Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g01 11/8 p. 26-27
  • Ang Paggamit ng Diyos ng Kapangyarihan—Makatarungan ba Ito?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Paggamit ng Diyos ng Kapangyarihan—Makatarungan ba Ito?
  • Gumising!—2001
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Pag-abuso sa Kapangyarihan
  • “Ang Lahat ng Kaniyang Mga Daan ay Katarungan”
  • Taglay ng Diyos ang Awtoridad
  • Mga Kahatulan ng Diyos—Malupit ba ang mga Ito?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2013
  • Isa Lang Bang Puwersa ang Diyos?
    Sagot sa mga Tanong sa Bibliya
  • Bakit Nakipagdigma ang Diyos sa mga Canaanita?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2010
  • Ano ba ang Banal na Espiritu ng Diyos?
    Gumising!—1999
Iba Pa
Gumising!—2001
g01 11/8 p. 26-27

Ang Pangmalas ng Bibliya

Ang Paggamit ng Diyos ng Kapangyarihan​—Makatarungan ba Ito?

ANG nakamamatay na paggamit ng kapangyarihan ay isang di-nagbabagong katangian ng kasaysayan ng tao. Ayon sa isang pagtantiya, marahil ay 170,000,000 katao ang pinatay ng kanilang sariling pulitikal na mga rehimen noong ika-20 siglo. Tulad ng may-katumpakang binabanggit ng Bibliya, patuloy na sinusupil ng mga tao ang ibang mga tao sa kanilang ikapipinsala.​—Eclesiastes 8:9.

Batay sa maling paggamit ng tao sa marahas na kapangyarihan, maaaring mag-alinlangan ang iba hinggil sa paggamit ng Diyos ng kapangyarihan upang puksain ang kaniyang mga kaaway. Hindi ba’t sa tuwirang utos ng Diyos ay sinalakay at pinatay ng mga Judio ang mga Canaanitang naninirahan sa Lupang Pangako? (Deuteronomio 20:16, 17) At hindi ba’t sinasabi mismo ng Diyos na kaniyang dudurugin at wawakasan ang lahat ng sumasalungat na pamamahala? (Daniel 2:44) Nag-aalinlangan ang ilang taimtim na mga indibiduwal kung ang paggamit ng Diyos ng kapangyarihan ay laging makatarungan.

Pag-abuso sa Kapangyarihan

Mahalaga na unawain na ang kakayahan na gumamit ng kapangyarihan ay isang mahalagang elemento ng pamahalaan. Sa diwa, ang administrasyon na hindi kayang ipatupad ang sarili nitong mga batas ay inutil. Halimbawa, sa kabila ng iniulat na mga pang-aabuso ng pulisya, gaano karaming tao ang handang itakwil ang proteksiyong inilalaan ng pulisya? At sinong matinong tao ang mangangatuwiran laban sa kahalagahan ng pagkakaroon ng isang sistemang pangkatarungan na may mabisang paraan ng pagpapatupad sa batas sa anumang lipunan ng tao?

Si Mohandas Gandhi, na kilalá sa kaniyang pagkamuhi sa karahasan, ay nagsabi minsan: “Ipagpalagay na nagwala at di-mapigilan ang isang lalaking may hawak na tabak, at pinagpapatay ang sinumang nakakasalubong niya, at walang sinuman ang nangangahas na hulihin siya ng buháy. Sinumang makapatay sa sira-ulong ito ay makapagtatamo ng pasasalamat ng komunidad at maituturing na mabuting tao.” Oo, maging si Gandhi ay kumilala sa kahalagahan ng paggamit ng kapangyarihan sa ilang kalagayan.

Maliwanag, ang kakayahan na gamitin ang kapangyarihan ay isang mahalagang elemento ng anumang matatag na lipunan. Sa pangkalahatan, kapag inirereklamo ng tao ang paggamit ng kapangyarihan, pinupuna nila sa katunayan ang pag-abuso sa kapangyarihan.​—Eclesiastes 4:1-3.

“Ang Lahat ng Kaniyang Mga Daan ay Katarungan”

Kahit kailan ay walang patotoo ang kasaysayan na inabuso ng Diyos ang kaniyang kapangyarihan. Hindi siya namamahala sa pamamagitan ng walang-pakundangang paggamit ng kapangyarihan. Nais niyang sambahin natin siya dahil sa pag-ibig. (1 Juan 4:18, 19) Sa katunayan, hindi ginagamit ng Diyos ang kapangyarihan kung may makatarungang paraan upang maiwasan ito. (Jeremias 18:7, 8; 26:3, 13; Ezekiel 18:32; 33:11) At kapag pinili niyang gumamit ng kapangyarihan, palagi siyang nagbibigay ng maraming babala upang ang sinuman na nagnanais na maligtas ay maaaring gumawa ng tamang hakbang. (Amos 3:7; Mateo 24:14) Ang mga pagkilos bang ito ay mula sa isang walang-pakundangan at malupit na Diyos?

Ang paggamit ng Diyos ng kapangyarihan ay hindi katulad ng di-makatarungang pag-abuso sa kapangyarihan ng mga tao. “Ang lahat ng kaniyang mga daan ay katarungan,” ang sabi ni Moises hinggil kay Jehova, “isang Diyos ng katapatan, na sa kaniya ay walang masusumpungang kawalang-katarungan.” (Deuteronomio 32:4) Di-tulad ng mga pamahalaan ng mapang-aping mga tao, hindi nakasalig ang pamahalaan ng Diyos sa kung sino ang may higit na kapangyarihang manupil. Sa bawat kaso, ginagamit niya ang kaniyang kapangyarihan alinsunod sa kaniyang sakdal na pag-ibig, karunungan, at katarungan.​—Awit 111:2, 3, 7; Mateo 23:37.

Halimbawa, nang lipulin ng Diyos ang mga balakyot noong Baha, ito’y naganap pagkatapos ng maraming taon ng pagbababala. Maaaring samantalahin ng sinuman ang pagkakataon na sumakay sa arka at maligtas. Walo lamang ang gumawa ng gayon. (1 Pedro 3:19, 20; 2 Pedro 2:5) Noong panahon ni Josue, isinakatuparan ng Israel ang hatol ng Diyos sa tiwaling mga Canaanita, isang hatol na binigkas mahigit na 400 taon ang kaagahan! (Genesis 15:13-21) Sa lahat ng panahong iyon, hindi maaaring nanatiling ignorante ang mga Canaanita sa malakas na ebidensiya na ang mga Israelita ay piniling bayan ng Diyos. (Josue 2:9-21; 9:24-27) Gayunman, walang ibang bayang Canaanita maliban sa mga Gibeonita ang humingi ng kaawaan o gumamit ng pagkakataon na makipagpayapaan. Sa halip, pinili ng mga Canaanita na patigasin ang kanilang puso laban sa Diyos.​—Josue 11:19, 20.

Taglay ng Diyos ang Awtoridad

Kapag sinisikap na unawain ang paggamit ng Diyos sa kapangyarihan, dapat tayong magsimula sa pangunahing katotohanan hinggil sa ating katayuan sa harap ng Diyos. “Kami ang luwad, at ikaw ang aming Magpapalayok,” ang may-kapakumbabaang kinilala ni propeta Isaias. (Isaias 64:8) Maliwanag, bilang Maylalang ng uniberso, maaaring gamitin ng Diyos ang kapangyarihan sa anumang paraan na gusto niya. Bilang pagkilala sa awtoridad ng Diyos, masasabi natin ang tulad ng sinabi ni Solomon: “Ang salita ng hari ang siyang kapangyarihang manupil; at sino ang makapagsasabi sa kaniya: ‘Ano ang ginagawa mo?’”​—Eclesiastes 8:4; Roma 9:20, 21.

Dahil sa posisyon ng Diyos bilang ang Maylalang na makapangyarihan-sa-lahat, may karapatan siyang magbigay at mag-alis ng buhay sa lupa. Tunay nga, ang mga tao ay walang lehitimo at may-kabatirang kaunawaan upang mag-alinlangan sa paggamit ng Diyos sa kapangyarihan. Dapat na matutuhan ng tao na iayon ang kaniyang pag-iisip sa Diyos. “Hindi ba ang mga daan ninyo ang siyang hindi nakaayos nang wasto?” may-katuwirang itinanong ni Jehova.​—Ezekiel 18:29; Isaias 45:9.

Ang katarungan at ang pag-ibig ni Jehova sa kaniyang bayan ay magpapakilos sa kaniya na alisin sa lupa yaong mga umaabuso sa kapangyarihan at may-karahasang yumuyurak sa mga karapatan ng iba. Ang pagkilos na ito ng kapangyarihan ay magtatatag ng sakdal na mga kalagayan sa lupa para sa lahat ng taong nagnanais nito at umiibig sa kapayapaan. (Awit 37:10, 11; Nahum 1:9) Sa gayon, ang pamahalaan ng Diyos ay mabibigyang-katarungan at maipagbabangong-puri magpakailanman.​—Apocalipsis 22:12-15.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share