Kapag Sumalakay ang Matinding Takot
“May patalim ako! Tumahimik ka, o kung hindi ay papatayin kita!”
NAPAKAGANDA ng hapon noong tag-araw na iyon, at ang 17-taóng-gulang na si Jane,a isang Saksi ni Jehova, ay nag-iiskeyting sa isang pampublikong parke sa Virginia, E.U.A. Walang anu-ano, ang parke ay tila nawalan ng mga tao, at siya’y nagpasiyang umalis. Habang siya’y nakaupo malapit sa minivan ng kaniyang pamilya at naghuhubad ng kaniyang mga iskeyt, nilapitan siya ng isang estranghero. Habang sinasabi nito ang nakatatakot na mga salitang nasa itaas, hiniling nitong makipagtalik, sinunggaban si Jane, at sinikap na itulak siya sa loob ng minivan. Sumigaw siya nang ubod lakas hangga’t makakaya niya, subalit hindi nito napahinto ang pagsalakay.
“Nadama ko na parang wala akong magagawa,” ang gunita ni Jane nang dakong huli. “Para akong isang maliit na insekto laban sa isang higante. Subalit patuloy akong nagsisigaw at nanlaban. Sa wakas, tumawag ako sa Diyos, ‘Jehova, pakisuyo, huwag po ninyong pahintulutang mangyari ito sa akin!’” Waring iyan ang nakagulat sa sumasalakay, anupat agad na binitiwan siya at tumakas.
Nang makapasok sa kotse nito ang taong manghahalay sana, nagkandado si Jane sa loob ng kaniyang van, na nanginginig. Sa pagsunggab sa cell phone, pinilit niya ang kaniyang sarili na maging mahinahon. Tumawag siya sa pulisya at ibinigay ang isang tumpak na paglalarawan sa kotse ng suspek at ang numero ng plaka nito, na humantong sa pag-aresto rito sa loob ng ilang minuto.
Isang Masayang Wakas?
Oo, subalit hindi karaka-raka. Pasimula pa lamang iyon ng mahirap na karanasan ni Jane. Bagaman pinuri ng pulisya at ng mga pahayagan ang kaniyang mabilis at malinaw na pag-iisip sa pagsalakay na iyon, nang humupa na ang unang matinding pagkasindak, nakadama na si Jane ng kalituhan. “Pagkaraan ng ilang linggo, sinumpong na ako ng nerbiyos,” ang gunita niya. “Lagi akong sinusumpong ng pagkataranta dahil sa takot, anupat hindi ako makatulog. Pagkaraan ng ilang linggo na ganito ang kalagayan, hindi na ako makapag-aral o makapagtuon ng isip. Nagkaroon din ako ng mga sumpong ng pagkataranta dahil sa takot. Sa paaralan, tinapik ako sa balikat ng isang kaklase ko na medyo kahawig ng sumalakay sa akin upang magtanong ng oras, at halos himatayin ako sa sobrang nerbiyos.”
Ang sabi niya: “Napakamiserable ko. Hindi na ako nakipag-ugnayan sa aking mga kaibigan, at ang kalungkutan ay lalo lamang nagpatindi sa panlulumo. Sinisi ko ang aking sarili na pinayagan ko ang pagsalakay, at labis kong ikinalungkot na hindi na ako ang dating maligaya at nagtitiwalang tao bago ito nangyari. Nadama kong para bang namatay na ang pagkataong iyon.”
Nararanasan noon ni Jane ang ilang karaniwang sintomas ng post-traumatic stress disorder (PTSD). Ano ang PTSD, at ano ang magagawa upang matulungan yaong mga pinahihirapan ng nakapipinsalang mga sintomas nito? Sasagutin ng susunod na artikulo ang mga katanungang ito.
[Talababa]
a Binago na ang pangalan.