Mga Punungkahoy na Yew—Bakit Nasa mga Dakong Libingan ng Britanya?
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA BRITANYA
NOONG 1656, isang klerigo ng Church of England ang sumulat: “Ang ating mga ninuno ay lubhang maingat sa pagpapanatili sa mga Yew sa bakuran ng simbahan dahil ang di-kumukupas na pagkaluntian nito ay sumasagisag . . . sa imortalidad ng kaluluwa.” Iyan ang tradisyon. Ano ang sinasabi ng mga katibayan?
Malaon nang iniuugnay ang mga evergreen (mga halamang laging sariwa ang mga dahon) sa imortalidad. Sa Wales, ang tradisyon na ang yew ay may gayong isinasagisag ay iniuugnay sa sinaunang mga paniniwala at kaugaliang Druid. Sa Inglatera, matagal na bago pa ang panahong Kristiyano, itinatanim ang mga punungkahoy na yew sa mga dakong kinaroroonan ng paganong templo, at ang mga ito nang maglaon ay ginamit ng simbahan bilang “isang sagradong sagisag.” Mahirap maglaho ang mga tradisyon, at bagaman ang kalakarang ito ay hindi ginaya ng mga Di-Sumasang-ayon, makikita pa rin ang mga punungkahoy na yew sa mga halamanan ng makabagong mga sementeryo sa Britanya.
Ano ang sinasabi ng Bibliya hinggil sa imortalidad ng kaluluwa? Saanman ay hindi nito iniuugnay ang mga salitang “imortalidad” o “imortal” sa “kaluluwa.” Pinaghambing ng Arsobispo ng York sa Inglatera, sa lektyur na “Isang Pagkaunawa Tungkol sa Buhay at Kamatayan Ayon sa Teolohiya,” ang “di-malinaw na mga ideya tungkol sa kaluluwa na lumilisan sa katawan” sa saligang katotohanan sa Bibliya. “Walang anumang bagay sa ating katawan ang sa paanuman ay lumilisan kapag tayo ay namatay,” ang sabi niya.
Anong Uri ng Punungkahoy ang Yew?
Ang English yew [Taxus baccata] ay isang maringal na evergreen na mabagal lumaki at tumataas nang hanggang halos 10 metro. Ang totoo, marami sa mas malalaking ispesimen sa Britanya ay dalawa o higit pang punungkahoy pala na nagkadikit-dikit, anupat lubusang natakpan ng balat ang pagkakadikit-dikit ng mga ito. Batid na ngayon na ang isang Scottish yew, na ang sukat ng kabilugan ng puno nito ay mahigit sa 17 metro, ay dalawa palang punungkahoy na nagkadikit sa ganitong paraan.
Ang mga yew ay maaaring mabuhay nang daan-daang taon—ang sabi ng ilang awtoridad ay libu-libong taon. Marami sa matatandang British yew ang tanging bagay na natira sa mga nayon noong edad medya, na sa palibot ng mga ito ay nagkaroon na ng mga bagong pamayanan.
Ang magulang nang mga buto ng yew ay nababalutan ng isang matingkad-pulang malambot na balat na hugis-tasa na kilala bilang aril. Ngunit ang mga butong ito, gaya ng mga tinik at balat ng punungkahoy, ay nakalalason at maaaring makamatay sa mga hayupan na nanginginain sa tabi. May panahon na pinaniwalaang ang isang bahay na napapalamutian ng yew ay maaaring maging dahilan ng kamatayan sa loob ng pamilya.
Ang kahoy ng yew ay may pinong haspe, na para bang katulad ng kamagong. Ang pinakaubod ng kahoy ay kulay mamula-mulang kahel at maaaring gawing matibay na muwebles. Dahil sa matibay at makunat na katangian nito, ginamit ito noong Edad Medya sa paggawa ng mahahabang busog, na may-kahusayang ginamit ng mga mámamanàng Ingles sa pakikidigma.
Sa Britanya at maging sa mga bahagi ng Normandy na minsang pinamahalaan ng Inglatera, ang mga punungkahoy na yew ay karaniwan nang makikita sa sinaunang mga bakuran ng simbahan. Ang isang bakuran ng simbahan sa Inglatera ay tanyag dahil sa 99 na yew nito, ngunit bihira lamang ang gayong dami. Ang mga yew ay karaniwan nang magkapares na itinatanim, ang isa ay nasa tabi ng sinisilungang pintuang-daan—ang pasukan ng libing patungo sa bakuran ng simbahan—at ang isa naman ay malapit sa pinto ng simbahan. Sa ngayon, kung minsan ay dalawang hilera ng tinabas na mga Irish yew ang makikita sa daanang ito, na may karagdagan pang mga yew na itinanim sa tabi ng itinaas na mga nitso o puntod.
Subalit ang ipinalalagay na imortalidad ng kaluluwa ay isang paganong doktrinang Griego na may kaugnayan sa mga turo ni Plato. Ang pagkabuhay-muli ng mga patay tungo sa buhay na walang hanggan sa lupa ay magiging kaloob ng Diyos sa sangkatauhan sa panahong ang kamatayan ay pinawi na.—Juan 5:28, 29; Apocalipsis 21:4.
[Larawan sa pahina 31]
Isang sanlibong-taóng-gulang na yew sa bakuran ng simbahang St. Andrew, sa Totteridge, Hertfordshire
[Mga larawan sa pahina 31]
Kanan: Makukulay na aril—ngunit nakalalasong mga buto
Dulong kanan: Tinabas na mga Irish yew sa bakuran ng simbahang St. Lawrence, Little Stanmore, Middlesex