Mga Kameo ng Italya—Mumunting Obra Maestra
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA ITALYA
Pumunta kami sa Torre del Greco, na nasa Look ng Naples, upang makita ang paggawa ng isa sa mga gawang-kamay na sining na karaniwan sa bahaging ito ng Italya. Ang tinutukoy namin ay ang mga kameo—alahas na inukit mula sa mga kabibi. Balak naming dalawin ang isa sa maraming pagawaan ng kameo sa bayang ito, pero bago kami magsimula, marahil ay nais mong malaman ang ilang bagay tungkol sa mga kameo at ang mahabang kasaysayan ng mga ito.
ANG mga kameo ay mga hiyas, matitigas na bato, o mga kabibing inukit na nakaumbok. Ang agata, onix, sardonica, at ang ilang kontsa ay lalo nang angkop sa ganitong uri ng gawa, yamang ang mga suson nito na may iba’t ibang kulay ay nagpapangyaring makalikha ng nakasisiyang mga pagkakaiba. Ang pamamaraang ginagamit ay sinasabing katulad niyaong sa nakaumbok na mga eskultura ngunit maliliit lamang.
Maraming kameo na yari sa matitigas o mahahalagang bato ang galing pa sa panahon ng mga Persiano at Griego-Romano, na nagpapatunay sa popularidad ng mga ito noong sinaunang panahon. Mas bago ang mga kameo na yari sa kabibi. Ang nakar ay sinimulang gamitin sa Pransiya, Alemanya, at sa Flanders noong ika-14 at ika-15 siglo. Waring lubhang pinahahalagahan ang mga sinaunang bagay na yari sa kabibi sa mayayaman at sopistikadong mga palasyo sa Pransiya. Ang mga paglalakbay upang tumuklas noong mga taóng iyon ay humantong sa pagdagsa sa Europa ng pambihira at eksotikong mga materyales—mga dambuhalang bahay ng pagong, mga pangil ng narwhal, jade, amber, at kakaibang mga kabibi. Pumukaw ito ng interes sa pag-aaral sa likas na mga bagay at nagpasigla sa imahinasyon ng mahuhusay na artisano, alahero, at mga tagaukit. Malamang na noong ika-16 na siglo, ang mga kontsa mula sa uring Cassidae at Cypraeidae ay nasumpungang lalo nang angkop para sa pag-uukit ng kameo.
Sa tinatawag na panahong neo-klasiko naranasan ang panunumbalik ng interes sa sinaunang sining, at noong ika-18 siglo, dumami ang mga kameo na yari sa kabibi, sa kabila ng paghamak dito ng ilan dahil sa ito raw ay mga imitasyon lamang yamang mas mababa ang uri ng kabibi kaysa sa mga batong hiyas. Mula noon ay bumaba na ang bilang ng mga sentrong gumagawa ng mga kameo. Sa ngayon, ang sining na ito ay nananatili na lamang sa dalawang bayan—sa Idar-Oberstein, Alemanya, na dalubhasa sa mga agata na ginamitan ng makina, at sa Torre del Greco, Italya, kung saan patuloy pa ring ginagawa sa pamamagitan ng kamay ang mga kameo na yari sa kabibi.
Ngayong may nalalaman na tayo, halika at tingnan natin kung paano ginagawa ang makabagong kameo na yari sa kabibi.
Sa Pagawaan ng Kameo
Ang pagawaan na dadalawin natin ay nasa isang makipot na kalye sa sentro ng Torre del Greco. Nagkalat sa mesa ng bihasang manggagawa ang mga kasangkapan at mga kameo na nasa iba’t ibang yugto ng pagkakayari. Namangha kami sa kagandahan ng piraso na tinatapos niya—isang masalimuot na tanawin sa pastulan na may ilang anyo.
Ang mga kabibi na ginagawang kameo ay galing sa Bahamas at sa mga lugar sa Caribbean at sa mga katubigan ng Silangang Aprika. Nakalilikha ng mga kameo na may iba’t ibang kulay mula sa iba’t ibang uri ng kabibi. Halimbawa, yaong inukit sa Cassis madagascariensis (karaniwang kilala bilang kabibing sardonica) ay may puting disenyo sa ibabaw ng matingkad na kayumanggi; yaong sa Cypraecassis rufa (kabibing carnelian) ay may mapupusyaw at matitingkad na kulay ng mapulang kayumanggi. Ang pinakamahal ay yaong may pinakamalaking pagkakaiba sa kulay.
Ang unang hakbang ay ang pagtapyas sa pinakakopa—ang bahagi ng kabibi na gagamitin—sa pamamagitan ng bilog na talim na pinalamig sa tubig. Ang mga hugis ng kameo na gagawin, karaniwan nang habilog o pabilog, ay iginuguhit sa panloob na ibabaw ng pinakakopa, na pagkatapos ay bahagyang tatapyasin tungo sa mas maliliit na pirasong may mga gilid. Karaniwan nang isang malaki at dalawang mas maliliit na kameo lamang ang maaaring gawin mula sa pangkaraniwang kabibi. Kailangan ang isang bihasang mata upang makita ang potensiyal ng bawat kabibi, iyon ay, kung paano ito dapat na tapyasin. Halimbawa, kapag may tatlong bahaging nakausli sa pang-ibabaw ng isang kabibi, maaaring umukit ng tatlong hugis mula rito. Minsang matapyas na, ang bawat piraso ay ginagawa ayon sa ninanais na hugis sa pamamagitan ng isang gulong na pangkinis. Pagkatapos ay idinidikit ito sa isang maikling tangkay na kahoy para mas madali itong hawakan, at pinakikinis ang magaspang na panlabas nito hanggang sa tamang kapal. Sa puntong ito ay hinahayaan ng artisano na ang piraso ng kabibi ang siyang gumabay sa kaniya kung anong hugis ang uukitin niya. Sandaling guguhitan niya ng lapis ang ibabaw at saka magsisimulang umukit.
Isang electric mill—isang barena na may nagpapakinis na talim—ang ginagamit upang alisin ang di-kinakailangang materyal. Kapag lumabas na ang disenyo, nagsisimula ang pag-ukit sa pamamagitan ng kamay na ginagamit ang napakatatalas na kasangkapan na may iba’t ibang sukat na tinatawag na mga burin. Kailangang mabuo ang disenyo sa eksaktong lalim na doo’y nagbabago ang kulay ng kabibi mula sa mapusyaw tungo sa matingkad. Sa pamamagitan ng pagtapyas tungo sa iba’t ibang lalim, ang dalubhasang artisano ay makalilikha ng impresyon ng mga naaaninag na lambong. Sa wakas, lilitaw na nakaumbok ang isang napakadetalyadong hugis sa ibabaw ng mas matingkad na pang-ilalim!
Napakaraming hugis ang maaaring ukitin. Marahil ay nakita mo na ang hugis ng isang magandang babae—na laging isang paborito. Ang mumunting bista sa tagiliran (profile) o mga bulaklak ay ginagamit sa mga singsing o hikaw. Ang mas malalaking kameo naman, na mga 75 milimetro ang sukat, ay ginagamit sa mga alpiler o palawit at maaaring maglarawan ng mas masasalimuot na paksa—mga tanawin at mga komposisyon ng pastulan o ng mga klasiko. Ang pinakamalaki, na umaabot sa sukdulang sukat na marahil ay 200 milimetro, ay maaaring ikuwadro o ikabit sa mga pedestal. Nakasalalay ang presyo ng mga ito hindi lamang sa sukat at sa mga materyales na ginamit sa pagkakabit kundi lalo na rin sa pagkakagawa at pag-iingat na nasasangkot sa pagbuo nito. Ang ilan ay tunay na mga gawang sining.
Dahil sa ang bihasang manggagawa ay ginagabayan ng uri ng materyales na kaniyang ginagamit at kailangan niyang samantalahin ang mga pagkakasari-sari nito upang makabuo ng isang bagay, hindi kailanman magiging posible na gumawa ng mga kameo na yari sa kabibi sa pamamagitan ng makina at walang dalawa nito ang maaaring maging magkaparehong-magkapareho. Ang mga ito ay talagang mga pambihira at kaakit-akit na palamuti—tunay na mumunting obra maestra.
[Mga larawan sa pahina 16]
PAGGAWA NG KAMEO
Mga kabibi na ginagamit sa paggawa ng mga kameo
Tinatapyas ang pinakakopa upang gumawa ng mga kameo
Ang hugis ng kameo ay iginuguhit sa kabibi
Ang kabibi ay tinatapyasan humigit-kumulang sa tamang sukat
Matapos palitawin ang disenyo sa kabibi, ang manggagawa ay abala na sa kaniyang mesa
[Larawan sa pahina 17]
Gemma Augustea, na ginawa sa pagitan ng 10 C.E. at 20 C.E. Ang sukat nito ay 19 na sentimetro por 23 sentimetro
[Credit Line]
Erich Lessing/Art Resource, NY