Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g01 12/8 p. 22-23
  • Fêng Shui—Ito ba’y Para sa mga Kristiyano?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Fêng Shui—Ito ba’y Para sa mga Kristiyano?
  • Gumising!—2001
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ano ba Ito?
  • Ang Pangmalas ng Kristiyano
  • Talaan ng mga Nilalaman
    Gumising!—2001
  • Mula sa Aming mga Mambabasa
    Gumising!—2002
  • Paano Mo Malalaman ang Magiging Kinabukasan Mo?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pampubliko)—2021
  • Panghuhula
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
Iba Pa
Gumising!—2001
g01 12/8 p. 22-23

Ang Pangmalas ng Bibliya

Fêng Shui​—Ito ba’y Para sa mga Kristiyano?

SA Asia, ang mga lugar na pinaglilibingan ay pinipili ayon dito. Dinidisenyo at pinapalamutian ang mga gusali salig dito. Binibili at ipinagbibili ang ari-arian batay rito. Sa Tsino, ito ay kilala bilang fêng shui, isang anyo ng geomancy o panghuhula. Bagaman popular na ang fêng shui sa Asia sa loob ng maraming siglo, lumaganap ito nitong kamakailang mga taon sa mga Kanluraning lupain. Ginagamit ito ng ilang arkitekto sa pagdidisenyo ng matataas na gusali, opisina, at bahay. Ginagamit ito ng ilang maybahay sa pagpapalamuti ng kanilang mga tahanan. Napakaraming aklat at mga Internet Web site ang nagtataguyod at nagtuturo nito.

Ang dahilan ng paglaganap ng popularidad nito? Ayon sa isang tagapagtaguyod nito, ang fêng shui ay maaaring magdulot ng “mas magandang uri ng pamumuhay, kalusugan, mas mahuhusay na pag-aasawa o pagsasama, mas malaking kayamanan, at personal na kapayapaan sa isip.” Bagaman lahat ng iyan ay kaakit-akit, ano nga ba ang gawaing ito, at paano ito dapat malasin ng mga Kristiyano?

Ano ba Ito?

Ang mga salitang Tsino na fêng shui ay literal na nangangahulugang “hangin-tubig.” Nagsimula ang fêng shui noong nakalipas na libu-libong taon nang panahong nabuo ang maraming pilosopiya sa Silangan. Kalakip sa mga ito ang paniniwala sa tinatawag na pagkatimbang ng yin at yang (dilim at liwanag, init at lamig, negatibo at positibo). Ang konsepto ng yin at yang ay sinamahan ng ideya ng chʼi, na literal na nangangahulugang “hangin” o “hininga.” Ang yin, yang, at chʼi, kalakip ang iba pang tinatawag na limang elemento ng kahoy, lupa, tubig, apoy, at metal, ay bumubuo sa pangunahing mga bahagi ng teoriya ng fêng shui. Naniniwala ang mga deboto ng fêng shui na ang makapangyarihang mga daloy ng enerhiya ay tumatakbo sa bawat tanawin. Ang tunguhin ay hanapin ang mga lugar kung saan ang mga enerhiya, o chʼi, ng lupa at langit ay ginagawang timbang. Ito ay naisasakatuparan sa pamamagitan ng pagpapalit sa mismong tanawin o paggawa ng mga pagbabago sa loob ng isang gusali sa isang partikular na lugar. Ang paggawang timbang nito ay ipinapalagay na magdudulot ng suwerte sa mga nagtatrabaho o naninirahan doon.

Karaniwan nang sinasangguni ng mga dalubhasa sa fêng shui ang isang kompas na ginagamit sa geomancy.a Ito’y isang maliit na kompas na may magnet na nakalagay sa gitna ng isang tsart na pangunahin nang ginagamit sa astrolohiya. Ang kompas ay may mga bilog na may iisang sentro, na nahati-hati ng mga linya. Ang isang kompas na ginagamit sa geomancy ay naglalaman ng impormasyon hinggil sa mga bagay na tulad ng mga konstelasyon, panahon, at yugto ng mga siklo ng araw. Kapag sinusuri ang isang lugar o gusali, may ilang impormasyon ang nakukuha sa kompas. Tinitingnan ng dalubhasa sa fêng shui kung saan nakaturo ang karayom ng kompas sa mga lugar ng mas malalaking linya at bilog, at mula rito ipinapasiya niya kung ano ang kinakailangan upang “pagalingin” ang isang lugar.

Ang kalapit na topograpiya, mga daang-tubig, mga kanal, at maging ang paglalagay ng mga bintana’t pintuan sa isang gusali ay maaaring isaalang-alang sa pagpapasiya kung paano gagawing timbang ang lugar. Halimbawa, sa Canada, isang tindera ang nagsabit ng isang salamin sa likurang pintuan ng kaniyang tindahan upang “iwasto” ang posisyon ng mga pintuan nito. Sa katulad na paraan, ang isang nagsasagawa ng geomancy ay maaaring magmungkahi na ilipat ang mga halaman o muwebles, palitan ang isang larawan, magdagdag ng mga wind chime, o maglagay ng isang akwaryum upang gawing timbang ang isang gusali o silid.

Ang Pangmalas ng Kristiyano

Kapansin-pansin, inuuri ng karamihan sa mga aklatan ang mga libro hinggil sa fêng shui na kabilang sa mga akda hinggil sa astrolohiya at panghuhula. Sa katunayan, inilalarawan ng Webster’s Ninth New Collegiate Dictionary ang geomancy bilang “panghuhula sa pamamagitan ng mga pigura o mga linya o heograpikong mga katangian.” (Amin ang italiko.) Kaya, tinatanggap ng marami na ang fêng shui at iba pang uri ng geomancy ay mga anyo ng pag-alam sa hinaharap. Ang mga ito ay nagsasangkot ng panghuhula at espiritistikong mga gawain, na hindi bago sa sangkatauhan.

Nang umalis ang mga Israelita sa Ehipto at nang dakong huli ay pumasok sa lupain ng Canaan noong ika-15 siglo B.C.E., ang lahat ng uri ng panghuhula ay laganap sa parehong lupain. Sa pamamagitan ni Moises, sinabi ng Diyos, gaya ng nakaulat sa Deuteronomio 18:14: “Ang mga bansang ito na itinataboy mo ay nakikinig noon sa mga nagsasagawa ng mahika at sa mga nanghuhula; ngunit kung tungkol sa iyo, hindi ka binigyan ni Jehova na iyong Diyos ng anumang tulad nito.” Ang maraming anyo ng panghuhula sa Ehipto at Canaan ay nagmula sa sinaunang Babilonya. Nang guluhin ni Jehova ang wika ng mga tao sa Babilonya, nangalat sila sa ibang mga lugar, na dala-dala ang kanilang mga paggawing nauugnay sa Babilonikong panghuhula at espiritismo.​—Genesis 11:1-9.

Mahigpit at paulit-ulit na binabalaan ng Diyos na Jehova ang Israel na huwag isagawa ang mga panghuhula ng ibang mga bansa, na sinasabi: “Huwag masusumpungan sa iyo ang sinumang . . . nanghuhula, ang mahiko o ang sinumang naghahanap ng mga tanda . . . Sapagkat ang lahat ng gumagawa ng mga bagay na ito ay karima-rimarim kay Jehova, at dahil sa mga karima-rimarim na bagay na ito ay itinataboy sila ni Jehova na iyong Diyos mula sa harap mo.” (Deuteronomio 18:9-12; Levitico 19:26, 31) Ang mga nagsasagawa ng panghuhula ay walang pagsalang ipinapapatay.​—Exodo 22:18; Levitico 20:27.

Bakit gayon na lamang katindi ang paghatol sa panghuhula? Sinasabi sa Gawa 16:16-19 ang hinggil sa isang babae na may “isang demonyo ng panghuhula.” Oo, ang panghuhula ay pawang nauugnay sa demonismo. Kaya ang pagsasagawa ng anumang anyo ng panghuhula ay nagpapangyari sa isa na makipag-ugnayan kay Satanas at sa kaniyang mga demonyo! Malamang na magbunga iyan ng espirituwal na pinsala.​—2 Corinto 4:4.

Ang ilang popular na mga istilo ng pagpapalamuti at pagpapalit ng tanawin, na nagmula sa Silangan o Kanluran, ay maaaring orihinal na naimpluwensiyahan ng huwad na mga relihiyosong gawain tulad ng fêng shui. Gayunman, kadalasan nang ang gayong mga istilo ay lubusan nang nawalan ng relihiyosong kahalagahan. Magkagayunman, magiging isang maliwanag na paglabag sa batas ng Diyos na gamitin ang fêng shui upang hulaan ang hinaharap o upang magdulot ng suwerte o mabuting kalusugan. Ang paggawa ng gayon ay paglabag sa malinaw na utos ng Bibliya na umiwas sa paghipo sa anumang bagay na ‘marumi.’​—2 Corinto 6:14-18.

[Talababa]

a Sa mga Kanluraning lupain, sinisikap ng mga nagsasagawa nito na gawing mas magmukhang siyentipiko ang fêng shui, anupat ginagamit pa ng ilan ang mga computer upang tulungan sila sa pagsusuri ng mga heograpikong lugar.

[Larawan sa pahina 23]

Isang kompas na ginagamit sa geomancy

[Credit Line]

Pahina 2 at 23: Hong Kong Tourism Board

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share