Ang Punungkahoy na Maagang Gumigising
SA DAKONG huli ng Enero o maaga sa Pebrero, madulang nagbabago ang maraming hagdan-hagdang mga gilid ng burol sa Israel. Nagigising mula sa kanilang pagkakatulog sa taglamig, saganang namumulaklak ang mga punong almendras. Yamang isa ito sa pinakamaagang mamulaklak sa mga punungkahoy, karaniwan nang isang natatanging tanawin ang almendras sa kabukiran. Pinagaganda ng puti at rosas na mga bulaklak nito ang kabukiran sa taglamig, anupat ipinagugunita sa atin ang mga pananalita ni Solomon sa Eclesiastes 12:5. Doon ay inihahambing niya ang uban ng katandaan sa ‘punong almendras na namumulaklak.’
Dahil sa maagang pamumulaklak ng almendras, ang salitang Hebreo para sa almendras ay angkop na may literal na kahulugang “isa na nagigising.” Kaya ginamit ito sa Bibliya sa maraming mapupuwersang ilustrasyon. Halimbawa, nakita ni propeta Jeremias sa pangitain ang isang usbong, o sanga, ng isang punong almendras. Ano ang kinakatawan nito? “Ako ay nananatiling gising may kinalaman sa aking salita upang tuparin iyon,” ang sabi ni Jehova sa kaniya. (Jeremias 1:11, 12) Sabihin pa, hindi kailanman napapagod si Jehova, ni siya man ay natutulog. Subalit idiniriin ng kaniyang mga salita ang kaniyang pagnanais na tapusin ang kaniyang gawain.—Isaias 40:28.
Mga dantaon bago ang kaarawan ni Jeremias, isang namumulaklak na tungkod na almendras ang ginamit upang ipakilala ang isa na hinirang ni Jehova bilang mataas na saserdote. Isang tungkod para sa bawat isa sa 12 tribo ng Israel ang inilagay sa harapan ni Jehova sa tolda ng kapisanan. Kinabukasan, ang tungkod na almendras ni Aaron ay hindi lamang makahimalang namulaklak kundi nagbunga rin ng mga hinog na almendras! Ang tungkod na almendras na ito ay itinago sa loob ng kaban ng tipan sa loob ng sandaling panahon bilang isang tanda sa bansa na hindi sila dapat kailanman muling magbulung-bulungan laban sa hinirang na mga kinatawan ni Jehova.—Bilang 16:1-3, 10; 17:1-10; Hebreo 9:4.
Nais ni Jehova na palamutian ng kawangis na magagandang bulaklak ng almendras ang pitong-sanga ng ginintuang kandelero na nagbibigay ng liwanag sa Dakong Banal ng tabernakulo. Ayon sa paglalarawan na iniulat ni Moises, “tatlong kopa na kahugis ng bulaklak ng almendras ang nasa isang hanay ng mga sanga, na may mga globito at mga bulaklak na nagsasalitan; at tatlong kopa na kahugis ng bulaklak ng almendras ang nasa kabilang hanay ng mga sanga, na may mga globito at mga bulaklak na nagsasalitan. Gayon ang anim na sanga na nakaungos mula sa kandelero. At sa kandelero ay may apat na kopa na kahugis ng bulaklak ng almendras, na may mga globito nito at mga bulaklak nito na nagsasalitan.”—Exodo 37:19, 20.
Bagaman iilang beses lamang binanggit sa Bibliya ang punong almendras, itinutuon nito ang ating pansin sa magagandang puting bulaklak at maagang paggising nito. Higit sa lahat, ang magandang punong ito ay nagpapagunita sa atin na hindi magpapahinga si Jehova hanggang sa matupad niya ang kaniyang layunin.—Isaias 55:11.