Manatiling Gising Gaya ni Jeremias
“Ako [si Jehova] ay nananatiling gising may kinalaman sa aking salita upang tuparin iyon.”—JER. 1:12.
1, 2. Bakit iniugnay sa punong almendras ang ‘pananatiling gising’ ni Jehova?
SA MGA burol ng Lebanon at Israel, ang isa sa mga punungkahoy na unang namumulaklak ay ang almendras. Sa pagtatapos pa lang ng Enero o sa pasimula ng Pebrero, makikita na ang magagandang bulaklak nito na kulay rosas o puti. Ang pangalang Hebreo nito ay literal na nangangahulugang “isa na gumigising.”
2 Nang atasan ni Jehova si Jeremias na maging propeta, ang katangiang ito ng punong almendras ay angkop na ginamit para ipakita ang isang mahalagang katotohanan. Sa pasimula ng kaniyang ministeryo, ipinakita kay Jeremias sa pangitain ang isang supling, o supang, ng punong iyon. Ano ang ibig sabihin nito? Ipinaliwanag ni Jehova: “Ako ay nananatiling gising may kinalaman sa aking salita upang tuparin iyon.” (Jer. 1:11, 12) Kung paanong maagang ‘gumigising’ ang almendras, si Jehova rin ay “maagang bumabangon” para isugo ang kaniyang mga propeta upang babalaan ang bayan tungkol sa kahihinatnan ng pagsuway. (Jer. 7:25) At hindi siya nagpapahinga—‘nananatili siyang gising’—hanggang sa matupad ang kaniyang inihula. Noong 607 B.C.E., sa mismong itinakdang panahon, sumapit sa apostatang bansang Juda ang hatol ni Jehova.
3. Ano ang natitiyak natin tungkol kay Jehova?
3 Gayundin naman sa ngayon, si Jehova ay gising, anupat alerto sa pagsasagawa ng kaniyang kalooban. Imposibleng hindi niya tuparin ang kaniyang sinabi. Paano ka naaapektuhan ng pagiging alerto ni Jehova? Naniniwala ka ba na sa taóng ito ng 2011, si Jehova ay “gising” para sa katuparan ng kaniyang mga pangako? Kung may alinlangan tayo sa mapananaligang mga pangako ni Jehova, panahon na para gumising mula sa espirituwal na pag-aantok. (Roma 13:11) Bilang propeta ni Jehova, si Jeremias ay nanatiling gising. Ang pagsusuri kung paano at kung bakit nanatiling gising si Jeremias sa kaniyang bigay-Diyos na atas ay tutulong sa atin na magmatiyaga sa gawaing ibinigay sa atin ni Jehova.
Isang Apurahang Mensahe
4. Anong mga hamon ang napaharap kay Jeremias sa paghahatid ng kaniyang mensahe, at bakit ito apurahan?
4 Marahil ay malapit nang mag-25 anyos si Jeremias nang atasan siya ni Jehova bilang bantay. (Jer. 1:1, 2) Pero pakiramdam niya’y isa lang siyang bata na walang kakayahang magsalita sa matatanda ng bansa—mga lalaking may edad na at may mga posisyon. (Jer. 1:6) Maghahayag siya ng masasakit na pagtuligsa at nakatatakot na mga hatol, lalo na sa mga saserdote, mga bulaang propeta, at mga tagapamahala, pati na sa mga sumusunod sa “landasin ng karamihan” at may “namamalaging kawalang-katapatan.” (Jer. 6:13; 8:5, 6) Wawasakin ang maringal na templo ni Haring Solomon, na sentro ng tunay na pagsamba sa loob ng halos apat na siglo. Magiging tiwangwang ang Jerusalem at Juda, at bibihagin ang mga naninirahan doon. Talagang apurahan ang mensaheng ihahatid ni Jeremias!
5, 6. (a) Paano ginagamit ni Jehova sa ngayon ang uring Jeremias? (b) Ano ang tatalakayin sa ating pag-aaral?
5 Sa ating panahon, maibiging naglaan si Jehova ng isang grupo ng mga pinahirang Kristiyano na nagsisilbing bantay para magbabala tungkol sa kaniyang hatol sa sanlibutang ito. Ang uring Jeremias na iyon ay maraming dekada nang humihimok sa mga tao na bigyang-pansin ang panahong kinabubuhayan natin. (Jer. 6:17) Idiniriin ng Bibliya na si Jehova ay hindi mabagal. Darating ang kaniyang araw sa itinakdang panahon, sa oras na hindi inaasahan ng mga tao.—Zef. 3:8; Mar. 13:33; 2 Ped. 3:9, 10.
6 Tandaan na si Jehova ay gising at magtatatag ng matuwid na bagong sanlibutan sa itinakdang panahon. Ang pagkaalam nito ay tutulong sa uring Jeremias at sa kanilang mga nakaalay na kasamahan na manatiling gising sa tumitinding pagkaapurahan ng kanilang mensahe. Paano ito nakaaapekto sa iyo? Sinabi ni Jesus na ang lahat ay kailangang manindigan sa panig ng Kaharian ng Diyos. Suriin natin ang tatlong katangiang tumulong kay Jeremias para manatiling gising sa kaniyang atas at na tutulong sa atin na gayundin ang gawin.
Pag-ibig sa mga Tao
7. Ipaliwanag kung paano naudyukan ng pag-ibig si Jeremias para mangaral kahit mahirap ang kalagayan.
7 Ano ang nag-udyok kay Jeremias na mangaral kahit mahirap ang kalagayan? Pag-ibig sa mga tao. Alam ni Jeremias na ang mga huwad na pastol ang sanhi ng maraming problema ng mga tao. (Jer. 23:1, 2) Nakatulong ito sa kaniya na gawin ang kaniyang atas nang may pag-ibig at habag. Gusto niyang marinig ng kaniyang mga kababayan ang salita ng Diyos at mabuhay. Gayon na lang ang pagkabahala niya anupat nanangis siya dahil sa kapahamakang sasapit sa kanila. (Basahin ang Jeremias 8:21; 9:1.) Makikita sa aklat ng Panaghoy ang masidhing pag-ibig at pagkabahala ni Jeremias sa pangalan at bayan ni Jehova. (Panag. 4:6, 9) Kapag nakakakita ka ng mga taong “nabalatan at naipagtabuyan kung saan-saan tulad ng mga tupang walang pastol,” hindi ba’t nasasabik kang sabihin sa kanila ang nakaaaliw na balita ng Kaharian ng Diyos?—Mat. 9:36.
8. Ano ang nagpapakitang hindi naghinanakit si Jeremias sa mga taong naging dahilan ng kaniyang pagdurusa?
8 Nagdusa si Jeremias sa kamay ng mismong mga taong gusto niyang tulungan, pero hindi siya gumanti o naghinanakit. Siya’y naging matiisin at mabait, kahit sa tiwaling si Haring Zedekias! Bagaman sumang-ayon si Zedekias na patayin si Jeremias, pinakiusapan pa rin niya ang hari na sundin ang tinig ni Jehova. (Jer. 38:4, 5, 19, 20) Ang atin bang pag-ibig sa mga tao ay masidhing gaya ng pag-ibig ni Jeremias?
Bigay-Diyos na Lakas ng Loob
9. Paano natin nalaman na nagmula sa Diyos ang lakas ng loob ni Jeremias?
9 Si Jeremias ay tumanggi nang una siyang kausapin ni Jehova. Ipinahihiwatig nito na hindi siya likas na matapang at matatag. Ang di-pangkaraniwang tibay ng loob na ipinakita ni Jeremias bilang propeta ay dahil sa kaniyang lubos na pagtitiwala sa Diyos. Oo, si Jehova ay sumakaniya “gaya ng isang kahila-hilakbot na makapangyarihan” anupat sinuportahan Niya si Jeremias at pinatibay para maisagawa ang iniatas sa kaniya. (Jer. 20:11) Dahil nakilala si Jeremias sa katapangan at lakas ng loob, inakala ng ilan, noong nagmiministeryo sa lupa si Jesus, na siya ang binuhay-muling si Jeremias!—Mat. 16:13, 14.
10. Bakit masasabing ‘inatasan sa mga bansa at sa mga kaharian’ ang pinahirang nalabi?
10 Bilang “Hari ng mga bansa,” inatasan ni Jehova si Jeremias na maghatid ng mensahe ng paghatol sa mga bansa at mga kaharian. (Jer. 10:6, 7) Pero sa anong diwa ‘inatasan sa mga bansa at sa mga kaharian’ ang pinahirang nalabi? (Jer. 1:10) Gaya ng propetang iyon, ang uring Jeremias ay inatasan din ng Soberano ng uniberso. Kaya ang mga pinahirang lingkod ng Diyos ay awtorisadong magbigay ng mga kapahayagan laban sa mga bansa at mga kaharian. Gamit ang awtoridad mula sa Kataas-taasang Diyos at ang malinaw na pananalita ng kinasihang Kasulatan, ipinahahayag ng uring Jeremias na ang mga bansa at mga kaharian sa ngayon ay bubunutin at wawasakin sa itinakdang panahon ng Diyos at sa kaniyang sariling pamamaraan. (Jer. 18:7-10; Apoc. 11:18) Determinado silang huwag maglubay sa bigay-Diyos na atas na ipahayag sa buong daigdig ang mga mensahe ng paghatol ni Jehova.
11. Ano ang makatutulong sa atin na patuloy na mangaral sa harap ng mahihirap na kalagayan?
11 Natural lang na panghinaan tayo ng loob paminsan-minsan dahil sa pagsalansang, kawalang-interes, o mahihirap na kalagayan. (2 Cor. 1:8) Pero gaya ni Jeremias, magpatuloy tayo. Huwag masiraan ng loob. Ang bawat isa sana ay patuloy na magsumamo sa Diyos, magtiwala sa kaniya, at ‘mag-ipon ng katapangan’ kasabay ng paghingi ng tulong sa kaniya. (1 Tes. 2:2) Bilang mga tunay na mananamba, dapat tayong manatiling gising sa pagganap ng ating bigay-Diyos na mga pananagutan. Dapat tayong maging determinado na patuloy na mangaral tungkol sa pagkawasak ng Sangkakristiyanuhan, na inilalarawan ng nangyari sa taksil na Jerusalem. Ipahahayag ng uring Jeremias hindi lang “ang taon ng kabutihang-loob ni Jehova” kundi pati na “ang araw ng paghihiganti ng ating Diyos.”—Isa. 61:1, 2; 2 Cor. 6:2.
Masidhing Kagalakan
12. Bakit masasabing napanatili ni Jeremias ang kaniyang kagalakan? Ano ang nakatulong sa kaniya?
12 Nagdulot ng kagalakan kay Jeremias ang kaniyang gawain. Sinabi niya kay Jehova: “Ang iyong mga salita ay nasumpungan, at kinain ko ang mga iyon; at sa akin ang iyong salita ay naging pagbubunyi at pagsasaya ng aking puso; sapagkat ang iyong pangalan ay itinatawag sa akin, O Jehova.” (Jer. 15:16) Para kay Jeremias, isang pribilehiyo na maging kinatawan ng tunay na Diyos at ipangaral ang kaniyang salita. Gayunman, nawala ang kagalakan ni Jeremias nang pagtuunan niya ng pansin ang panunuya ng mga tao. Pero nang ibaling niya ito sa kagandahan at kahalagahan ng kaniyang mensahe, nanumbalik ang kaniyang kagalakan.—Jer. 20:8, 9.
13. Bakit mahalagang kumain ng matigas na espirituwal na pagkain para mapanatili ang ating kagalakan?
13 Para mapanatili ang ating kagalakan sa pangangaral, dapat tayong kumain ng “matigas na pagkain,” ang malalalim na katotohanan ng Salita ng Diyos. (Heb. 5:14) Ang masusing pag-aaral ay nagpapatibay ng pananampalataya. (Col. 2:6, 7) Ipinauunawa nito sa atin na talagang naaantig ang puso ni Jehova sa ating mga ginagawa. Kung nahihirapan tayong humanap ng panahon para magbasa at mag-aral ng Bibliya, dapat nating suriin ang ating iskedyul. Ang ilang minutong pag-aaral at pagbubulay-bulay bawat araw ay makatutulong para mas mapalapit tayo kay Jehova at makaragdag sa “pagbubunyi at pagsasaya ng puso,” gaya ng nadama ni Jeremias.
14, 15. (a) Ano ang ibinunga ng tapat na pagganap ni Jeremias sa kaniyang atas? (b) Ano ang pangmalas ng bayan ng Diyos sa ngayon tungkol sa pangangaral?
14 Walang-humpay na ipinahayag ni Jeremias ang mga babala at mensahe ng kahatulan ni Jehova, pero hindi niya nalilimutan ang atas sa kaniya na “magtayo at magtanim.” (Jer. 1:10) Nagbunga ang kaniyang pagtatayo at pagtatanim. May ilang Judio at di-Israelita na nakaligtas sa pagkawasak ng Jerusalem noong 607 B.C.E. Alam natin ang tungkol sa mga Recabita, kay Ebed-melec, at kay Baruc. (Jer. 35:19; 39:15-18; 43:5-7) Ang tapat at makadiyos na mga kaibigang ito ni Jeremias ay angkop na lumalarawan sa mga may makalupang pag-asa sa ngayon na nakikipagkaibigan sa uring Jeremias. Nagagalak ang uring Jeremias na patatagin ang espirituwalidad ng “malaking pulutong” na ito. (Apoc. 7:9) Sa katulad na paraan, nagagalak din ang mga tapat na kasamahang ito ng uring pinahiran na tulungang makaalam ng katotohanan ang mga tapat-puso.
15 Alam ng bayan ng Diyos na ang pangangaral ng mabuting balita ay hindi lang paglilingkod sa mga taong nakikinig kundi bahagi rin ng pagsamba sa ating Diyos. May makinig man sa atin o wala, ang sagradong paglilingkod kay Jehova sa pamamagitan ng pangangaral ay nagdudulot sa atin ng malaking kagalakan.—Awit 71:23; basahin ang Roma 1:9.
‘Manatiling Gising’ sa Pagganap ng Iyong Atas!
16, 17. Paano ipinakikita ng Apocalipsis 17:10 at Habakuk 2:3 ang pagkaapurahan ng ating panahon?
16 Idiniriin ng kinasihang hula sa Apocalipsis 17:10 ang pagkaapurahan ng panahong kinabubuhayan natin. Lumitaw na ang ikapitong hari, ang Kapangyarihang Pandaigdig na Anglo-Amerika. Mababasa natin: “Pagdating niya [ng ikapitong kapangyarihang pandaigdig] ay mananatili siya nang maikling panahon.” Sa ngayon, tiyak na malapit nang matapos ang ‘maikling panahong’ iyon. Tungkol sa katapusan ng masamang sistemang ito, tinitiyak sa atin ni propeta Habakuk: “Ang pangitain ay sa takdang panahon pa . . . Patuloy mong hintayin iyon; sapagkat iyon ay walang pagsalang magkakatotoo. Hindi iyon maaantala.”—Hab. 2:3.
17 Tanungin ang sarili: ‘Talaga bang nakikita sa aking buhay ang pagkaapurahan ng panahon? Ipinakikita ba nito na inaasahan kong malapit nang dumating ang wakas? O ipinahihiwatig ng aking mga desisyon at priyoridad na iniisip kong malayo pa ang wakas o baka nga hindi na iyon darating?’
18, 19. Bakit hindi ito ang panahon para magpahinay-hinay sa gawain?
18 Hindi pa tapos ang gawain ng uring bantay. (Basahin ang Jeremias 1:17-19.) Nakagagalak ngang malaman na ang pinahirang nalabi ay di-natitinag, tulad ng “isang haliging bakal” at “isang nakukutaang lunsod”! Ang kanilang “mga balakang ay may bigkis na katotohanan” anupat hinahayaang patibayin sila ng Salita ng Diyos hanggang sa matapos ang gawaing iniatas sa kanila. (Efe. 6:14) Taglay ang gayunding determinasyon, ang malaking pulutong ay sumusuporta sa uring Jeremias sa pagsasagawa ng atas nito mula sa Diyos.
19 Hindi ito ang panahon para magpahinay-hinay sa gawaing pang-Kaharian. Dapat nating pag-isipan ang sinasabi ng Jeremias 12:5. (Basahin.) Tayong lahat ay napapaharap sa mga pagsubok na dapat batahin. Ang mga pagsubok na ito sa pananampalataya ay maihahambing sa “mga tagatakbo” na kasabay nating tumatakbo. Pero habang papalapit ang “malaking kapighatian,” maaasahan nating titindi pa ang mga kahirapan. (Mat. 24:21) Ang mas mahihirap na pagsubok sa unahan natin ay maihahambing sa ‘pakikipagkarera sa mga kabayo.’ Matinding lakas at pagbabata ang kailangan ng isang tao para makasabay sa kumakaripas na mga kabayo. Kaya mahalagang mabata ang mga pagsubok sa atin ngayon, na makatutulong para maging handa tayo sa darating pang mga pagsubok.
20. Ano ang determinado mong gawin?
20 Maaari tayong tumulad kay Jeremias at magtagumpay sa pagganap ng ating atas na mangaral! Dahil sa pag-ibig, lakas ng loob, at kagalakan, buong-katapatang nagampanan ni Jeremias ang kaniyang 67-taóng ministeryo. Ang magagandang bulaklak ng almendras ay nagpapaalala sa atin na ‘mananatiling gising’ si Jehova sa pagtupad ng kaniyang salita. Kaya naman angkop lang na tularan natin siya. Si Jeremias ay ‘nakapanatiling gising,’ kaya magagawa rin natin iyon.
Natatandaan Mo Ba?
• Paano nakatulong kay Jeremias ang pag-ibig para ‘manatiling gising’ sa kaniyang atas?
• Bakit kailangan natin ang bigay-Diyos na lakas ng loob?
• Ano ang nakatulong kay Jeremias na mapanatili ang kaniyang kagalakan?
• Bakit gusto mong ‘manatiling gising’?
[Mga larawan sa pahina 31]
Patuloy ka bang mangangaral kahit may pagsalansang?