Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g01 10/22 p. 23-27
  • Isang Nagkakaisang Kapatiran na Di-natitinag

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Isang Nagkakaisang Kapatiran na Di-natitinag
  • Gumising!—2001
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Paglalaan ng Kagyat na Tulong
  • Organisadong Pagbibigay ng Tulong
  • Ang Ikalawang Malakas na Lindol
  • Pinahalagahan ang mga Pagsisikap
  • Pagsasaayos ng Tirahan
  • Muling Pagpapasimula ng Buhay
  • Sama-samang Sumusulong sa Pag-ibig
    Mga Saksi ni Jehova—Tagapaghayag ng Kaharian ng Diyos
  • Pagharap sa Naging Resulta ng Lindol
    Gumising!—2002
  • Kristiyanong Pag-ibig sa Gitna ng mga Sakuna sa Mexico
    Gumising!—1996
  • Lindol!
    Gumising!—2000
Iba Pa
Gumising!—2001
g01 10/22 p. 23-27

Isang Nagkakaisang Kapatiran na Di-natitinag

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA EL SALVADOR

SA GANAP NA 11:34 NG UMAGA NG ENERO 13, 2001, ISANG LINDOL NA MAY SUKAT NA 7.6 SA RICHTER SCALE ANG YUMANIG SA BUONG EL SALVADOR AT NADAMA ITO MULA SA PANAMA HANGGANG SA MEXICO. KAUNTI LAMANG ANG MAKALILIMOT SA KUNG ANO ANG KANILANG GINAGAWA NANG MAGANAP ITO.

“NANG humupa ang pinakamalakas na pagyanig, tumingala kami at nakita naming nabiyak ang pinakatuktok ng bundok, at tila huminto ito nang ilang segundo,” gunita ni Miriam Quezada. “Sumigaw ang anak kong babae, ‘Mama! Takbo! Takbo!’” Pagkatapos, gumuho ang ibabaw ng bundok at bumagsak patungo sa kanila. Mga 500 buhay ang nasawi sa komunidad ng Las Colinas sa Nueva San Salvador, o Santa Tecla, at mga 300 bahay ang nawasak.

“Kaaalis ko pa lamang sa bahay at naghihintay sa hintuan ng bus nang lumindol,” alaala ni Roxana Sánchez. “Nang huminto ang pagyanig, tinulungan ko ang isang babae na pulutin ang kaniyang mga bag at inisip ko, ‘Mabuti pa kaya’y umuwi na muna ako dahil mag-aalala ang pamilya ko sa akin.’” Nang lumiko si Roxana sa kanto, nakita niya ang kaniyang kalye na biglang natapos sa paanan ng gabundok na lupa. Nawala ang kaniyang bahay!

Paglalaan ng Kagyat na Tulong

Ang kabuuang bilang ng mga Saksi sa El Salvador ay mahigit sa 28,000, at libu-libo ang naninirahan sa lugar ng kasakunaan​—ang lugar sa may baybayin ng El Salvador. Bagaman dumaranas pa rin ng trauma, marami ang mabilis na nagtuon ng pansin sa pangangailangan ng iba. Si Mario Suarez, isang naglalakbay na tagapangasiwa ng mga Saksi ni Jehova na naglilingkod sa Santa Tecla, ay naglahad: “Mga isang oras pagkatapos ng lindol, nakatanggap ako ng tawag na humihingi ng tulong. Ilang kapatid na Kristiyano ang sinabing nakulong sa kanilang mga bahay. Kaagad na inorganisa ang isang grupo ng mga boluntaryo.

“Inakala namin na marahil ilang pader ang bumagsak at ito ay nangangahulugan lamang ng pag-aalis sa kaguhuan at paggawa ng daanan upang makalabas ang mga nakulong. Ngunit walang sinuman sa amin ang nakaisip sa laki ng kasakunaan. Sa katunayan, nang dumating kami sa lugar, tinanong namin kung nasaan ang mga bahay. Sa aming pagkasindak, sinabi sa amin na nakatayo raw kami sa ibabaw ng mga ito! Nabaon ang mga bahay hanggang sa ikalawang palapag sa tatlong metro ng lupa. Talagang nakagigitla!”

Pagkalipas ng ilang oras sa hapon, mga 250 Saksi mula sa kalapit na mga kongregasyon ang dumagsa sa lugar upang tumulong. Gamit lamang ang mga piko, pala, palangganang plastik, at mga kamay, puspusang pinagsikapan ng mga boluntaryo na hanapin ang mga nakaligtas. Gayunman, talagang iilan lamang ang nasagip na buháy sa Santa Tecla. Kasama sa daan-daang namatay​—dahil sa nahirapang makahinga o nadurog sa tone-toneladang lupa​—ang lima sa mga Saksi ni Jehova.

Organisadong Pagbibigay ng Tulong

Sa buong bansa, sumama ang mga kongregasyon ng mga Saksi sa pagbibigay ng tulong. Sa Comasagua, Ozatlán, Santa Elena, Santiago de María, at Usulután, maraming Saksi ang nawalan ng kanilang mga bahay. Ginawang mga sentro sa pangongolekta ng tulong ang mga Kingdom Hall at mga pribadong tahanan. “Napakalaki ng ibinigay na suporta,” sabi ng naglalakbay na tagapangasiwa na si Edwin Hernández. “Dumating ang mga kapatid na may dalang mga pagkain, pananamit, kutson, gamot, at maging salapi para sa mga gastusin sa pagpapalibing.”

Isinaayos ng isang komite sa pagtulong, na inatasan ng lokal na tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova, na pangalagaan ng mga grupo ng mga kongregasyong di-gaanong apektado ang kagyat na mga pangangailangan niyaong higit na napinsala. Binuo ang mga grupo sa paggawa na may 10 hanggang 20 Saksi, at ang mga ito ang nag-asikaso sa mga kinakailangang pagkukumpuni.

Karagdagan pa, ang mga Regional Building Committee ng mga Saksi ni Jehova, na karaniwan nang nangangasiwa sa pagtatayo ng mga Kingdom Hall, ay nag-organisa ng mga grupo upang magtayo ng pansamantalang tirahan para sa mga taong lubusang wasak ang mga bahay. Biglang tumaas ang presyo ng yero sa El Salvador, kaya ang sangay ng mga Saksi ni Jehova sa Guatemala ay bukas-palad na nag-abuloy ng maraming suplay nito. Ang mga kahoy para sa balangkas ng mga tirahan ay inilaan ng mga sangay sa Estados Unidos at Honduras.

Habang nagaganap ang abalang kalagayan na ito, nagpatuloy ang mga pagyanig. Ang buong mga komunidad ay natulog sa mga kalye sa ilalim ng mga trapal at lumang mga kumot. Kinakabahan ang lahat. Noong Pebrero 12, may kabuuang bilang na 3,486 na kasunod na pagyanig ang naitala.

Ang Ikalawang Malakas na Lindol

Noong Pebrero 13, 2001, sa ganap na 8:22 ng umaga, isang buwan pagkatapos ng unang lindol, naganap ang ikalawang lindol sa sentro ng El Salvador, na nagtala ng lakas na 6.6 sa Richter scale. Minsan pa, mabilis na isinaayos ng mga Saksi ni Jehova ang mga pagsisikap sa pagsagip at pagtulong. Ipinaliwanag ng isang matanda na nagngangalang Noé Iraheta: “Hinanap ng bawat konduktor sa Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat ang mga Saksing nakaatas sa kaniyang grupo upang tiyakin kung ligtas silang lahat.”

Ang mga lunsod ng San Vicente at Cojutepeque at ang dakong-labas ng mga ito ay lubhang tinamaan. Guhô ang mga bayan ng San Pedro Nonualco, San Miguel Tepezontes, at San Juan Tepezontes. Sa Candelaria, Cuscatlán, kung saan ang pagkawasak ay halos lubusan, bumagsak ang isang paaralan ng parokya, anupat namatay ang mahigit sa 20 bata. Naalala ni Salvador Trejo, isang Saksi sa lugar na iyon: “Pagkalipas ng mga isang oras, narinig ko ang isang tinig sa kalye na tumatawag, ‘Brother Trejo!’ Sa simula, wala akong makita dahil sa alikabok. Pagkatapos ay biglang-bigla, lumitaw ang mga Saksi mula sa Cojutepeque. Dumating sila upang malaman ang kalagayan namin!”

Muling inorganisa ang mga kalapit na kongregasyon upang maglaan ng mga pangangailangan sa mga biktima ng ikalawang kasakunaang ito. Tinularan nila ang halimbawa ng unang-siglong mga Kristiyano sa Macedonia na nakiusap upang magkapribilehiyo na magbigay, bagaman sila mismo ay nangangailangan din. Halimbawa, yaong nasa mga kongregasyon sa lunsod ng Santiago Texacuangos, na dumanas ng malalaking kawalan noong unang lindol, ay naghanda ng mainit na pagkain upang dalhin sa kanilang mga kapatid na malapit sa San Miguel Tepezontes.

Lahat-lahat, tinataya na mahigit sa 1,200 katao ang nasawi sa mga lindol sa El Salvador, at karagdagang walo ang iniulat na namatay sa katabing Guatemala.

Pinahalagahan ang mga Pagsisikap

Ang inorganisang mga pagsisikap ng mga Saksi upang tulungan ang mga biktima ay pinahalagahan ng ibang grupong tumulong. Dumating ang isang sasakyan ng National Emergency Committee upang maghatid ng mga suplay na pangkagipitan sa isang Kingdom Hall na ginamit bilang isang tuluyan. Ibinulalas ng isang kinatawan: “Sa lahat ng mga tuluyan na aming pinuntahan, ito ang kauna-unahang maayos. Binabati ko kayo!” Walang sinuman doon ang dumaluhong sa trak, nakipagtulakan, o nakipaggitgitan, tulad ng nangyari sa ibang mga sentro. Sa katunayan, unang isinaalang-alang ang mga may-edad na sa pagtanggap ng mga donasyon.

Hindi nilimitahan ng mga Saksi ang kanilang pagtulong sa mga kapananampalataya. Halimbawa, sa San Vicente, dose-dosenang kapitbahay na di-Saksi ang nanganlong sa lugar ng Kingdom Hall. “Dito sa Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova,” sabi ni Regina Durán de Cañas, “ang mga tao ay may ginintuang mga puso. Binuksan nila ang kanilang mga pintuang-daan at sinabi, ‘Tuloy kayo!’ at narito na kami. Kahit sa gabi ay nagrerelyebo sila upang bantayan kami habang kami’y natutulog.”

Pagsasaayos ng Tirahan

Pagkatapos tayahin ang mga pinsala, ginawa ang mga rekomendasyon sa tanggapang pansangay para sa paglalaan ng kinakailangang tirahan. Sinimulang itayo ang pansamantalang mga tirahan para sa mga nawalan ng bahay. Gayundin, kinumpuni ang mga bahay na may kaunting pinsala lamang. Ang masisipag at mahuhusay na pangkat sa konstruksiyon ay lubhang nakaakit ng pansin, habang dumarating ang mga kapitbahay upang panoorin silang magtrabaho.

Isang babae, na nag-aakalang ang mga manggagawa ay ang tulong na matagal nang ipinangako ng lokal na pamahalaan, ang nagreklamo na walang sinuman ang tumulong sa kaniya na linisin ang kaguhuan sa kaniyang lugar. Ipinaliwanag ng mga bata sa kapitbahay: “Ale, hindi sila galing sa lokal na pamahalaan. Galing sila sa Kingdom!” Nagkomento ang isa pang di-Saksi na si Moisés Antonio Díaz: “Isang mainam na karanasan ang makita kung paano tinutulungan ng mga Saksi ni Jehova ang mga nangangailangan. Ito ay isang organisasyon na lubhang nagkakaisa, at salamat sa Diyos, may kabutihang-loob sila na tulungan kaming mahihirap. Gumawa na akong kasama nila at balak kong patuloy na gawin ito.”

Isang Kristiyanong kapatid na babae na pinaglaanan ng pansamantalang tirahan ang napaiyak nang kaniyang sabihin: “Hindi namin mailarawang mag-asawa ang aming pasasalamat​—una kay Jehova at pagkatapos ay sa mga kapatid na ito na mabilis na tumulong sa amin bagaman hindi nila kami kilala.”

Sa kalagitnaan ng Abril, 567 pansamantalang tirahan ang itinayo ng mga Saksi para sa mga biktima ng mga lindol, at halos 100 karagdagang sambahayan ang nakatanggap ng mga materyales upang kumpunihin ang kanilang nasirang bahay. Pagkatapos magkaroon ang nangangailangang mga pamilya ng pintuan upang kandaduhan at bubong upang protektahan sila, itinuon naman ng mga Saksi ang kanilang pansin sa 92 Kingdom Hall na kinakailangang kumpunihin o itayong muli.

Muling Pagpapasimula ng Buhay

Bukod pa sa muling pagtatayo ng mga gusali at mga bahay, higit na ipinagpasalamat ng marami ang pagpapalakas sa kanilang espirituwal at emosyonal na kapakanan.

“Sa gayong mga kalagayan, dahil nagpatuloy ang mga pagyanig, may mga pagkakataong kinakabahan ako, ngunit ang mga kapatid ay isang patuluyang bukal ng kasiglahan at pampatibay-loob,” sabi ni Miriam, na binanggit kanina. “Nasaan na kaya kami kung wala ang aming mga kapatid?”

Ang maibiging pangangalaga ni Jehova sa pamamagitan ng kaayusan ng kongregasyon ang nagpakilos sa mga biktima ng lindol sa nakagugulat na mga paraan. Sa Comasagua, halos lahat ng bahay ng mga Saksi ay napinsala o nawasak ng unang lindol. Gayunman, 12 sa 17 Saksi roon ang nagpatala sa buong-panahong ministeryo noong Abril at Mayo, at 2 mula noon ang naging mga regular na buong-panahong ministro.

Ang mga kongregasyon sa departamento ng Cuscatlán, isa sa mga lugar na pinakanaapektuhan ng ikalawang lindol, ay nagdaos ng kanilang pantanging araw ng asamblea noong Marso. May itinalang 1,535 nagsidalo at 22 katao ang nabautismuhan. Sa kabila ng katotohanan na napakaraming nagsidalo ang nawalan ng tahanan, nag-abuloy pa rin sila ng malaki-laking halaga ng salapi sa Assembly Hall, na ikinagulat ng mga nag-organisa ng asamblea.

Bilang pagpapahayag sa nagpapasalamat na mga damdamin ng marami, isang Saksi mula sa San Vicente ang nagkomento: “Nabasa ko sa mga publikasyon kung paano tumutugon ang organisasyon sa panahon ng kasakunaan, ngunit ngayon ay personal kong naranasan ito, at nadama ko ang suporta ng kapatiran. Nakita naming isinasagawa ang pag-ibig Kristiyano. Tunay na isang pribilehiyo ang mapabilang sa nagkakaisang bayang ito!”

[Larawan sa pahina 23]

Tinabunan ng pagguho ng lupa na dulot ng lindol ang mahigit sa 300 bahay sa Las Colinas

[Credit Line]

Mga larawan sa ibabang bahagi ng pahina 23-5: Sa kagandahang-loob ng El Diario de Hoy

[Larawan sa pahina 24]

Ginamit ng mga taganayon ang mga piko, pala, at mga balde sa kanilang pagsagip

[Credit Line]

Sa kagandahang-loob ng La Prensa Gráfica (larawan mula kay Milton Flores/Alberto Morales/Félix Amaya)

[Larawan sa pahina 25]

Mga guho ng Kingdom Hall sa Tepecoyo

[Larawan sa pahina 26]

Kaagad na itinayo ng mga kapatid sa Tepecoyo ang isang kublihan upang maidaos ang kanilang mga pulong

[Mga larawan sa pahina 26]

Mabilis na itinayong muli ng mga Saksi ang mga Kingdom Hall at nagtayo ng mahigit sa 500 pansamantalang tirahan

[Larawan sa pahina 26]

Isang nagpapasalamat na nagsosolong ina at ang kaniyang anak na babae ang nanonood sa muling pagtatayo ng kanilang napinsalang bahay

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share