Pag-asa Para sa mga Pinahihirapan ng Artritis
“ANG artritis ay hindi isang pangunahing sanhi ng pagkamatay gaya ng sakit sa puso o kanser,” sabi ni Dr. Fatima Mili, “subalit malaki ang epekto nito sa kalidad ng buhay.” Maaaring maapektuhan ng artritis ang lahat ng aspekto ng buhay ng isang tao. Ano ba ang ilan sa mga problema na nakakaharap niyaong mga pinahihirapan ng artritis? Posible ba itong mapagtagumpayan?
Si Katia,a edad 28, mula sa Italya ay nagsasabi: “Mula nang ako’y masuri na may artritis sa edad na 20, nagbago na ang buong buhay ko. Kinailangan kong magbitiw sa aking trabaho at iwan ang aking karera sa buong-panahong ministeryo dahil sa kirot.” Ang kirot ay isang pangkaraniwang problema sa mga pinahihirapan ng artritis. Si Alan, edad 63, mula sa Inglatera ay nagsasabi: “Laging may makirot sa iyong katawan, bagaman ito ay maaaring bahagya lamang.” Isa pang hamon ang pagkapagod. “Mabata mo man ang kirot at pamamaga,” ang sabi ni Sarah, edad 21, “hindi mo mababata ang pagkapagod.”
Emosyonal na Kirot
Ayon sa 61-taóng-gulang na si Setsuko, ng Hapón, ang pakikipagpunyagi araw-araw sa namamalaging kirot ay maaari ring “magpahina sa iyo sa emosyonal at mental na paraan.” Aba, kahit na nga ang paghawak sa isang lapis o sa telepono ay maaaring maging isang hamon! Si Kazumi, edad 47, ay naghihinagpis: “Naging imposible para sa akin na gawin kahit ang karaniwang mga bagay na nagagawa ng isang bata.” Ganito ang sabi ng 60-taóng-gulang na si Janice, na hindi na makatagal sa pagtayo: “Nakapanghihina ng loob dahil sa hindi ko magawa ang dati kong ginagawa.”
Ang mga limitasyong iyon ay maaaring magdulot ng pagkasiphayo at negatibong damdamin tungkol sa iyong sarili. Si Gaku, edad 27, ay isa sa mga Saksi ni Jehova at nagsabi: “Parang wala na akong halaga dahil sa hindi ako nakababahagi nang lubusan sa gawaing pag-eebanghelyo o hindi ko nagagampanan ang mga atas sa kongregasyon.” Binabanggit naman ni Francesca, na nakipagbaka sa artritis mula sa edad na dalawa, ang tungkol sa “pagkalugmok nang husto sa pagkasiphayo.” Ang gayong pagkasiphayo ay maaaring magkaroon ng masasamang epekto sa espirituwal. Inamin ni Joyce, isang Saksi mula sa Timog Aprika, na sinimulan niyang ilayo ang kaniyang sarili sa mga pulong Kristiyano. “Talagang hindi ko kayang makipagkita sa sinuman,” ang paliwanag niya.
Ang isa na pinahihirapan nito ay maaari ring magkaroon ng maraming kabalisahan hinggil sa hinaharap—takot na hindi na makakilos at umasa na lamang sa iba, takot na maiwan nang walang mag-aaruga, takot na mahulog at mabalian ng mga buto, takot na hindi makapaglaan sa pamilya. Ganito ang sabi ni Yoko, edad 52: “Kapag nakikita kong nangyayari ang mga depormidad, natatakot akong dumami ang mga ito.”
Maaari ring dumanas ng emosyonal na kirot ang mga miyembro ng pamilya, yamang araw-araw nilang nakikita ang paghihirap ng kanilang minamahal. Maaari pa ngang maranasan ng ilang mag-asawa ang matinding problema sa kanilang pagsasama. Isang babae sa Inglatera, na nagngangalang Denise, ang nagsabi: “Pagkaraan ng 15 taon ng pag-aasawa, sinabi ng asawa ko, ‘Hindi ko na makayanan ang iyong artritis!’ Iniwan niya ako at ang aming 5-taóng-gulang na anak na babae.”
Kaya ang artritis ay naghaharap ng isang napakalaking hamon kapuwa sa mga pinahihirapan nito at sa kanilang mga pamilya. Gayunpaman, matagumpay na nahaharap ito ng marami! Suriin natin kung paano nagagawa ito ng ilan.
Isaalang-alang ang Iyong mga Limitasyon
Mahalaga ang pagkakaroon ng tamang pahinga kung ikaw ay isa na pinahihirapan ng artritis; mababawasan nito ang pagkapagod. Gayunman, hindi ito nangangahulugan na hindi ka na kikilos. Ganito ang paliwanag ni Timothy: “Kailangang manatili kang aktibo upang hindi ka madaig ng artritis sa mental na paraan sapagkat kung hahayaan mo ito, basta ka na lamang uupo at daranasin ang kirot.” Ang dalubhasa sa rayuma na si William Ginsburg ng Mayo Clinic ay nagsabi: “Hindi malinaw ang pagkakaiba ng paggawa nang labis at paggawa nang napakakaunti. Kung minsan, ang mga tao ay kailangang paalalahanan na maghinay-hinay at isaalang-alang ang kanilang sakit.”
Maaaring kabilang dito ang pagbabago sa kung paano mo minamalas ang iyong mga limitasyon. Ganito ang sabi ni Daphne, mula sa Timog Aprika: “Kailangan kong maging makatotohanan at alamin na ang kakayahan kong gawin ang ilang bagay ay hindi naman nawala; kailangan ko lamang gawin ang mga ito nang mas mabagal. Sa halip na maging balisa o masiphayo, gumagawa ako nang paunti-unti lamang.”
Magandang ideya rin na malaman ang iba’t ibang nakatutulong na mga aparato na makukuha, marahil ay ipakipag-usap ito sa iyong doktor o sa iyong physical therapist. Ganito ang sabi ni Keiko: “Nagkabit kami ng isang stair lift. Ang pagpihit sa mga pihitan ng pintuan ay nakasasakit sa aking mga pulsuhan, kaya pinalitan namin ang mga ito. Ngayon ay nabubuksan ko na ang lahat ng pinto sa pamamagitan ng pagtulak dito sa pamamagitan ng aking ulo. Nagkabit kami ng uring-pingga na mga hawakan sa lahat ng mga gripo sa bahay upang sa paanuman ay makagawa ako ng ilang gawaing-bahay.” Ganito naman ang sabi ng isa pang pinahihirapan ng artritis na nagngangalang Gail: “Ang aking mga susi sa kotse at sa bahay ay nakakabit sa isang mahabang hawakan, anupat ginagawang madali para sa akin na ipihit ang mga ito. Ang aking suklay at brush ay nasa mahahabang hawakan at maaaring baguhin sa iba’t ibang anggulo para sa pagsusuklay at pagba-brush.”
Suporta ng Pamilya—“Isang Pinagmumulan ng Lakas”
Ganito ang sabi ni Carla, mula sa Brazil: “Napakahalaga ng suporta ng aking asawa. Ang bagay na sinasamahan niya ako sa aking mga pagdalaw sa doktor ay nagbigay sa akin ng lakas ng loob. Magkasama naming natuklasan kung paano naaapektuhan ng sakit ang aking katawan, kung anu-ano ang mga sintomas nito, at kung anong paggamot ang kinakailangan. Mas mabuti ang pakiramdam ko sapagkat nauunawaan niya kung ano ang nararanasan ko.” Oo, ang mga asawang lalaki o babae na kumikilala sa mga limitasyon ng kani-kanilang kabiyak at handang malaman ang tungkol sa kondisyon nito ay maaaring maging isang malaking pinagmumulan na lakas at suporta.
Halimbawa, nagtrabaho si Bette bilang tagalinis nang ang kaniyang asawa ay hindi na makapagtrabaho sa konstruksiyon dahil sa artritis. Si Kazumi ay hindi lamang inalagaan ng kaniyang asawang lalaki kundi ginawa rin nito ang gawain sa bahay na hindi niya magawa. Isa pa, sinanay nito ang kanilang mga anak na gawin ang kanilang magagawa upang tumulong. Sabi ni Kazumi: “Ang aking asawa ay naging isang pinagmumulan ng lakas. Kung wala ang kaniyang tulong, mas masahol pa ang magiging kalagayan ko.”
Ganito ang babalang ibinigay ng isang babaing nagngangalang Carol, mula sa Australia: “Mag-ingat na huwag punuin ang iskedyul ng napakaraming gawain. Ang damdamin ng kawalang-kaya ay agad kong nadarama kung hindi ako makaagapay sa pamilya.” Ang suporta ng pamilya na may tunay na pang-unawa at konsiderasyon ay maaaring maging isang pinagmumulan ng lakas para sa mga pinahihirapan ng artritis.
Espirituwal na Tulong
Sabi ni Katia: “Kapag ang isang tao’y pinahihirapan ng isang karamdamang gaya nito, kumbinsido siya na walang nakababatid kung ano ang nararanasan niya. Kaya mahalagang bumaling sa Diyos na Jehova, sa pagkaalam na talagang nauunawaan niya ang ating pisikal at emosyonal na kalagayan. (Awit 31:7) Ang pagkakaroon ng mabuting kaugnayan sa kaniya ang nagbibigay sa akin ng kapayapaan ng isip na mamuhay nang halos mahinahon taglay ang aking karamdaman.” Angkop na tinatawag ng Bibliya si Jehova bilang ‘ang Diyos ng buong kaaliwan, na umaaliw sa atin sa lahat ng ating kapighatian.’—2 Corinto 1:3, 4.
Kaya ang panalangin ay maaaring maging isang malakas na pinagmumulan ng kaaliwan para sa isa na dumaranas ng namamalaging kirot. Ganito ang sabi ni Kazumi: “Sa mahahabang gabi na hindi ako makatulog dahil sa kirot, lumuluhang ibinubuhos ko ang aking niloloob kay Jehova, na humihingi sa kaniya ng lakas upang mabata ang kirot at ng karunungan upang maharap ang lahat ng aking mga problema. Tunay na sinagot ako ni Jehova.” Naranasan din ni Francesca ang maibiging suporta ng Diyos. Sabi niya: “Nakita ko ang katuparan ng pananalita sa Filipos 4:13: ‘Sa lahat ng bagay ay may lakas ako dahil sa kaniya na nagbibigay ng kapangyarihan sa akin.’”
Kadalasan, ang Diyos na Jehova ay nagbibigay ng suporta sa pamamagitan ng kongregasyong Kristiyano. Halimbawa, sinasabi ni Gail ang tulong na tinanggap niya mula sa kaniyang espirituwal na mga kapatid sa lokal na kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova. “Ang kanilang pag-ibig ay nakatulong sa akin na huwag manlumo,” sabi ni Gail. Sa katulad na paraan, nang tanungin si Keiko, “May naiisip ka bang anumang bagay na naging kalugud-lugod sa iyong buhay?,” siya’y tumugon: “Oo, ang lahat ng pag-ibig at simpatiya na natanggap ko mula sa lahat sa kongregasyon!”
Sa mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova, ang mga tagapangasiwa ay nangunguna sa pagbibigay ng gayong suporta. Sabi ni Setsuko: “Hindi ko mailarawan ang kamangha-manghang epekto nito sa isang taong nakikipagpunyagi sa karamdaman kapag ang matatanda ay nakikinig at nagbibigay ng kaaliwan.” Gayunman, gaya ng ipinaalaala sa atin ng isang pinahihirapan ng artritis na nagngangalang Daniel, “makatutulong lamang ang ating espirituwal na mga kapatid kung hahayaan natin silang tumulong.” Sa gayon, mahalaga na ang mga pinahihirapan ng artritis ay manatiling nakikipag-ugnayan sa mga kapuwa Kristiyano, na ginagawa ang lahat ng kanilang magagawa upang makadalo sa mga pulong ng kongregasyon. (Hebreo 10:24, 25) Doon ay makatatanggap sila ng kinakailangang espirituwal na pampatibay-loob upang makapagbata.
Magwawakas ang Paghihirap
Ang mga pinahihirapan ng artritis ay nagpapasalamat sa mga manggagamot dahil sa mga pagsulong na kanila nang nagawa. Gayunman, kahit na ang pinakamahuhusay na paggamot ay malayung-malayo sa pagiging tunay na lunas. Sa pagsasaalang-alang ng lahat ng bagay, masusumpungan ng mga pinahihirapan ng artritis ang kanilang pinakamalaking kaaliwan sa pagtanggap sa mga pangako ng Diyos hinggil sa isang bagong sanlibutan.b (Isaias 33:24; Apocalipsis 21:3, 4) Sa sanlibutang iyon ‘lulukso ang pilay na gaya ng lalaking usa.’ (Isaias 35:6) Mawawala na magpakailanman ang artritis at ang lahat ng iba pang sakit na nagpapahirap sa sangkatauhan! Kaya si Peter, isang biktima ng artritis sa gulugod, ay nagsabi: “May natatanaw akong pag-asa sa hinaharap.” Ganito rin ang sabi ng isang babaing Kristiyano na nagngangalang Giuliana: “Itinuturing ko ang bawat araw na lumilipas bilang isang tagumpay, anupat nabawasan ng isang araw ang pagbabata bago dumating ang wakas!” Oo, malapit na ang panahon kung kailan magwawakas hindi lamang ang artritis kundi ang lahat din ng paghihirap!
[Mga talababa]
a Binago ang ilang pangalan.
b Kung nais mong dalawin ka ng isa sa mga Saksi ni Jehova upang ipaliwanag sa iyo ang mga pangako ng Bibliya, makipag-ugnayan sa lokal na kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova o sumulat sa mga tagapaglathala ng magasing ito.
[Mga larawan sa pahina 10]
Maraming aparato na tumutulong sa mga pinahihirapan ng artritis na magkaroon ng kapaki-pakinabang na buhay
[Larawan sa pahina 12]
Ang maibiging suporta ay masusumpungan sa mga pulong Kristiyano