Mula sa Aming mga Mambabasa
Tubig Ang seryeng “Tubig—Magkakaroon Kaya ng Sapat?” (Hunyo 22, 2001) ay lubhang nakapagtuturo. Gayunman, napansin ko na sinabi ninyo na “ang paggawa ng isang tonelada ng bakal ay maaaring kumonsumo ng 280 tonelada ng tubig.” Tila may pagkakamali rito. Bilang isang kasangguni sa tubig, alam ko na sa ilang pagawaan ng bakal sa India, kumokonsumo lamang kami ng 20 hanggang 23 tonelada ng tubig.
N.K.K., India
Sagot ng “Gumising!”: Ang bilang na binanggit namin ay sa katunayan tumutukoy kung gaano karaming tubig ang nagagamit sa paggawa ng bakal at hindi kung gaano karaming tubig ang “nakokonsumo.” Lumilitaw na karamihan ng tubig na ginagamit sa paggawa ng bakal ay hindi nakokonsumo kundi ginagamit na muli. Ikinalulungkot namin ang di-pagkakaunawaan.
Bibliyang Dalmatin Habang binabasa ang artikulong “Ang Bibliyang Dalmatin—Bihira Ngunit Hindi Malilimutan” (Hunyo 22, 2001), ako ay nagulat na mabasa sa pahina 15: “Lumilitaw na nagsalin siya [si Dalmatin] mula sa orihinal na mga wika ngunit madalas na sumangguni sa saling Aleman ni Martin Luther ng Latin na Vulgate.” Ang alam ko ay nagsalin si Luther mula sa orihinal na mga wika ng Bibliya.
R. S., Alemanya
Sagot ng “Gumising!”: Hindi namin nais ipahiwatig na ang ginamit lamang ni Luther ay ang “Vulgate” nang isinasalin niya ang Hebreong Kasulatan. Bagaman walang nakaaalam ng buong detalye hinggil sa salin ni Luther sa Aleman, pangkalahatang tinatanggap na ang “Vulgate” ay isa sa mga reperensiya na ginamit ni Luther sa pag-unawa sa mga teksto sa orihinal na wika. Walang alinlangan na gumamit din si Luther ng iba pang mga reperensiyang makukuha nang panahong iyon, gaya ng Griegong salin na kilalá bilang ang “Septuagint.”
Navajo Nais ko kayong pasalamatan sa nakapagpapatibay at napakagandang artikulo na “Binago ng Pangalan ng Diyos ang Aking Buhay!” (Hulyo 8, 2001), gaya ng inilahad ng babaing may lahing Navajo na si Sandy Yazzie Tsosie. Naantig ako ng kaniyang mga salita at ako’y napaluha dahil dito. Ang mabasa ang tungkol sa kaniyang paglalakbay upang makasumpong ng pag-ibig at kaligayahan at upang mapaglabanan ang kaniyang panlulumo ay nagbigay sa akin ng pag-asa. Natanto ko kung gaano tayong lahat kamahal ng Diyos na Jehova!
A. S., Estados Unidos
Kakila-kilabot na Trahedya Akala ko ay sa pelikula lamang nangyayari ang ilang bagay. Kaya ako ay nagulat nang mabasa ko ang karanasang “Pagharap sa Isang Kakila-kilabot na Trahedya.” (Hulyo 22, 2001) Pagkatapos na pagkatapos kong mabasa ito, nanalangin ako at hiniling ko kay Jehova na alalayan sina Jonathan, Oscar, at ang lolo’t lola ni Oscar. Ang mga karanasang tulad nito ay nagpapasigla sa atin na ibigay kay Jehova ang ating pinakamabuti bago sumapit sa atin ang “panahon at ang di-inaasahang pangyayari.”—Eclesiastes 9:11.
E. P., Italya
Ang pagkabasa sa kalunus-lunos na kuwento ng trahedya na nangyari kay Theresa at sa kaniyang pamilya ay labis na nakaantig sa akin. Gustung-gusto kong ipabatid sa kaniyang pamilya na ako man ay lubhang nananabik na mayapos si Theresa sa bagong sanlibutan na ipinangako ni Jehova.
L. T., Italya
Anim na taon ko nang pinipigilan ang aking sarili sa pagpapabautismo. Wala akong paninindigan na gumawa ng ilang pagbabago. Ngunit dahil sa karanasan ni Theresa ay nagbulay-bulay ako. Naipasiya ko na hindi ako mabubuhay kung wala si Jehova, at taimtim akong nanalangin sa kaniya. Bagaman kalunus-lunos ang naging karanasan ng pamilya, napatibay ako nito.
M. L., Czech Republic
Nagulat ako na isa sa mga Saksi ni Jehova ang magiging biktima ng gayong krimen, ngunit natulungan ako ng artikulo na matanto na hindi tayo binibigyan ni Jehova ng makahimalang proteksiyon. Hindi ko alam kung kailan naman ako mismo mapapaharap sa trahedya, subalit sa pagkakita sa matibay na pananampalataya ng pamilya ni Theresa sa pagharap sa kalagayang iyon ay naging determinado akong harapin ang anumang pagsubok.
S. O., Hapon