Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g01 7/8 p. 14-19
  • Ang Maraming Anyo ng Roma

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Maraming Anyo ng Roma
  • Gumising!—2001
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Sinaunang Lunsod
  • Pumasyal Tayo sa Forum
  • Ang Roma Noong Panahong Apostoliko
  • Kung Paano Binago ng Renaissance ang Roma
  • Ang Marangyang Istilong-Baroque na Roma
  • Ang Modernong Lunsod
  • Roma
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Lunsod ng Roma
    Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
  • Ang Ikaanim na Kapangyarihan ng Daigdig—Roma
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1988
  • Isang Tahimik na Katibayan ng Hulang Nagkatotoo
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pampubliko)—2018
Iba Pa
Gumising!—2001
g01 7/8 p. 14-19

Ang Maraming Anyo ng Roma

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA ITALYA

“Sa wari ko ay may pahiwatig na si Romulus [kathang-isip na tagapagtatag ng Roma noong 753 B.C.E.] mula sa diyos noong pasimula pa lamang na ang lunsod ay magiging sentro at tahanan ng isang makapangyarihang imperyo balang araw.”​—CICERO, ROMANONG ORADOR AT ESTADISTA, UNANG SIGLO B.C.E.

TULAD ng ibang mga lunsod na may libu-libong taon ng kasaysayan, ang Roma ay nagkaroon ng maraming anyo, at sa paglipas ng mga siglo, nag-iwan ang mga ito ng kanilang natatanging impluwensiya. Nais mo bang makita ang mga ito? Ngayon ang angkop na panahon, lalo na kung ikaw ay inanyayahang dumalo sa isa sa mga kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova na gaganapin sa Agosto 10-12, 2001, sa Roma, Bari, Turin, at Milan.

Ngunit aling anyo ng Roma ang nais mong makita? Nariyan ang sinaunang Roma, ang republikang Roma, at ang imperyong Roma. Mas malapit sa ating panahon, nariyan ang Edad-Medyang Roma, ang Renaissance na Roma, ang istilong-baroque na Roma, at sa wakas ay ang modernong Roma. Upang makumpleto ang larawan, nariyan ang papadong Roma, ang Roma ng karaniwang mga tao, at ang Roma ng mga maharlika. Saanmang dako sa punong-lunsod na ito, may mga sorpresa.

Ang Sinaunang Lunsod

Ang pinakamatatandang pamayanan, mga nayon ng mga kubo noong Iron Age, ay waring lumitaw matagal pa bago nang ikawalong siglo B.C.E., sa mga burol ng Roma na nakapalibot sa isang dating sinaunang mababang lugar na tawiran sa ilog ng Tiber. Yamang ang matataas na dako na nakapalibot sa lugar na iyon ay madaling makilala noong nakalipas na mga panahon, sinasabing itinayo ang lunsod sa pitong burol​—Quirinal, Viminal, Esquiline, Caelian, Aventine, Palatine, at Capitoline. Hanggang sa ngayon, taglay pa rin ng ilang lugar sa lunsod ang ilan sa mga pangalang ito.

Kung maipasiya mong mamasyal sa Roma, huwag kalimutang magdala ng isang tumpak na giyang-aklat at isang mapa. Maaari kang magkaroon ng ideya kung ano marahil ang nakita ng isang sinaunang Romano mga 2,000 taon na ang nakararaan.

Pumasyal Tayo sa Forum

“Ang Forum ang sentro ng pulitikal, komersiyal at hudisyal na buhay sa sinaunang Roma,” sabi ng isang giyang-aklat. Ang pangunahing pasukan tungo sa lugar na ito ay nasa Via dei Fori Imperiali. Ihahatid ka roon ng Metro at ng ilang ruta ng bus.

Kabilang sa pinakatanyag na mga bantayog sa lugar na ito ay ang Colosseum, na kilala rin bilang ang Flavian Amphitheater, simbolo ng panahon ng imperyo. Ito ay may taas na 48 metro, kapantay ng isang modernong gusali na may 16 na palapag. Ang haba nito ay mga 190 metro, at ang lapad nito ay mga 155 metro. Mayroon itong 80 pasukan at kasya rito ang 55,000 manonood! Ipinatayo ito ni Emperador Vespasian noong taóng 72 C.E. Isip-isipin mo iyan kapag tumayo ka sa tabi nito. Kung makapagsasalita lamang sana ang mga pader . . .

Ipinahihiwatig ng mga natuklasan kamakailan na natapos ang amphitheater sa tulong ng mga samsam na iniuwi ng mga Romanong lehiyon sa lunsod pagkatapos ng kanilang matagumpay na kampanya sa Judea, na humantong sa pagkawasak ng Jerusalem noong 70 C.E. (Mateo 24:1, 2; Lucas 21:5, 6) Sa loob ng maraming siglo, ang amphitheater na ito ay pinagdausan ng mararahas na palaro para sa mga gladiator. Gayunman, taliwas sa akala ng marami, tila walang Kristiyanong pinatay rito.a

Malapit sa Colosseum, naroon ang Arko ni Tito, na itinayo upang ipagdiwang ang kampanya ring iyon. Makikita mo sa loob ng arko ang mga eksena ng prusisyon ng tagumpay, na doon ay ipinaparada ang mga bihag na Judio at ang mga sagradong kagamitan mula sa templo. Malamang na dumaan ang mga Judio sa mismong lugar na ito!

Ang isa pang tanyag na sinaunang bantayog, kahanga-hanga at naingatang mabuti, ay ang Pantheon. Ito ay dating templo ng mga pagano na inialay sa lahat ng diyos; ito ngayon ay isa nang simbahan ng Katoliko. Si Emperador Hadrian (76-138 C.E.), na napabantog dahil sa kaniyang pananggalang na pader sa hilagang Inglatera, ang nagdisenyo ng obra maestrang ito ng Romanong inhinyeriya noong 118-128 C.E. Magkasukat ang taas at ang diyametro ng rotonda​—43.4 metro.

Inaanyayahan tayo ng Circus Maximus, ng Palatine Hill, at ng iba’t iba pang lugar at bantayog na magbalik-tanaw sa nakaraan. Bilang karagdagang mga paalaala ng karangyaan at karingalan ng ikaanim na kapangyarihang pandaigdig sa kasaysayan ng Bibliya, nakatayo pa rin sa iba’t ibang dako ng lunsod ang mga sinaunang obelisk at may-ukit na mga haligi, gaya ng kina Trajan at Marcus Aurelius.

Ang Roma Noong Panahong Apostoliko

Bagaman di-nagtagal at ang apostolikong Kristiyanismo ay napalitan ng apostatang Sangkakristiyanuhan, masusulyapan pa rin sa Roma ang ilang pangyayari sa buhay ng sinaunang mga Kristiyano. Halimbawa, kapag namamasyal sa Appian Way, paano natin magagawang hindi gunitain ang ulat tungkol kay apostol Pablo nang sinasamahan siya ng kaniyang Kristiyanong mga kapatid hanggang sa lunsod? (Gawa 28:14-16) Ngunit kailangan tayong mag-ingat na huwag tanggapin ang tradisyon nang pikit-mata. Bilang halimbawa, malapit sa Forum, nariyan ang tinatawag na Mamertine Prison, diumano ay isang lugar kung saan ikinulong si apostol Pedro. Ngunit walang ebidensiya sa Bibliya na si Pedro ay tumuntong kailanman sa lunsod na iyon.

Habang nasa lugar ng Appian Way, baka gusto mong pumasyal sa tanyag na mga katakumba​—daan-daang kilometro ng mga tunnel sa ilalim ng lupa na nagsilbing mga libingan. Ipinakikita ng mga natuklasan may kinalaman sa mga kulto ng mga patay at ng mga martir at ng mga ideya tungkol sa imortalidad ng kaluluwa na ang mga gumamit ng mga sinaunang sementeryong ito ay hindi na tunay na mga tagasunod ng mga orihinal na turo ni Jesus.b

Kung Paano Binago ng Renaissance ang Roma

Mula noong panahon ng Renaissance (ika-14 hanggang ika-16 na siglo), isa sa mga dahilan ng malaking pagbabago ng Roma ay ang lumalawak na kapangyarihan at katanyagan ng mga papa. Ipinatawag sa korte ng mga papa ang mga artist, mga arkitekto, at mga bihasang-manggagawa. Isa sa pinakabantog ay si Michelangelo. Ang ilan sa kaniyang mga obra maestra ay iniingatan sa Vatican City. Bantog sa mga ito ang “Huling Paghuhukom,” sa Sistine Chapel, at ang kaniyang mga fresco sa kisame ng kapilya, na makikita kapag pumasok sa Vatican Museum. Kapansin-pansin na hindi inilalarawan ang purgatoryo sa “Huling Paghuhukom.”

Isa pa sa mga gawa ni Michelangelo ay ang kaniyang estatuwa ni Moises, na matatagpuan sa Church of St. Peter in Chains sa Roma. Makikita rin ang kaniyang impluwensiya sa maraming detalye sa St. Peter’s Basilica. Matatagpuan sa simbahang ito ang ilang obra maestra, kabilang ang eskulturang “Pietà” ni Michelangelo. Inilalarawan nito ang namatay na Kristo sa mga bisig ng kaniyang ina.

Ang isang makapupukaw ng interes sa mga Saksi ni Jehova ay ang matatagpuan sa basilika na maraming paglitaw ng Hebreong Tetragrammaton, na kumakatawan sa banal na pangalang Jehova. Hanapin mo ito sa bantayog ng libingan ni Clement XIII at sa Chapel of the Presentation.

Ang Marangyang Istilong-Baroque na Roma

Ang pinakamarangyang anyo ng Roma ay malamang na yaong makikita sa istilong-baroque na lunsod na ito. Ang istilong baroque “ay malakihan at punô ng nakatatawag-pansing detalye,” sabi ng isang ensayklopidiya. Lumitaw ito noong huling bahagi ng ika-16 na siglo, at pagsapit ng ika-18 siglo, ito ay naging ang higit na pangmaliitang istilong rococo. Ang isang tanyag na obrang baroque ay ang bantayog na ginawa ni Bernini para kay Papa Alexander VII sa St. Peter’s. Si Bernini ang paboritong artist ng mga papa. Binago niya ang hitsura ng mga simbahan, mga palasyo, mga estatuwa, at mga fountain sa Roma. Tingnan mo ang mga piazza (liwasan) sa harap ng St. Peter’s Basilica, na napaliligiran ng marangyang kolonada ni Bernini, o ang Piazza del Popolo, na “bumubuo ng isang maringal na may-simetriyang antechamber (dakong tanggapan) sa sentro ng Roma.” Ang istilong Baroque at sining ni Bernini ay nasa lahat ng dako! Tiyaking makita ang kamangha-manghang tanawin na likha ng Trevi Fountain o ang mga fountain ng Piazza Navona, gaya ng Fontana dei Fiumi (Fountain of the Four Rivers) ni Bernini at ang Fontana del Moro (Fountain of the Moor).

Ang Modernong Lunsod

Bihira na ngayon ang mga pagbabago sa pagpaplano ng lunsod. Ang huling malaking proyekto ay noon pang dekada ng 1930, nang itayo ang Esposizione Universale di Roma (E.U.R.). Nilayon nitong luwalhatiin ang Pasismo noong namamahala si Mussolini.

Determinado ngayon ang mga administrador ng lunsod na ingatan at pag-ukulan ng angkop na kahalagahan ang napakahalagang pamanang-sining ng Roma, na makikita hindi lamang sa mga lansangan at liwasan kundi gayundin naman sa mahigit na 100 museo sa lunsod. Ngunit bago pumasyal sa mga museo, mga bantayog, at mga lugar ng mga labí, makabubuting kumuha muna ng impormasyon hinggil sa oras ng pagbubukas ng mga ito sa pamamagitan ng pagsangguni sa angkop na mga site sa Internet o sa isang mahusay na giyang-aklat.

Ang Roma, bagaman kilalá dahil sa Vatican, ay mayroon ding sari-saring relihiyon. Ang mga Saksi ni Jehova ay may tanggapang pansangay at isang Assembly Hall dito. Sa loob ng punong-lunsod, may halos 10,000 Saksi, na nagtitipon sa mga 130 kongregasyon at grupo. Idinaraos nila ang kanilang mga pulong sa 12 wika bukod pa sa Italyano. Malugod kang tatanggapin sa alinmang Sala del Regno (Kingdom Hall).

Kaya alinmang aspekto ng Roma ang nais mong pasyalan, sa marami na iniaalok nito, inaanyayahan ka naming pumunta sapagkat, gaya ng isinulat ng Alemang awtor na si Johann Wolfgang von Goethe, “sa Roma lamang maaaring matuto ang isa para sa Roma.”

[Mga talababa]

a Tingnan ang Gumising!, Abril 8, 1991, pahina 24-7.

b Tingnan ang Gumising!, Agosto 8, 1995, pahina 16-20.

[Kahon/Mga larawan sa pahina 18, 19]

BARI​—Ang Masiglang Kabisera ng Apulia

Ang Apulia ay ang rehiyon na bumubuo sa “takong” ng “bota” ng Italya. (Tingnan ang mapa sa pahina 14.) Tanyag ito dahil sa langis ng olibo at mga alak nito. Ang kabiserang lunsod nito ay ang Bari, na may populasyon na mga 350,000. Ang lunsod ay tinatayang umiral na noong panahon bago ang Roma. May panahon na sumailalim ito sa impluwensiya ng Gresya. Ang lunsod ay tinawag na Barium ng mga Romano, na pumasok sa rehiyon noong ikaapat na siglo B.C.E., at ginawa itong isang municipium, samakatuwid nga, isang pamayanan na tinitirhan ng mga mamamayang Romano at may kasarinlan sa pangangasiwa.

Mula pa noong panahon ng unang Krusada (1096 C.E.), ang Bari ay naging mahalaga para sa mga ruta patungong Silangan. Naging daungan din ito na pinagbunsuran ng maraming barkong pang-Krusada.

Lunsod ni “Amang Pasko”?

Ang pinakamahahalagang bantayog ng Bari ay lubhang kaugnay ng mga pangyayari sa kasaysayan. Ang isang gusali na lalo nang kaugnay ng kasaysayan ng Bari ay ang Basilica di San Nicola. Ang Nicola na tinutukoy ay sinasabing naging obispo ng Myra, isang lunsod sa Asia Minor, noong ikaapat na siglo C.E. Noong sinaunang panahon, ipinagkamali ang mga detalye ng kaniyang buhay sa buhay ng isa pang klero na may gayunding pangalan, na nabuhay noong ikaanim na siglo. Kaya ang taong ito ay nabalutan ng mga alamat na may iba’t ibang pinagmulan. Sa isa sa maraming alamat, ang Nicola na ito ay tinawag na tagapagsanggalang ng mga bata dahil sinasabing binuhay-muli niya ang tatlong bata na pinagputul-putol at ibinabad sa maalat na tubig ng isang balakyot na tagapag-ingat ng bahay-tuluyan! Kaya nga, hindi kataka-taka na noong Edad Medya, lumaganap ang isang di-maka-kasulatang pagpipitagan sa personang ito at naging napakapopular ng inaakalang kaniyang mga labí.

Ayon sa aklat na Puglia-Dal Gargano al Salento, si Nicola, na kilala sa Latin bilang si Sanctus Nicolaus, “ay naging si Santa Claus sa mga lupain sa hilaga ng kabundukang Alps at nang maglaon sa Hilagang Amerika; ang kaniyang kapa ng obispo ay naging sutana na may palamuting balahibo, ang kaniyang mitra ay naging kaputsa, at ang santo ay naging isang mapagkawanggawang matandang lalaki na maputi ang balbas at may supot na punô ng mga regalo.” At ang kinalabasan, si Amang Pasko!c

May iba pang kawili-wiling mga bantayog sa lunsod, ngunit para sa mga Saksi ni Jehova, ang isang gusali na lalo nang nakapupukaw ng kanilang interes ay ang Church of the Holy Trinity and Saints Cosma and Damiano, na itinayo noong dekada ng 1960. Ang pabilog na tuktok nito ay may isang mosayko na doo’y makikita ang Tetragrammaton.

Nakakita Ka na ba ng Isang Trullo?

Hindi mo kinakailangang lumayo sa Bari upang marating ang maraming kawili-wiling lugar na mapapasyalan. Sa Alberobello, mga 55 kilometro sa timog-silangan ng Bari, nariyan ang tanyag na mga trullo. Ang mga ito ay mga puting gusali na kakaiba ang hugis at may bubong na hugis-balisungsong. Tinatawag ang mga ito na mga toldang tumigas at mga bahay-bahayang kakatwa na itinayo sa gitna ng mga puno. Itinayo ang mga ito na may magkakapatong na bato na walang argamasa. Waring parang hindi matibay, baka mapanganib pa nga, ang mga trullo dahil sa paraan ng pagkakatayo nito, ngunit nagtagal ang mga ito. Marami ang daan-daang taon na. Mahusay rin ang insulasyon ng mga ito, anupat ang mga ito ay malamig kung tag-araw at mainit naman kung taglamig.

Kung mahilig ka sa kamera, baka gusto mong kunan ng mga larawan ang kahanga-hangang Castel del Monte, mga 40 kilometro sa kanluran ng Bari. Sinimulan itong itayo ng mga Norman noong ika-12 siglo. Gaya ng sabi ng isang giyang-aklat: Ito ay “nakahihigit sa lahat ng kastilyong iniuugnay kay Frederick II. Isa rin ito sa mga pinakamodernong gusaling sekular noong Edad Medya.” Inilalarawan ito ng aklat bilang “isang mahusay na halimbawa ng arkitekturang may tugma-tugmang heometriya na may dalawang palapag na may tig-wawalong silid.” Inilakip sa disenyo nito na hugis-oktagon ang walong toreng satelayt. Sulit itong pasyalan.

Sa Bari, mga 1,600 Saksi ni Jehova at maraming kaibigan nila ang nagpupulong sa 18 kongregasyon. May-pananabik na hinihintay nilang lahat na tanggapin ang maraming panauhin sa 2001 “Mga Guro ng Salita ng Diyos” na Pandistritong Kombensiyon na gaganapin sa San Nicola Stadium ng lunsod.

[Talababa]

c Tingnan Ang Bantayan ng Disyembre 15, 1989, pahina 26-8, at ang Gumising! ng Disyembre 8, 1989, pahina 14.

[Mga larawan]

Tetragrammaton sa Church of the Holy Trinity and Saints Cosma and Damiano

Ang “promenade”

Castel del Monte

Mga trullo sa Alberobello

[Mapa sa pahina 14]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

ROMA

BARI

[Credit Line]

Mountain High Maps® Copyright © 1997 Digital Wisdom, Inc.

[Larawan sa pahina 14]

Arko ni Tito, na may lilok na naglalarawan sa pananamsam sa templo ng Jerusalem

[Larawan sa pahina 14]

Ang Colosseum

[Larawan sa pahina 15]

Haligi ni Marcus Aurelius

[Larawan sa pahina 15]

Ang Appian Way

[Larawan sa pahina 15]

Ang Pantheon, dating templo ng mga pagano para sa lahat ng diyos, ngayon ay isa nang simbahan ng Katoliko

[Larawan sa pahina 16]

Detalye mula sa “Huling Paghuhukom” ni Michelangelo, sa Sistine Chapel

[Larawan sa pahina 16, 17]

Fountain of the Four Rivers ni Bernini

[Larawan sa pahina 17]

Tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova

[Larawan sa pahina 17]

Trevi Fountain

[Larawan sa pahina 17]

Sinasabi ng mga alamat na sina Romulus at Remus, kathang-isip na mga tagapagtatag ng Roma, ay pinasuso ng babaing lobo

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share