Ang Bibliyang Dalmatin—Bihira Ngunit Hindi Nalilimutan
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA SLOVENIA
ANG pinakahuli sa mga bariles na may napakahalagang laman ay dumating sa Slovenia noong huling bahagi ng ika-16 na siglo. Dalawang taon nang ipinapasok ang mga ito sa pamamagitan ng iba’t ibang ruta. Upang ikubli ang laman ng mga ito, tinatakan ang mga bariles ng mga salitang “mga baraha” o “mga paninda.” Nakatago sa loob ang leather-bound na mga tomo ng unang kumpletong Bibliya sa wikang Sloveniano.
Ang mahalagang kargamentong ito ay ang katuparan ng pangarap ng dalawang masisigasig na lalaki—sina Jurij Dalmatin at Primož Trubar, na nag-ukol ng kanilang buhay sa pagsasalin ng Bibliya sa karaniwang wika ng kanilang bayan. Bagaman ang mga lalaking ito ay maaaring hindi naitatampok sa maraming aklat sa kasaysayan, maidaragdag ang kanilang mga pangalan sa listahan ng mga taong malaki ang naitulong sa maagang pagsasalin ng Bibliya.
Si Dalmatin, ang lalaking may pananagutan sa lihim na pagluluwas ng mga Bibliya, ay naglakip ng isang kopyang maganda at magarbo ang pagkakapabalat para kay Trubar, ang kaniyang kaibigan at tagapayo. Isaalang-alang natin ang mga hamong hinarap ng dalawang lalaking ito upang maipalaganap ang Bibliya sa karaniwang wika ng kanilang mga kababayan.
Ang Paglitaw ng Isang Tagapagsalin
Noong ika-16 na siglo, ang Banal na Imperyong Romano, na malapit ang kaugnayan sa Simbahang Romano Katoliko, ay matatag pa rin sa kalakhang bahagi ng Europa. Gayunman, ang Repormasyong Protestante ay nagaganap na, at ang mga epekto ng kilusan ay unti-unti nang nakapapasok sa mga bayan at mga nayon sa tinatawag ngayon na Slovenia. Kabilang si Trubar, isang klerigo sa lugar na iyon, sa mga unang tumanggap ng mga paniniwala ng Protestante.
Yamang Latin ang wika ng Simbahang Katoliko, iilan lamang na mapapalad na naturuan ng sinaunang wikang iyon ang nakauunawa sa mga serbisyo sa simbahan at sa Bibliya. Gayunman, sinabi ng mga Repormador na ang mga serbisyo sa simbahan ay dapat na idaos sa wikang nauunawaan ng lahat. Kaya sa kalagitnaan ng ika-16 na siglo, ang ilang teksto sa Bibliya ay binabasa na sa lokal na wikang Sloveniano kapag idinaraos ang serbisyo sa simbahan. Naging posible ito dahil sa ang katumbas ng ilang teksto sa Sloveniano ay nakasulat sa mga mardyin ng misal sa Latin, o aklat ng Misa, na ginagamit ng klero.
Gayunman, nais ni Trubar na ang buong Bibliya ay maisalin sa wikang Sloveniano. Yamang wala pang alpabetong Sloveniano noon, nag-imbento si Trubar ng alpabeto, at noong 1550, isinulat niya ang unang aklat na inilimbag sa wikang Sloveniano. Inilakip niya rito ang ilang talata ng Bibliya mula sa Genesis. Nang maglaon, isinalin din niya ang Mga Awit sa wikang Sloveniano at nang dakong huli, ang buong Bagong Tipan, o Kristiyanong Griegong Kasulatan.
Gayunman, natanto ni Trubar na hindi niya taglay ang kinakailangang kakayahan sa wika upang maisakatuparan ang kaniyang ambisyon na maisalin ang buong Bibliya sa wikang Sloveniano. Nakita niyang si Jurij Dalmatin, isang matalinong kabataang estudyante, ang makatutulong sa kaniya upang maisakatuparan ang kaniyang tunguhin.
Ang Maagang Kasaysayan ni Dalmatin
Si Dalmatin, ang anak na lalaki ng isang mahirap na pamilya, ay isinilang noong mga taóng 1547 sa isang nayon na sa kasalukuyan ay nasa itinuturing na timugang Slovenia. Noong siya’y bata pa, pumasok siya sa lokal na paaralan na pinatatakbo ng isang taong kakukumberte pa lamang sa Protestantismo, at malaki ang naging impluwensiya nito sa kaniyang hilig sa relihiyon nang dakong huli. Sa tulong ni Trubar at ng isang guro sa paaralan at ng lokal na parokya, nakapag-aral si Dalmatin sa isang relihiyosong paaralan at nang maglaon ay nag-aral siya sa isang unibersidad sa Alemanya. Sa gayon ay napahusay niya ang kaniyang kaalaman sa wikang Latin at Aleman, natutuhan ang wikang Hebreo at Griego, at natapos ang kaniyang pag-aaral sa pilosopiya at teolohiya.
Bagaman nag-aral si Dalmatin sa ibang bansa, pinasigla siya ni Trubar na pahalagahan at pagbutihin ang kaniyang inang-wika, ang Sloveniano. Noong si Dalmatin ay nag-aaral sa unibersidad, nang siya ay mahigit lamang na 20 taóng gulang, sinimulan niya ang napakalaking trabaho ng pagsasalin ng Bibliya sa wika ng kaniyang mga kababayan. Ang masidhing pangarap ni Trubar na magkaroon ng kumpletong Bibliya sa wikang Sloveniano ay naging pangunahing tunguhin na ngayon ni Dalmatin sa buhay.
Nagsimula ang Pagsasalin
Palibhasa’y nagkainteres agad sa proyekto taglay ang matinding kasigasigan, nagsimula si Dalmatin sa pagsasalin ng Hebreong Kasulatan. Lumilitaw na nagsalin siya mula sa orihinal na mga wika ngunit madalas na sumangguni sa saling Aleman ni Martin Luther ng Latin Vulgate. Tungkol naman kay Trubar, pagsapit ng 1577 ay naisalin na niya ang buong Kristiyanong Griegong Kasulatan sa wikang Sloveniano, gaya ng binanggit kanina. Itinuwid at pinahusay ngayon ni Dalmatin ang salin ni Trubar, anupat lubhang sumangguni muli sa Bibliyang Aleman na isinalin ni Luther. Inalis niya ang maraming salitang Aleman ni Trubar at ginawang higit na magkakasuwato ang mga salita. Maaaring ginamit ni Dalmatin sa kaniyang pagsasalin ang kaalaman niya sa wikang Griego, ngunit pinagtatalunan pa rin ng mga iskolar kung sumangguni siya sa sinaunang mga tekstong Griego o hindi.
Mga Balakid sa Pagsasalin
Dahil iilang dekada pa lamang nailalabas ang alpabetong Sloveniano, napaharap si Dalmatin sa isang trabahong nakapanghihina ng loob. Karagdagan pa, kakaunti pa ang talasalitaan ng wika, at wala pang mga aklat ng reperensiya sa wikang Sloveniano. Kaya nangangailangan ng malaking kasanayan upang isalin ang teksto sa wikang Sloveniano na maiintindihan.
Ang kilusang Kontra sa Repormasyon ay nakaragdag din sa mga problema. Yamang ang tagalimbag sa Slovenia ay ipinatapon, ang paglilimbag ng Bibliya ay kinailangang gawin sa ibang bansa. Ito ang dahilan kung bakit kailangang ikubli ang mga Bibliya kapag ipinapasok sa bansa. Ngunit sa kabila ng mga balakid, natamo ni Dalmatin ang kaniyang tunguhin sa loob lamang ng sampung taon, malamang na habang nasa mahigit na 30 taóng gulang pa lamang siya noon.
Sa pangangasiwa ni Dalmatin, ang unang paglilimbag ng 1,500 kopya ng Bibliya ay naisagawa sa loob ng pitong buwan. Tinawag ng marami ang Bibliyang ito na isang obra maestra sa literatura at isang likhang-sining, yamang pinapalamutian ito ng 222 magagandang larawang inukit sa kahoy. Marami sa orihinal na mga Bibliyang ito ang umiiral pa rin, at ang salin ay ginagamit bilang reperensiya sa makabagong mga bersiyon ng Bibliya sa wikang Sloveniano. Ang ginawa ng dalawang lalaking ito ay nakatulong sa katotohanan na mababasa na ngayon ng mga Sloveniano ang Salita ng Diyos sa kanilang inang-wika.
[Kahon/Larawan sa pahina 15]
ANG BANAL NA PANGALAN
Inilakip ni Dalmatin ang sumusunod na paliwanag sa paunang-salita ng kaniyang salin ng Banal na Bibliya: “Saanman nakasulat ang salitang PANGINOON sa malalaking titik, tinutukoy lamang nito ang PANGINOONG Diyos na ang pangalan ay יהזה, Jehova, sa wika ng mga Judio. Ang pangalang ito ay nauukol lamang sa PANGINOONG Diyos at wala nang iba.”
[Mga larawan sa pahina 14, 15]
Si Primož Trubar
Harapang pahina ng Bibliyang Sloveniano
[Credit Line]
Lahat ng larawan maliban sa Tetragrammaton: Narodna in univerzitetna knjižnica—Slovenija—Ljubljana