Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g01 9/22 p. 18-21
  • Leif Eriksson—Ang Nakatuklas sa Amerika?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Leif Eriksson—Ang Nakatuklas sa Amerika?
  • Gumising!—2001
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Naglayag si Leif Eriksson
  • Tatlong Bagong mga Lupain
  • Anong Katibayan?
  • Ano ang Nangyari sa mga Norse?
  • Nasaan Kaya ang Maalamat na Vinland?
    Gumising!—1999
  • Ang mga Viking—Mga Mananakop at Manlulupig
    Gumising!—2000
  • Mula sa Aming mga Mambabasa
    Gumising!—2000
  • Talaan ng mga Nilalaman
    Gumising!—2001
Iba Pa
Gumising!—2001
g01 9/22 p. 18-21

Leif Eriksson​—Ang Nakatuklas sa Amerika?

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA DENMARK

SINO ang nakatuklas sa Amerika? Walang sinuman ang nakatitiyak. Ang sagot ay nakadepende nang malaki sa kung paano mo bibigyan-kahulugan ang salitang “pagtuklas” at “Amerika.” Kung sa bagay, ang malawak na lupaing ito ay tinitirhan na sa loob ng maraming siglo bago pa nalaman ng mga Europeo na umiiral ito. Sa unang bahagi ng taóng 1493, bumalik si Christopher Columbus sa Europa taglay ang mga ulat ng kaniyang nasaksihan sa kaniyang unang paglalakbay sa Amerika. Siya ay aktuwal na dumaong sa mga pulo ng West Indies. Ngunit hindi siya ang unang Europeo na nakarating sa kahanga-hangang bagong daigdig na ito. Maliwanag na isang pulutong ng mga taga-Scandinavia na blond ang buhok ang nakarating na sa kontinente ng Hilagang Amerika 500 taon bago nito.

Isang libong taon na ang nakararaan, ang Hilagang Atlantiko ay malamang na malamig at pabagu-bago rin na gaya sa ngayon. Maaaring isipin ng isang magdaragat na alam niya ang pabagu-bagong hihip ng hangin at agos ng tubig sa karagatan, ngunit dahil sa makapal na ulap at unos ay maaaring maging imposible para sa kaniya na matukoy kung nasaan na siya at kung saan siya patungo sa loob ng maraming linggo. Ayon sa isa sa sinaunang mahahabang salaysay ng mga Norse, ito mismo ang nangyari noong isang tag-araw sa kabataang si Bjarni Herjolfsson, isang mahusay na magdaragat at abenturero. Naligaw siya habang naglalayag​—ngunit maaaring nakasumpong siya ng isang kontinente!

Panahon iyon ng mga Viking, nang ang mga Norse ay nagpalawak ng kanilang nasasakupan sa ibayong dagat at hanggang sa Europa. Ang kanilang mga barkong makikitid at matitibay sa dagat ay naglayag mula sa baybayin ng Norway tungo sa mga dalampasigan ng Hilagang Aprika hanggang sa mga ilog ng Europa.

Sang-ayon sa Saga of the Greenlanders, si Bjarni ay naglakbay nang matagal patungong Norway. Nang papalapit na ang taglamig noong 986 C.E., bumalik siya sa Iceland na may napakaraming dala. Ngunit laking gulat niya nang matuklasang umalis ng Iceland ang kaniyang ama kasama ng isang plota ng mga barko sa ilalim ng pangunguna ni Erik the Red. Lumisan sila upang manirahan sa isang malaking bansa na natuklasan ni Erik sa gawing kanluran ng Iceland. Upang maging lalong kaakit-akit ito, pinanganlan ni Erik ang isla na Greenland. Buo ang loob, naglayag ang kabataang si Bjarni patungong Greenland. Ngunit nagbago ang hihip ng hangin. Bumaba ang makapal na ulap sa mga magdaragat. “Sa loob ng maraming araw ay hindi nila alam kung saan na sila naglalayag,” ang sabi sa mahabang salaysay na nabanggit sa itaas.

Nang sa wakas ay makakita ng lupa ang mga magdaragat, hindi ito katugma ng pagkakalarawan sa Greenland. Ang baybayin ay waring mahalaman, maburol, at magubat. Naglayag sila patungong hilaga samantalang ang baybayin ay nasa gawing kaliwa nila. Ang ikalawang natanaw na lupa ay waring hindi pa rin kagaya ng Greenland. Gayunman, pagkaraan ng ilang araw, iba na ang lupa​—mas bulubundukin at maraming malalaking tipak ng yelo. Pagkatapos nito ay lumiko pasilangan sina Bjarni at ang kaniyang mga tripulante palaot sa karagatan at sa wakas ay natagpuan ang Greenland at ang kolonya ng mga Norse na pinamumunuan ni Erik the Red.

Naglayag si Leif Eriksson

Marahil ay sa ganitong paraan unang nakita ng mga Europeo​—bagaman hindi nila natuntungan​—​ang pangunahing lupain ng kontinente na nang maglaon ay nakilala bilang Hilagang Amerika. Ang ulat hinggil sa nakita ni Bjarni ay pumukaw ng masidhing interes sa kaniyang mga kapuwa Norse na nasa Greenland. Ang kanilang maginaw na lupain ay may kakaunting punungkahoy; upang maitayo at makumpuni ang kanilang mga bangka at tahanan, umasa sila sa mga inanod na kahoy o sa magastos na pagbibiyahe ng troso mula sa ibayong dagat. Ngunit waring sa kabilang ibayo lamang ng tubig sa gawing kanluran ay may isang lupain na may mga kagubatan na punô ng pagkarami-raming punungkahoy!

Ang higit na naakit sa bagong lupaing ito ay ang kabataang si Leif Eriksson, isang anak na lalaki ni Erik the Red. Inilarawan si Leif bilang “isang malaki at malakas na lalaki, na may kabigha-bighaning anyo at matalino.” Noong mga taóng 1000, binili ni Leif Eriksson ang barko ni Bjarni, at kasama ang 35 lalaking tripulante, naglayag siya upang hanapin ang mga baybayin na nakita ni Bjarni.

Tatlong Bagong mga Lupain

Kung tumpak ang mahahabang salaysay, unang natagpuan ni Leif ang isang lupaing walang damo, na may malalaking tipak ng yelo na bumabalot sa mga kabundukan. Dahil ang lupaing iyon ay mukhang isang malaking patag na bato, pinanganlan ito ni Leif na Helluland​—na nangangahulugang “Lupain ng Malaking Bato.” Maaaring ito ang mismong sandali nang unang makatuntong ang mga Europeo sa Hilagang Amerika. Naniniwala ang mga istoryador sa ngayon na ang Helluland ay ang Baffin Island, sa hilagang-silangan ng Canada.

Ipinagpatuloy ng mga nakatuklas na Norse ang kanilang paglalakbay patimog. Natagpuan nila ang pangalawang lupain, na patag at magubat, na may dalampasigang puti ang buhangin. Tinawag ito ni Leif na Markland, na nangangahulugang “Magubat na Lupain,” na karaniwan na ngayong kinikilala bilang ang Labrador. Di-nagtagal ay natuklasan nila ang pangatlo at lalo pang kapaki-pakinabang na lupain.

Sinasabi pa ng mahabang salaysay: “Naglayag sila sa dagat at gumugol ng dalawang araw sa dagat habang humihihip ang hanging amihan bago sila nakakita ng lupa.” Naging kaakit-akit sa kanila ang bagong lupaing ito anupat ipinasiya nilang magtayo ng mga bahay at magpalipas ng taglamig doon. Sa panahon ng taglamig, “ang temperatura ay hindi kailanman bumaba sa antas ng pagyeyelo at bahagya lamang na nalanta ang damo.” Nang maglaon, ang isa sa mga lalaki ay nakasumpong pa nga ng mga ubas at mga punong-ubas; dahil dito, tinawag ni Leif Eriksson ang lupain na Vinland, malamang na nangangahulugang “Lupain ng Alak.” Nang sumunod na tagsibol, naglayag ang mga lalaki pabalik sa Greenland, at ang kanilang mga bangka ay punô ng mga bunga ng Vinland.

Gustung-gustong malaman ng mga iskolar sa ngayon kung nasaan talaga ang Vinland na ito na may luntiang mga pastulan at mga ubas, ngunit ang kinaroroonan nito ay hindi pa rin matiyak. Nasumpungan ng ilang mananaliksik na ang kaanyuan ng lupain sa Newfoundland ay katugma ng mga paglalarawan sa sinaunang mahahabang salaysay. Ipinakikita ng isang lugar na hinukay sa Newfoundland na nakadalaw nga ang mga Norse sa isla. Gayunman, ipinalalagay ng ibang siyentipiko na ang Vinland ay malamang na nasa bandang timog pa at na ang lugar sa Newfoundland ay nagsilbing isang kampong himpilan o isang daanan ng mga Norse patungo sa Vinland na nasa gawing timog pa.a

Anong Katibayan?

Walang sinuman ang talagang nakaaalam kung paano itutugma ang mga detalye ng mahabang salaysay na ito ng mga Norse at sa kasalukuyang heograpiya. Ang kulang-kulang at malalabong detalye ng mahahabang salaysay ay matagal nang palaisipan sa mga istoryador. Gayunman, ang pinakamahalagang katibayan na nakapunta sa Amerika ang mga Norse bago pa si Columbus ay ang lugar na hinukay noong mga dekada ng 1960 at 1970 sa Newfoundland, malapit sa nayon ng L’Anse aux Meadows. Makikita sa lugar na ito ang mga nagibang bahay na di-matututulang mga bahay ng mga Norse, gayundin ang isang hurnong bakal at iba pang mga bagay na pinetsahang kapanahon ni Leif Eriksson. Gayundin, isang manggagalugad na taga-Denmark na nagtatrabaho sa timugang bahagi ng Newfoundland ang nakasumpong kamakailan ng isang batong pabigat na mahusay ang pagkakagawa na marahil ay ginamit sa isang barkong Viking.

Ang mga paglalakbay ng mga Norse patungo sa bagong mga lupain sa malayong kanluran ay hindi nanatiling lihim. Naglakbay si Leif Eriksson patungong Norway upang iulat ang kaniyang nakita sa hari ng Norway. Nang si Adam ng Bremen, isang Aleman na istoryador at pinuno ng isang paaralang katedral, ay naglakbay patungong Denmark noong mga 1070 upang pag-aralan ang mga lupain sa hilaga, sinabi sa kaniya ni Haring Sweyn ng Denmark ang tungkol sa Vinland, na may napakainam na alak. Ang maikling kuwentong ito ay naging bahagi ng salaysay ni Adam ng Bremen. Dahil dito, marami sa mga edukado sa Europa ang nakaalam tungkol sa mga lupain sa kanluran na dinalaw ng mga Norse. Bukod dito, ang sinaunang mga ulat-pangkasaysayan ng Iceland noong ika-12 at ika-14 na siglo ay bumabanggit tungkol sa ilan pang huling paglalakbay ng mga Norse patungong Markland at Vinland, na nasa kanluran ng Greenland.

Maaaring alam na alam din ni Christopher Columbus ang tungkol sa mga paglalakbay sa Vinland na naganap mga 500 taon bago ang kaniyang panahon. Ayon sa isang aklat tungkol sa Vinland, may mga pahiwatig na bago ang kaniyang tanyag na paglalakbay noong 1492/93, naglakbay pa nga si Columbus patungong Iceland upang pag-aralan ang mga rekord na naroroon.

Ano ang Nangyari sa mga Norse?

Walang rekord tungkol sa isang permanenteng pamayanan ng mga Norse sa Amerika. Maaaring nagkaroon ng panandalian at di-matagumpay na pagtatangkang manirahan doon; ngunit di-kaayaaya ang mga kalagayan, at ang mga katutubong Amerikano​—na tinawag ng mga Viking na mga Skraeling​—ay napatunayang mas malalakas kaysa sa mga dayo. Sa Greenland ay nahirapan ang mga inapo ni Erik the Red at ng kaniyang anak na si Leif Eriksson. Lalong sumamâ ang klima, at umunti ang mga panustos. Pagkaraan ng mga apat o limang siglo, waring ganap na naglaho ang mga Norse mula sa Greenland. Ang huling nasusulat na rekord tungkol sa mga Norse sa Greenland ay may kaugnayan sa isang kasalan na ginanap sa isang simbahan sa Greenland noong 1408. Pagkalipas ng mahigit sa isang siglo, natagpuan ng isang barkong pangkalakal ng mga Aleman ang kolonya ng Greenland na ganap na inabandona ngunit naiwan ang isang bangkay na di-inilibing​—isang lalaki, na ang kaniyang punyal ay nasa tagiliran pa niya. Pagkaraan niyaon, wala nang narinig tungkol sa mga Norse sa Greenland. Noon lamang ika-18 siglo dumating ang mga dayuhang Norwego at Danes upang magtatag ng isang permanenteng kolonya.

Gayunman, mula sa Greenland nagsimulang maglakbay ang matatapang na mga manlalayag na Norse patungo sa isang bagong daigdig. Maguguniguni pa rin ng isa ang matatapang na magdaragat na ito na umuugit sa kanilang mga bangkang may parisukat na layag patungo sa di-pa-nababagtas na katubigan hanggang sa mamangha sila sa pagtambad ng isang kakaibang baybayin sa abot-tanaw​—anupat hindi kailanman nag-akala na pagkalipas ng limang siglo, ipagbubunyi si Christopher Columbus bilang ang nakatuklas sa Bagong Daigdig na ito.

[Talababa]

a Tingnan ang artikulong “Nasaan Kaya ang Maalamat na Vinland?” sa Hulyo 8, 1999, labas ng Gumising!

[Kahon/Larawan sa pahina 20]

PAANO NAGLALAYAG ANG MGA VIKING?

Ang mga Viking na Norse ay walang mga kompas. Kung gayon, paano sila naging gayon na lamang kahusay na mga magdaragat? Kapag hindi naglalayag sa laot ng karagatan, naglalayag sila nang may nakikitang baybayin. Hangga’t maaari, tinatawid nila ang isang makipot na katubigan kung saan makikita ang lupain sa magkabilang ibayo. Bukod dito, alam nila kung paano susundan ang araw at mga bituin. Halimbawa, gumagamit sila ng isang simpleng sistema upang matiyak ang kanilang latitud, anupat ginagawang batayan ang isang talaan ng mga numero para sa bawat linggo ng taon at ang isang panukat na patpat upang sukatin ang taas ng araw sa katanghalian mula sa abot-tanaw. Dahil sa wala silang sistema sa pagtiyak sa longhitud, kapag nasa laot sila ng karagatan, pinipili nilang maglayag patungong silangan o patungong kanluran, na sinusunod ang isang piniling latitud.

Halimbawa, kung nais nilang maglakbay mula sa Greenland tungo sa isang posisyon sa baybayin ng Vinland, maglalayag sila patimog mula sa Greenland hanggang sa marating nila ang wastong latitud; pagkatapos ay babaling sila patungong kanluran at hahanapin ang piniling daungan. Ang pagmamasid sa ibon ay kapaki-pakinabang din sa mga tripulanteng Viking na nasa laot ng karagatan. Sila ay dalubhasa sa paghihinuha kung saan may lupa​—at kung alin ang lupang iyon​—sa pamamagitan ng pagmamasid sa mga ibong lumilipad. Kung minsan ay nagdadala sila ng mga uwak; kapag pinakawalan, ang mga ibon ay sasalimbay at lilipad patungo sa pinakamalapit na baybayin. Sa gayon ay nalalaman ng mga tripulanteng Viking kung saan masusumpungan ang pinakamalapit na lupa.

Ang isa pang tulong sa paglalayag ay ang pag-arok sa lalim ng tubig. Ibababa ng isang magdaragat na Viking ang isang tali na kinabitan ng pabigat na tingga. Nagsisilbi ito sa dalawang layunin. Una, dahil dito ay matitiyak niya ang lalim ng tubig. Kapag ang pabigat ay lumapag na sa ilalim, hihilain pataas ng magdaragat ang tali, anupat ginagamit ang dipa ng kaniyang mga braso upang sukatin ang haba nito. Hanggang sa ngayon, sinusukat ng mga marinero ang lalim sa pamamagitan ng anim-na-piyeng “fathom,” isang kataga na halaw sa isang salita ng Sinaunang Norse na nangangahulugang “nakaunat na mga bisig.” Ngunit ang pabigat na tingga ay may pangalawang gamit. Kadalasan, yari ito na malukong ang ilalim at pinunô ng sebo. Dahil dito, ang pabigat ay mag-aahon ng isang sampol ng sahig ng dagat. Susuriin ng magdaragat ang kayarian ng sampol at sasangguni sa kaniyang mga tsart na pandagat, na naglalaman ng mga nakasulat na paglalarawan tungkol sa kayarian ng mga sahig ng dagat sa iba’t ibang lugar. Bagaman simple ang kanilang mga kagamitan, ang mga Viking ay naging mga namumukod-tanging manlalayag.

[Credit Line]

Larawan: Stofnun Arna Magnússonar, Iceland

[Mapa sa pahina 18]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

NOVA SCOTIA

Si Bjarni Herjolfsson na naglalakbay mula sa Iceland noong mga 986 C.E.

NEWFOUNDLAND

LABRADOR

BAFFIN ISLAND

GREENLAND

Si Leif Eriksson na naglalakbay mula sa Greenland noong mga 1000 C.E.

GREENLAND

BAFFIN ISLAND

LABRADOR

NEWFOUNDLAND

[Credit Line]

Mountain High Maps® Copyright © 1997 Digital Wisdom, Inc.

[Larawan sa pahina 18]

Sa kaliwa, isang muling itinayong tahanan ni Erik the Red sa Greenland

[Larawan sa pahina 18]

Isang kaparehong sukat na replika ng isang barkong Viking na umulit sa paglalakbay ni Leif Eriksson

[Credit Line]

Mga barkong Viking sa pahina 2 at 18: Mga larawan: Narsaq Foto, Greenland

[Larawan sa pahina 21]

Estatuwa ni Leif Eriksson, Iceland

[Larawan sa pahina 21]

L’Anse aux Meadows, Newfoundland

[Credit Line]

Parks Canada

[Picture Credit Line sa pahina 20]

Artifacts on display at the Museum of National Antiquities, Stockholm, Sweden

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share