Mapagaganda ng Tamang Pagkakatimbang ang Iyong Buhay
ANG pagpaparaya ay parang asukal sa isang tasang kape. Ang tamang dami ay makadaragdag ng katamisan sa buhay. Subalit bagaman tayo ay maaaring maging sagana sa paglalagay ng asukal, malimit na tayo’y maramot kung tungkol sa pagpaparaya. Bakit?
“Ayaw ng mga taong maging mapagparaya,” ang sulat ni Arthur M. Melzer, isang kasamang propesor sa Michigan State University. “Likas sa tao ang magpakita ng . . . pagtatangi.” Kaya ang hindi pagpaparaya ay hindi basta isang depekto ng pag-uugali na nakaaapekto lamang sa isang minorya; ang pagiging makitid ang isip ay likas sa ating lahat sapagkat ang lahat ng tao ay di-sakdal.—Ihambing ang Roma 5:12.
Potensiyal na mga Mapanghimasok
Noong 1991, ang magasing Time ay nag-ulat tungkol sa lumalagong kakitiran ng isip sa Estados Unidos. Inilarawan ng artikulo ang “mga mapanghimasok na istilo ng buhay,” mga taong nagsisikap na ipasunod ang kanilang sariling mga pamantayan ng paggawi sa lahat. Ang mga hindi sumasang-ayon ay nabiktima. Halimbawa, isang babae sa Boston ang naalis sa kaniyang trabaho sapagkat ayaw niyang mag-makeup. Isang lalaki sa Los Angeles ang inalis sa trabaho sapagkat siya’y mataba. Bakit gayon na lamang ang pagsisikap na mapasunod ang iba?
Ang mga taong makitid ang isip ay hindi makatuwiran, makasarili, matigas ang ulo, at dogmatiko. Subalit hindi ba’t ang karamihan ng mga tao ay hindi makatuwiran, makasarili, matigas ang ulo, o dogmatiko sa isang antas? Kung ang mga katangiang ito ay mananatili sa ating personalidad, magiging makitid ang ating isip.
Kumusta ka naman? Ikaw ba’y umiiling sa pinipiling pagkain ng iba? Sa usapan, karaniwan bang gusto mong ikaw ang may huling sinabi? Kapag gumagawang kasama ng isang grupo, inaasahan mo ba silang susunod sa iyong paraan ng pag-iisip? Kung gayon, makabubuting magdagdag ng kaunting asukal sa iyong kape!
Ngunit, gaya ng nabanggit sa naunang artikulo, ang hindi pagpaparaya ay maaaring dumating sa anyo ng malupit na pagtatangi. Ang isang salik na maaaring magpalala sa hindi pagpaparaya ay ang matinding pagkabalisa.
“Ang Matinding Pagkadama ng Kawalan ng Katiyakan”
Pinag-aralan ng mga etnologo ang kasaysayan ng tao upang alamin kung kailan at saan nagsimula ang pagtatangi. Nasumpungan nila na ang ganitong uri ng hindi pagpaparaya ay hindi lumitaw sa lahat ng panahon, ni makikita man ito sa lahat ng bansa sa magkakatulad na antas. Ang magasing Aleman na GEO tungkol sa likas na siyensiya ay nag-uulat na ang alitan ng lahi ay lumilitaw sa panahon ng krisis kapag “ang mga tao ay may matinding pagkadama ng kawalan ng katiyakan at nakadaramang nanganganib ang kanilang pagkakakilanlan.”
Malaganap ba ngayon ang gayong “matinding pagkadama ng kawalan ng katiyakan”? Tiyak iyan. Higit kailanman, ang sangkatauhan ay nilulusob ng sunud-sunod na krisis. Kawalan ng trabaho, tumataas na halaga ng pamumuhay, sobrang dami ng tao, pagnipis ng ozone layer, ang krimen sa mga lunsod, polusyon ng iniinom na tubig, pag-init ng globo—ang paulit-ulit na takot sa alinman dito ay nakadaragdag sa kabalisahan. Ang mga krisis ay nagdudulot ng kabalisahan, at ang labis na pagkabalisa ay humahantong sa hindi pagpaparaya.
Halimbawa, ang gayong hindi pagpaparaya ay makikita kung nagkakasama ang magkakaibang etniko at kultural na mga pangkat, gaya sa ilang bansa sa Europa. Ayon sa ulat ng National Geographic noong 1993, ang mga bansa sa Kanlurang Europa ang maypabisita noon sa mahigit na 22 milyong mandarayuhan. Maraming Europeo ang “nalipos ng pagkabigla dahil sa pagdagsa ng mga bagong dating” na may ibang wika, kultura, o relihiyon. Sumidhi ang damdamin laban sa dayuhan sa Austria, Belgium, Britanya, Pransiya, Alemanya, Italya, Espanya, at Sweden.
Kumusta naman ang mga lider ng daigdig? Noong mga taon ng 1930 at 1940, ginawa ni Hitler na isang patakaran ng pamahalaan ang hindi pagpaparaya. Nakalulungkot nga, ginagamit ng ilang lider ng pulitika at relihiyon ngayon ang hindi pagpaparaya upang makamit ang kanilang sariling mga layunin. Ganito nga ang kalagayan sa mga lugar na gaya ng Austria, Pransiya, Ireland, Russia, Rwanda, at Estados Unidos.
Iwasan ang Silo ng Apatiya
Kung matabang ang ating kape ay nadarama nating may kulang; kung sobra naman ang asukal ay nakasusuya sa ating panlasa. Gayundin kung tungkol sa pagpaparaya. Isaalang-alang ang karanasan ng isang lalaking nagtuturo sa isang kolehiyo sa Estados Unidos.
Mga ilang taon na ang nakalipas, si David R. Carlin, Jr., ay nakasumpong ng isang simple subalit mabisang paraan ng pagganyak ng talakayan sa klase. Gumagawa siya ng isang pangungusap na ang layon ay hamunin ang mga palagay ng kaniyang mga estudyante, palibhasa’y nalalaman niyang tututol sila. Ang resulta ay isang masiglang talakayan. Subalit, noong 1989, si Carlin ay sumulat na ang paraan ding iyon ay hindi na mabisa. Bakit hindi? Bagaman hindi pa rin sumasang-ayon ang mga estudyante sa kaniyang sinabi, hindi na sila nag-aabalang makipagtalo. Sinabi ni Carlin na sinunod nila ang kaugalian na “maluwag na pagpaparaya ng taong mapag-alinlangan”—isang saloobin na walang iniintindi, walang-pakialam.
Ang saloobin ba na walang-pakialam ay katulad ng pagpaparaya? Kung walang nakikialam sa iniisip o ginagawa ng sinuman, walang mga pamantayan. Ang kawalan ng mga pamantayan ay apatiya o kawalang-malasakit—ganap na kawalan ng interes. Paano nangyari ang gayong kalagayan?
Ayon kay Propesor Melzer, ang apatiya ay maaaring kumalat sa isang lipunan na tumatanggap ng maraming iba’t ibang pamantayan ng paggawi. Ang mga tao ay naniniwala na ang lahat ng paggawi ay kanais-nais at na ang lahat ng bagay ay basta personal na pagpili lamang. Sa halip na pag-isipan at alamin kung ano ang kanais-nais at kung ano ang hindi, ang mga tao ay “kadalasang hindi na nag-iisip.” Wala silang moral na lakas na nag-uudyok sa isang tao na labanan ang hindi pagpaparaya ng iba.
Kumusta ka naman? Napapansin mo ba na paminsan-minsan ikaw ay nagkakaroon ng saloobing walang-pakialam? Pinagtatawanan mo ba ang mga birong mahalay o nagtatangi ng lahi? Pinapayagan mo ba ang iyong tin-edyer na anak na lalaki o babae na manood ng mga video na nagtataguyod ng kasakiman o imoralidad? Inaakala mo ba na ayos lang sa iyong mga anak na maglaro ng mararahas na laro sa computer?
Kung labis-labis ang pagpaparaya, ang pamilya o lipunan ay aani ng dalamhati, palibhasa’y walang nakaaalam—o nag-iintindi—kung ano ang tama o mali. Si Senador Dan Coats ng Estados Unidos ay nagbabala tungkol sa “silo ng pagpaparaya na sa katunayan ay apatiya.” Ang pagpaparaya ay maaaring humantong sa pagiging bukas-isip; ang labis-labis na pagpaparaya—apatiya—sa pagiging walang-isip.
Kaya, ano ang dapat nating pagparayaan at ano naman ang dapat nating tanggihan? Ano ang sekreto sa pagtatamo ng tamang pagkakatimbang? Ito ang paksang tatalakayin ng susunod na artikulo.
[Larawan sa pahina 5]
Pagsikapang magkaroon ng timbang na mga reaksiyon sa mga kalagayan