KABANATA 7
“Bibigyang-Kasiyahan Ko ang Kaluluwang Pagod”
1. Anong partikular na pagpapala sa bagong sanlibutan ang pinananabikan mo?
KAPAG sinabing “bagong sanlibutan,” anong mga pangako sa Bibliya ang naiisip mo? Siguro, sakdal na kalusugan, saganang masustansiyang pagkain, maaamong hayop, o sariling bahay. Malamang na alam mo kung saan sa Bibliya mababasa ang mga ito. Pero mayroon pang hindi mo dapat kaligtaan—mabuting espirituwal at emosyonal na kalusugan. Kung wala ito, unti-unti ring maglalaho ang kagalakan mo.
2, 3. Anong espesyal na pagpapala ang iniulat ni Jeremias?
2 Nang ihula ni Jeremias ang pagbalik ng mga Judio mula sa Babilonya, sinabi ng Diyos kung ano ang madarama nila: “Gagayakan mo pa ng iyong mga tamburin ang iyong sarili at hahayo ka nga sa sayaw niyaong mga tumatawa.” (Basahin ang Jeremias 30:18, 19; 31:4, 12-14.) Nakaaantig ang sumunod na sinabi ng Diyos: “Bibigyang-kasiyahan ko ang kaluluwang pagod, at ang bawat kaluluwang nanlalata ay bubusugin ko.”—Jer. 31:25.
3 Isa ngang napakagandang kinabukasan! Sinabi ni Jehova na talagang bibigyang-kasiyahan niya ang mga pagod at nanlulupaypay. At kapag nangako ang Diyos, tinutupad niya ito. Ipinapakita ng isinulat ni Jeremias na tayo rin ay makaaasa ng kaginhawahan. Bukod diyan, makikita rin natin sa mga isinulat niya kung paano tayo mapapatibay at magiging positibo kahit ngayon. At ipinapakita rin nito kung paano natin mapapatibay ang iba, mapaginhawa ang kaluluwang pagod, wika nga.
4. Bakit maiintindihan natin si Jeremias sa nadama niya?
4 Nakaaliw kay Jeremias ang pangakong iyan, at makakaaliw rin iyan sa atin. Bakit? Natatandaan mo ba ang sinabi sa Kabanata 1 ng aklat na ito? Si Jeremias ay “isang taong may damdaming tulad ng sa atin,” gaya rin ni Elias. (Sant. 5:17) May naiisip ka bang ilang dahilan kung bakit minsan ay malamang na pinanghinaan ng loob o medyo nanlumo si Jeremias? Ano kaya ang madarama mo kung ikaw ang nasa ganoong sitwasyon? Bakit maaaring panghinaan ka rin ng loob?—Roma 15:4.
5. Ano ang maaaring nagpahina ng loob ni Jeremias?
5 Maaaring isa sa mga nagpahina ng loob ni Jeremias ang mga kababayan niya. Lumaki siya sa Anatot, isang lunsod ng mga Levita mga ilang kilometro sa hilagang-silangan ng Jerusalem. May mga kakilala at marahil mga kamag-anak doon ang propeta. Sinabi ni Jesus na ang isang propeta ay walang karangalan sa sarili niyang bayan, at totoo ito kay Jeremias. (Juan 4:44) Hindi lang basta walang pakialam o walang respeto sa kaniya ang mga kababayan niya. Sa katunayan, sinabi ng Diyos na ang “mga lalaki ng Anatot” ay “naghahanap sa . . . kaluluwa” ni Jeremias. Galít na galít sila sa kaniya. Sinabi nila: “Huwag kang manghula sa pangalan ni Jehova, upang hindi ka mamatay sa aming kamay.” Napakabigat ng banta ng kaniyang mga kababayan, marahil pati ng mga kamag-anak niya, na dapat sana’y kakampi niya!—Jer. 1:1; 11:21.
6. Kung sinasalansang ka ng mga katrabaho o ng iba pa, paano makakatulong sa iyo ang naranasan ni Jeremias sa “mga lalaki ng Anatot”?
6 Kung ginigipit ka ng mga kakilala, kaklase, katrabaho, o ilang kamag-anak, isipin mo kung paano tinulungan ni Jehova si Jeremias. Sinabi noon ng Diyos na ‘ibabaling niya ang kaniyang pansin’ sa mga taga-Anatot na sumasalansang sa propeta. (Basahin ang Jeremias 11:22, 23.) Tiyak na nakatulong kay Jeremias ang pampatibay na iyon. Ibabaling ng Diyos ang kaniyang pansin at magpapasapit ng “kapahamakan sa mga lalaki ng Anatot.” At gayon nga ang nangyari. Makatitiyak ka rin na alam ni Jehova ang nangyayari sa iyo. (Awit 11:4; 66:7) Ang ‘pananatili’ mo sa mga turo ng Bibliya at paggawa ng tama ay baka makatulong sa mga mananalansang na magbago at maiwasan ang kapahamakang sasapit sa kanila.—1 Tim. 4:16.
Sa aklat ng Jeremias, ano ang nagpapakitang interesado ang Diyos sa damdamin ng mga tao? Paano ito nakatulong sa propeta?
MGA BAGAY NA NAKAPANGHIHINA NG LOOB
7, 8. Anong kalupitan ang naranasan ni Jeremias? Ano ang epekto nito sa kaniya?
7 Hindi lang pananakot at pagbabanta ng mga kababayan ang inabot ni Jeremias. Isang kilalang lalaki ang nanakit sa kaniya, ang saserdoteng si Pasur.a Matapos ipahayag ni Jeremias ang isang hula mula sa Diyos, “sinaktan ni Pasur si Jeremias na propeta at inilagay siya sa mga pangawan.” (Jer. 20:1, 2) Malamang na hindi lang iyon basta sampal. Sinasabi ng ilan na ipinahagupit ni Pasur si Jeremias nang hanggang 40 beses. (Deut. 25:3) Habang kumikirot ang mga latay ni Jeremias, malamang na pinagtatawanan at nilalait siya ng mga tao, baka nga dinuduraan pa siya. At hindi lang iyan. Inilagay siya ni Pasur sa “pangawan” nang magdamag. Ang salitang Hebreo na ginamit ay nagpapahiwatig na nakabaluktot ang katawan niya. Oo, buong-gabi siyang naghirap sa pagkakaipit sa pangawan.
8 Paano iyon nakaapekto kay Jeremias? Sinabi niya sa Diyos: “Ako ay naging katatawanan sa buong araw.” (Jer. 20:3-7) Sumagi rin sa isip ni Jeremias na tumigil na bilang propeta ng Diyos. Pero alam mong hindi niya kayang gawin iyon, at hindi nga niya ginawa iyon. Sa halip, ganito ang sinabi niya tungkol sa mensaheng ipinahahatid sa kaniya: “Naging gaya iyon ng nagniningas na apoy na nakukulong sa aking mga buto.” Talagang kailangan niyang magsalita bilang propeta ni Jehova.—Basahin ang Jeremias 20:8, 9.
9. Bakit makakatulong sa atin na bulay-bulayin ang naranasan ni Jeremias?
9 Makakatulong sa atin ang ulat na ito kapag tinutuya tayo ng mga kakilala natin, sila man ay kamag-anak, kapitbahay, katrabaho, o kaeskuwela. Hindi natin maiaalis kung minsan na manghina dahil sa pagsalansang, halimbawa, kapag may nanakit sa atin dahil sa ating pananampalataya. Naapektuhan ng gayong mga bagay ang di-sakdal na si Jeremias. Hindi ba’t mga tao lang din tayo na gaya niya? Pero tandaan na sa tulong ng Diyos, nanumbalik ang kagalakan at tibay ng loob ni Jeremias. Pansamantala lang siyang nasiraan ng loob, at sana ganoon din tayo.—2 Cor. 4:16-18.
10. Ano ang mauunawaan natin sa ulat ng Bibliya tungkol sa pagbabago ng pakiramdam ni Jeremias?
10 May mga pagkakataong biglang nagbabago ang pakiramdam ni Jeremias. Nangyayari din ba iyan sa iyo—kaysaya-saya mo, tapos mayamaya malungkot ka na? Pansinin ang ulat sa Jeremias 20:12, 13. (Basahin.) Matapos pagmalupitan ni Pasur, nagsaya si Jeremias dahil naging gaya siya ng isang ‘dukhang iniligtas mula sa kamay ng mga manggagawa ng kasamaan.’ Siguro minsan, gustung-gusto mong purihin si Jehova, o umawit pa nga sa kaniya, dahil may nalampasan kang problema o may magandang nangyari sa buhay mo o sa ministeryo. Ang sarap ng pakiramdam, ’di ba?—Gawa 16:25, 26.
Paano maaaring makaapekto sa ating damdamin ang pagsalansang o panunuya?
11. Kung may pagkakataong nagbabago ang pakiramdam natin, ano ang dapat nating tandaan tungkol kay Jeremias?
11 Pero dahil hindi tayo sakdal, may mga pagkakataon din na nagbabago ang pakiramdam natin, gaya ni Jeremias. Pagkatapos niyang sabihing “umawit kayo kay Jehova,” nanlumo siya, baka napaiyak pa nga. (Basahin ang Jeremias 20:14-16.) Lumung-lumo siya at naisip na hindi na lang sana siya ipinanganak! Nasabi pa nga niya na kasumpa-sumpang gaya ng Sodoma at Gomorra ang taong nagbalita noon na ipinanganak siya. Pero ito ang punto: Nagmukmok na lang ba si Jeremias? Tuluyan na ba siyang sumuko? Hindi. Sa halip, pinaglabanan niya ang panghihina ng loob, at nagtagumpay siya. Pansinin ang kasunod na sinasabi ng aklat ng Jeremias. Pinuntahan ni Pasur, na prinsipe, si Jeremias dahil may ipinapatanong si Haring Zedekias tungkol sa pagkubkob ng mga Babilonyo sa Jerusalem. Nang pagkakataong iyon, buong-tapang na inihayag sa kaniya ni Jeremias ang kahatulan ni Jehova at ang kahihinatnan nito. (Jer. 21:1-7) Kitang-kita na sa kabila ng lahat, masigasig pa rin si Jeremias!
12, 13. Ano ang puwede nating gawin kung dumaranas tayo ng pabagu-bagong emosyon?
12 May ilang lingkod ng Diyos sa ngayon na dumaranas ng pabagu-bagong emosyon. Maaaring may kaugnayan ito sa kalusugan—marahil dahil sa hormonal o biochemical imbalance. Puwedeng makatulong ang doktor sa ganitong mga kondisyon. (Luc. 5:31) Pero para sa marami sa atin, kung maging napakasaya man o napakalungkot natin, hindi ibig sabihin nito na may problema tayo sa kalusugan. Kadalasan nang karamihan sa negatibong damdamin ay bahagi ng di-kasakdalan ng tao. Baka dahil iyon sa pagod o pangungulila sa isang namatay na mahal sa buhay. Kung nagbabago ang pakiramdam mo dahil sa mga sitwasyong ito, tandaan na pinagdaanan din iyan ni Jeremias, pero hindi siya pinabayaan ng Diyos. Baka kailangang mag-adjust tayo ng rutin para mas makapagpahinga, o magpalipas ng panahon para maka-recover matapos ang isang trahedya. Pero napakahalaga rin ng regular na pagdalo sa pulong at pakikibahagi sa iba pang teokratikong gawain. Makakatulong ang mga ito para manatiling timbang at maligaya sa paglilingkod sa Diyos.—Mat. 5:3; Roma 12:10-12.
13 Ang panlulumo mo man ay minsan lang o pasumpung-sumpong, makakatulong sa iyo ang karanasan ni Jeremias. Gaya ng nabanggit na, may panahong pinanghihinaan siya ng loob. Pero hindi niya hinayaang maging dahilan ito para mapalayo sa Diyos na iniibig niya at tapat na pinaglilingkuran. Nang gantihan ng masama ang kaniyang kabutihan, kay Jehova siya bumaling at nagtiwala. (Jer. 18:19, 20, 23) Maging determinadong tularan si Jeremias.—Panag. 3:55-57.
Kapag nanlulumo ka o pinanghihinaan ng loob, paano mo maikakapit ang natutuhan mo sa aklat ng Jeremias?
MAPAGIGINHAWA MO BA ANG MGA KALULUWANG PAGOD?
14. Paano pinatibay ni Jehova si Jeremias?
14 Magandang pansinin kung paano pinatibay si Jeremias at kung paano niya pinatibay ang mga “kaluluwang pagod.” (Jer. 31:25) Si Jehova mismo ang nagpatibay kay Jeremias. Tiyak na mapapatibay ka rin kung sabihin sa iyo ni Jehova: “Sa ganang akin, narito, ngayon ay ginawa kitang isang nakukutaang lunsod . . . Tiyak na makikipaglaban sila sa iyo, ngunit hindi sila mananaig laban sa iyo, sapagkat ‘Ako ay sumasaiyo,’ ang sabi ni Jehova, ‘upang iligtas ka.’” (Jer. 1:18, 19) Hindi nakapagtatakang sabihin ni Jeremias na si Jehova ang kaniyang ‘lakas at moog, at dakong matatakasan sa araw ng kabagabagan.’—Jer. 16:19.
15, 16. Anong mga paraan ng pagpapatibay ni Jehova kay Jeremias ang puwede mong tularan?
15 Pansinin ang sinabi ni Jehova kay Jeremias: “Ako ay sumasaiyo.” Nagkaideya ka ba kung paano mo mapapatibay ang isang nanghihina? Maganda naman kapag naiisip natin ang isang kapatid o kamag-anak na nanghihina, pero mas maganda kung kikilos tayo para tulungan sila. Kadalasan nang pinakamagandang tularan ang ginawa ng Diyos kay Jeremias—iparamdam mo sa isa na nanghihina na nandiyan ka para sa kaniya. Pagkatapos, baka puwede kang magsabi ng mga salitang pampatibay, pero huwag namang sobra. Malamang na kahit kaunti lang ang sabihin mo, basta’t nakapagpapatibay, makakatulong iyon. Hindi mo kailangang maging mahusay sa pagsasalita. Kahit simple lang ang sasabihin mo, ang mahalaga ay maramdaman ang malasakit at Kristiyanong pag-ibig mo. Malaki ang magagawa nito.—Basahin ang Kawikaan 25:11.
16 Hiniling ni Jeremias: “O Jehova, alalahanin mo ako at ibaling mo sa akin ang iyong pansin.” Ano ang nangyari? Sinabi ng propeta: “Ang iyong mga salita ay nasumpungan, at kinain ko ang mga iyon; at sa akin ang iyong salita ay naging pagbubunyi at pagsasaya ng aking puso.” (Jer. 15:15, 16) Baka ganiyan ding pagmamalasakit ang kailangan ng tinutulungan mo. Siyempre, hindi natin mapapantayan ang mga pananalita ni Jehova. Pero puwede mo ring gamitin ang ilan sa mga salitang sinabi ng Diyos. Ang gayong taimtim at taos-pusong mga pananalita mula sa Bibliya ay talagang makapagpapagalak sa puso.—Basahin ang Jeremias 17:7, 8.
17. Anong mahalagang aral ang mapupulot natin sa pakikitungo ni Jeremias kina Zedekias at Johanan?
17 Pansinin na nang mapatibay ng Diyos si Jeremias, pinatibay naman ni Jeremias ang iba. Paano? Minsan, inamin ni Haring Zedekias kay Jeremias na natatakot siya sa mga Judiong kumampi sa mga Babilonyo. Pinatibay ng propeta ang hari at hinimok na sundin si Jehova para huwag itong mapahamak. (Jer. 38:19, 20) Matapos bumagsak ang Jerusalem, may ilang Judio na nanatili roon. Balak ng pinuno ng militar, si Johanan, na dalhin ang bayan sa Ehipto. Pero sumangguni muna ito kay Jeremias. Pinakinggan ng propeta si Johanan, at saka nanalangin kay Jehova. Pagkatapos, sinabi niya rito ang magandang sagot ni Jehova, na mapapabuti sila kung susundin nila ang utos ng Diyos na manatili sa lupain. (Jer. 42:1-12) Sa dalawang pagkakataong iyon, nakinig muna si Jeremias bago nagsalita. Mahalaga ang pakikinig para mapatibay ang iba. Hayaan mo silang magsabi ng kanilang mga hinaing at pangamba. Pakinggan mo sila. Kung angkop, magsabi ka ng mga pampatibay. Hindi naman aktuwal na manggagaling sa langit ang sasabihin mo, pero makakakuha ka ng magagandang punto sa Bibliya, mga mensaheng nagbibigay ng pag-asa.—Jer. 31:7-14.
18, 19. Anong halimbawa ng pagpapatibay sa iba ang makikita sa ulat tungkol sa mga Recabita at kay Ebed-melec?
18 Parehong hindi nakinig sina Zedekias at Johanan sa magandang payo ni Jeremias. Sa ngayon, baka hindi ka rin pinakikinggan ng ilang pinapatibay mo. Huwag kang masiraan ng loob. May mga nakinig din naman kay Jeremias, at malamang na may makinig din sa iyo. Isipin ang mga Recabita, mga Kenitang m atagal nang kaibigan ng mga Judio. Inutusan sila ng kanilang ninunong si Jehonadab na, bilang mga dayuhan, hindi sila dapat uminom ng alak. Nang sumasalakay ang mga Babilonyo, dinala ni Jeremias ang mga Recabita sa silid-kainan sa templo. Inutusan ng Diyos si Jeremias na bigyan sila ng alak. Di-gaya ng masuwaying mga Israelita, iginagalang ng mga Recabita ang kanilang ninuno, at sinunod nila ang utos nito na huwag uminom ng alak. (Jer. 35:3-10) Sinabi ni Jeremias ang komendasyon sa kanila ni Jehova at ang pangako Niya para sa kanila. (Basahin ang Jeremias 35:14, 17-19.) Magandang tularan mo iyan sa pagpapatibay sa iba: Magbigay ng taimtim na komendasyon kung may pagkakataon.
19 Ginawa rin iyan ni Jeremias sa Etiopeng si Ebed-melec, isang opisyal sa korte ni Haring Zedekias. Walang-awang itinapon ng mga prinsipe ng Juda si Jeremias sa isang malusak na imbakang-tubig para doon mamatay. Nakiusap si Ebed-melec kay Haring Zedekias, at pumayag naman ito na sagipin niya ang propeta. Ginawa ito ni Ebed-melec kahit alam niyang mapanganib ito. (Jer. 38:7-13) Dahil malamang na ikinagalit ng mga prinsipe ng Juda ang ginawa ni Ebed-melec, baka nag-aalala siya sa magiging kinabukasan niya. Hindi binale-wala ni Jeremias ang pangamba ni Ebed-melec at inisip na malalampasan din naman iyon ni Ebed-melec. Pinatibay niya ito at sinabi ang mga pagpapalang ibibigay sa kaniya ng Diyos.—Jer. 39:15-18.
20. Ano ang dapat nating gawin para sa ating mga kapatid, bata man sila o matanda?
20 Habang pinag-aaralan natin ang aklat ng Jeremias, makakakita tayo ng mga halimbawa kung paano natin masusunod ang tagubilin ni apostol Pablo sa mga kapatid natin sa Tesalonica: “Patuloy ninyong aliwin ang isa’t isa at patibayin ang isa’t isa . . . Sumainyo nawa ang di-sana-nararapat na kabaitan ng ating Panginoong Jesu-Kristo.”—1 Tes. 5:11, 28.
Anong mga aral mula sa aklat ng Jeremias ang gusto mong ikapit habang sinisikap mong patibayin ang mga kaluluwang pagod?
a Noong paghahari ni Zedekias, may isa pang Pasur, isang prinsipe na humikayat sa hari na ipapatay si Jeremias.—Jer. 38:1-5.