Isang Pandaigdig na Problema
“Ang pagpapatiwakal ay isang malubhang suliraning pangkalusugan ng bayan.”—David Satcher, U.S. surgeon general, noong 1999.
ANG pangungusap na iyan ang naging kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan na binanggit ng isang surgeon general sa Estados Unidos ang pagpapatiwakal bilang isang isyu ng bayan. Parami nang paraming tao sa bansang iyon ang nagpapakamatay kaysa pinapatay ng ibang tao. Hindi kataka-taka na ipinahayag ng Senado ng Estados Unidos ang pag-iwas sa pagpapatiwakal bilang isang pambansang priyoridad.
Gayunman, ang bilang ng pagpapatiwakal sa Estados Unidos, na 11.4 sa bawat 100,000 noong 1997, ay mababa sa pandaigdig na bilang na inilathala ng World Health Organization noong 2000—16 sa bawat 100,000. Ang bilang ng pagpapatiwakal sa buong daigdig ay tumaas nang 60 porsiyento sa nakalipas na 45 taon. Ngayon, sa loob lamang ng isang taon, mga isang milyon katao sa buong daigdig ang nagpapatiwakal. Katumbas iyan ng halos isang kamatayan sa bawat 40 segundo!
Subalit, hindi lubusang maiuulat ng estadistika ang buong situwasyon. Sa maraming kaso, ikinakaila ng mga miyembro ng pamilya na ang isang kamatayan ay dahil sa pagpapatiwakal. Isa pa, tinatayang sa bawat naisagawang pagpapatiwakal, sa pagitan ng 10 at 25 ang tinangka. Natuklasan ng isang surbey na 27 porsiyento ng mga estudyante sa haiskul sa Estados Unidos ang umamin na noong nakaraang taon, seryoso nilang pinag-isipan ang pagpapatiwakal; 8 porsiyento sa grupong sinurbey ang nagsabi na sila’y nagtangkang magpatiwakal. Natuklasan ng iba pang pagsusuri na mula 5 hanggang 15 porsiyento ng mga nasa hustong gulang ang minsa’y nakapag-isip na magpatiwakal.
Pagkakaiba-Iba sa Kultura
Lubhang nagkakaiba-iba ang pangmalas ng mga tao sa pagpapatiwakal. Minamalas ito ng ilan bilang isang krimen, ng iba bilang isang duwag na pagtakas, at ng iba naman bilang isang marangal na paraan ng paghingi ng tawad para sa isang malaking pagkakamali. Itinuturing pa nga ito ng ilan bilang isang marangal na paraan upang isulong ang isang layunin. Bakit ang gayong pagkakaiba-iba ng pangmalas? Malaking papel ang ginagampanan ng kultura. Sa katunayan, sinasabi ng The Harvard Mental Health Letter na ang kultura ay maaari pa ngang “makaimpluwensiya sa posibilidad ng pagpapatiwakal.”
Isaalang-alang ang isang bansa sa gitnang Europa—ang Hungary. Binabanggit ni Dr. Zoltán Rihmer ang mataas na bilang ng pagpapatiwakal doon bilang ang “malungkot na ‘tradisyon’ ” ng Hungary. Sinabi ni Béla Buda, ang direktor ng National Institute for Health sa Hungary, na ang mga taga-Hungary ay handang-handang magpatiwakal, sa halos anumang dahilan. Ayon kay Buda, isang karaniwang reaksiyon ang, “May kanser siya—alam niya kung paano wawakasan ang gayong kalagayan.”
May relihiyosong kaugalian noon sa India na kilalá bilang suttee. Bagaman matagal nang ipinagbabawal ang kaugaliang ito, kung saan kusang tumatalon ang isang biyuda sa sigáng pinansunog sa bangkay ng kaniyang asawa, umiiral pa rin ito. Nang isang babae ang iniulat na nagpatiwakal sa ganitong paraan, pinuri ng mga tagaroon ang trahedya. Ayon sa India Today, ang rehiyong ito sa India “ay nakasaksi sa halos 25 babae na nagsunog ng kanilang sarili sa sigáng pinansunog sa bangkay ng kani-kanilang asawa sa loob ng gayunding dami ng taon.”
Kapansin-pansin, tatlong ulit ang dami ng mga buhay sa Hapón ang nasasawi sa pagpapatiwakal kaysa sa mga aksidente sa trapiko! “Ang tradisyunal na kultura ng Hapón, na hindi kailanman humahatol sa pagpapatiwakal, ay kilalá sa pagkakaroon ng isang ritwal at pormal na paraan ng paglalaslas ng sariling tiyan hanggang sa lumabas ang bituka (seppuku, o hara-kiri),” sabi ng Japan—An Illustrated Encyclopedia.
Sa kaniyang aklat na Bushido—The Soul of Japan, ipinaliwanag ni Inazo Nitobe, na nang maglaon ay naging pangalawang kalihim panlahat ng Liga ng mga Bansa, ang pagkabighaning ito ng kultura sa kamatayan. Sumulat siya: “Isang imbensiyon noong Edad Medya, ang [seppuku] ay isang proseso kung saan ang mga mandirigma ay maaaring mapawalang-sala sa kanilang mga krimen, mapatawad sa mga pagkakamali, makatakas sa kahihiyan, mawaging-muli ang kanilang mga kaibigan, o magpatunay sa kanilang kataimtiman.” Bagaman ang ritwal na anyong ito ng pagpapatiwakal ay, sa pangkalahatan, isang lipas na bagay na, ginagawa pa rin ito ng ilan alang-alang sa epekto nito sa lipunan.
Sa kabilang panig naman, malaon nang minamalas sa Sangkakristiyanuhan ang pagpapatiwakal bilang isang krimen. Noong ikaanim at ikapitong siglo, itinitiwalag ng Simbahang Romano Katoliko ang mga nagpapatiwakal at pinagkakaitan sila ng mga seremonya sa libing. Sa ilang lugar, ang sigasig sa relihiyon ay nagbunga ng kakatwang mga kaugalian may kinalaman sa pagpapatiwakal—kasali na ang pagbibitin sa bangkay, at maging ang pagtarak ng isang tulos sa puso.
Balintuna nga, yaong nagtangkang magpatiwakal ay maaaring parusahan ng kamatayan. Sa pagsisikap na kitlin ang kaniyang sarili sa pamamagitan ng paglalaslas ng kaniyang lalamunan, isang lalaking Ingles noong ika-19 na siglo ang binitay. Sa gayon ay nagawa ng mga awtoridad ang hindi nagawa ng lalaki. Bagaman ang parusa para sa tangkang pagpapatiwakal ay nagbago sa paglipas ng panahon, noon lamang 1961 ipinahayag ng Parlamentong Britano na hindi na krimen ang pagpapatiwakal at tangkang pagpapatiwakal. Nanatili itong krimen sa Ireland hanggang noong 1993.
Sa ngayon, itinataguyod ng ilang awtor ang pagpapatiwakal bilang isang mapagpipilian. Isang aklat noong 1991 tungkol sa tinulungang pagpapatiwakal para sa mga may taning na ang buhay ang nagmungkahi ng mga paraan upang wakasan ang buhay ng isa. Nang maglaon, dumami ang mga taong gumagamit ng isa sa mga iminungkahing paraan bagaman wala namang taning ang buhay nila.
Pagpapatiwakal nga ba ang talagang lunas sa mga problema ng isa? O may mabubuting dahilan ba upang patuloy na mabuhay? Bago isaalang-alang ang mga tanong na ito, suriin muna natin kung ano ang umaakay sa pagpapatiwakal.
[Blurb sa pahina 4]
Sa loob lamang ng isang taon, mga isang milyon katao sa buong daigdig ang nagpapatiwakal. Katumbas iyan ng halos isang kamatayan sa bawat 40 segundo!