Ang mga Krusada—Isang ‘Kalunus-lunos na Ilusyon’
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA ITALYA
MGA siyam na raang taon na ang nakalilipas, noong 1096, magsisimula na noon ang Unang Krusada. Kung nakatira ka noon sa Kanlurang Europa, nasaksihan mo marahil ang maraming naglalakbay na mga tao, mga bagon, kabayo, at barko. Sila’y patungo sa Jerusalem, ang banal na lunsod, na kontrolado na ng mga Muslim mula pa noong ikapitong siglo C.E.
Iyan ang kauna-unahan sa mga Krusada. Ang maraming istoryador ay nagtatala ng walong malalaking krusada. Ang mga ekspedisyong ito ay nag-iwan ng pangit na pilat sa kasaysayan ng relasyong Silangan-Kanluran. Ang mga ito’y may kaakibat na mga walang-awang pagpatay at kalupitan na ginawa sa ngalan ng Diyos at ni Kristo. Ang kahuli-hulihang malaking Krusada ay nagsimula pagkalipas ng 174 na taon, noong 1270.
Ang salitang “krusada” ay galing sa salitang Latin na crux, na nangangahulugang “krus.” Itinahi ng mga miyembro ng maraming ekspedisyon ang sagisag ng krus sa kanilang damit.
Ang mga Dahilan
Ang idineklarang motibo ng mga Krusada ay upang maagaw ang Jerusalem at ang diumano’y banal na puntod mula sa mga Muslim. Subalit higit pa riyan ang mga dahilan. Maliban sa ilang pangyayari, ang relasyon sa pagitan ng mga nag-aangking Kristiyano na nakatira sa Gitnang Silangan at ng mga Muslim ay naging mapayapa naman. Ang isang mahalagang salik na humantong sa mga Krusada ay ang magulong kalagayan ng pulitika, ekonomiya, at relihiyon sa Europa.
Noong ika-11 siglo, ang panibagong mga bukid ay hinawan upang pagtamnan, sa pagsisikap na maparami pa ang mga aanihing pagkain. Ang mga lugar sa lunsod ay nagkakaroon ng panibagong buhay. Lumalaki ang populasyon. Gayunman, nang mapasadlak sa pagdarahop ang napakaraming magbubukid dahil sa taggutom, marami ang nagdagsaan sa mga lunsod, kung saan ang kawalan ng trabaho at kahirapan ay naghihintay sa kanila. Naging madalas ang pagsiklab ng mga protesta.
Nasa pinakamataas na dako ng herarkiyang lipunan ang maraming feudalistang baron. Hangad ng bihasang mga lider-militar na ito na samantalahin ang paghina ng pulitika dahil sa pagkakawatak-watak ng imperyo ni Carlomagno at manakop ng mga bagong pag-aaring lupain.
Dumanas din ng panahon ng pagkakagulo ang simbahan ng Roma. Noong 1054 nawala ang pangangasiwa nito sa Simbahan sa Silangan. Karagdagan pa, marami sa mga klero ang inakusahan ng imoralidad at pakikialam sa pulitika.
Ang Apelasyon sa Clermont
Sa ganitong kalagayan ay ipinanawagan ni Papa Urban II ang Unang Krusada. Sa kaniyang palagay ay maraming pakinabang ang magagawa ng pagkilos ng militar na muling sakupin ang Jerusalem at Palestina. Mapatatatag nito ang pagkakaisa ng Sangkakristiyanuhan sa Kanluran at muling mapagtitibay ang kataas-taasang kapangyarihan ng Simbahang Romano. Magbibigay ito ng pagkakataong matapos na ang patuloy na hidwaan ng mga nasa mataas na lipunan. Kapalit ng mga pakinabang sa relihiyon, at, higit sa lahat, sa ekonomiya, gagamitin ng mga ito ang kanilang kasanayan sa pakikidigma para sa isang “marangal” na adhikain, anupat nagiging armadong bahagi ito ng simbahan.
Noong Nobyembre 27, 1095, sa harap ng konseho sa Clermont, Pransiya, inilunsad ni Urban ang kaniyang apelasyon. Pinapangit ng simbahan ang larawan ng kanilang mga kaaway, anupat ipinaggigiitang ang mga ito’y karapat-dapat sa parusa ng Diyos. Si Foucher de Chartres, isang pari na nakibahagi sa Unang Krusada, ay nagsabi na kailangan ang digmaan upang ipagtanggol ang mga “Kristiyano” sa Silangan laban sa mga Muslim. Ipinangako na agad patatawarin ang mga kasalanan ng mga namatay sa daan o sa digmaan. Kung gayon ay ipinakikipaglaban ng mga feudalistang panginoon ngayon ang isang “banal” na digmaan laban sa “mga di-Kristiyano” sa halip na maglabanan sila sa isa’t isa. Sa konsehong iyon, isang sigaw ang umalingawngaw na siyang naging salawikain ng Unang Krusada: “Iyan ang kalooban ng Diyos!”
Ang Dalawang Paglisan
Nang maitakda na ang petsa ng paglisan, Agosto 15, 1096, tiniyak ng papa ang suporta ng mga karaniwang panginoon, na pinagkatiwalaan ng operasyong militar. Ginarantiyahan ng simbahan na poprotektahan ang kanilang mga lupain sa buong panahong iyon. Yaong di-gaanong mayayaman naman ay hinimok na tustusan ang misyon sa pamamagitan ng pag-aabuloy.
Gayunman, ang ilan ay umalis na bago pa man sumapit ang napagkaisahang petsa. Ito ay isang walang-kasanayan at walang-disiplinang pulutong at may kasama pang mga babae at mga bata. Sila’y tinawag na pauperes Christi (mga pulubi ni Kristo). Ang kanilang destinasyon: Jerusalem. Sila’y pinangunahan ng mga tagapagpasimuno ng kaguluhan, na marahil ang pinakapopular sa mga yaon ay si Peter the Hermit, isang monghe na nagsimula nang mangaral sa taong-bayan sa pagtatapos ng 1095.
Ayon sa mananalaysay noong Edad Medya na si Albert ng Aix, nakapaglakbay na noon si Peter sa Jerusalem. Diumano isang gabi noon siya’y nagkaroon ng pangitain na doo’y tinagubilinan siya ni Kristo na pumunta sa patriyarka ng Jerusalem, na magbibigay sa kaniya ng liham ng kredensiyal na ibabalik niya sa Kanluran. Sinabi ni Albert na nagkatotoo ang panaginip at na pagkatanggap ng liham, naglakbay si Peter sa Roma, kung saan nakipagkita siya sa papa. Ang ulat ni Albert ay magkahalong katotohanan at bungang-isip lamang, ngunit ang diumano’y mga panaginip, pangitain, at mga liham ay napakabibisang instrumento sa pag-akay sa taong-bayan.
Ang pulutong na nagkatipon sa palibot ni Peter the Hermit ay umalis sa Cologne noong Abril 20, 1096. Palibhasa’y walang kakayahang maglakbay sa dagat, kinailangang harapin ng mga pauperes ang mahabang paglalakbay patungo sa Banal na Lupain sa pamamagitan ng paglalakad o kaya’y sakay ng sira-sirang bagon. Nang sila’y maubusan agad ng pagkain o mga armas, sinimulan nilang pagnakawan ang mga taong tagaroon sa kanilang mga nadaraanan na nabigla sa pagdating ng walang-disiplinang pulutong na ito ng “mga sundalo ni Kristo.”
Ang unang nilusob nila ay ang mga Europeong Judio, na inakusahang nagpapahiram ng salapi upang suhulan ang mga obispo. Isinagawa ng mga tagasunod ni Peter the Hermit ang kabuktutan laban sa mga Judio, sa mga lugar na gaya ng Rouen at Cologne, ang lunsod na nilisan. Sinabi ni Albert ng Aix na nang “makita [ng mga Judio sa Mainz] na hindi man lamang pinatawad ng mga Kristiyano ang kanilang maliliit na anak ni kinaawaan ang sinuman, sinugod nila ang kani-kanilang mga kapatid, asawa, at ina, at nagpatayan sa isa’t isa. Ang makabagbag-damdaming bagay ay nang laslasin mismo ng mga ina ang lalamunan ng kanilang mga pasusuhin o saksakin ang mga ito hanggang mamatay, anupat minabuti pa nilang sa kamay nila mamatay ang mga ito kaysa sa armas ng mga di-tuli.”
Naulit ang gayunding pangyayari sa paglalakbay patungong Balkans, na dumaraan sa Asia Minor. Nang makarating ang pulutong sa Constantinople, pinadali ni Emperador Alexius I ang pagdaan ng mga pauperes sa dalampasigan ng Asia upang iwasang maulit ang gayong pagkakagulo. Doon, pinaslang ng mga puwersang Muslim ang maraming babae at mga bata gayundin ang mga maysakit at ang matatanda. Iilan lamang sa nakaligtas ang nakabalik sa Constantinople.
Samantala, noong tag-araw ng 1096, nagsimula naman ang paglalakbay ng sanáy na mga hukbo. Ang mga ito’y pinangunahan ng mga kilalang lider noon. Ang wala sa panahong paglisan ng mga pauperes na naging magulo ay nakabalisa kay Papa Urban, na gumawa ng mga kaayusan upang pangasiwaan ang paglalakbay patungo sa Silangan. Kailangang ipakita ngayon ng mga naglalakbay na sila’y may sapat na panustos. Ang tunguhin ay upang limitahan ang pagsama ng mga babae, bata, matatanda, at mahihirap.
Ang Pananakop at Iba Pang mga Masaker
Matapos na magkatagpu-tagpo sa Constantinople, ang mga pangkat, mga baron, at mga nakaligtas na mga pauperes ay nagpatuloy na sa kanilang destinasyon. Muli, naganap ang mga karahasan sa ngalan ng Diyos. Ikinuwento ng mananalaysay na si Petrus Tudebodus na nang lusubin ang Antioch, matapos na walang-awang pagpapatayin ang kanilang mga kalaban, “inihagis [ng mga nagkukrusada] ang lahat ng katawan ng mga ito sa isang pangmaramihang hukay at ang mga pugot na ulo ng mga ito ay iniuwi sa [kanilang] kampo upang bilangin, bukod pa sa apat na kabayong punô ng mga ulong iyon, na ipinadala sa baybayin, sa mga embahador ng mga pinuno ng Babilonya.”
Noong Hulyo 15, 1099, bumagsak ang Jerusalem sa mga nagkukrusada. Ganito ang salaysay ni Raymond ng Aguilers: “Isang kahambal-hambal na tanawin ang makikita. Ilan [sa mga kalaban], ang mga pinalad, ay pinugutan ng ulo; ang iba ay bumagsak mula sa mga pader na tadtad ng mga palaso; marami pang iba ay nasunog sa apoy. Mga bunton ng pugot na ulo, kamay, at mga paa ang makikita sa mga kalsada at mga liwasan ng lunsod.” Ngunit muli, sinikap ng mga nagkukrusada na bigyang-katuwiran ang karahasan sa ngalan ng relihiyon.
Ang Wakas ng Ilusyon
Bunga ng tagumpay ay isinilang ang Latinong Kaharian ng Jerusalem. Naging mabuway ang pag-iral ng institusyong ito dahil sa sumiklab agad ang pag-aaway sa pagitan ng mga feudalistang panginoon na naroroon na sa Silangan. Samantala, muling inorganisa ng mga Muslim ang kanilang militar. Talagang ayaw nilang maiwala ang kanilang teritoryo sa Palestina.
Paglipas ng panahon, inorganisa ang iba pang mga Krusada, ang kahuli-hulihan ay noong 1270. Gayunman, dahil sa mga pagkatalo, marami ang nagsimulang mag-alinlangan sa pagkamakatuwiran ng gayong proyekto na ginagawa sa ngalan ng relihiyon. Kung talagang sinasang-ayunan ng Diyos ang ganitong mga “banal” na digmaan, sa palagay nila, tiyak na papanigan niya yaong nag-aangking taglay ang kaniyang basbas. Ngunit, mula noong ika-13 siglo patuloy, sinikap ng mga hurista ng simbahan na bigyang-katuwiran ang gayong mga digmaang relihiyoso at ang papel dito ng mga klero.
Ang init na nag-udyok sa mga unang nagkrusada ay humupa. Higit sa lahat, ang patuloy na digmaan ay hahantong lamang sa pagkasira ng kapakanang pang-ekonomiya ng Kanluran. Kaya ibinaling ang pakikipagbaka sa panloob na kaaway ng Europeong Sangkakristiyanuhan: ang mga Arabe sa Espanya, ang “mga erehe,” at ang mga pagano sa Hilaga.
Noong 1291 ang lunsod ng Acre, ang moog ng kahuli-hulihang nagkrusada, ay bumagsak sa mga Muslim. Ang Jerusalem at ang ‘Banal na Puntod’ ay nanatili sa mga kamay ng Muslim. Sa loob ng dalawang siglong sigalot, mas nangibabaw ang kapakanang pang-ekonomiya at pampulitika kaysa sa mga panrelihiyong isyu. Ganito ang sabi ng Italyanong istoryador na si Franco Cardini: “Sa panahong ito ang mga Krusada ay unti-unting naging isang masalimuot na operasyon sa pulitika at ekonomiya, isang magusot na pagmamaniobra ng kapangyarihan na nagsasangkot sa mga obispo, abad, hari, mga kolektor ng donasyon, mga namumuhunan sa bangko. Sa labanang ito . . . lubusang nawalan ng halaga ang puntod ni Jesus.” Sinabi rin ni Cardini: “Ang kasaysayan ng mga Krusada ay kasaysayan ng pinakamalaking pagkakamali, ang pinakamagusot na pandaraya, ang pinakakalunus-lunos, at sa ilang paraan ay ang pinakakatawa-tawa, na ilusyon sa buong Sangkakristiyanuhan.”
Binale-Wala ang Aral
Dahil sa mga Krusada at sa pagkabigo nito, dapat sana’y naging aral na ito na ang kasakiman sa ekonomiya at pagnanasa sa katanyagan sa pulitika ay maaaring humantong sa pagkapanatiko at walang-awang pagpatay. Subalit binale-wala ang aral. Naging katibayan ang maraming sigalot na patuloy na nagiging dahilan ng mga bahid ng dugo sa maraming bahagi ng ating planeta. Sa mga ito, madalas na ang relihiyon ang inihaharap na dahilan para sa matinding pagkapoot.
Gayunma’y hindi na ito magtatagal. Sa napakalapit na hinaharap ang disposisyon na nag-udyok sa mga Krusada at patuloy na nag-uudyok sa modernong-panahong “banal” na mga digmaan ay mawawala na kasama ang lahat ng huwad na relihiyon at ang buong sistema na nasa ilalim ng pamamahala ni Satanas.—Awit 46:8, 9; 1 Juan 5:19; Apocalipsis 18:4, 5, 24.
[Picture Credit Line sa pahina 12]
The Complete Encyclopedia of Illustration/J. G. Heck
[Mga larawan sa pahina 15]
Itaas: Sementeryo ng mga Judio sa Worms, Alemanya—isang alaala ng masaker noong Unang Krusada
Kaliwa: Ulo ng isang nagkrusada na yari sa bato
Dulong kaliwa: Ang emblema ng isang kilalang pamilya na nagkrusada
[Credit Line]
Emblema at ulo: Israel Antiquities Authority; larawan: Israel Museum, Jerusalem