Nasaan Kaya ang Maalamat na Vinland?
Ng kabalitaan ng Gumising! sa Canada
ANG lupain ay may likas na tumutubong mga trigo, mga batis na punô ng isdang salmon, mga ligaw na “wine berries” (cranberries), at mga panahon ng taglamig na walang yelo. Kung ibabatay sa pamantayan noong nakalipas na isang milenyo, ito’y isang paraiso. Ang salaysay tungkol sa 36 na matatapang na lalaking naglakbay roon ang naging saligan ng isang ika-20-siglong imbestigasyon sa kinaroroonan ng lugar kung saan marahil ay unang dumating sa Hilagang Amerika ang mga Europeo.
Sa pagitan ng 990 at 1000 C.E., pinasimulan ng Viking na si Leif Eriksson at ng kaniyang mga tauhan ang kanilang 2,000 kilometrong paglalakbay upang manggalugad. Sa paglalayag pahilaga sa kahabaan ng kanlurang baybayin ng Greenland at pagkatapos ay lumiko sa kanluran, nasumpungan ni Eriksson ang dalawang lugar, na tinawag niyang Helluland at Markland. Sa ngayon ang mga ito’y iniuugnay sa Baffin Island at Labrador. Ang ikatlong daungan ng pangkat ay naging isang hiwaga—nasaan kaya ang maalamat na Vinland?
Noong 1959, pinasimulan ng mga arkeologong sina Helge Ingstad at ng kaniyang asawa, si Anne Stine Ingstad, ang paghahanap. Ang tanging palatandaang hawak nila ay ang nasa sinaunang rekord ng mga Norseman, na tinatawag na mga alamat ng taga-Iceland, na naglalaman ng pinaghalong katotohanan at katha. Libu-libong milya ang narating ng mag-asawa sa paglalakbay sa karagatan, sa lupa, at sa himpapawid, na akyat-baba sa silanganing baybayin ng Hilagang Amerika. Sa wakas ay nagbunga ang kanilang paghihirap nang sa di-inaasahan ay napadaan sila sa maliit na pamayanan ng L’Anse aux Meadows, sa hilagang peninsula ng isla ng Newfoundland. Doon, isinama sila ng isang tagaroon, si George Decker, sa isang lugar na kinaroroonan ng mga labí ng mga gibang bahay na nagmukha nang talahiban.
Pagkatapos ng pitong taon ng arkeolohikal na paghuhukay waring napatunayan ang kasaysayan ng lugar na iyon at nabihag ang pansin ng daigdig. Kapansin-pansin, nakahukay ang mag-asawang Ingstad ng walong gusali na ang mga pader ay nababalutan ng mga damo at isang alpiler na ikinakabit sa damit. Lahat ng ito ay nagpapahiwatig na nagmula sa mga Viking. Isa sa pinakaimportanteng natuklasan ay ang isang maliit na hurno na pantunaw ng bakal. Ang natirang bakal ay kasintanda ng kasaysayan ng pagdating ni Eriksson sa Bagong Daigdig. Ang ebidensiya, lahat-lahat, ay waring nagpapahiwatig na talagang nagkaroon ng mga Viking sa Hilagang Amerika.
Ang lugar na kilala natin ngayon bilang L’Anse aux Meadows ay napatunayang hindi kaayon ng maalamat na paglalarawan sa Vinland. Malamang na hindi natin talaga matitiyak ang eksaktong kinaroroonan ng lupaing iyan. Gayunman, bagaman waring hindi ang mga Viking ang unang nakarating sa Hilagang Amerika, ang pagdating nila roon ay nauna nang mga 500 taon bago pa si Columbus.
Maaari mong dalawin ang lugar na iyon sa ngayon at makita ang naging pamumuhay ng mga Viking. Makikita roon ang kinumpuning mga bahay na yari sa mauugat na damo at isang replika ng isang barkong Viking na posibleng sinakyan ni Eriksson sa kaniyang makasaysayang paglalayag. Dahil sa sinaunang kasuutan ng mga giyang nagpapaliwanag ng kasaysayan, mapasisigla kang balikan ang isang libong taóng nakalipas at tutulungan ka nito upang makini-kinita ang iyong sarili na namumuhay na parang isang Viking.
[Mapa sa pahina 12]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
GREENLAND
BAFFIN ISLAND
LABRADOR
NEWFOUNDLAND
L’ANSE AUX MEADOWS
[Larawan sa pahina 12]
Ang “Snorri,” isang 54-na-talampakang replika ng isang pangkalakal na barko ng Viking na kilala bilang “knarr”
[Credit Line]
Nordfoto/Carl D. Walsh
[Larawan sa pahina 12, 13]
Kinumpuning mga bahay na yari sa mauugat na damo sa L’Anse aux Meadows
[Credit Line]
L’Anse aux Meadows National Historic Site/UNESCO World Heritage Site
[Larawan sa pahina 13]
Si Leif Eriksson