Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • jr kab. 5 p. 54-66
  • Anong Uri ng mga Kaibigan ang Pinipili Mo?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Anong Uri ng mga Kaibigan ang Pinipili Mo?
  • Mensahe ng Diyos sa Atin sa Pamamagitan ni Jeremias
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • SINO ANG PINIPILI MONG KAIBIGAN?
  • MAKIKIPAGKAIBIGAN KA BA SA MGA WALANG PANANAMPALATAYA?
  • ANONG URI NG MGA KAIBIGAN ANG PINILI NI JEREMIAS?
  • MAG-INGAT SA PAGPILI NG IYONG MGA KAIBIGAN
  • Hindi Magawang Manahimik ni Jeremias
    Mensahe ng Diyos sa Atin sa Pamamagitan ni Jeremias
  • “Bibigyang-Kasiyahan Ko ang Kaluluwang Pagod”
    Mensahe ng Diyos sa Atin sa Pamamagitan ni Jeremias
  • “Inilagay Ko ang Aking mga Salita sa Iyong Bibig”
    Mensahe ng Diyos sa Atin sa Pamamagitan ni Jeremias
  • Inutusan ni Jehova si Jeremias na Mangaral
    Mga Aral na Matututuhan Mo sa Bibliya
Iba Pa
Mensahe ng Diyos sa Atin sa Pamamagitan ni Jeremias
jr kab. 5 p. 54-66

KABANATA 5

Anong Uri ng mga Kaibigan ang Pinipili Mo?

1, 2. (a) Sa anu-anong hamon napapaharap ang mga Kristiyano pagdating sa pakikisama? (b) Bakit dapat tayong maging interesado sa pagpili ni Jeremias ng mga kaibigan?

ANO ang gagawin mo kung imbitahan ka ng mga katrabaho, kapitbahay, o kaklase mo sa isang Christmas party? Paano kung utusan ka ng iyong boss na magsinungaling o gumawa ng ilegal? O paano kung obligahin ka ng gobyerno na sumuporta sa mga gawaing makokompromiso ka? Malamang na sabihin ng iyong budhi na huwag mong gawin ang mga ito, kahit pa tuyain o pag-initan ka.

2 Gaya ng makikita natin, madalas malagay si Jeremias sa ganiyang mga sitwasyon. Tiyak na may makukuha kang aral sa pagsasaalang-alang sa ilang indibiduwal at grupo na nakasalamuha ni Jeremias. Tinangka ng ilan na hadlangan siya sa kaniyang atas. Bagaman kailangan ni Jeremias na makipag-ugnayan sa mga taong ito, hindi siya nakipagkaibigan sa kanila. Makikinabang ka sa pagbibigay-pansin sa uri ng mga kaibigan na pinili ni Jeremias, na nagpatibay sa kaniyang paninindigang maging tapat. Oo, may matututuhan tayo sa halimbawa ni Jeremias pagdating sa pakikipagkaibigan at pakikitungo sa mga tao.

SINO ANG PINIPILI MONG KAIBIGAN?

3. Ano ang gustong marinig ni Zedekias kay Jeremias? Paano tumugon si Jeremias?

3 Ilang ulit na sumangguni si Haring Zedekias kay Jeremias bago mawasak ang Jerusalem. Bakit? Gusto nitong makarinig ng balitang pabor sa kaniyang kaharian. Gusto niyang sabihin ni Jeremias na ililigtas ng Diyos ang Juda. Nagpadala si Zedekias ng mga sugo at nakiusap kay Jeremias: “Pakisuyong mag-usisa ka kay Jehova para sa amin, sapagkat si Nabucodorosor na hari ng Babilonya ay nakikipagdigma laban sa amin. Marahil ay gagawin ni Jehova sa amin ang ayon sa lahat ng kaniyang mga kamangha-manghang gawa, anupat uurong [si Nabucodorosor] mula sa amin.” (Jer. 21:2) Ayaw sundin ng hari ang utos ng Diyos na sumuko sa Babilonya. Ayon sa isang iskolar, si Zedekias ay parang “isang pasyenteng pabalik-balik sa doktor at gustong gumaling pero ayaw namang uminom ng gamot.” Ano naman ang ginawa ni Jeremias? Puwede sanang bumango ang pangalan niya kung sasabihin niya kay Zedekias ang gusto nitong marinig. Kaya bakit hindi na lang binago ni Jeremias ang mensahe niya para hindi na siya nahirapan? Dahil ang utos ng Diyos sa kaniya ay ihayag na babagsak ang Jerusalem.​—Basahin ang Jeremias 32:1-5.

Larawan sa pahina 54, 55

Kapag nababasa mo ang tungkol kina Jeremias at Ebed-melec, kumbinsido ka ba na talagang umiral sila? Kailan lang, dalawang bagay ang natuklasan sa sinaunang Lunsod ni David na lalong nagpatunay sa mga ulat ng Jeremias 38 na bumanggit sa kanila.

Nag-ulat ang arkeologong si Eilat Mazar tungkol sa nahukay na maliit na selyong luwad, o bulla. (kaliwa) Nahukay ito ng mga arkeologo noong 2005, sa suson ng lupa ng Jerusalem nang mawasak ito noong 607 B.C.E. Nakabakat dito ang sinaunang Hebreong pangalan na “Yehuchal ben Shelemyahu,” o sa Tagalog ay “Jucal na anak ni Selemias.”

Pagkatapos, isa pang bulla ang natagpuan ilang metro lang mula roon. (kanan) May pangalan itong “Gedalyahu ben Pashhur,” o “Gedalias na anak ni Pasur.”

Basahin mo ngayon ang Jeremias 38:1 at makikita mo roon ang pangalan ng dalawang prinsipe na humimok kay Zedekias na ipapatay si Jeremias, isang planong nahadlangan ni Ebed-melec. Oo, ang mga pangalang binanggit sa Jeremias 38 ay mga totoong tao.

4. Ano ang dapat nating pakatandaan pagdating sa pakikipagkaibigan, halimbawa sa mga katrabaho?

4 Hindi naiiba ang sitwasyon mo kay Jeremias. Siyempre mayroon kang mga kapitbahay, katrabaho, o kaklase na nakakasalamuha mo araw-araw. Pero makikipagkaibigan ka ba sa kanila kahit ayaw nilang makinig o sumunod sa utos ng Diyos? Hindi naman lubusang maiiwasan ni Jeremias si Zedekias; ito pa rin ang hari kahit sinusuway nito ang Diyos. Pero hindi obligadong maging sunud-sunuran si Jeremias sa gusto ng hari. Totoo, kung sumang-ayon lang sana si Jeremias kay Zedekias, abot-abot siguro ang biyaya sa kaniya. Pero kahit na anong panggigipit o panunuyo ang gawin ni Zedekias, wala itong epekto kay Jeremias. Bakit? Kasi walang plano si Jeremias na baguhin ang mensaheng ipinapahatid ni Jehova. Dapat tayong maudyukan ng halimbawa ni Jeremias na pag-isipan kung ang pinipili ba nating mga kaibigan ay yaong tutulong sa atin na manatiling tapat sa Diyos. Hindi mo maiiwasang makasalamuha ang mga taong hindi lingkod ng Diyos​—mga katrabaho, kaklase, o kapitbahay. (1 Cor. 5:9, 10) Pero alam mo na kapag nakipagkaibigan ka sa kanila, baka makompromiso ang kaugnayan mo sa Diyos.

Larawan sa pahina 57

MAKIKIPAGKAIBIGAN KA BA SA MGA WALANG PANANAMPALATAYA?

5, 6. Ano ang ginawa ng ilan para mapatahimik si Jeremias?

5 Hindi lang si Zedekias ang nagtangkang sumira ng loob ni Jeremias. “Sinaktan” siya ng saserdoteng si Pasur. Marahil ay nakatikim siya ng 39 na hagupit. (Jer. 20:2; Deut. 25:3) Sinaktan din siya ng ilang prinsipe ng Juda, at ipinakulong sa “bahay-pangawan.” Kaawa-awa ang propeta nang ikulong nila siya nang maraming araw; akala nga niya, doon na siya mamamatay. (Basahin ang Jeremias 37:3, 15, 16.) At pagkatapos siyang pansamantalang palayain, sinulsulan ng iba pang prinsipe si Zedekias na ipapatay si Jeremias. Sa tingin kasi nila ay pinahihina ni Jeremias ang loob ng mga mandirigma ng Juda. Kaya bandang huli, ipinatapon ang propeta sa isang imbakang-tubig na punô ng lusak at pinabayaan para mamatay. (Jer. 38:1-4) Oo, alam nating nakaligtas si Jeremias sa tiyak na kamatayang iyon. Pero ipinapakita ng mga pangyayaring ito na kung sino pa ang dapat tumanggap sa propeta ng Diyos, sila pa itong nagduda sa mensahe niya at lumapastangan sa kaniya.

6 Hindi lang mga nasa awtoridad ang nakalaban ni Jeremias. May pagkakataong pinagbantaan siya ng mga taga-Anatot, mga kababayan niya mismo. Papatayin daw nila siya kung hindi siya mananahimik. Hindi kasi nila gusto ang mensahe niya. (Jer. 11:21) Pero magalit man sila, ang mahalaga kay Jeremias, si Jehova ang kaibigan niya. Bukod sa pagbabantang iyan, may mas matindi pa. Nang gumamit siya ng pamatok para ilarawan sa mga Judio na kailangan nilang magpasakop sa hari ng Babilonya para maligtas, tinanggal ito ni Hananias sa leeg ni Jeremias at binali iyon. Ayon sa impostor na propeta, sinabi diumano ni Jehova: “Babaliin ko ang pamatok ng hari ng Babilonya.” Pero namatay si Hananias nang taon ding iyon, at siyempre alam mo na kung sinong propeta ang nagsasabi ng totoo. (Jer. 28:1-11, 17) Matapos mawasak ang Jerusalem gaya ng inihula ni Jeremias, sinuway ni Johanan at ng ilang pinuno ng hukbo ang utos ng Diyos na manatili sa Juda. Sinabi nila kay Jeremias: “Kabulaanan ang iyong sinasalita. Hindi ka isinugo ni Jehova na aming Diyos, na sinasabi, ‘Huwag kayong pumasok sa Ehipto upang manirahan doon.’” Sa tigas ng ulo nila, sapilitan pa nilang isinama sa Ehipto sina Jeremias at Baruc.​—Jer. 42:1–43:7.

Larawan sa pahina 58

Anong klase ng mga tao ang kinailangang pakitunguhan ni Jeremias? Ano ang matututuhan mo sa halimbawa ni Jeremias?

7. Anong hamon ang puwedeng sumubok sa iyong katapatan kay Jehova?

7 Sa loob ng maraming taon, mga mananalansang at walang pananampalataya ang nasa palibot ni Jeremias. Isipin ang sitwasyon niya. Puwedeng nakisama na lang si Jeremias sa mga taong walang paggalang sa Diyos o sa Kaniyang Salita, kasi araw-araw niya silang nakakasalamuha. Kumusta ka naman? Malamang na nakakasama mo rin ang ganoong klase ng mga tao. Makikipagkaibigan ka ba sa mga taong sumasalansang sa iyo at sa iyong Diyos? O sa mga taong mabait naman pero ayaw makinig? Tama kayang makisama sa mga taong binabale-wala ang mga hula ng Bibliya? Kung si Jeremias ang nasa kalagayan mo, makikipagkaibigan kaya siya sa mga tao na mas nagtitiwala sa tao kaysa sa Diyos o sa mga taong ang pamumuhay ay malayung-malayo sa pamantayan ng Bibliya? (2 Cro. 19:2) Sinabi ni Jehova kay Jeremias ang kahihinatnan ng pagtitiwala sa mga tao sa halip na sa Diyos. (Basahin ang Jeremias 17:5, 6.) Ano ang masasabi mo dito?

Larawan sa pahina 63

8. Bumanggit ng mga hamong napapaharap sa mga Kristiyano sa inyong lugar.

8 Iniisip ng ilang Kristiyano na aasenso ang kanilang negosyo o propesyon kung makikisama sila sa mga kliyenteng hindi Saksi. Pero hindi kaya ito ang maghantad sa isa sa masasamang kasama, maruruming kuwentuhan o inuman, at iba pang panganib? Kaya hindi kataka-taka kung bakit isinasakripisyo ng maraming Kristiyano ang kanilang kikitain o iaasenso huwag lang maimpluwensiyahan ng masasamang kasama. Isa pa, baka okey lang sa iyong amo o mga katrabaho na mandaya ng mga kostumer. Ang mga tunay na Kristiyano ay hindi nagpapadala sa gayong impluwensiya. Kung minsan, baka hindi madaling magdesisyon pagdating sa ganoong mga bagay. Mabuti na lang at may mga huwarang gaya ni Jeremias, na nanindigan at nakapag-ingat ng malinis na budhi, at higit sa lahat, ng malapít na kaugnayan sa Diyos.

9. Bakit mapanganib na maging sunud-sunuran sa gusto ng karamihan?

9 Dahil sa paninindigan ni Jeremias, tinuya siya ng mga Judio. (Jer. 18:18) Pero handa pa rin siyang mapaiba sa mga kababayan niya na sumusunod sa “landasin ng karamihan.” (Jer. 8:5, 6) Mas gusto pa nga minsan ni Jeremias na ‘maupong mag-isa.’ Mas pinili pa niyang magsolo kaysa makiumpok sa mga hindi magiging mabuting impluwensiya. (Basahin ang Jeremias 9:4, 5; 15:17.) Ganiyan ka rin ba? Sa ngayon, gaya noong panahon ni Jeremias, wala rin sa bokabularyo ng mga tao ang katapatan sa Diyos. Noon pa man, kailangan nang maging maingat ng mga lingkod ni Jehova sa pagpili ng mga kaibigan. Pero hindi naman ibig sabihin nito na walang naging kaibigan si Jeremias. May mga nagtanggol at sumuporta sa kaniya. Sino ang mga ito? Magandang makilala mo kung sinu-sino sila.

ANONG URI NG MGA KAIBIGAN ANG PINILI NI JEREMIAS?

10, 11. (a) Ano ang pamantayan ni Jeremias sa pagpili ng mga kaibigan? (b) Sino ang mga kaibigan ni Jeremias? Anu-anong tanong ang bumabangon tungkol sa kanila?

10 Kanino nakipagkaibigan si Jeremias? Ilang ulit siyang inutusan ni Jehova na kondenahin ang masasama, mararahas, mga mapandaya, di-makatarungan, walang malasakit, at imoral​—mga lumihis sa tunay na pagsamba at mas pinili pa ang idolatriya, anupat nagkasala ng espirituwal na prostitusyon. Hinimok niya ang kaniyang mga kababayan: “Tumalikod kayo, pakisuyo, bawat isa mula sa kaniyang masamang lakad, at pabutihin ninyo ang inyong mga lakad at ang inyong mga pakikitungo.” (Jer. 18:11) Kahit nang mawasak ang Jerusalem, patuloy na itinanghal ni Jeremias ang “mga gawa ng maibiging-kabaitan,” “kaawaan,” at “katapatan” ng Diyos. (Panag. 3:22-24) Mga tapat na lingkod ni Jehova lang ang gustong kaibiganin ni Jeremias.​—Basahin ang Jeremias 17:7.

11 Maaari nating makilala ang naging mga kaibigan o kasamahan ni Jeremias. Ilan sa kanila ay talagang naging kasangga niya​—sina Ebed-melec, Baruc, Seraias, at ang mga anak ni Sapan. Baka itanong natin: ‘Sino ang mga lalaking ito? Ano ang naging kaugnayan nila kay Jeremias? Bakit masasabing mabubuti silang kaibigan? At paano nila natulungan si Jeremias na makapanatiling tapat?’ Tingnan natin kung paano natin sila matutularan.

12. (a) Sina Jeremias at Baruc, nasa larawan sa pahina 58, ay may anong pagkakatulad? (b) Sino si Seraias? Ano ang alam natin tungkol sa kaniya?

12 Lumilitaw na ang pinakamalapít na kaibigan ni Jeremias ay si Baruc na anak ni Nerias. Hindi siya nag-alinlangan na ipagkatiwala kay Baruc ang ilang gawain. Idinikta at ipinasulat niya rito ang mga kapahayagan ni Jehova, at ipinabasa ito sa harap ng publiko, at pagkatapos, sa mga prinsipe ng Juda. (Jer. 36:4-8, 14, 15) Gaya ni Jeremias, nanampalataya at nanalig si Baruc sa mga inihula ng Diyos. Pareho nilang nasaksihan ang huling 18 maliligalig na taon ng Juda. Madalas silang magkasama sa pagganap ng iniatas ni Jehova. Pareho silang napaharap sa mahihirap na kalagayan at kinailangang magtagô. At pareho silang pinatibay ni Jehova. Malamang na galing si Baruc sa prominenteng pamilya ng mga eskriba sa Juda. Tinatawag siya sa Bibliya na “kalihim,” at ang kapatid niyang si Seraias ay isa namang mataas na opisyal. Gaya ni Baruc, tinulungan din ni Seraias si Jeremias sa paghahatid ng mga kapahayagan ni Jehova. (Jer. 36:32; 51:59-64) Ang pagiging handa ng dalawang anak na ito ni Nerias na makipagtulungan kay Jeremias noong mahihirap na panahong iyon ay tiyak na nagpatibay sa propeta. Mapapatibay at mapapalakas ka rin ng mga kasama mong tapat na naglilingkod kay Jehova.

Ano ang matututuhan natin sa pagpili ni Jeremias ng mga kaibigan?

13. Gaya ng ipinapakita sa pahina 63, paano naging mabuting kaibigan si Ebed-melec kay Jeremias?

13 Isa rin si Ebed-melec sa maaasahang kaibigan ni Jeremias. Nang itapon ng nagngingitngit na mga prinsipe si Jeremias sa imbakang-tubig na punô ng lusak, isang banyaga ang naglakas-loob na saklolohan siya, ang Etiopeng si Ebed-melec. Isa siyang bating, o opisyal, sa palasyo ng hari. Lumapit siya kay Zedekias habang nakaupo ito sa Pintuang-daan ng Benjamin. Hindi siya natakot na makiusap sa hari na payagan siyang iahon si Jeremias. Nagsama siya ng 30 lalaki, dahil baka iniisip niyang mapapalaban sila. (Jer. 38:7-13) Hindi natin alam kung gaano kadalas nagkasama sina Ebed-melec at Jeremias. Pero dahil pareho silang kaibigan ni Jehova, makatuwirang isipin na malapít silang magkaibigan. Alam ni Ebed-melec na propeta ng Diyos si Jeremias. Alam din niyang “masama” ang ginawa ng mga prinsipe, at handa siyang matanggal sa posisyon magawa lang niya ang tama. Oo, mabuting tao si Ebed-melec. Sa katunayan, tiniyak sa kaniya ni Jehova: “Ililigtas kita [sa araw ng kapahamakan ng Jerusalem] . . . sapagkat nagtiwala ka sa akin.” (Basahin ang Jeremias 39:15-18.) Napakagandang komendasyon nga mula kay Jehova! Hindi ba ganiyang klase ng kaibigan ang hahanapin mo?

14. Ano ang alam natin tungkol sa pamilya ni Sapan at sa pakikipag-ugnayan nila kay Jeremias?

14 Naging kaibigan din ni Jeremias ang tatlong anak at isang apo ni Sapan. May katungkulan ang pamilya nila; naging kalihim ni Haring Josias si Sapan. Nang unang pagtangkaan ang buhay ng propeta, “ang kamay nga ni Ahikam na anak ni Sapan ang sumasa kay Jeremias, upang huwag siyang maibigay sa kamay ng bayan.” (Jer. 26:24) Isa pa sa mga anak ni Sapan si Gemarias. Nang basahin ni Baruc sa madla ang mga kahatulan ng Diyos, narinig ito ng anak ni Gemarias na si Micaias at ipinaalam niya ito sa kaniyang ama at sa mga prinsipe. Dahil nangangamba sila sa magiging reaksiyon ni Jehoiakim, pinayuhan nila sina Jeremias at Baruc na magtago. At nang hindi tanggapin ng hari ang mensahe ni Jehova, isa si Gemarias sa nakiusap sa hari na huwag sunugin ang balumbon. (Jer. 36:9-25) Si Elasa, anak din ni Sapan, ay pinagtiwalaan ni Jeremias na magdala ng liham sa mga Judiong tapon sa Babilonya. (Jer. 29:1-3) Sila ang tatlong anak at apo ni Sapan na sumuporta sa propeta ng Diyos. Tiyak na ang laking pasasalamat ni Jeremias sa kanila! Naging kaibigan sila ni Jeremias hindi dahil pareho sila ng paboritong pagkain, libangan, o hilig. Mas malalim diyan ang kanilang pagkakaibigan.

MAG-INGAT SA PAGPILI NG IYONG MGA KAIBIGAN

15. Ano ang magandang halimbawa ni Jeremias sa pagpili ng mga kaibigan?

15 May matututuhan ka sa pakikitungo ni Jeremias sa mga nakasalamuha niya, mabuti man sila o masama. Ginipit siya ng hari, ng mga prinsipe, bulaang propeta, at pinuno ng hukbo na baguhin ang kaniyang mensahe. Pero hindi nakipagkompromiso si Jeremias. Dahil sa kaniyang paninindigan, kinainisan siya ng mga taong iyon. Pero hindi sila kawalan kay Jeremias at hindi sila ang klase ng mga kaibigang hanap niya. Simula’t sapol naman, si Jehova na ang matalik niyang kaibigan. Mamatamisin pa ni Jeremias na pagmalupitan siya, huwag lang niyang maiwala ang katapatan niya sa Diyos. (Basahin ang Panaghoy 3:52-59.) Pero gaya ng nakita natin, hindi nag-iisa si Jeremias sa determinasyon niyang maglingkod kay Jehova.

16, 17. (a) Anong tulong ang maaasahan ng isang lingkod ni Jehova mula sa isang mabuting kaibigan? (b) Nasaan ka mang bansa, saan ka makakahanap ng pinakamabubuting kaibigan?

16 Naging mabuting kaibigan si Ebed-melec dahil sa kaniyang pananampalataya at pagtitiwala kay Jehova. Hindi siya naduwag na saklolohan si Jeremias. Nagsakripisyo si Baruc ng kaniyang panahon kasama ni Jeremias at tinulungan niya ito sa paghahatid ng mga mensahe ni Jehova. May ganiyan ding mabubuting kaibigan sa kongregasyon ngayon. Isang regular pioneer ang 20-anyos na si Cameron, at naging malaking tulong sa kaniya si Kara, isa ring regular pioneer. Sinabi ni Cameron: “Napatibay ako ni Kara na unahin si Jehova sa buhay ko, at kitang-kita ko iyon sa mga sinasabi at ginagawa niya.” Magkalayo sila pero regular na tumatawag o sumusulat si Kara kay Cameron para mangumusta at makipagpatibayan. “Alam niya lahat ang pinagdaanan ng pamilya namin,” ang sabi ni Cameron. “Alam niya ang nangyari sa ate ko at kung gaano kasakit sa akin nang magrebelde ito at iwan ang katotohanan. Hindi ako pinabayaan ni Kara, at ewan ko kung ano ang nangyari sa akin kung hindi dahil sa kaniya. Naging mabuti siyang impluwensiya sa akin.”

Larawan sa pahina 64

17 Makakakita ka ng mabubuting kaibigan sa Kristiyanong kongregasyon, na mas matanda, mas bata, o kaedaran mo. Iisa kayo ng pananampalataya, pamantayan, pag-asa, at pag-ibig kay Jehova. Baka pareho din kayo ng pinagdadaanang pagsubok. Kabalikat mo sila sa ministeryo. Kapag may problema, mapapatibay ka nila, at mapapatibay mo rin sila. Makikigalak sila sa iyo sa paglilingkod kay Jehova. Bukod diyan, ang inyong pagkakaibigan ay maaaring tumagal nang walang hanggan.​—Kaw. 17:17; 18:24; 27:9.

18. Ano ang natutuhan mo sa pagpili ni Jeremias ng mga kaibigan?

18 Maliwanag ang aral na natutuhan natin mula sa pagpili ni Jeremias ng mga kaibigan. Hindi natin matututulan ang katotohanang ito: Imposibleng makapanindigan ka sa tunay na pagsamba kung ang mga kaibigan mo ay mga taong hindi sumusunod sa pamantayan ng Bibliya. Gaya noong panahon ni Jeremias, mahalagang sundin ang paalaalang ito sa ngayon. Para lubusang matupad ang atas at pagpalain ni Jehova, handang mapaiba si Jeremias sa kaniyang mga kababayan. Ganiyan ka rin, hindi ba? Pinili ni Jeremias ang mga kaibigang may pananampalatayang tulad ng sa kaniya at handang sumuporta sa kaniyang atas. Oo, may matututuhan ang bawat tapat na Kristiyano sa ngayon sa matalinong pagpili ni Jeremias ng mga kaibigan!​—Kaw. 13:20; 22:17.

Paano mo matutularan ang halimbawa ni Jeremias pagdating sa pagpili ng kakaibiganin at hindi dapat kaibiganin?

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share