Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w99 2/15 p. 24-25
  • Nakikipaglaban Para sa Isang “Banal” na Dako

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Nakikipaglaban Para sa Isang “Banal” na Dako
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1999
  • Kaparehong Materyal
  • Golgota
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • Naitataguyod ba ng Relihiyon ang Kapayapaan?
    Gumising!—2011
  • Ano ang Ibig Sabihin ng Pagiging Banal?
    Sagot sa mga Tanong sa Bibliya
  • Ang mga Krusada—Isang ‘Kalunus-lunos na Ilusyon’
    Gumising!—1997
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1999
w99 2/15 p. 24-25

Nakikipaglaban Para sa Isang “Banal” na Dako

NOONG Hulyo 15, 1099, naabot ng Unang Krusada, na awtorisado ng papa ng Roma, ang tunguhin nito na masakop ang Jerusalem. Kakila-kilabot ang pagpaslang na ginawa! Ang tanging naninirahan na nakaligtas ay ang gobernador at ang kaniyang pansariling guwardiya, matapos magsuhol nang malaki. Sa kaniyang aklat na The Crusades, iniulat ng klerigo na si Antony Bridge kung ano ang nangyari sa lahat ng iba pang Muslim at Judiong naninirahan: “Nang payagan ang mga Krusado na gawin ang gusto nila sa loob ng lunsod, sila’y nagpadala sa malawakan at nakapangingilabot na pagkahaling sa dugo. . . . Pinatay nila ang bawat lalaki, babae at bata na kanilang nasumpungan sa lunsod . . . Nang wala nang mapapatay, ang mga nagwagi ay nagprusisyon sa mga lansangan ng lunsod . . . patungo sa Simbahan ng Banal na Puntod upang magpasalamat sa Diyos.”

Sapol nang manakop ang mga krusado, ang presensiya ng Sangkakristiyanuhan sa Jerusalem ay kakikitaan ng hidwaan sa pagitan ng Romano Katoliko, ng Silangang Ortodokso, at iba pang tinaguriang Kristiyanong relihiyon. Noong 1850, ang alitan sa pagitan ng iba’t ibang lider ng simbahan may kinalaman sa banal na mga dako sa Jerusalem at sa palibot nito ay isang malaking dahilan ng pagsiklab ng Digmaan sa Crimea. Ang pakikidigma ng Inglatera, Pransiya, at ng Estadong Ottoman laban sa Russia ay binuwisan ng kalahating milyong buhay.

Hindi winakasan ng digmaan ang alitan sa Sangkakristiyanuhan may kinalaman sa Jerusalem at sa banal na mga dako nito. Sinikap ng mga Ottoman, na sumasakop noon sa bansa, na magkaroon ng kapayapaan sa pamamagitan ng pagbabaha-bahagi sa banal na mga dako sa magkakaibang pananampalataya. “Ang simulaing ito,” paliwanag ni Dr. Menashe Har-el sa kaniyang aklat na This Is Jerusalem, “ay tinanggap . . . ng United Nations lakip ang Resolusyon sa Pagbabahagi ng Nobyembre 1947. Sa gayon, ito ay naging bahagi ng internasyonal na batas.” Bunga nito, ang Simbahan ng Banal na Puntod ay ibinahagi sa mga Romano Katoliko, Griego Ortodokso, Armeniano, Siriano, at mga Copt. Bandang huli, iginiit ng mga Etiope ang kanilang pagmamay-ari sa simbahang ito sa pamamagitan ng paninirahan ng ilang miyembro sa mga bahay-kubo sa bubong. Minamalas ng marami ang Simbahan ng Banal na Puntod bilang ang pinakabanal na dako ng Sangkakristiyanuhan. Punô ito ng mga dambana, imahen, at mga larawan. Isa pang tinaguriang banal na dako, ang Kalbaryo ni Gordon, ang pinapakundanganan ng ilang Protestante bilang ang ipinalalagay na lugar ng pinagbitayan at pinaglibingan kay Jesus.

Noon ay sinabi ni Jesus sa isang babaing naniniwala sa banal na mga dako: “Ang oras ay dumarating na hindi sa bundok na ito ni sa Jerusalem man ninyo sasambahin ang Ama. . . . Ang mga tunay na mananamba ay sasamba sa Ama sa espiritu at katotohanan.” (Juan 4:21-24) Samakatuwid, hindi pinararangalan ng mga tunay na mga Kristiyano ang banal na mga dako. Ang pagwasak ng mga hukbong Romano sa di-tapat na Jerusalem noong 70 C.E. ay nagsisilbing babala sa Sangkakristiyanuhan. Ang kaniyang idolatriya, pagkakabaha-bahagi, at pagkakasala sa dugo ay nagpapabulaan sa kaniyang pag-aangkin bilang Kristiyano. Kaya daranasin niya ang inihula ng Diyos na kahihinatnan ng lahat ng relihiyon na bumubuo sa Babilonyang Dakila.​—Apocalipsis 18:2-8.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share