KABANATA 8
Ikaw Ba’y “Mananatiling Buháy” Gaya ni Jeremias?
1, 2. Bakit makatuwirang bigyang-pansin ang iyong sarili, pati ang iyong pamilya?
MATAPOS papiliin ni Josue ang mga Israelita kung sino ang kanilang paglilingkuran, sinabi niya: “Kung para sa akin at sa aking sambahayan, maglilingkod kami kay Jehova.” (Jos. 24:15) Determinado si Josue na maging tapat sa Diyos, at sigurado siyang magiging tapat din ang kaniyang pamilya. Habang papalapit naman ang pagkawasak ng Jerusalem, sinabi ni Jeremias kay Haring Zedekias: “Ikaw at ang iyong sambahayan ay tiyak na mananatiling buháy,” kung susuko si Zedekias sa mga Babilonyo. (Jer. 38:17) Dahil sa maling pasiya ng hari, napahamak siya, ang kaniyang mga asawa, at mga anak. Pinatay sa harap niya ang kaniyang mga anak; saka siya binulag at dinalang bihag sa Babilonya.—Jer. 38:18-23; 39:6, 7.
2 Sa dalawang nakaitalikong parirala, isang tao ang direktang nasasangkot. Pero binanggit din ang pamilya niya. Bakit? Kasi bagaman bawat adulto ay mananagot sa Diyos, karamihan sa mga Israelita ay may asawa’t pamilya. Para sa mga Kristiyano, mahalaga rin ang pamilya. Nababasa natin iyan sa Bibliya at naririnig sa mga pulong Kristiyano kapag tinatalakay ang pag-aasawa, pagpapalaki sa mga anak, at pagrespeto sa mga miyembro ng pamilya.—1 Cor. 7:36-39; 1 Tim. 5:8.
DI-PANGKARANIWANG UTOS
3, 4. Bakit naiiba si Jeremias sa karamihan? Bakit ito naging kapaki-pakinabang sa kaniya?
3 Isa si Jeremias sa mga ‘nanatiling buháy’ noong panahon niya. Nakaligtas siya sa pagkawasak ng Jerusalem. Gayunman, iba ang kalagayan niya kung ikukumpara sa marami. (Jer. 21:9; 40:1-4) Sinabihan siya ng Diyos na huwag mag-asawa o mag-anak o mamuhay na gaya ng mga Judio noong panahon niya.—Basahin ang Jeremias 16:1-4.
4 Noong panahon ni Jeremias, normal lang ang mag-asawa at mag-anak. Nag-aasawa ang mga lalaking Judio para manatili sa kanilang angkan ang minana nilang lupa.a (Deut. 7:14) Pero bakit hindi nag-asawa si Jeremias? Dahil sa nakatakdang mangyari, sinabihan siya ng Diyos na huwag makibahagi sa karaniwang pagdiriwang o pagdadalamhati ng mga tao. Hindi siya dapat makiramay sa mga namatayan o makisalo sa mga ito matapos ang isang libing; ni makisaya man sa mga kasalang Judio. Ang gayong mga okasyon at pagsasaya ay nakatakda nang maglaho. (Jer. 7:33; 16:5-9) Ang gagawing ito ni Jeremias ay tutulong sa mga tao na makitang totoo ang mensahe niya at hindi biru-biro ang hatol na darating sa kanila. At dumating nga ang kapahamakang iyon. Ano kaya ang nadama ng mga Israelita na napilitang kainin ang mga kapamilya nila o makitang inaagnas ang mga mahal nila sa buhay? (Basahin ang Jeremias 14:16; Panag. 2:20.) Kaya hindi kaawa-awa si Jeremias. Sa loob ng 18-buwang pagkubkob at pagpaslang, maraming pamilya ang nasawi. Pero hindi dinanas ni Jeremias ang sakit ng mamatayan ng asawa o anak.
5. Ano ang matututuhan ng mga Kristiyano sa tagubilin na nasa Jeremias 16:5-9?
5 Pero kapit ba sa atin ang Jeremias 16:5-9? Hindi. Hinihimok ang mga Kristiyano na ‘aliwin yaong mga nasa anumang uri ng kapighatian’ at “makipagsaya sa mga taong nagsasaya.” (2 Cor. 1:4; Roma 12:15) Dumalo ng kasalan si Jesus at naghimala pa nga para maging masaya ang okasyon. Gayunman, ang mangyayari sa masamang sistemang ito ay seryosong bagay. Maaari pa ngang mapaharap sa mahihirap na sitwasyon ang mga Kristiyano at magsakripisyo ng ilang bagay na mahalaga sa kanila. Idiniin ni Jesus ang pangangailangang maging handa para makapagbata at manatiling tapat, gaya ng mga kapatid natin sa Judea na tumakas noong unang siglo. Kaya dapat nating pag-isipang mabuti kung tayo ba ay mag-aasawa, mag-aanak, o mananatiling walang asawa.—Basahin ang Mateo 24:17, 18.
6. Sinu-sino ang makikinabang sa pagbubulay-bulay sa utos ng Diyos kay Jeremias?
6 Ano ang matututuhan natin sa utos ng Diyos kay Jeremias na huwag mag-asawa o mag-anak? Sa ngayon, may ilang tapat na Kristiyano na walang asawa o mga anak. Anong aral ang makukuha nila sa naging buhay ni Jeremias? At bakit kailangang pag-isipan ito maging ng mga Kristiyanong may asawa at mga anak?
7. Bakit makabubuting isaalang-alang ang hindi pagkakaroon ni Jeremias ng anak?
7 Isaalang-alang muna natin ang utos kay Jeremias na huwag mag-anak. Hindi iniutos ni Jesus sa mga alagad niya na huwag silang mag-anak. Pero inihula niya na “aba,” o kaawa-awa, ang mga nagdadalang-tao o may mga pasusuhing anak kapag dumating ang kapighatian sa Jerusalem. Nangyari nga ito noong 66-70 C.E., at naging napakahirap nito para sa kanila. (Mat. 24:19) Napapaharap tayo sa mas malaking kapighatian. Dapat din itong isaalang-alang ng mga mag-asawang Kristiyano na nag-iisip kung mag-aanak ba sila o hindi. Hindi ba’t pahiráp na nang pahiráp ang sitwasyon ngayon? At aminado ang ilang mag-asawa na napakahirap magpalaki ng mga anak na “mananatiling buháy” hanggang sa wakas ng sistemang ito. Bagaman ang mag-asawa ang magpapasiya kung mag-aanak sila, makabubuting isaalang-alang ang karanasan ni Jeremias. Pero bakit pati ang pag-aasawa ay ipinagbawal kay Jeremias?
Anong di-pangkaraniwang utos ang ibinigay kay Jeremias, at ano ang dapat nating isaalang-alang?
MATUTO SA PANANATILING WALANG ASAWA NI JEREMIAS
8. Bakit masasabing hindi kahilingan ang pag-aasawa upang mapaluguran ang Diyos?
8 Ang utos ng Diyos kay Jeremias na huwag mag-asawa ay hindi naman para sa lahat ng lingkod niya. Wala namang masama sa pag-aasawa. Nilayon ito ni Jehova para punuin ang lupa at maging maligaya ang tao. (Kaw. 5:18) Pero hindi lahat noong panahon ni Jeremias ay may asawa. Maaaring may ilan na bating.b At siguradong may mga balo. Kaya hindi lang si Jeremias ang tapat na mananamba na walang asawa. Siyempre, may dahilan kung bakit hindi siya nag-asawa at ganoon din ang ilang Kristiyano sa ngayon.
9. Anong maka-Kasulatang payo sa pag-aasawa ang dapat nating seryosohin?
9 Maraming Kristiyano ang nag-aasawa, pero hindi lahat. Alam mong hindi nag-asawa si Jesus, at sinabi niyang ang ilang alagad ay “makapaglalaan ng dako” sa kanilang puso at isip na hindi mag-asawa. Hinimok niya ang mga makagagawa nito na gayon ang gawin. (Basahin ang Mateo 19:11, 12.) Kaya sa halip na tuksuhin, tama lang na bigyan ng komendasyon ang mga hindi nag-aasawa na gustong makapaglingkod nang higit sa Diyos. Sabihin pa, may ilang Kristiyano na hindi muna nag-asawa dahil sa ilang kalagayan. Halimbawa, baka hindi pa sila nakakakita ng Kristiyanong mapapangasawa at determinado silang sundin ang Diyos na mag-asawa “tangi lamang sa Panginoon.” (1 Cor. 7:39) At siyempre, mga balo ang ilang lingkod ng Diyos, kaya wala silang asawa.c Dapat nilang tandaan na noon pa ma’y nagmamalasakit na ang Diyos (at si Jesus) sa mga walang asawa.—Jer. 22:3; basahin ang 1 Corinto 7:8, 9.
10, 11. (a) Ano ang nakatulong kay Jeremias na manatiling maligaya kahit walang asawa? (b) Paano pinapatunayan ng mga karanasan sa ngayon na puwedeng maging makabuluhan ang buhay ng mga nananatiling walang asawa?
10 Umasa sa tulong ng Diyos ang binatang si Jeremias. Paano? Tandaan na ibinuhos ni Jeremias ang kaniyang pansin sa salita ng Diyos. Tiyak na ito ang nagpatibay at nagpalakas sa kaniya habang naglilingkod sa Diyos sa loob ng maraming dekada. At iniwasan niya ang mga maaaring manuya sa kaniya dahil sa pananatili niyang binata. Mas gusto niyang ‘umupong mag-isa’ kaysa makisama sa gayong mga tao.—Basahin ang Jeremias 15:17.
11 Maraming Kristiyanong walang asawa—lalaki at babae, kabataan o may-edad—ang tumutulad sa magandang halimbawa ni Jeremias. Ipinapakita ng mga karanasan na malaking tulong ang maging abala sa ministeryo at maging aktibo sa mga teokratikong gawain. Halimbawa, isang sister sa kongregasyong gumagamit ng wikang Tsino ang nagsabi: “Malaking tulong sa akin ang pagpapayunir. Kahit wala akong asawa, hindi ako nalulungkot kasi busy ako sa gawain. Pagkatapos ng maghapon, kontento ako at napakasaya dahil nakakatulong ako sa mga tao.” Sinabi naman ng isang 38-anyos na payunir: “Sa tingin ko ang sekreto para maging maligaya ay masiyahan sa mga positibong bagay anuman ang sitwasyon.” Inamin ng isang kapatid na walang asawa mula sa timugang Europa: “Hindi man nangyari ang gusto kong mangyari sa buhay ko, masaya ako at patuloy akong magiging masaya.”
12, 13. (a) Ano ang makatotohanang pananaw sa pag-aasawa at pagiging walang asawa? (b) Anong punto ang idiniriin ng buhay at payo ni Pablo hinggil sa pagiging walang asawa?
12 Dumating kaya si Jeremias sa puntong nag-isip siyang parang hindi nangyari ang mga plano niya sa buhay? Pero malamang na nakita niyang hindi rin naman natutupad ang lahat ng plano ng maraming nag-aasawa at nag-aanak. Ganito ang sinabi ng isang payunir sa Espanya: “May kilala akong mga mag-asawa na masaya at mayroon ding hindi masaya. Na-realize ko na hindi nakadepende sa pag-aasawa ang kaligayahan ko.” Isa lamang ang karanasan ni Jeremias sa libu-libo na nagpapatunay na puwedeng maging makabuluhan at maligaya ang buhay ng mga walang asawa. At tinitiyak sa atin ni apostol Pablo: “Sinasabi ko sa mga walang asawa at sa mga babaing balo, mabuti para sa kanila na manatili silang gaya ko rin naman.” (1 Cor. 7:8) Maaaring biyudo si Pablo. Pero anuman ang kalagayan, wala siyang asawa noong abalang-abala siya sa pagmimisyonero. (1 Cor. 9:5) Kaya hindi ba makatuwirang isipin na naging kapaki-pakinabang ang kaniyang pagiging walang asawa? Naiukol ni Pablo ang sarili sa “palagiang paglilingkod sa Panginoon nang walang abala,” at maganda ang naging resulta.—1 Cor. 7:35.
13 Kinasihan pa si Pablo na idagdag: “Magkakaroon ng kapighatian sa kanilang laman” ang mga nag-aasawa. Ipinasulat ng Diyos kay Pablo ang katotohanang ito: “Kung ang sinuman ay nakatayong panatag sa kaniyang puso . . . na ingatan ang kaniyang sariling pagkabirhen, siya ay mapapabuti. Dahil dito siya rin na nagbibigay ng kaniyang pagkabirhen sa pag-aasawa ay napapabuti, ngunit siya na hindi nagbibigay nito sa pag-aasawa ay mas mapapabuti.” (1 Cor. 7:28, 37, 38) Hindi nabasa ni Jeremias ang mga salitang iyan, pero pinapatunayan ng kaniyang paglilingkod sa loob ng maraming taon na puwedeng maging maligaya ang isa kahit walang asawa. Sa katunayan, malaki ang maitutulong nito sa pagkakaroon ng makabuluhang buhay na nakapokus sa tunay na pagsamba. Ang may-asawang si Zedekias ay hindi sumunod sa payo ni Jeremias at hindi siya ‘nanatiling buháy’; samantalang ang walang-asawang propeta ay naging masunurin at ‘nanatiling buháy.’
Ano ang matututuhan natin sa halimbawa ni Jeremias sa pananatiling walang asawa sa loob ng maraming dekada?
PAGINHAWAHIN ANG ISA’T ISA
14. Ano ang ipinapakita ng samahan ni Pablo at ng pamilya ni Aquila?
14 Gaya ng binanggit na, marami noong panahon ni Jeremias ang nag-aasawa at may pamilya. Ganoon din noong panahon ni Pablo. Tiyak na karamihan sa mga Kristiyanong may pamilya ang wala sa kalagayan na maglingkod sa ibang lugar gaya ni Pablo, pero marami silang magagawa sa kanilang lugar. Kasama na riyan ang pagmamalasakit sa mga kapatid na walang asawa. Nang dumating si Pablo sa Corinto, pinatuloy siya nina Aquila at Priscila sa bahay nila at magkakasama silang naghanapbuhay. Pero hindi lang iyan. Tiyak na napatibay si Pablo sa pakikipagkaibigan sa pamilya ni Aquila. Isipin ang masasaya nilang kainan at kuwentuhan. Nakisama rin ba si Jeremias sa iba? Ginugol niya ang pagiging walang asawa sa paglilingkod sa Diyos, pero hindi natin dapat isipin na ayaw niyang makisama sa ibang tao. Malamang na naging malapít siya sa mga pamilyang tapat na naglilingkod sa Diyos, gaya ng pamilya ni Baruc, Ebed-melec, at iba pa.—Roma 16:3; basahin ang Gawa 18:1-3.
15. Paano makakatulong ang mga pamilyang Kristiyano sa mga kapatid na walang asawa?
15 Ang mga Kristiyanong walang asawa sa ngayon ay makikinabang din sa mainit na samahan, gaya ni Pablo sa pamilya ni Aquila. Kung may pamilya ka, sinisikap ba ninyong makasama ang mga walang asawa? Ganito ang tapatang sinabi ng isang sister: “Tinalikuran ko na ang sanlibutan at ayoko nang balikan iyon. Pero kailangan ko pa rin ng kalinga at pagmamahal. Ipinapanalangin ko kay Jehova na maglaan siya ng higit pang espirituwal na pagkain at pampatibay para sa mga gaya kong walang asawa. Hindi naman lahat sa amin ay gustong mag-asawa, kaya kailangan namin ng suporta. Minsan, parang nakakalimutan na kami. Alam kong laging nariyan si Jehova para sa amin, pero kapag kailangan namin ng kakausap sa amin, maaasahan ba namin ang mga kapatid?” Oo ang sagot dito ng libu-libong kapatid na walang asawa. Gustung-gusto silang kasama ng mga kapatid sa kongregasyon—mga kaedaran nila, mga may-edad, at mga kabataan.
16. Anong mga simpleng bagay ang maaari mong gawin para mapaginhawa ang mga walang asawa sa inyong kongregasyon?
16 Mapapatibay mo ang mga kapatid na walang asawa kung paplanuhin mong isama sila minsan sa iskedyul ng inyong pamilya, gaya ng Pampamilyang Pagsamba. Malaking bagay rin ang makasalo ng pamilya ang mga kapatid na walang asawa. Puwede mo ba silang samahan sa ministeryo? O yayain sa pagmamantini ng Kingdom Hall o minsan, sa pamimili? Isinasama naman ng ilang pamilya sa kombensiyon o sa bakasyon ang mga balo o mga payunir na walang asawa. Ang ganitong mga samahan ay totoong nakapagpapatibay sa isa’t isa.
17-19. (a) Bakit kailangang maging timbang at makonsiderasyon ang mga anak sa pagdedesisyon may kinalaman sa pag-aalaga sa may-edad o may-sakit na mga magulang? (b) Anong aral ang mapupulot natin kay Jesus tungkol sa pangangalaga sa kaniyang ina?
17 Ang isa pang puntong dapat isaalang-alang hinggil sa mga kapatid na walang asawa ay may kinalaman sa pag-aalaga sa may-edad nang mga magulang. Noong panahon ni Jesus, tinatakasan ng mga prominenteng Judio ang responsibilidad nila sa kanilang mga magulang. Isinasangkalan nila ang kanilang obligasyon sa templo para makaiwas sa utos ng Diyos na pangalagaan ang kanilang mga magulang. (Mar. 7:9-13) Hindi dapat ganito ang mga pamilyang Kristiyano.—1 Tim. 5:3-8.
18 Pero paano kung ang may-edad nang mga magulang ay maraming anak na Kristiyano? Kung walang asawa ang isa sa mga anak, awtomatiko na bang siya ang pangunahing mag-aasikaso sa magulang? Sumulat ang isang sister na taga-Japan: “Kahit na gusto ko, hindi ako makapag-asawa dahil sa responsibilidad ko sa mga magulang ko. Alam kong naiintindihan ni Jehova ang hirap na pinagdadaanan ng mga walang asawa at nag-aalaga pa ng magulang.” Hindi kaya basta na lang ipinasiya ng mga kapatid niyang may asawa na siya ang dapat mag-alaga ng kanilang mga magulang, nang hindi man lang siya tinatanong? Sa ganitong mga kalagayan, isipin na hindi rin naging maganda ang pakikitungo ng mga kapatid ni Jeremias sa kaniya.—Basahin ang Jeremias 12:6.
19 Naiintindihan ni Jehova ang nadarama ng mga walang asawa at ng mga nasa mahirap na sitwasyon. (Awit 103:11-14) Ang mga nagkakaedad o nagkakasakit na magulang ay dapat pangalagaan ng lahat ng kanilang anak, may asawa man o wala. Kahit may sarili nang pamilya ang isang anak, dapat pa rin nilang mahalin ang kanilang magulang, at dapat pa rin nilang gampanan ang kanilang Kristiyanong pananagutan na pangalagaan sila. Alam natin na kahit na noong malapit nang mamatay si Jesus sa pahirapang tulos, inintindi pa rin niya ang pananagutan niya sa kaniyang ina. (Juan 19:25-27) Walang detalyadong tagubilin sa Bibliya kung paano magtutulungan ang mga anak sa pag-aalaga sa mga magulang na may-edad o may sakit; ni iminumungkahi man nito na ang mga anak na walang asawa ang awtomatikong may higit na responsibilidad sa pag-aalaga sa mga magulang. Sa napakaseryosong bagay na ito, kailangang maging makatuwiran at makonsiderasyon ang mga miyembro ng pamilya sa pagdedesisyon, na tinutularan ang halimbawa ni Jesus sa pangangalaga sa kaniyang ina.
20. Ano ang pananaw mo sa pakikisama sa mga walang asawa sa inyong kongregasyon?
20 Inihula ni Jeremias na magkakaroon ng malapít na samahan at kapatiran sa loob ng bayan ni Jehova. (Jer. 31:34) Sa ngayon, napakaganda ng nararanasan nating samahan sa loob ng kongregasyon, kapiling ang ating mga kapatid na walang asawa. Talagang gusto nating mapaginhawa ang isa’t isa at makitang ‘nananatiling buháy’ ang mga walang asawa.
Anong iba pang hakbang ang puwede mong gawin para paginhawahin ang, at mapaginhawa ng, mga walang asawa?
a Sa orihinal na Hebreong Kasulatan, walang salita para sa “lalaking nanatiling walang asawa.”
b Humula si Isaias patungkol sa mga literal na bating, na mayroon lamang limitadong bahagi sa pagsamba ng Israel. Inihula niya na kung magiging masunurin ang mga bating, magtatamo sila ng “isang bagay na mas mabuti kaysa sa mga anak na lalaki at mga anak na babae.” Bibigyan sila ng “isang pangalan hanggang sa panahong walang takda” sa bahay ng Diyos.—Isa. 56:4, 5.
c Maaaring nag-iisa ang iba dahil hiniwalayan sila o diniborsiyo ng kanilang asawa, na marahil ay di-kapananampalataya.