Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g01 11/22 p. 10-11
  • Ano ang Inilalaan ng Kinabukasan?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ano ang Inilalaan ng Kinabukasan?
  • Gumising!—2001
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ano ang Ginagawa Hinggil Dito?
  • Kailangan ang Malalaking Pagbabago
  • Ang Pinakasanggalang ng Biodiversity
  • Sino ang Magpapakain sa Daigdig?
    Gumising!—2001
  • Ang Masalimuot na Kawing ng Buhay
    Gumising!—2001
  • Sinisira ba ng Tao ang Kaniya Mismong Pinagkukunan ng Pagkain?
    Gumising!—2001
  • Maililigtas Pa Kaya ang mga Uri ng Halaman at Hayop sa Lupa?
    Gumising!—2001
Iba Pa
Gumising!—2001
g01 11/22 p. 10-11

Ano ang Inilalaan ng Kinabukasan?

ANG tao ay bahagi lamang ng kabuuang larawan. Ang lahat ng nilalang sa lupa ay may kani-kanilang dako, ayon sa kani-kanilang bigay-Diyos na papel. Kabahagi natin sa maraming bagay ang mga uring buháy sa paligid natin​—higit sa lahat, ang himala ng buhay mismo. Sa dahilang ito, maraming tao ang nakadarama ng malaking kawalan kapag naglaho ang isang uring buháy.

Sinabi ng siyentipikong si Anthony C. Janetos, na sumusulat sa magasing Consequences: “Marami ang sasang-ayon na bilang isang lipunan, mayroon tayong moral na obligasyon na pangalagaan ang kalagayan ng planeta upang matirhan, at gumawi bilang mga responsableng katiwala ng mga biyolohikal na yaman nito para sa pangkasalukuyan at sa panghinaharap na kapakanan ng tao. Upang magawa iyan, kinakailangang pahalagahan ang papel na ginagampanan ng biodiversity​—kapuwa sa kung ano ang mailalaan nito para sa likas na daigdig at sa mga paraan kung paano natin magagamit ito​—at ang pagkadama ng pananagutan na mapanatili ito.”

Ano ang Ginagawa Hinggil Dito?

Tunay, ang pagkabahala ng daigdig sa paglaho ng buháy na mga yaman ay nagpangyari sa mga kinatawan mula sa mga pamahalaan at iba pang mga ahensiya na magsama-sama upang kumatha ng isang Kasunduan Hinggil sa Biyolohikal na Pagkakasari-sari. Kinikilala ng malawak na kasunduang ito na ang pag-iingat sa biodiversity ay isang karaniwang pagkabahala ng lahat ng tao.

Bilang isang karagdagang hakbang sa pag-unawa ng biodiversity, idineklara ng mga biyologo, ekologo, at iba pang mga siyentipiko sa buong daigdig ang 2001-2 bilang ang International Biodiversity Observation Year (IBOY). Si Diana Wall, isang biyologo sa Colorado State University na nangangasiwa bilang tsirman ng IBOY, ay nagsabi: “Ang paggalugad sa biodiversity ay magsisiwalat ng maraming kapakinabangan sa pamamagitan ng pagtuklas ng bagong mga gene at mga kemikal na magagamit para sa mga gamot, sa pagpapabuti ng ani o sa pagpapanauli ng maruming lupain.” Idinagdag ni Wall: “Higit na mahalaga, ang pag-alam sa kung saan matatagpuan ang bagong mga uri, kung ano ang kanilang papel sa pagpapanatili ng magandang sistema ng ekolohiya at kung paano maiingatan ang mga ito ay mahalaga sa paggawa ng mga pasiyang may kabatiran hinggil sa ating lupa, mga ilog at mga karagatan.”

Kailangan ang Malalaking Pagbabago

Bagaman may nagawa nang ilang kapuri-puring pagsulong, ang gayong mga pagsisikap ay pangunahin nang nakatuon sa mga sintomas kaysa sa mga sanhi. Ayon sa mga mananaliksik, sa puntong ito ay walang sapat na panahon ang tao. Habang iniisip ni Ruth Patrick ng Academy of Natural Sciences of Philadelphia, Pennsylvania, E.U.A., ang tinawag niyang “potensiyal na paglaho ng biodiversity,” ang kaniyang naging konklusyon ay na “mahalaga ang panahon . . . Kailangang-kailangan ang tuwiran at dagliang pagkilos.” Upang mabago ang direksiyon tungo sa pagkalipol, kailangan ang dagliang pagbabago sa paraan ng pakikitungo ng tao sa planetang ito at sa mga bagay na buháy na naririto. Higit pa sa pagkontrol sa pinsala ang kailangan. “Kung gayon, ang mga problema sa pag-iingat ng biyolohikal na pagkakasari-sari ay hindi maihihiwalay mula sa mas malalaking isyu hinggil sa pagsulong ng lipunan,” pahayag ng World Resources Institute.

Ang pagtatamo ng gayong tunguhin ay mangangailangan ng malaking pagbabago sa lipunan ng tao. Kinikilala ng aklat na Caring for the Earth na ang responsableng pagganap sa papel ng isang katiwala ay nangangailangan ng “mga pamantayang moral, mga ekonomiya at mga lipunan na naiiba mula sa karamihan na laganap sa ngayon.”

Maliwanag na ipinakikita ng Bibliya na hindi talaga kaya ng mga tao na magdulot ng gayong mga pagbabago. Sinasabi ng Jeremias 10:23: “Nalalaman kong lubos, O Jehova, na ang lakad ng makalupang tao ay hindi sa kaniyang sarili. Hindi sa taong lumalakad ang magtuwid man lamang ng kaniyang hakbang.” (Kawikaan 20:24) Ang katotohanang ito ay tiyak na nakikita sa buong takbo ng kasaysayan, at ang mga resulta ng pagwawalang-bahala ng tao sa simulaing ito ay tuwirang nagdala sa atin sa “mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan” na sinasabi sa 2 Timoteo 3:1-5. Ipinakikita rin sa atin ng sunud-sunod na mga talatang ito na ang mga panahong mapanganib ay epekto ng maling pag-iisip ng mga tao. Samakatuwid, hangga’t hindi nagbabago ang mga tao, ang anumang mga solusyon sa mga problemang kinakaharap natin ay pansamantala lamang kahit sa pinakakaayaayang mga kalagayan.

Sinabi ng siyentipikong kilalá sa daigdig na si Dr. Jane Goodall sa isang panayam na ang pagsira sa tirahan “ay madalas na nauugnay sa kasakiman sa ekonomiya at materyalismo sa daigdig ng mayayamang bansa.” At ang botanikong si Peter Raven, dating kalihim ng U.S. National Academy of Sciences, ay nagbabala na ang “kawalang-alam, pagwawalang-bahala, karukhaan at kasakiman ay gumagawa ng magkakaugnay na problema na nagbabantang lubos na baguhin ang Lupa ukol sa ikasasama.” Kaya, kalakip sa ilang pamantayan na kailangang baguhin ay ang pag-iimbot, kasakiman, kawalang-alam, pagtingin lamang sa kasalukuyan, at pagiging makasarili.

Ang Pinakasanggalang ng Biodiversity

Mauunawaan naman, ang Maylalang ng buhay na nagtataglay ng kamangha-manghang pagkakasari-sari ay lubhang interesado sa kinabukasan ng kaniyang nilalang. Sinasabi sa atin ng Bibliya na malapit nang kumilos ang Diyos sa pamamagitan ng ‘pagpapahamak sa mga nagpapahamak sa lupa.’​—Apocalipsis 11:18.

Ibabalik ba ng Diyos ang mga uring buháy na nalipol dahil sa pagpapahamak ng tao sa lupa? Kung nais ng Maylalang na muling umiral sa lupa ang lipól nang mga uri ng hayop, tiyak na kaya niyang muling lalangin ang mga ito sa hinaharap. Kapit din ito sa mga lipól nang halaman. Ngunit yamang hindi ito binabanggit ng Bibliya sa atin, hindi magiging isang katalinuhan ang manghinuha sa bagay na ito.

Ang talagang ginagarantiyahan ng pamamahala ng Diyos ay ang pagpapala para sa bawat bagay na buháy sa lupa. “Magsaya ang lupa,” sabi ng salmista. “Magdiwang ang dagat, at lahat ng nasa loob nito; magbunyi ang mga kaparangan, at lahat ng bagay na naroroon. Pagkatapos ay aawit sa kagalakan ang lahat ng punungkahoy.”​—Awit 96:11, 12, New International Version.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share