Paano Mo Malalaman ang Magiging Kinabukasan Mo?
Naniniwala ang marami na may di-nakikitang puwersa na kumokontrol sa kinabukasan nila. Kaya ginagawa nila ang sa tingin nila ay magpapaganda ng buhay nila.
ANG PINANINIWALAAN NG MARAMI
ASTROLOHIYA: Naniniwala ang ilan na nakatadhana na ang kinabukasan nila at nakabase iyon sa posisyon ng mga bituin noong ipanganak sila. Nagbabasa sila ng horoscope para malaman kung ano ang mangyayari sa kanila, kung paano nila maiiwasan ang panganib, o kung paano sila magtatagumpay.
FENG SHUI: Naniniwala ang iba na kung ibabatay nila ang disenyo ng paligid nila sa mga di-nakikitang puwersa sa kalikasan, susuwertihin sila. Sinabi ni Lo Wing,a na taga-Hong Kong, “Sabi ng isang feng shui expert, kung maglalagay raw ako ng espesyal na kristal sa isang partikular na lugar sa tindahan ko, kikita ako ng mas maraming pera.”
PAGSAMBA SA NINUNO: May mga naniniwala na dapat nilang sambahin ang mga namatay nilang ninuno o iba’t ibang bathala para protektahan sila ng mga ito at pagpalain. Sinabi ni Van, na taga-Vietnam, “Naniniwala ako na kung magbibigay-galang ako sa mga ninuno ko, gaganda ang buhay ko ngayon at ang kinabukasan ng pamilya ko.”
REINKARNASYON: Naniniwala ang marami na paikot-ikot lang ang buhay—mabubuhay ka, mamamatay, pagkatapos ay mabubuhay ulit—at ang nangyayari sa kanila ngayon, mabuti man o masama, ay resulta ng ginawa nila sa naunang buhay nila.
Marami ang hindi naniniwala sa mga ito pero nagpapabasa naman sila ng palad, nagbabasa ng horoscope, at gumagamit ng Ouija® board at tarot card. Nagbabakasakali silang malalaman nila ang kinabukasan nila sa tulong ng mga ito.
ANO ANG MGA RESULTA?
Nagkaroon ba ng maganda at masayang buhay ang mga naniniwala at nagsasagawa ng mga ito?
Tingnan ang karanasan ni Hào, na taga-Vietnam. Umasa siya sa patnubay ng astrolohiya, feng shui, at pagsamba sa ninuno. Nagtagumpay ba siya? Sinabi niya, “Nalugi ang negosyo ko, nabaon ako sa utang, nagkagulo-gulo ang pamilya ko, at na-depress ako.”
Naniniwala rin si Qiuming, na taga-Taiwan, sa astrolohiya, reinkarnasyon, tadhana, feng shui, at pagsamba sa ninuno. Matapos niyang suriing mabuti ang mga ito, sinabi niya: “Nakakalito at nagkokontrahan ang mga turo at kaugaliang ito. Madalas mali ang mga prediksiyong batay sa astrolohiya. Sa reinkarnasyon naman, paano mo mababago o mapapabuti ang susunod mong buhay kung hindi mo maalala ang dati mong buhay?”
“Nakakalito at nagkokontrahan ang mga turo at kaugaliang ito.”—QIUMING, TAIWAN
Nakita ni Hào, ni Qiuming, at ng marami pang iba na ang kinabukasan natin ay hindi nakabatay sa tadhana, mga bituin, namatay na ninuno, o reinkarnasyon. Ibig bang sabihin, wala na tayong magagawa para gumanda ang kinabukasan natin?
Iniisip ng marami na magiging maganda ang kinabukasan nila kung kukuha sila ng mataas na edukasyon at magpapayaman. Ano ang resulta nang gawin ito ng iba?
a Binago ang ilang pangalan sa isyung ito.
b Mababasa ito sa Banal na Kasulatan sa Galacia 6:7. Ang pananalitang ito ay kahawig ng sikát na kasabihan sa mga bansa sa Silangan, Magtanim ka ng melon, aani ka ng melon; magtanim ka ng monggo, aani ka ng monggo.