Nakikibagay, Gayunma’y Nanghahawakan sa mga Pamantayan ng Diyos
“ANG mga taong mapagparaya ay hindi kailanman mangmang, at ang mga taong mangmang ay hindi kailanman mapagparaya,” sabi ng isang kasabihang Tsino. Maraming katotohanan sa kawikaang iyan, yamang ang pagiging mapagparaya ay isang hamon, na humihiling ng panghahawakan sa tamang mga pamantayan ng paggawi. Subalit aling mga pamantayan ang dapat nating panghawakan? Hindi ba makatuwirang sundin ang mga pamantayang inilagay ng Maygawa ng sangkatauhan, gaya ng ipinaliliwanag sa kaniyang Salita, ang Banal na Bibliya? Ang Diyos mismo ay nagbibigay ng pinakamainam na halimbawa ng panghahawakan sa kaniyang mga pamantayan.
Ang Maylikha—Ating Pinakadakilang Halimbawa
Ang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat, si Jehova, ay sakdal ang pagkakatimbang sa pagpaparaya, hindi nagpapakita ng kalabisan o kakulangan. Sa loob ng libu-libong taon, siya’y nagparaya sa mga dumusta sa kaniyang pangalan, nagpasama sa sangkatauhan, at umabuso sa lupa. Si apostol Pablo ay sumulat, gaya ng nakatala sa Roma 9:22, na ang Diyos ay “nagtiis taglay ang labis na mahabang-pagtitiis sa mga sisidlan ng poot na ginawang karapat-dapat sa pagkapuksa.” Bakit nagparaya ang Diyos sa loob ng mahabang panahon? Sapagkat ang kaniyang pagpaparaya ay may layunin.
Ang Diyos ay matiisin sa sangkatauhan “sapagkat hindi niya nais na ang sinuman ay mapuksa kundi nagnanais na ang lahat ay makaabot sa pagsisisi.” (2 Pedro 3:9) Binigyan ng Maylikha ang sangkatauhan ng Bibliya at inutusan ang kaniyang mga lingkod na ipaalam sa lahat ng dako ang kaniyang mga pamantayan ng paggawi. Ang mga tunay na Kristiyano ay nanghahawakan sa mga pamantayang ito. Subalit nangangahulugan ba ito na ang mga lingkod ng Diyos ay dapat na maging mahigpit sa lahat ng kalagayan?
Matatag, Gayunma’y Nakikibagay
Hinimok ni Jesu-Kristo ang mga naghahangad ng buhay na walang-hanggan na “pumasok kayo sa makipot na pintuang-daan.” Subalit ang pagpasok sa makipot na pintuang-daan ay hindi nangangahulugan ng pagiging makitid ang isip. Kung may hilig tayo na maging dominante o dogmatiko kapag kasama ang iba, tiyak na ang buhay ay mas kalugud-lugod para sa lahat kung susugpuin natin ang hilig na ito. Ngunit paano?—Mateo 7:13; 1 Pedro 4:15.
Si Theofano, isang estudyanteng Griego na nagsabi na ang panahong ginugol na kasama ng mga tao na may ibang pinagmulan na umakay sa higit na pag-unawa sa kanila, ay nagsabi: “Mahalagang sikapin nating alamin ang kanilang paraan ng pag-iisip sa halip na pilitin silang sumunod sa atin.” Kaya nga, sa pamamagitan ng higit na pagkilala sa isa, maaaring matuklasan natin na ang kaniyang pinipiling pagkain at maging ang kaniyang punto sa pagsasalita ay hindi naman kakatwa na gaya ng akala natin. Sa halip na laging tayo ang may pinakamaraming sinasabi o iginigiit natin na tayo ang panalo sa anumang usapan, marami tayong natututuhang kapaki-pakinabang na mga bagay sa pakikinig sa kaniyang pangmalas. Oo, ang mga taong bukas-isip ay nagkakaroon ng mas kasiya-siyang buhay.
Anumang personal na pagpili ang nasasangkot, dapat tayong makibagay at hayaan ang iba na masiyahan sa kanila mismong pinili. Subalit kapag ang paggawi ay may kinalaman sa pagsunod sa ating Maylikha, dapat tayong maging matatag. Hindi kinukunsinti ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat ang lahat ng uri ng paggawi. Ipinakita niya ito sa pamamagitan ng mga pakikitungo niya sa kaniyang mga lingkod noong una.
Ang Silo ng Pagiging Sobrang Mapagparaya
Si Eli, isang mataas na saserdote ng sinaunang bansa ng Israel, ay isang lingkod ng Diyos na nabitag sa silo ng pagiging sobrang mapagparaya. Ang mga Israelita ay pumasok sa isang pakikipagtipan sa Diyos, anupat sumasang-ayon na susundin ang kaniyang mga batas. Subalit ang dalawang anak na lalaki ni Eli, sina Hopni at Pinehas, ay sakim at imoral at lubhang walang-galang sa Makapangyarihan-sa-lahat. Si Eli, bagaman alam na alam ang Batas ng Diyos, ay bahagya lamang sinaway at napakaluwag sa kaniyang disiplina. Nagkamali siya sa pag-aakala na pagpaparayaan ng Diyos ang kabalakyutan. Niliwanag ng Maylikha na may pagkakaiba sa pagitan ng kahinaan at ng kabalakyutan. Dahil sa kanilang kusang paglabag sa Batas ng Diyos, ang balakyot na mga anak ni Eli ay malubhang pinarusahan—at nararapat naman.—1 Samuel 2:12-17, 22-25; 3:11-14; 4:17.
Anong laking kapahamakan nga para sa atin na sobrang magparaya sa ating pamilya sa pagbubulag-bulagan sa paulit-ulit na mga pagkakamali ng ating mga anak! Mas makabubuting palakihin sila “sa disiplina at pangkaisipang-pagtutuwid ni Jehova”! Ito’y nangangahulugan na dapat tayong manghawakan sa mga pamantayan ng Diyos sa paggawi at ikintal ito sa isip ng ating mga anak.—Efeso 6:4.
Sa katulad na paraan, hindi maaaring kunsintihin ng Kristiyanong kongregasyon ang kabalakyutan. Kung ang isang miyembro ay nagsasagawa ng malubhang pagkakasala at ayaw magsisi, dapat siyang alisin. (1 Corinto 5:9-13) Gayunman, sa labas ng pamilya at ng kongregasyon, hindi sinisikap baguhin ng mga tunay na Kristiyano ang lipunan sa pangkalahatan.
Isang Matibay na Kaugnayan kay Jehova
Ang hindi pagpaparaya ay pinanggagalingan ng isang maligalig na kapaligiran. Subalit, kung mayroon tayong malapit na personal na kaugnayan sa Diyos, tayo’y nagtatamasa ng katiwasayan na tumutulong sa atin na mapanatili ang tamang pagkakatimbang. “Ang pangalan ni Jehova ay isang matibay na moog. Tumatakbo rito ang matuwid at naliligtas,” ang mababasa natin sa Kawikaan 18:10. Tiyak na walang pinsala ang maaaring dumating sa atin o sa ating mga mahal sa buhay na hindi malulunasan ng Maylikha sa kaniyang takdang panahon.
Ang isa na nakinabang nang husto mula sa isang malapit na kaugnayan sa Diyos ay si apostol Pablo. Bilang isang Judio siya’y kilala bilang Saulo, pinag-usig niya ang mga tagasunod ni Jesu-Kristo at siya’y maysala sa pagbububo ng dugo. Subalit si Saulo mismo ay naging isang Kristiyano at, bilang si apostol Pablo, nang maglaon ay nagsagawa ng buong-panahong pag-eebanghelyo. Si Pablo ay nagpakita ng bukas-isip na saloobin sa pangangaral sa lahat ng tao, “sa mga Griego at sa mga Barbaro, kapuwa sa marurunong at sa mga mangmang.”—Roma 1:14, 15; Gawa 8:1-3.
Paano niya nagawang magbago? Sa pamamagitan ng pagkakamit ng tumpak na kaalaman buhat sa Kasulatan at sa pagpapakita ng higit na pag-ibig sa Maylikha, na hindi nagtatangi. Natutuhan ni Pablo na ang Diyos ay makatarungan sa bagay na hinahatulan Niya ang bawat indibiduwal, hindi ayon sa kultura o lahi, kundi ayon sa kung ano ang kaniyang ginagawa. Oo, sa Diyos, mahalaga ang mga gawa. Binanggit ni Pedro na ang “Diyos ay hindi nagtatangi, kundi sa bawat bansa ang tao na natatakot sa kaniya at gumagawa ng katuwiran ay kaayaaya sa kaniya.” (Gawa 10:34, 35) Ang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat ay hindi nagtatangi. Di-gaya ng ilan sa mga lider ng daigdig, na sadyang ginagamit ang hindi pagpaparaya para sa kanilang sariling mga layunin.
Nagbabago ang mga Panahon
Ayon kay John Gray, ng Oxford University sa Inglatera, ang pagpaparaya ay “isang kagalingan na mahirap nang makita.” Subalit magbabago ito. Iiral ang pagpaparaya na tinitimbangan ng karunungan buhat sa Diyos.
Sa dumarating na bagong sanlibutan ng Diyos, mawawala na ang hindi pagpaparaya. Ang mga anyo ng labis na hindi pagpaparaya, gaya ng pagtatangi at sobrang higpit o pagkapanatiko, ay mawawala na. Hindi na iinisin ng pagiging makitid ang isip ang kasiyahan sa buhay. Sa panahong iyon, magkakaroon ng isang paraiso na mas malaki at maganda kaysa sa Vale of Kashmir.—Isaias 65:17, 21-25.
Inaasam-asam mo bang mabuhay sa bagong sanlibutang iyon? Anong laking pribilehiyo at tunay na kapana-panabik nga iyon!
[Larawan sa pahina 8]
Si apostol Pablo ay nagpamalas ng tamang pagkakatimbang sapagkat siya’y may kaugnayan sa Diyos