Ang Naglahong Kaluwalhatian ng Imperyong Byzantine
GAMITIN MO ANG SALITANG “BYZANTINE” AT SA ILANG WIKA AY IPINAHIHIWATIG MO ANG INTRIGA, PAGLILIHIM, AT PAGLILILO. GAYUNMAN, HINDI NATATANTO NG MARAMING TAO NA ANG PANG-URING ITO AY PANGALAN NG ISANG MALAKING TERITORYO NA NANAGANA SA LOOB NG HALOS 12 SIGLO.
MULA sa Caucasus hanggang sa Atlantiko, mula sa Crimea hanggang sa Sinai, mula sa Danube hanggang sa Sahara—iyan ang nasasakupan ng Imperyong Byzantine noong karurukan nito. Sinasabi ng maraming istoryador na nagtagal ito mula sa ika-4 na siglo hanggang sa ika-15 siglo C.E. Isa itong imperyo na hindi lamang nagpanatili sa kulturang Griego at Romano kundi malaki rin ang kinalaman nito sa paglaganap ng tinatawag na Kristiyanismo. Ito ang pinagmulan at nagsaayos ng mga kaugaliang pampulitika, panlipunan, at panrelihiyon na buháy pa rin hanggang sa panahong ito.
Gayunman, ang makapangyarihang imperyong ito ay may kapansin-pansing maliit na pasimula. Sa kasaysayan, ang Imperyong Byzantine ay isang pagpapatuloy ng Imperyong Romano sa Silangan. Pinagtatalunan pa rin ang petsa ng pagsisimula nito. Ayon sa ilang istoryador, si Diocletian (c. 245–c. 316 C.E) ang unang emperador na Byzantine; para sa iba ay si Constantinong Dakila (c. 275-337 C.E.); at sa iba naman ay si Justinian I (483-565 C.E.). Subalit sumasang-ayon ang karamihan na nagsimulang umiral ang Imperyong Byzantine bilang isang natatanging teritoryo nang ilipat ni Emperador Constantino ang kabisera ng kaniyang imperyo mula sa Roma tungo sa Byzantium noong 330 C.E. Binago niya ang pangalan ng lunsod at isinunod sa kaniyang pangalan—Constantinople (makabagong-panahong Istanbul).
Kapansin-pansin, hindi kailanman tinukoy ng mga tagapamahala ni ng mga mamamayan ng imperyong ito ang kanilang sarili bilang mga Byzantine. Itinuring nila ang kanilang sarili bilang mga Romano, o Romaioi. Ginamit lamang ang terminong “Byzantine” pagkaraan ng ika-14 na siglo.
Isang Maringal na Kabisera
Inilarawan ng isang istoryador ang sinaunang Constantinople bilang “mayaman sa katanyagan at mas mayaman pa nga sa ari-arian.” Palibhasa’y nasa mga sangandaan ng Europa at Asia—sa Bosporus Strait—kontrolado ng Constantinople kapuwa ang isang madaling ipagsanggalang na peninsula at isang protektadong daungan, ang Golden Horn. Noong 657 B.C.E., pinanganlan ng mga naninirahang Griego ang lugar na Byzantium mula sa pangalan ng kanilang maalamat na lider na si Byzas. Pagkalipas ng mahigit na sampung siglo, itinuring na ito ang Bagong Roma, na naging tahanan ng kalahating milyon katao noong mga araw ng kaluwalhatian nito sa pagitan ng ika-6 at ika-11 siglo C.E.
Hangang-hanga ang mga panauhin mula sa Kanluran sa malaking lunsod at pangunahing sentrong ito ng mga ruta ng pandaigdig na kalakalan. Punung-punô ng mga sasakyang-dagat ang daungan nito. Mabibili sa mga palengke nito ang mga seda, balahibo ng hayop, mahahalagang bato, mababangong kahoy, inukit na garing, ginto, pilak, pinakintab na mga alahas, at mga pampalasa. Mauunawaan naman na kinainggitan ang Constantinople ng iba pang mga kapangyarihan, kaya paulit-ulit nilang tinangkang butasin ang mga pader nito. Bago ang pananakop ng mga Ottoman noong 1453, minsan lamang nagtagumpay ang mga mananalakay na masakop ang lunsod—alalaong baga’y, ang “mga Kristiyano” ng Ikaapat na Krusada. “Noon lamang nakita o nakamit ang gayong kalaking kayamanan sapol nang umiral ang daigdig,” bulalas ng krusadong si Robert ng Clari.
Isang Namamalaging Pamana
Maniwala ka man o hindi, ang pamahalaan, mga batas, relihiyosong ideya, at karingalan ng mga seremonya ng Byzantine ay patuloy na nakaaapekto sa buhay ng bilyun-bilyon sa ngayon. Halimbawa, ang bantog na kalipunan ni Justinian ng legal na mga simulain na tinatawag na Corpus Juris Civilis (Kalipunan ng Kautusang Sibil) ay naging pundasyon ng Romanong batas sa kontinente ng Europa ngayon. Sa pamamagitan ng Code Napoléon, ang mga legal na kautusang Byzantine ay nakarating sa Latin Amerika at sa iba pang bansa, kung saan may epekto pa rin ang mga ito.
Karagdagan pa, natutuhan ng mga arkitektong Byzantine kung paano magtayo ng isang malaking simburyo sa isang kuwadradong espasyo—isang istilo na lumaganap maging hanggang sa Russia. Ipinatutungkol pa ng iba sa mga Byzantine ang pagpapauso ng paggamit ng tinidor sa hapag kainan. Sa Venice noong ika-11 siglo, nang gumamit ng isang tinidor na may dalawang tusok ang isang prinsesang Byzantine sa halip na kumain sa pamamagitan ng kamay, nagitla ang mga nakakita! Gayunman, pagkalipas ng ilang siglo, nagsimulang maging popular ang tinidor sa mayayaman. Naengganyo na rin ang mga papa sa Roma sa impluwensiyang Byzantine, anupat nagsuot ng isang tiara na kaparis ng suot ng emperador na Byzantine. Ginaya rin ng mga monarka ng Inglatera ang orbe at setro ng emperador.
Batas at Kaayusan
Nag-iwan din ang Imperyong Byzantine ng kawili-wiling kalipunan ng mga patakaran ng pamahalaan. Halimbawa, ang mga dukha ay pinagtatrabaho sa mga panaderya ng estado at hardin ng mga pamilihan. “Ang kawalan ng ginagawa ay humahantong sa krimen,” ang paniwala ni Emperador Leo III (c. 675-741 C.E.). Yamang pinaniniwalaan na ang paglalasing ay umaakay sa kaguluhan at sedisyon, isinasara ang mga taberna pagsapit ng alas 8:00 n.g. Ayon sa National Geographic Magazine, “ang insesto, pagpatay, pribadong paggawa o pagbebenta ng telang purpura (na para lamang sa mga maharlika) o pagtuturo ng paggawa ng barko sa mga kaaway ay maaaring maparusahan ng pagkapugot ng ulo, pagkabayubay—o pagkalunod sa loob ng isang sako kasama ang isang baboy, tandang, ulupong, at isang unggoy. Pinuputulan ng kamay ang isang tindero na nandaya sa panukat. Sinusunog ang mga arsonista.”
Kapansin-pansin, naglaan din ang Imperyong Byzantine ng mga benepisyo mula sa pagkasilang hanggang sa kamatayan gaya ng mga programa sa pagkakawang-gawa na inilalaan ng mga estado sa ngayon. Nag-aabuloy nang malaki ang mga emperador at mayayamang mamamayan para matustusan ang mga ospital, bahay para sa mahihirap, at mga ampunan. May mga tahanan para sa mga nagsisising patutot—na ang ilan ay naging mga “santa”—at maging isang repormatoryo para sa mga imoral na babaing maharlika.
Isang Imperyong Lumaki sa Pangangalakal
Masasalamin sa gayong pagkabukas-palad ang kasaganaang tinatamasa ng imperyo. Kontrolado ng Estado ang mga presyo, suweldo, at mga upa. Nag-iimbak ng trigo para sa mga panahong mahina ang ani. Sinusuri ng mga opisyal ang mga tindahan upang tingnan ang mga timbangan at panukat, ledyer, at ang kalidad ng paninda. Mahigpit na pinarurusahan ang mga nagtitinggal, nagpupuslit, nandaraya, nagpapalsipika, at mga hindi nagbabayad ng buwis.
Ang emperador mismo ang pinakapangunahing mangangalakal at pabrikante, anupat may monopolyo sa paggawa ng pera, armas, at sa kilalang mamahaling mga bagay na Byzantine. Si Justinian mismo ang nagtatag ng sikat na industriya ng seda mula sa itlog ng uod na ipinuslit mula sa Tsina.
Nagtatag din ng mga serbisyo sa seguro at pagpapautang. Maingat na sinusuri ang mga bangko. Napanatili ng gintong solidus, ang barya na ipinakilala ni Constantino, ang halaga nito sa loob ng sampung siglo! Ito ang pinakamatatag na pera sa kasaysayan.
Ang Palasyo ng Byzantium
Kung gayon, paano naugnay sa intriga, paglilihim, at paglililo ang salitang “Byzantine”? Ayon sa istoryador na si William Lecky, sa likod ng maringal na harapan ng palasyo ng Byzantium, nabuo ang “isang paulit-ulit na kuwento ng intriga ng mga pari, bating, at mga babae, ng mga panlalason, mga sabuwatan, di-nagbabagong kawalang-utang na loob, at walang-katapusang pagpapatayan ng magkakapamilya.”
Sinabi ng manunulat na si Merle Severy: “Palibhasa’y napalilibutan ng mga nagbabalak mangamkam at pumatay nang pataksil, walang mahinang emperador ang nanatiling kinatawan ng Diyos sa lupa nang matagal. Sa 88 emperador mula kay Constantino I hanggang XI, 13 ang pumasok sa isang monasteryo. Namatay ang 30 iba pa sa mararahas na paraan—ginutom, nilason, binulag, binugbog, sinakal, sinaksak, pinagpuputol ang mga bahagi ng katawan, pinugutan ng ulo. Ang bungo ni Nicephorus I ay ginawang isang kopang may saping pilak na ginamit ni Khan Krum ng mga Bulgar sa pakikipagtagayan sa kaniyang mga boyar [mga maharlika].”
Ipinapatay kahit ng “ginawang-santo” na si Constantinong Dakila ang kaniyang panganay na anak na lalaki at maging ang kaniyang asawa habang ito’y naliligo. Gayon na lamang ang paghahangad ni Emperatris Irene (c. 752-803 C.E.) na manatili sa kapangyarihan anupat ipinabulag niya ang kaniyang anak na lalaki at kinuha ang titulo nito na emperador.
Ang Landas Patungo sa Pagbagsak
Ngunit hindi intriga sa pulitika ang nagpabagsak sa imperyo. Nagsimulang magbago ang Europeong Kanluran sa pamamagitan ng Renaissance, Repormasyon, at panahon ng Kaliwanagan gayundin ng pagbangon ng siyensiya. Subalit sa Byzantium, ang anumang uri ng pagbabago ay minalas hindi lamang bilang pagsalungat sa simbahan kundi nang maglaon bilang isa ring krimen laban sa Estado.
Karagdagan pa, nagsimulang makaapekto ang mga pagbabago sa pulitika. Noong ikapitong siglo, nanaig ang Islam sa Antioquia, Jerusalem, at Alexandria. Ang pagsalakay ng mga Slav sa mga bansa sa Balkan at pananakop ng mga taga-Lombardy sa Italya ay humantong sa paghihiwalay ng Roma at Constantinople. Dahil pinagkaitan ng suporta ng imperyo, ikinabig ng Roma ang mga kayamanan nito sa bumabangong Kanlurang Aleman. Ang lumiliit na imperyo ng Constantinople ay lalong nagiging Griego. Pagkatapos, noong 1054, itiniwalag ng Griego Ortodoksong patriyarka at ng Romano Katolikong papa ang isa’t isa dahil sa di-pagkakasundo sa teolohiya, anupat lumikha ng hidwaan sa pagitan ng mga simbahang Ortodokso at Katoliko na hindi pa nalulutas hanggang sa ngayon.
Nasaksihan noong taóng 1204 ang karagdagang kapahamakan para sa imperyo. Noong Abril 12, isinagawa ng mga hukbo ng Ikaapat na Krusada na patungong Jerusalem ang tinatawag ng istoryador na si Sir Steven Runciman na “ang pinakamatinding krimen sa kasaysayan”—ang pandarambong sa Constantinople. Sa pamamagitan ng panununog, pagnanakaw, at panggagahasa sa ngalan ni Kristo, winasak ng mga krusado ang lunsod at dinala ang kanilang samsam sa Venice, Paris, Turin, at sa iba pang sentro sa Kanluran.
Mahigit sa 50 taon pa ang lumipas bago muling nasakop sa wakas ang Constantinople. Sa panahong iyon, ang imperyo ay isa na lamang anino ng dati nitong kaanyuan. Hawak ng mga taga-Venice at taga-Genoa ang pangangalakal nito. At di-nagtagal, nahulog ang Imperyong Byzantine sa ilalim ng panggigipit ng mga Ottoman na Muslim.
Ang gayong panggigipit ay humantong sa di-maiiwasang pagbagsak ng imperyo. Noong Abril 11, 1453, kinubkob ni Sultan Mehmed II ang kabisera, anupat nagpadala ng 100,000 sundalo at isang malakas na plota. Ang 8,000 lamang na tagapagtanggol ng Constantinople ang nakatagal sa loob ng pitong linggo. Pagkatapos, noong Mayo 28, dumagsa ang mga mananakop sa isang bahagyang-natatanurang daungan na nasa bambang ng lunsod. Kinabukasan, iba na ang may hawak sa kabisera. Iniulat na si Mehmed—ngayo’y isa nang mananakop—ay lumuha at nanaghoy: “Isa ngang kahanga-hangang lunsod na itinalaga natin sa pandarambong at pagkawasak!” Bumagsak na ang Imperyong Byzantine. Ngunit nananatili pa hanggang sa ngayon ang impluwensiya nito.
[Kahon/Mga larawan sa pahina 13]
ANG IMPERYONG BYZANTINE AT ANG BIBLIYA
Ang pagkakait sa sarili sa loob ng monasteryo ay isa sa pinakamalalakas na puwersa ng relihiyon sa Imperyo. Nagsisilbing sentro sa pagkopya at pag-iingat ng libu-libong manuskrito ng Bibliya ang mga monasteryo. Tatlo sa pinakamahahalaga at pinakakumpletong umiiral na manuskrito ng Bibliya—ang Vatican 1209, ang Sinaitic (maliit na larawan), at ang Alexandrine (larawang nakikita)—ang ginawa o iningatan marahil sa mga monasteryo at relihiyosong komunidad ng Byzantium.
[Credit Line]
Parehong manuskrito: Kinuhang larawan sa kagandahang-loob ng British Museum
[Kahon/Larawan sa pahina 15]
ANG RELIHIYON SA IMPERYONG BYZANTINE
Bilang komento sa malapít na kaugnayan ng Simbahan at Estado, ganito ang isinulat ni Norman Davies sa kaniyang aklat na Europe—A History: “Nagsama ang estado at ang simbahan tungo sa isang di-mapaghihiwalay na kabuuan. Ang Emperador . . . at ang Patriyarka ay itinuring na sekular at eklesiastikal na mga haligi ng awtoridad ng Diyos. Ipinagtatanggol ng Imperyo ang Simbahang Ortodokso, at pinupuri naman ng Simbahan ang Imperyo. Ang ganitong ‘Cesaropapismo’ ay walang katumbas sa Kanluran.”
[Larawan]
Hagia Sophia, Istanbul—minsa’y pinakamalaking simbahang Byzantine, kinumberte ito sa isang moske noong 1453 at ginawang isang museo noong 1935
[Chart sa pahina 14]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
MAHAHALAGANG PANGYAYARI
286 Nagsimulang mamahala si Diocletian mula sa Nicomedia, Asia Minor
330 Ginawa ni Constantino na kabisera ng imperyo ang Byzantium, at binago ang pangalan ng lunsod tungo sa Constantinople
395 Permanenteng nahati sa Silangan at Kanluran ang Imperyong Romano
1054 Isang relihiyosong pagkakawatak-watak ang naghihiwalay sa Simbahang Griego Ortodokso mula sa Simbahang Romano Katoliko
1204 Dinambong ng mga hukbo ng Ikaapat na Krusada ang Constantinople
1453 Bumagsak ang Constantinople at ang imperyo sa mga Turko
[Mapa sa pahina 12]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
DAGAT NA ITIM
CONSTANTINOPLE
Nicomedia
Nicaea
Efeso
Antioquia
Jerusalem
Alexandria
DAGAT MEDITERANEO
Ipinakikita ng kinulayang lugar ang imperyo sa kasikatan nito (527-565 C.E.)
[Mga larawan sa pahina 12]
Nagtatalo ang mga iskolar kung ang unang emperador na Byzantine ay si (1) Diocletian, (2) Constantinong Dakila, o (3) Justinian
[Credit Line]
Musée du Louvre, Paris
[Larawan sa pahina 15]
Ipinintang larawan sa isang manuskrito na naglalarawan sa pagkubkob sa Constantinople noong 1204
[Credit Line]
© Cliché Bibliothèque nationale de France, Paris
[Larawan sa pahina 15]
Isang gintong solidus na barya, 321 C.E., na ipinakitang naka-enggaste sa gitna ng isang palawit
[Credit Line]
Kinuhang larawan sa kagandahang-loob ng British Museum