Ang Pangmalas ng Bibliya
Hanggang Saan ang Pagpaparaya ng Diyos?
“ANG DIYOS, BAGAMAN NILOLOOB NA IPAKITA ANG KANIYANG POOT AT IHAYAG ANG KANIYANG KAPANGYARIHAN, AY NAGPARAYA TAGLAY ANG LABIS NA MAHABANG PAGTITIIS SA MGA SISIDLAN NG POOT NA GINAWANG KARAPAT-DAPAT SA PAGKAPUKSA.”—ROMA 9:22.
SA BUONG kasaysayan ay pinalampas ng Diyos ang napakaraming kasamaan at tahasang kabalakyutan. Ganito ang hinagpis ni Job mahigit nang 3,000 taon ang nakalipas: “Bakit nga ba patuloy na nabubuhay ang mga balakyot, tumatanda, nagiging nakahihigit din sa yaman? Ang kanilang supling ay matibay na nakatatag na kasama nila sa kanilang paningin, at ang kanilang mga inapo sa harap ng kanilang mga mata. Ang kanilang mga bahay ay kapayapaan, na malaya sa panghihilakbot, at ang pamalo ng Diyos ay wala sa kanila.” (Job 21:7-9) Ang iba pang umiibig sa katarungan, tulad ni propeta Jeremias, ay nagpakita rin ng pagkabahala sa waring pagpaparaya ng Diyos sa masasamang tao.—Jeremias 12:1, 2.
Ano sa palagay mo? Ipinagtataka mo ba ang pagpapahintulot ng Diyos sa kabalakyutan? Nadarama mo ba kung minsan na dapat magmadali ang Diyos at puksain agad ang lahat ng taong balakyot? Isaalang-alang ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa hangganan ng pagpaparaya ng Diyos at sa mga dahilan nito.
Bakit Mapagparaya ang Diyos?
Una, dapat nating itanong: Bakit nga ba pinalalampas ng Diyos, na may pinakamatataas na pamantayan sa katuwiran, ang kasamaan? (Deuteronomio 32:4; Habakuk 1:13) Nangangahulugan ba ito na kinukunsinti niya ang kasamaan? Hinding-hindi! Isaalang-alang ang sumusunod na ilustrasyon: Ipagpalagay na may isang siruhano na lumalabag sa mga saligang simulain sa kalinisan at nagdudulot ng matinding kirot sa kaniyang mga pasyente. Kung nagtatrabaho siya sa isang ospital, hindi ba agad na aalisin siya sa trabaho? Ngunit may ilang kalagayan na doo’y maaaring kailanganin ang di-karaniwang pagpaparaya. Halimbawa, sa lubhang gipit na mga kalagayan, marahil sa lugar ng labanan, hindi kaya kailangan namang payagan ang mga siruhano na gumawa sa ilalim ng sinauna at mapanganib na mga kalagayan, marahil ay gumagamit pa nga ng karaniwang itinuturing na mababang-uring kasangkapan at kagamitan sa pag-oopera?
Sa katulad na paraan, matiising hinahayaan ng Diyos ang maraming bagay na talagang di-katanggap-tanggap sa kaniya. Bagaman kinapopootan niya ang kasamaan, pinahihintulutan niya itong magpatuloy nang pansamantala. May mabubuting dahilan sa paggawa niya nito. Una, nagbibigay ito ng panahon para malutas nang minsan at magpakailanman ang mahahalagang isyu na ibinangon ng paghihimagsik ni Satanas sa hardin ng Eden. Ito’y mga usaping kaugnay ng pagiging tama at nararapat ng paraan ng pamamahala ng Diyos. Gayundin, ang kaniyang matiising pagbabata sa masama ay naglalaan ng panahon at pagkakataon para makapagbago yaong mga nasasangkot sa kasamaan.
Isang Maawain at Matiising Diyos
Sumali ang ating unang mga magulang, sina Adan at Eva, sa paghihimagsik ni Satanas laban sa Diyos. Maaari naman at nararapat lamang na puksain sila ng Diyos noon pa man. Sa halip, siya’y naging maawain at matiisin, anupat maibiging pinahintulutan sila na magkaroon ng mga anak. Subalit ang mga anak na ito, at ang buong pamilya ng tao na nanggaling sa kanila, ay isinilang na makasalanan.—Roma 5:12; 8:20-22.
Nilayon ng Diyos na sagipin ang tao mula sa kaniyang kalunus-lunos na kalagayan. (Genesis 3:15) Samantala, dahil sa nauunawaan niya kung paano tayo naaapektuhan ng di-kasakdalang minana kay Adan, siya’y nagpapakita ng pambihirang pagtitiis at awa. (Awit 51:5; 103:13) Siya’y “sagana sa maibiging-kabaitan” at handang ‘magpatawad nang sagana.’—Awit 86:5, 15; Isaias 55:6, 7.
Hangganan ng Pagpaparaya ng Diyos
Gayunpaman, salat sa pag-ibig at di-makatuwiran kung pahihintulutan ng Diyos na magpatuloy ang kasamaan magpakailanman. Hindi palalampasin magpakailanman ng sinumang maibiging ama ang kasamaan ng isa sa kaniyang mga anak na patuloy at sadyang nananakit nang matindi sa ibang miyembro ng pamilya. Samakatuwid, ang pagpaparaya ng Diyos sa kasalanan ay laging titimbangan ng iba pang katangian tulad ng pag-ibig, karunungan, at katarungan. (Exodo 34:6, 7) Kapag natupad na ang layunin na siyang dahilan ng kaniyang mahabang pagtitiis, magwawakas na ang pagpaparaya niya sa kasamaan.—Roma 9:22.
Niliwanag ito ni apostol Pablo. “Noong mga nakalipas na salinlahi,” ang sabi niya minsan, “pinahintulutan [ng Diyos] ang lahat ng mga bansa na lumakad sa kanilang mga daan.” (Gawa 14:16) Sa iba namang pagkakataon ay binanggit ni Pablo kung paano “pinalagpas ng Diyos ang mga panahon ng gayong kawalang-alam” ng mga taong sumuway sa kaniyang mga kautusan at simulain. Nagpatuloy si Pablo, “sinasabi [ng Diyos] ngayon sa sangkatauhan na silang lahat sa lahat ng dako ay dapat na magsisi.” Bakit? “Sapagkat nagtakda siya ng isang araw kung kailan nilalayon niyang hatulan ang tinatahanang lupa ayon sa katuwiran.”—Gawa 17:30, 31.
Makinabang Ngayon sa Pagpaparaya ng Diyos
Kung gayon, tiyak na walang sinuman ang dapat mag-akala na maaari niyang ipagwalang-bahala ang mga kautusan ng Diyos at saka basta na lamang hihingi ng kapatawaran ng Diyos kapag ibig niyang matakasan ang masasamang bunga ng kaniyang ikinilos. (Josue 24:19) Inakala ng marami sa sinaunang Israel na magagawa nila iyan. Ayaw nilang magbago. Hindi nila naunawaan ang layunin ng pagpaparaya at pagtitiis ng Diyos. Hindi habang-buhay na nagparaya ang Diyos sa kanilang kasamaan.—Isaias 1:16-20.
Ipinakikita ng Bibliya na upang maiwasan ang pangwakas na hatol ng Diyos, ang isang tao ay dapat na “magsisi”—samakatuwid nga, buong-pagsisising kilalanin ang kaniyang di-sakdal at makasalanang kalagayan sa harap ng Diyos at saka taimtim na lumayo sa kasamaan. (Gawa 3:19-21) Pagkatapos, salig sa haing pantubos ni Kristo, magpapatawad ang Diyos na Jehova. (Gawa 2:38; Efeso 1:6, 7) Sa kaniyang itinakdang panahon, papawiin ng Diyos ang lahat ng kalunus-lunos na epekto ng kasalanan ni Adan. Magkakaroon ng “isang bagong langit at isang bagong lupa” na doo’y hindi na niya pahihintulutan “ang pagkanaririto . . . ng mga bagay na humihiyaw upang puksain.” (Apocalipsis 21:1-5; Roma 9:22, Phillips) Tunay ngang isang kahanga-hangang resulta ng pambihira ngunit may-hangganang pagpaparaya ng Diyos!
[Larawan sa pahina 23]
Pinahintulutan ng Diyos na magkaroon ng mga supling sina Adan at Eva