Isang Pangglobong Epidemya ng Pagkapoot
MAY isang nakakawalang halimaw—isang halimaw na tinatawag na pagkapoot. At ito’y lumalaganap sa buong daigdig.
Isang lalawigan sa Balkans ang dumaranas pa rin ng mga epekto ng karahasan dahil sa isang kampanya ng paglipol ng lahi kamakailan. Ang matinding poot na tumatagal nang mga dantaon ay humantong sa lansakang pagpatay, panghahalay, pagpapaalis, pagsunog at pandarambong sa mga tahanan at mga nayon, pagsira ng mga pananim at mga hayupan, at taggutom. Marami pa ring mga bombang nakabaón sa lupa.
Sa Silangang Timor, Timog-silangang Asia, kinailangang lumikas ang 700,000 takót na mga tao dahil sa kahila-hilakbot na mga pagpatay, pambubugbog, walang-patumanggang pamamaril, at sapilitang pagpapaalis. Iniwan nila ang isang tanawing sinira ng mandarambong na tulad-militar na mga grupo. “Para akong isang tinutugis na hayop,” ang sabi ng isa sa mga biktima.
Sa Moscow, winasak ng isang malakas na pagsabog ng bomba ng terorista ang isang gusaling apartment. Ang bangkay ng 94 na inosenteng mga tao—ang ilan sa kanila ay mga bata—ay nagkalat dahil sa pagsabog. Mahigit sa 150 ang nasugatan. Pagkatapos ng gayong kagimbal-gimbal na pangyayari, nagtatanong ang mga tao, ‘Sino ang susunod na biktima?’
Sa Los Angeles, California, inasinta at pinaputukan ng isang nagtatangi ng lahi ang isang grupo ng mga batang Judio na nag-aaral sa preschool at pagkatapos ay binaril ang isang karterong Pilipino.
Ang pagkapoot ay angkop na mailalarawan bilang isang pangglobong epidemya. Halos araw-araw, isinisiwalat ng mga balita kung ano ang nangyayari kapag ang matinding poot dahil sa lahi, lipi, o relihiyon ay sinasamahan ng katampalasanan. Nakikita nating nagkakawatak-watak ang mga bansa, mga komunidad, at mga pamilya. Nakikita natin ang mga bansang nasasangkot sa lansakang paglipol ng lahi. Nakikita natin ang nakasisindak na di-makataong kalupitan na ginagawa dahil lamang sa ang ilang tao ay “naiiba.”
Kung ang halimaw na tinatawag na pagkapoot ay kailangang ikulong, dapat nating maunawaan ang mga pinagmulan ng gayong marahas na pagkapoot. Nasa mga gene ba ng tao ang pagkapoot? Ito ba’y natututuhang paggawi? Posible bang mapahinto ang siklo ng pagkapoot?
[Picture Credit Line sa pahina 3]
Kemal Jufri/Sipa Press