ang mga bata ngayon sa elementarya ay malamang na nakikinig din sa mga istasyon sa radyo na pinakikinggan ng kanilang mga magulang o mga kapatid na tin-edyer.” At bagaman ang mga kompanya ng musika sa Estados Unidos ay hinihilingang maglagay sa mga compact disc ng mga etiketang nagbabala laban sa mararahas at mahahalay na liriko upang hindi makakuha nito ang mga bata, ang gayong musika ay madaling mapakinggan sa mga listening station sa mga tindahan ng musika. Nagbabala si Diane Levin, isang espesyalista sa kultura ng media at sa mga bata, sa Wheelock College sa Boston: “Lalo tayong nagiging manhid habang lalong lumulubha ang mga bagay-bagay.”
“San” Columbus?
“Inaapura ang Batikano na gawing santo si Christopher Columbus,” ulat ng The Times ng London. Inaangkin ng mga iskolar na nagsusuri sa mga artsibo ng Batikano na hindi sina Haring Ferdinand at Reyna Isabella ng Espanya ang tumustos sa mga paglalakbay ni Columbus kundi si Pope Innocent VIII ang siyang nagsugo kay Columbus sa isang lihim na misyon upang matustusan ang mga Krusada at upang “makahikayat ng mga kaluluwa para sa Kristiyanismo.” Sinabi ng isang bahagi ng sulat na ginawa ni Pope Pius IX noong 1851: “Maipakikita nang may lubos na katiyakan na isinagawa ni Columbus ang kaniyang mahusay na plano sa udyok at sa tulong ng apostolikong posisyon na ito.” Inilarawan ng sumunod na papa, si Leo XIII, ang manggagalugad bilang “isang tauhan ng Simbahan.” Gayunman, nang bumalik si Columbus sa Espanya noong 1493, ang mga karapatan sa kaniyang mga natuklasan ay pormal na ipinasa sa trono ng Espanya ni Pope Alexander VI na mula sa Kastilang angkan ng mga Borgia, na pumalit kay Innocent VIII.
Pag-iwas sa Utang
Isang grupong nagbabantay para sa mga mamimili sa United Kingdom ang “naglunsad ng isang mahalagang kampanya, Huwag hayaang ang ipinagagamit na pera ng bangko ay maging utang, upang babalaan ang mga tao sa mga panganib ng sobrang pagkakautang,” ulat ng Newstream.com. Ayon sa Office of Fair Trading (OFT), ang ipinagagamit na pera ng bangko sa mga mámimilí sa UK ay tumaas nang mahigit na 60 porsiyento sa nakalipas na apat na taon. Bukod pa rito, ang karaniwang tao ngayon ay may humigit-kumulang sa $3,700 pagkakautang na hindi nakaseguro. Iminumungkahi ng OFT na gawin ang mga sumusunod bago mo gamitin ang pera ng bangko: “May-katapatang tanungin ang sarili kung kaya mong bayaran ito.” Pangalawa, tumingin-tingin muna bago bumili. Maraming tao ang naghahanap ng pinakamagandang presyo kapag namimili ngunit pumapayag naman sa anumang halaga ng interes na inihaharap ng negosyante. Ihambing ang mga annual percentage rate ng mga bangko o ng mga kompanya ng credit card upang makita kung makakakuha ka ng mas mababang pautang. At pangatlo, kung nabibigatan ka na sa utang, humingi ng tulong.
Malikhaing Paraan ng Pagre-recycle
Sa paggamit ng itinapong mga boteng plastik, isang grupo ng mga magsasaka ang nakagawa ng isang daluyan ng tubig na may walong kilometro ang haba malapit sa Trujillo, sa hilagang Peru. Ayon sa pahayagang El Comercio ng Lima, 81 magsasaka ang nakakuha ng tigang na lupain at nakakita ng pagmumulan ng tubig, ngunit hindi nila kayang bumili ng tubong kinakailangan upang mapadaloy ang tubig sa kanilang lupain. Upang malutas ang suliranin, iminungkahi ng isa sa mga magsasaka ang ibang paraan. Bumili sila ng itinapong mga boteng plastik at gumugol ng 14 na araw sa pagputol ng magkabilang dulo nito at pagdurugtung-dugtong ng 39,000 bote upang makagawa ng isang tuluy-tuloy na tubo. Ang daluyan ng tubig ay magsisilbing pansamantalang suplay ng tubig hanggang sa may mahukay nang balon.
May Kakayahang Matuto at Makaalaala ang mga Sanggol sa Sinapupunan
“Hindi lamang natututo ang mga sanggol habang nasa bahay-bata pa lamang, mayroon din silang panandaliang-alaala na umaabot nang 10 minuto at gayundin, pangmatagalang-alaala na umaabot nang 24 na oras,” ulat ng serbisyo sa pagbabalita ng Reuters. Gumamit ang mga mananaliksik na Olandes sa University Hospital sa Maastricht ng mga vibration at akustika upang pukawin ang “25 sanggol sa sinapupunan na nasa pagitan ng 37 hangang 40 linggo mula sa pagdadalang-tao” at “pinagmasdan ang mga reaksiyon ng mga ito sa pamamagitan ng isang ultrasound scanner.” Pagkatapos isagawa ang unang mga pagsubok, inulit ang pagpukaw tuwing ika-10 minuto at tuwing ika-24 na oras. “Kapag ikinilos ng sanggol ang isang biyas sa loob ng isang segundo ng pagpukaw, itinuturing ito na isang positibong pagtugon,” sabi ng Reuters, ngunit “kapag hindi tumugon ang sanggol pagkatapos ng apat na sunud-sunod na pagpukaw, ipinahihiwatig nito na nakilala na ng sanggol ang isinagawang pagpukaw.” Nasumpungan ng mga siyentipiko na noong ulitin ang mga pagsubok, nasanay na ang mga sanggol at hindi na tumugon sa pagpukaw, na nagpapahiwatig na naaalaala na nila ito.
Mga Babae at Sakit sa Puso
“Karaniwan nang itinuturing na ang sakit sa puso ay sakit ng lalaki, bagaman pareho lamang ang bilang ng namamatay na mga lalaki at babae dahil dito taun-taon,” ulat ng The Toronto Star. Sinasabi ng pahayagan na ang sakit sa puso sa mga babae ay madalas na nasusuri nang huli na. Ang sintomas ng sakit sa puso—ang nangungunang sanhi ng kamatayan sa Hilagang Amerika—ay magkaiba sa mga lalaki at babae. “Bagaman madalas na nararanasan ng mga lalaki ang matinding kirot sa dibdib na maaaring umabot hanggang sa leeg, likod at mga balikat, mas malamang na maranasan ng mga babae ang sakit sa panga, pangangapos ng hininga at pagduduwal,” sabi ng Star. Pinakamadalas na makita ang sintomas sa mga babaing lampas sa edad na 55, kung kailan papaubos na ang suplay ng estrogen. “Kapag lubusang nawala iyan, mabilis tayong nakahahabol sa mga lalaki pagdating sa sakit sa puso,” sabi ni Dr. Stephanie Brister, isang siruhana sa puso sa Toronto General Hospital.
Kanser sa Baga sa mga Babaing taga-Britanya
“Sa unang pagkakataon, mas maraming namatay sa kanser sa baga kaysa sa kanser sa suso sa mga babaing taga-Britanya, anupat ito ang nagiging pinakamalaking kanser na pumapatay sa kababaihan,” ulat ng The Daily Telegraph ng London. Ang mga babaing namamatay ngayon sa sakit na ito ay yaong mga nagsimulang manigarilyo apat na dekada ang nakalipas mula nang inianunsiyo ang bisyong ito bilang pantulong sa pagpapapayat. Sinasabi ng Cancer Research Campaign ng Britanya na sa loob ng nakalipas na 20 taon, bumaba ng 5 porsiyento ang bilang ng mga babaing namatay dahil sa kanser sa suso, habang ang bilang ng mga namatay dahil sa kanser sa baga ay tumaas ng 36 na porsiyento. Sa yugto ring iyon, ang bilang ng mga lalaking namatay dahil sa kanser sa baga ay bumaba ng 31 porsiyento, na nagpapakita sa pagbaba ng paninigarilyo sa mga lalaki. Napansin ni Propesor Gordon McVie, ang pangkalahatang direktor ng kampanya, na sa kabila ng mga babala, “mas maraming kabataang babae kaysa sa kabataang lalaki ang nagsisimulang manigarilyo.”
Sariwang Pagkain Kahit Walang Refrigerator
Mahirap panatilihing malamig at sariwa ang mga nabubulok na pagkain kung walang de-kuryenteng refrigerator. Gayunman, isang simple at murang imbensiyon ang naging lubhang matagumpay sa medyo tigang na lupain ng hilagang Nigeria. Kalakip dito ang paglalagay ng isang palayok sa loob ng isa pang palayok at pagpuno sa pagitan ng mga ito ng basang buhangin. Inilalagay ang pagkain sa mas maliit na palayok, at ang palayok ay tinatakpan ng basang basahan. “Inaalis ng mainit na hangin sa paligid ang halumigmig sa ibabaw ng palayok na nasa labas, kung saan sumisingaw ang halumigmig,” sabi ng magasing New Scientist. “Dala-dala ng singaw ng tubig ang init, kaya ang panunuyo na ito ay lumilikha ng patuluyang pag-aalis ng init sa pinakaloob na palayok, hangga’t pinananatiling basa ang buhangin at basahan.” Kapag ginagamit ang pamamaraang ito, ang mga kamatis at sili ay maaaring manatiling sariwa sa loob ng tatlong linggo at ang mga talong ay tumatagal ng halos isang buwan. Sinasabi ng imbentor ng sistemang “palayok-sa-palayok,” si Mohammed Bah Abba, na maaari na ngayong magbenta ang mga magsasaka ng mga ani depende sa pangangailangan, at ang kanilang mga anak na babae, na karaniwan nang naiiwan sa bahay araw-araw upang magbenta ng pagkain, ay malaya nang makapapasok sa paaralan.
Ang Daigdig ay Nawawalan ng Dalawang Lahi ng Hayop Linggu-linggo
Ang daigdig ay nawawalan ng 2 lahi ng hayop sa bukid linggu-linggo, at 1,350 lahi ang nanganganib na malipol, ulat ng pahayagang Corriere della Sera ng Italya. Ang mga mananaliksik mula sa UN Food and Agriculture Organization (FAO) ay gumugol ng sampung taon sa pag-aaral ng 6,500 mamal at mga ibon na inaalagaan sa 170 bansa. Ayon kay Dr. Keith Hammond, ang nakatataas na opisyal ng Animal Genetic Resources Group ng FAO, “kung walang gagawing anumang pagkilos, ang sangkatlo ng mga uring pinalalahian ay maglalaho sa susunod na 20 taon.” Ipinaliliwanag ng isang ulat ng Reuters mula sa Roma na ang pagluluwas ng mga hayop mula sa mauunlad na lupain ang nagpalubha sa problemang ito. Ang mga inangkat na hayop ay maaaring makipagtalik sa lokal na mga hayop, na nagiging dahilan upang malipol ang lokal na mga lahi. “Gayunman, ang suliranin,” sabi ni Dr. Hammond, “ay na ang mga hayop na ito ay pangunahin nang nababagay sa mga kalagayan ng bansang pinagmulan ng mga ito at nahihirapan ang mga ito na makibagay sa kadalasa’y di-magandang kapaligiran ng mahihirap na bansa.”