Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g97 1/22 p. 3-4
  • Pagpaparaya—Kakulangan at Kalabisan

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagpaparaya—Kakulangan at Kalabisan
  • Gumising!—1997
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Mula sa Pagpaparaya Tungo sa Sobrang Higpit
  • Mula sa Pagpaparaya Tungo sa Imoralidad
  • Pagtatanggol sa mga Kalayaan—Paano?
    Gumising!—1999
  • Mapagaganda ng Tamang Pagkakatimbang ang Iyong Buhay
    Gumising!—1997
  • Nakikibagay, Gayunma’y Nanghahawakan sa mga Pamantayan ng Diyos
    Gumising!—1997
  • Pagpaparaya
    Gumising!—2015
Iba Pa
Gumising!—1997
g97 1/22 p. 3-4

Pagpaparaya​—Kakulangan at Kalabisan

ANG magandang tanawin ng Vale of Kashmir ay nag-udyok sa isang pilosopo noong ika-16 na siglo na bumulalas: “Kung may paraiso saan man, dito iyon!” Maliwanag, wala siyang kaalam-alam sa kung ano ang mangyayari sa dakong huli sa bahaging iyon ng daigdig. Sa loob ng nakalipas na limang taon, hindi kukulanging 20,000 tao ang napatay roon sa labanan sa pagitan ng mga pangkat na nais magkaroon ng sariling pamahalaan at ng Hukbo ng India. Inilalarawan ngayon ng pahayagang Aleman na Suddeutsche Zeitung ang rehiyon bilang isang “libis ng mga luha.” Ang Vale of Kashmir ay nagpapahiwatig ng payak subalit mahalagang leksiyon: Maaaring sirain ng hindi pagpaparaya ang isang potensiyal na paraiso.

Ano ang ibig sabihin ng maging mapagparaya? Sang-ayon sa Collins Cobuild English Language Dictionary, “kung ikaw ay mapagparaya, hinahayaan mo ang ibang tao na magkaroon ng sarili nilang mga saloobin o mga paniwala, o gumawi sa isang partikular na paraan, kahit na hindi ka sumasang-ayon o pumapayag.” Anong inam na katangiang ipakita! Tiyak na palagay ang ating loob kung kasama natin ang mga taong gumagalang sa ating mga paniniwala at mga saloobin, kapag ang mga ito ay naiiba sa kanila.

Mula sa Pagpaparaya Tungo sa Sobrang Higpit

Ang kabaligtaran ng pagpaparaya ay ang hindi pagpaparaya, na may ilang antas ng katindihan. Ang hindi pagpaparaya ay maaaring magsimula sa pamamagitan ng isang makitid ang isip na pagtutol sa paggawi o paraan ng paggawa ng mga bagay ng isa. Sinasakal ng pagiging makitid ang isip ang kasiyahan mula sa buhay at isinasara ang isip ng isa sa bagong mga ideya.

Halimbawa, ang isang taong istrikto ay maaaring mayamot sa pagiging napakasigla ng isang bata. Ang isang kabataan ay maaaring mabagot sa mapagmuni-muning paraan ng isa na nakatatanda sa kaniya. Kung ang isang taong maingat ay hihilinging gumawang kasama ng isa na abenturero, sila kapuwa ay maaaring magalit. Bakit mayayamot, mababagot, at magagalit? Sapagkat, sa bawat kalagayan, nasusumpungan ng isa na mahirap magparaya sa mga saloobin o paggawi ng iba.

Kapag hindi nagpaparaya, ang kakitiran ng isip ay maaaring lumala tungo sa pagtatangi, na isang pag-ayaw sa isang grupo, lahi, o relihiyon. Mas matindi pa sa pagtatangi ang sobrang higpit o pagkapanatiko, na maaaring ihayag ang sarili nito sa marahas na pagkapoot. Ang resulta ay kahapisan at pagbububo ng dugo. Isip-isipin kung saan humantong ang hindi pagpaparaya noong panahon ng mga Krusada! Kahit na sa ngayon, ang hindi pagpaparaya ay isang salik sa mga alitan sa Bosnia, Rwanda, at Gitnang Silangan.

Ang pagpaparaya ay nangangailangan ng pagkakatimbang, at ang pagpapanatili ng tamang pagkakatimbang ay hindi madali. Tulad tayo ng pendulo ng isang orasan, umuugoy sa magkabi-kabila. Kung minsan, tayo’y hindi gaanong nakapagpaparaya; kung minsan naman, labis-labis.

Mula sa Pagpaparaya Tungo sa Imoralidad

Posible bang maging labis na mapagparaya? Inilarawan ni Senador Dan Coats ng Estados Unidos, na nagsalita noong 1993, ang “labanan sa kahulugan at pagsasagawa ng pagpaparaya.” Ano ang ibig niyang sabihin? Ang senador ay naghinagpis na sa ngalan ng pagpaparaya, ang ilan ay “tumalikod sa paniniwala sa moral na katotohanan​—sa mabuti at masama, sa tama at mali.” Inaakala ng mga taong iyon na ang lipunan ay walang karapatang humatol sa kung ano ang mabuting paggawi at kung ano ang masama.

Noong 1990, ang Britanong pulitikong si Lord Hailsham ay sumulat na “ang pinakamahigpit na kaaway ng moralidad ay hindi ang ateismo, agnostisismo, materyalismo, kasakiman ni ang anumang iba pang tinatanggap na mga dahilan. Ang tunay na kaaway ng moralidad ay ang nihilismo, sa lubhang literal na paraan, ang paniniwala sa wala.” Maliwanag, kung tayo’y walang pinaniniwalaan, wala tayong mga pamantayan ng tamang paggawi at lahat ay maaaring pagparayaan. Subalit tama bang pagparayaan ang lahat ng anyo ng paggawi?

Hindi gayon ang palagay ng isang prinsipal sa haiskul na taga-Denmark. Siya’y sumulat ng isang artikulo sa pahayagan noong unang mga taon ng dekada ng 1970, na nagrereklamo tungkol sa mga anunsiyo sa pamahayagan para sa mga palabas na pornograpiko na naglalarawan ng pagtatalik sa pagitan ng mga hayop at mga tao. Ang mga anunsiyong ito ay pinapayagan dahil sa “pagpaparaya” ng Denmark.

Maliwanag, bumabangon ang mga problema mula sa di-gaanong pagpaparaya gayundin naman mula sa labis-labis na pagpaparaya. Bakit mahirap umiwas sa kakulangan o kalabisan at manatili sa tamang pagkakatimbang? Pakisuyong basahin ang susunod na artikulo.

[Larawan sa pahina 3]

Ang labis na reaksiyon sa mga pagkakamali ng mga bata ay makapipinsala sa kanila

[Larawan sa pahina 4]

Ang pagpaparaya sa anumang gawin ng mga bata ay hindi maghahanda sa kanila para sa mga pananagutan sa buhay

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share