Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g89 8/8 p. 21-25
  • Bahagi 15—1095-1453 C.E.—Paggamit ng Tabak

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Bahagi 15—1095-1453 C.E.—Paggamit ng Tabak
  • Gumising!—1989
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Magkalaban
  • Ang Tabak ay Nagbunga ng Di-inaasahang mga Resulta
  • Ang mga Tabak ng Pulitika at Pag-uusig
  • Hinati ng Tabak ng Pagkakabahagi
  • Sila ba’y Namumuhay Ayon sa Kanilang Relihiyon?
  • Ang mga Krusada—Isang ‘Kalunus-lunos na Ilusyon’
    Gumising!—1997
  • Ang Naglahong Kaluwalhatian ng Imperyong Byzantine
    Gumising!—2001
  • Bahagi 13—476 C.E. patuloy—Mula sa Kadiliman, Isang Bagay na “Banal”
    Gumising!—1989
  • Apostasya—Nahadlangan ang Daan Tungo sa Diyos
    Ang Paghahanap ng Tao sa Diyos
Iba Pa
Gumising!—1989
g89 8/8 p. 21-25

Ang Kinabukasan ng Relihiyon sa Liwanag ng Kahapon Nito

Bahagi 15​—1095-1453 C.E.​—Paggamit ng Tabak

“Ang mga tao ay makikipagtatalo dahil sa relihiyon, susulat dahil dito, makikipagbaka dahil dito, mamamatay dahil dito; gagawin ang anumang bagay maliban sa mabuhay dahil dito.”​—Charles Caleb Colton, ika-19 na silong klerigong Ingles

ANG Sangkakristiyanuhan sa unang mga taon nito ay pinagpala ng mga mananampalataya na namumuhay ayon sa kanilang relihiyon. Bilang pagtatanggol sa kanilang pananampalataya, masigasig nilang ginamit “ang tabak ng espiritu, na siyang salita ng Diyos.” (Efeso 6:17) Subalit nang maglaon, gaya ng ipinakikita ng mga pangyayaring naganap sa pagitan ng 1095 at 1453, ang mga Kristiyano sa pangalan lamang, na hindi namumuhay ayon sa tunay na Kristiyanismo, ay gumamit ng ibang uri ng tabak.

Noong ikaanim na siglo, ang Imperyong Romano sa Kanluran ay hindi na umiiral. Hinalinhan ito ng katulad nitong imperyo sa Silangan, ang Imperyong Byzantine na ang Constantinople ang kabisera nito. Subalit hindi nagtagal nakita ng kani-kanilang simbahan, na dumaranas ng pinakamabuway na mga kaugnayan, na sila mismo ay pinagbabantaan ng kaaway nilang dalawa, ang mabilis na kumakalat na larangang Islamiko.

Nang dakong huli, natalos ito ng simbahan sa Silangan nang bihagin ng mga Muslim noong ikapitong siglo ang Ehipto at ang iba pang bahagi ng Imperyong Byzantine na nasa Hilagang Aprika.

Pagkaraan ng wala pang isang siglo, nabigla ang simbahan sa Kanluran na makita ang Islam na nagtutungo sa Espanya at Pransiya, nakararating hanggang sa isang daan at animnapung kilometro ng Paris. Maraming Katolikong Kastila ang nakumberte sa Islam, samantalang sinunod naman ng iba pa ang mga kaugaliang Muslim at tinanggap ang kulturang Muslim. “Sumamâ ang loob dahil sa mga kalugihan nito,” sabi ng aklat na Early Islam, “walang humpay na ginatungan ng Simbahan ang mga anak nitong Kastila ng mga liyab ng paghihiganti.”

Pagkalipas ng ilang siglo, pagkatapos mabawi ng mga Katolikong Kastila ang karamihan ng kanilang lupa, “binalingan nila ang kanilang mga sakop na Muslim at walang awang pinag-usig nila ang mga ito. Pinuwersa nila ang mga ito na itakwil ang kanilang pananampalataya, pinalayas sila sa bansa, at gumawa ng mararahas na hakbang upang alisin ang lahat ng bakas ng kulturang Kastilang-Muslim.”

Magkalaban

Noong 1095 tinawagan ni Papa Urbano II ang mga Katoliko sa Europa upang humawak ng literal na tabak. Ang Islam ay dapat maalis sa sagradong lupa ng Gitnang Silangan na inaangkin ng Sangkakristiyanuhan na siyang may pantanging karapatan.

Ang ideya ng isang “makatarungang” digmaan ay hindi bago. Halimbawa, ikinapit ito sa digmaan laban sa mga Muslim sa Espanya at Sicily. At hindi kukulanging isang dekada bago ang pagsamo ni Urbano, sabi ni Karlfried Froehlich ng Princeton Theological Seminary, “nakini-kinita [ni Papa Gregorio VII] ang isang militia Christi upang labanan ang lahat ng kaaway ng Diyos at naisip na niyang magpadala ng isang hukbo sa Silangan.”

Ang pagkilos ni Urbano ay sa bahagya bilang tugon sa isang paghingi ng tulong mula sa emperador ng Byzantine na si Alexius. Subalit yamang ang mga kaugnayan sa pagitan ng Silangan at Kanlurang bahagi ng Sangkakristiyanuhan ay waring bumubuti, ang papa ay maaari ring naudyukan ng posibilidad na iniaalok nito na pag-isahin muli ang nag-aaway na magkapatid na simbahan. Sa paano man, ipinatawag niya ang Konseho ng Clermont, na nagpahayag na yaong mga kusang makikibahagi sa “sagradong” gawaing ito ay pagkakalooban ng isang indulhensiyang plenaryo (ang pagpapatawad sa lahat ng pagpepenitensiya sa kasalanan). Ang tugon ay di-inaasahang positibo. Ang “Deus volt” (“kalooban ito ng Diyos”) ay naging isang malakas na sigaw sa Silangan at Kanluran.

Isang sunud-sunod na mga ekspedisyong militar ang nagsimula na sumaklaw ng dalawang siglo. (Tingnan ang kahon sa pahina 24.) Una’y inaakala ng mga Muslim na ang mga nanghimasok ay mga taga-Byzantine. Subalit pagkatapos matalos ang kanilang tunay na pinagmulan, tinawag nila itong Franks, mga Aleman kung saan nang maglaon kinuha ng Pransiya ang pangalan nito. Upang matugunan ang hamon ng Europeong “mga barbarong” ito, tumindi ang damdamin sa gitna ng mga Muslim para sa isang jihad, isang sagradong digmaan o pakikipagbaka.

Ganito ang sabi ng Britanong propesor na si Desmond Stewart: “Sa bawat iskolar o negosyante na nagtanim ng mga binhi ng kabihasnang Islamiko sa pamamagitan ng panuntunan at halimbawa, may isang sundalo upang ipakipagbaka ang Islam.” Noong ikalawang hati ng ika-12 siglo, ang lider na Muslim na si Nureddin ay nagtayo ng isang mahusay na hukbong militar sa pamamagitan ng pagsasama-sama sa mga Muslim sa gawing hilaga ng Syria at sa gawing itaas ng Mesopotamia. Kaya “kung paanong ang mga Kristiyano noong Edad Medya ay gumamit ng tabak upang pasulungin ang relihiyon ni Kristo,” sabi pa ni Stewart, “ang mga Moslem ay gumamit ng tabak upang pasulungin ang relihiyon ng Propeta.”

Mangyari pa, ang pagpapasulong ng mga layunin ng relihiyon ay hindi siyang laging pangganyak na lakas. Binabanggit ng aklat ng The Birth of Europe na para sa karamihan ng mga Europeo, ang mga Krusada “ay nagbigay ng di-matatanggihang pagkakataon upang magtamo ng kabantugan, o mangolekta ng mga nadambong, o gumawa ng bagong mga estado, o pamunuan ang buong mga bansa​—o basta takasan ang nakaiinip na buhay sa maluwalhating pakikipagsapalaran.” Nakita rin ng mga negosyanteng Italyano ang pagkakataon upang magtatag ng mga negosyo sa mga lupain sa gawing Silangan ng Mediteraneo. Subalit anuman ang motibo, ang lahat ay maliwanag na handang mamatay alang-alang sa kanilang relihiyon​—ito man ay sa isang “makatarungang” digmaan ng Sangkakristiyanuhan o sa isang jihad ng Muslim.

Ang Tabak ay Nagbunga ng Di-inaasahang mga Resulta

“Bagaman ang mga Krusada ay tuwirang patungkol laban sa mga Muslim sa Silangan,” sabi ng The Encyclopedia of Religion, “ang sigasig ng mga Krusado ay isinagawa sa mga Judio na nakatira sa mga lupain kung saan kinalap ang mga Krusado, yaon ay, sa Europa. Isang bantog na motibo ng mga Krusado ay ipaghiganti ang kamatayan ni Jesus, at ang mga Judio ang naging unang mga biktima. Ang pag-uusig sa mga Judio ay nangyari sa Rouen noong 1096, mabilis na sinundan ng walang awang pagpatay sa Worms, Mainz, at Cologne.” Pasimula lamang ito ng anti-Semitikong espiritu noong panahon ng Holocaust ng Alemanyang Nazi.

Pinatindi rin ng mga Krusada ang maigting na kalagayan sa Silangan-Kanluran na mula pa noong 1054, nang itiwalag sa iglesya ni Patriarka Michael Cerularius ng Silangan at ni Cardinal Humbert ng Kanluran ang isa’t isa. Nang palitan ng mga Krusado ang mga klerigong Griego ng mga obispong Latin sa mga lungsod na kanilang nasakop, ang pagkakahiwa-hiwalay ng Silangan-Kanluran dahil sa di-pagkakasundo tungkol sa relihiyon ay nakaapekto sa karaniwang mga tao.

Ang paghiwalay ng dalawang iglesya ay naging ganap noong Ikaapat na Krusada nang, ayon sa dating Canong Anglicano ng Canterbury na si Herbert Waddams, si Papa Inocentes III ay naglaro na “dobleng laro.” Sa isang panig, ang papa ay nagalit may kaugnayan sa pandarambong sa Constantinople. (Tingnan ang kahon sa pahina 24.) Siya’y sumulat: “Paano maaasahang magbalik ang Simbahan ng mga Griego sa debosyon sa Apostolikong Sede gayong nakita nito ang mga Latin na nag-iiwan ng masamang halimbawa at ginagawa ang gawain ng diyablo anupa’t, taglay ang mabuting dahilan, kinapopootan sila ng mga Griego na masahol pa sa mga aso.” Sa kabilang dako, agad niyang sinamantala ang kalagayan sa pamamagitan ng pagtatatag ng isang kahariang Latin sa ilalim ng isang patriarka sa kanluran.

Pagkatapos ng dalawang siglo na halos walang tigil na labanan, ang Imperyong Byzantine ay lubhang nanghina anupa’t hindi nito natagalan ang mga pagsalakay ng mga Turkong Ottoman, na, sa wakas ay nasakop ang Constantinople, noong Mayo 29, 1453. Ang imperyo ay hindi lamang nagapi ng tabak Islamiko kundi ng tabak din naman na ginamit ng kapatid na iglesya ng imperyo sa Roma. Madaling nakapasok ang Islam sa Europa sapagkat ang Sangkakristiyanuhan ay nababahagi.

Ang mga Tabak ng Pulitika at Pag-uusig

Pinalakas ng mga Krusada ang katayuan ng pagkapapa sa relihiyoso at pulitikal na liderato. “Binigyan nito ang mga papa ng kapangyarihan sa Europeong diplomasiya,” sulat ng mananalaysay na si John H. Mundy. Hindi nagtagal “ang simbahan ang pinakamalakas na pamahalaan sa Europa . . . , [nagagawa] nitong humawak ng higit na pulitikal na kapangyarihan kaysa anumang iba pang gobyerno sa Kanluran.”

Ang pag-akyat na ito sa kapangyarihan ay naging posible nang bumagsak ang Imperyong Romano sa Kanluran. Ang simbahan ang naiwang tanging lakas na tagapagkaisa sa Kanluran kung kaya sinimulan nitong gumanap ng mas aktibong pulitikal na bahagi sa lipunan kaysa simbahan sa Silangan, na nang panahong iyon ay nasa ilalim pa rin ng isang malakas na sekular na pinuno, ang emperador ng Byzantine. Ang pulitikal na kadakilaan na hawak ng simbahan sa Kanluran ay nagpatunay sa pag-aangkin nito tungkol sa kahigitan ng papa, isang ideya na tinanggihan ng simbahan sa Silangan. Bagaman ipinahihintulot na ang papa ay karapat-dapat sa karangalan, ang simbahan sa Silangan ay hindi sang-ayon na ang papa ang may pangwakas na autoridad sa doktrina o sakop.

Udyok ng pulitikal na kapangyarihan at maling relihiyosong paniniwala, ginamit ng Iglesya Katolika Romana ang tabak upang lipulin ang sumasalansang. Ang pagtugis sa mga erehes ang naging gawain nito. Inilalarawan ng mga propesor sa kasaysayan na sina Miroslav Hrock at Anna Skýbová ng Karls University sa Prague, Czechoslovakia, kung paano kumilos ang Inkisisyon, ang pantanging hukuman na idinisenyong humawak sa kaso ng mga erehes: “Salungat sa karaniwang gawain, ang pangalan ng mga tagapagsuplong . . . ay hindi na kailangang ihayag.” Inilabas ni Papa Inocentes IV ang batas na “Ad extirpanda” noong 1252, na nagpahintulot sa pagpapahirap. “Ang pagsunog sa tulos, na karaniwang paraan ng pagpatay sa mga erehes noong ika-13 siglo, . . . ay may sariling simbolismo, na nagpapahiwatig na sa pagsasagawa ng ganitong uri ng parusa, ang simbahan ay walang kasalanan sa pagbububo ng dugo.”

Pinarusahan ng mga inkisitor ang libu-libong mga tao. Ang libu-libo pa ay sinunog sa tulos, na umakay sa mananalaysay na si Will Durant na magkomento: “Binibigyan ng lahat ng palugit na hinihiling sa isang mananalaysay at ipinahihintulot sa isang Kristiyano, dapat nating ihanay ang Inkisisyon . . . na isa sa pinakamadilim na batik sa rekord ng sangkatauhan, na nagpapahayag ng kalupitan na hindi nakilala sa anumang hayop.”

Ang mga pangyayari noong Inkisisyon ay nagpapagunita sa mga salita ni Blaise Pascal, isang pilosopo at siyentipikong Pranses noong ika-17 siglo, na sumulat: “Ang mga tao ay hindi lubusan at may galak na gumagawa ng masama nang gaya kung ginagawa nila ito dahil sa relihiyosong paniniwala.” Ang totoo, ang paggamit ng tabak ng pag-uusig laban sa mga taong may ibang relihiyosong paniniwala ay katangian na ng huwad na relihiyon mula noong patayin ni Cain si Abel.​—Genesis 4:8.

Hinati ng Tabak ng Pagkakabahagi

Ang nasyonalistikong pag-aaway at pulitikal na pagmamaneobra ay humantong sa paglilipat ng tirahan ng papa noong 1309 mula sa Roma tungo sa Avignon. Bagaman ito ay naibalik sa Roma noong 1377, higit pang alitan ang nangyari mula noon sa pagpili ng bagong papa, si Urbano VI. Subalit binoto ng pangkat ding iyon ng mga cardinal na bumoto sa kaniya ang karibal na papa, si Clemente VII, na tumira sa Avignon. Ang mga bagay-bagay ay lalo pang magulo noong pasimula ng ika-15 siglo, nang sa loob ng maikling panahon tatlong papa ang sabay-sabay na nagpupuno!

Ang kalagayang ito, na kilala bilang Western, o Great, Schism, ay winakasan ng Konseho sa Constance. Ginamit nito ang simulain ng konsiliarismo, ang teoriya na ang pangwakas na autoridad ay nasa panlahat na konseho at wala sa pagkapapa. Sa gayon, noong 1417 naihalal ng konseho si Martin V bilang bagong papa. Bagaman minsan pang nagkaisa, ang simbahan ay lubhang humina. Gayunman, sa kabila ng mga pilat, ang pagkapapa ay tumangging kilalanin ang anumang pangangailangan para sa pagbabago. Sang-ayon kay John L. Boojamra, ng Saint Vladimir’s Orthodox Theological Seminary, ang kabiguang ito “ang naglagay ng pundasyon para sa Repormasyon noong ikalabing-anim na siglo.”

Sila ba’y Namumuhay Ayon sa Kanilang Relihiyon?

Tinuruan ng Nagtatag ng Kristiyanismo ang kaniyang mga tagasunod na gumawa ng mga alagad subalit hindi niya sinabi sa kanila na gumamit ng pisikal na lakas sa paggawa niyaon. Sa katunayan, espisipikong nagbigay-babala siya na “lahat ng nagtatangan ng tabak ay sa tabak mamamatay.” Sa gayunding paraan, hindi niya tinuruan ang kaniyang mga tagasunod na pisikal na abusuhin ang sinuman na sumasalansang. Ang simulaing dapat sundin ng Kristiyano ay: “Ang alipin ng Panginoon ay hindi kailangang makipag-away, kundi kailangang maging malumanay sa lahat, may kakayahang magturo, nagtitimpi laban sa kasamaan, mahinahong nagtuturo sa mga sumasalansang.”​—Mateo 26:52; 2 Timoteo 2:24, 25.

Sa paggamit ng literal na tabak ng digmaan, gayundin ng simbolikong mga tabak ng pulitika at pag-uusig, maliwanag na hindi sinusunod ng Sangkakristiyanuhan ang Isa na inaangkin nitong Tagapagtatag. Wasak na nga dahil sa pagkakabaha-bahagi, ito’y pinagbabantaan pa ng ganap na pagguho. Ang Katolisismong Romano ay “Isang Relihiyon na Lubhang Nangangailangan ng Pagbabago.” Subalit darating kaya ang pagbabago? Kung darating nga, kailan? Mula kanino? Marami pa ang sasabihin sa atin ng aming labas sa Agosto 22.

[Kahon/Larawan sa pahina 24]

Mabuting Pakikibakang Kristiyano?

Ang mga Krusada ba ay mabuting pakikipagbaka na itinurong ipakipagbaka ng mga Kristiyano?​—2 Corinto 10:3, 4; 1 Timoteo 1:18.

Ang Unang Krusada (1096-99) ay nagbunga ng muling pagkabihag sa Jerusalem at ang pagtatatag ng apat na estadong Latin sa Silangan: ang Kaharian ng Jerusalem, ang Distrito ng Edessa, ang Prinsipado ng Antioquia, at ang Distrito ng Tripoli. Ganito ang sabi ng isang autoridad na sinipi ng mananalaysay na si H. G. Wells tungkol sa pagbihag sa Jerusalem: “Ang patayan ay kakila-kilabot; ang dugo ng mga nabihag ay umagos sa mga lansangan, hanggang sa ang mga tao’y nasasabuyan ng dugo habang sila’y nagdaraan. Sa gabi, ‘humihibik sa labis na kagalakan,’ ang mga krusado ay dumating sa Puntod mula sa kanilang pagyurak sa alilisan ng alak, at sama-samang inilagay ang kanilang tigmak-dugong mga kamay sa panalangin.”

Ang Ikalawang Krusada (1147-49) ay sinimulan sapagkat ang Distrito ng Edessa ay nakuha ng mga Muslim na taga-Syria noong 1144; nagwakas ito nang matagumpay na ibalik ng mga Muslim ang “mga taong hindi naniniwala sa relihiyon” ng Sangkakristiyanuhan.

Ang Ikatlong Krusada (1189-92), isinagawa pagkatapos na makuhang muli ng mga Muslim ang Jerusalem, at isa sa mga lider nito ay si Richard I, “the Lionhearted,” ng Inglatera. Hindi nagtagal ito “ay nabuwag,” sabi ng The Encyclopedia of Religion, “sa pamamagitan ng alitan, labanan, at hindi pakikipagtulungan.”

Ang Ikaapat na Krusada (1202-4) ay nailihis mula sa Ehipto tungo sa Constantinople dahil sa kakulangan ng pondo; ang materyal na tulong ay ipinangako bilang kapalit ng tulong na mailuklok sa trono si Alexius, isang tapon sa Byzantine na nag-aangking may karapatan sa pagkahari. “Ang [resultang] pandarambong sa Constantinople ng mga Krusado ay isang bagay na hindi kailanman malilimot o mapatatawad ng Orthodoxo sa Silangan,” sabi ng The Encyclopedia of Religion, at ang sabi pa: “Kung may isa mang petsang babanggitin para sa pagtatagtag ng schism, ang pinakaangkop​—mula sa sikolohikal na pangmalas​—ay ang taóng 1204.”

Ang Krusada ng mga Bata (1212) ay nagbunga ng kamatayan ng libu-libong mga batang Aleman at Pranses bago pa man nila narating ang kanilang patutunguhan.

Ang Ikalimang Krusada (1217-21), ang kahuli-hulihan sa ilalim ng pangangasiwa ng papa, ay nabigo dahil sa may depektong liderato at pakikialam ng klero.

Ang Ikaanim na Krusada (1228-29) ay pinangunahan ni Emperador Frederick II ng Hohenstaufen, na dating itiniwalag sa iglesya ni Papa Gregorio IX.

Ang Ikapito at Ikawalong Krusada (1248-54 at 1270-72) ay pinangunahan ni Louis IX ng Pransiya subalit ito ay bumagsak pagkamatay niya sa Hilagang Aprika.

[Larawan sa pahina 23]

Ang libingang Judio sa Worms, Alemanya​—isang paalaala ng Unang Krusada

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share