Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g01 12/8 p. 24-27
  • Mga Colporteur—Naglalakad na mga Tindahan ng Aklat

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mga Colporteur—Naglalakad na mga Tindahan ng Aklat
  • Gumising!—2001
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Isang Pagsusuri sa Gawain ng Colporteur
  • ‘Mga Tagapuslit ng Pananampalataya’
  • Naglalakad na mga Aklatan
  • Organisadong mga Network
  • Ang Pagbabalik ng Gawain ng mga Colporteur
  • Pangangaral sa Madla at sa Bahay-bahay
    Mga Saksi ni Jehova—Tagapaghayag ng Kaharian ng Diyos
  • “Ako ay Sumasainyo”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2012
  • Ang Pakikipagbaka ng Bibliyang Pranses Upang Makaligtas
    Gumising!—1997
  • 100 Taon Na ang Nakalilipas​—1914
    2014 Taunang Aklat ng mga Saksi ni Jehova
Iba Pa
Gumising!—2001
g01 12/8 p. 24-27

Mga Colporteur​—Naglalakad na mga Tindahan ng Aklat

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA PRANSIYA

SA PAANAN ng Jandri Glacier, sa ibabaw ng istasyon ng pag-iiski sa Deux-Alpes sa timog-silangan ng Pransiya, isang maliit na “museo” ang binuksan mga ilang taon ang nakalipas. Kabilang sa mga eskultura ng yelo na naka-displey ay ang isa na nagpaparangal sa isang lipás nang negosyo sa bundok​—iyon ay eskultura ng isang colporteur.

Sa loob ng maraming siglo, pumupunta ang mga colporteur sa mga pamilihan at sa bahay-bahay, at iniaalok ang mga panindang dala-dala (sa wikang Pranses: porter) nila sa kanilang leeg (sa wikang Pranses: col). Hindi pa kailanman narinig ng karamihan sa mga tao sa ngayon ang hinggil sa kanila. Maaaring isipin niyaong mga nakarinig hinggil sa kanila na ang mga ito’y mga ordinaryong negosyante ng hindi mahahalagang bagay. Ang totoo, nakapag-iwan ang mga colporteur ng isang pamana na nakaaapekto sa buhay ng milyun-milyong tao hanggang sa araw na ito.

Isang Pagsusuri sa Gawain ng Colporteur

Malayo sa pagiging miserableng mga tao, lubhang organisadong mga negosyante ang maraming colporteur, na namamahagi ng pinakabagong mga paninda sa pamamagitan ng malalawak na network sa Europa. Subalit hindi lahat ng colporteur ay puspusang nagsikap sa kanilang trabaho upang kumita ng salapi. Ang ilan ay gumawa ng gayon upang palaganapin ang kanilang mga paniniwala’t paninindigan. Namatay pa nga ang ilan sa paggawa ng gayon.

Marahil, ang gawain ng mga colporteur ay nagsimula noong mga huling bahagi ng Edad Medya. Ang una sa mga ito ay yaong mga naninirahan sa bundok sa paliku-likong rehiyon ng Alps, sa Pyrenees, at sa Scottish Highlands. Maraming magsasaka, matapos ang anihan, ang tumatahak sa buhay ng isang naglalakbay na negosyante.

Isang lalaking Pranses na nagngangalang Jehan Gravier ang isa sa mga naglalakbay na negosyanteng ito. Noong ika-16 na siglo, siya at ang kaniyang pamilya ay nanirahan sa bulubunduking lugar na tinatawag na La Grave. Walang alinlangan na dahil sa hindi mabunga ang bukid, tinugon niya ang kahilingan mula sa mga bayan sa libis para sa mga produktong gaya ng kahoy, katad, lana, at asin​—mga produkto mula sa bulubunduking mga rehiyon. Iniluwas ng mga colporteur na gaya ni Gravier ang mga produktong ito sa bayan at ipinagpalit ang mga ito para sa mga damit, suklay, salamin sa mata, aklat, gamot, tabako, at lilok. Pagkatapos ay ipagbibili naman nila ang mga bagay na ito sa mga tao o magsasaka na nakatira nang malayo sa tindahan. Ang ilang colporteur ay sumasaklaw ng mga ruta na humihiling sa kanila na maglakbay ng 20 kilometro sa isang araw! Habang wala sila, binabantayan ng mga kamag-anak ang kanilang mga bukid at mga pamilya.

Gayunman, hindi lamang mga ordinaryong paninda ang ipinagbibili ni Gravier. Ipinakikita ng mga ulat na may utang siya sa isang tagapaglimbag na nagngangalang Benoìt Rigaud. Ipinahihiwatig nito na si Gravier, katulad ng marami pang ibang colporteur, ay nasa negosyo ng pagbebenta ng mga aklat. Noong kaniyang kapanahunan, nararanasan ng Europa ang Renaissance, at malakas ang negosyo ng pagbebenta ng mga aklat. Sa pagitan ng 1500 at 1600, nakapaglimbag ang Europa ng mula 140 milyon hanggang 200 milyong aklat. Inilathala ang sangkapat nito sa Pransiya. Ang Lyons, ang kabisera sa ekonomiya ng bansa, na nasa paanan ng Alps, ang nangungunang sentro ng paglalathala sa Europa at ang pangunahing tagapaglathala ng mga aklat sa wikang Pranses. Kaya maraming suplay si Gravier para sa kaniyang negosyo. Ngunit habang ang mga taong gaya ni Gravier ay nagbebenta ng mga aklat upang kumita lamang, may bumangon na isa pang uri ng colporteur na namamahagi ng mga aklat dahil lamang sa relihiyon.

‘Mga Tagapuslit ng Pananampalataya’

Nang lumitaw ang palimbagan, nagsimulang magkaroon ng pananabik ang mga tao sa pagbabasa ng mga relihiyosong aklat, brosyur, at tract. Unang inilimbag ang Bibliya sa Latin at pagkatapos ay sa karaniwang mga wika. Milyun-milyong kopya ang inilimbag sa Alemanya, at may bahagi ang mga colporteur sa mabilis na pamamahagi ng mga kopya sa mga taong naninirahan sa lalawigan. Gayunman, ang pamamahaging ito ay hindi nagustuhan ng lahat.

Noong 1525, ipinagbawal ng Parlamento ng Pransiya ang pagsasalin ng Bibliya sa wikang Pranses at, nang sumunod na taon, ipinagbawal ang pagkakaroon ng Bibliya sa karaniwang wika. Sa kabila nito, libu-libong Bibliya ang inilimbag, at marami ang ipinuslit sa buong Pransiya, salamat sa determinadong mga colporteur. Ang isa sa mga ito ay ang kabataang lalaki na nagngangalang Pierre Chapot. Inaresto siya noong 1546 at ipinapatay.

Sa wakas, noong 1551, ang Katolikong Pransiya ay lubusang naghigpit sa pamamagitan ng pagbabawal sa mga colporteur na magbenta ng mga aklat, yamang “lihim” silang nagdadala ng mga aklat “mula sa Geneva,” iyon ay, galing sa mga Protestante. Gayunman, hindi nito napigilan ang pagdagsa ng mga aklat. Pumasok ang mga Bibliya sa Pransiya sa pamamagitan ng lahat ng posibleng pamamaraan. Kadalasan nang maliliit ang sukat, itinago ang mga ito sa mga bariles ng alak na may huwad na mga pang-ilalim, sa mga bariles ng kastanyas, o sa kaloob-loobang mga lalagyan ng kargamento ng mga bapor. Isang matapang na tao na nagngangalang Denis Le Vair ang inaresto habang naghahatid ng isang bariles na punung-puno ng mga Bibliya. Siya rin ay ipinapatay. Kinilala ng isang kontemporaryong Katoliko, na galít sa mga colporteur, na dahil sa mga ito, “sa sandaling panahon, napunô ang Pransiya ng mga Bagong Tipan sa wikang Pranses.”

Sa buong ika-16 na siglo, itong ‘mga tagapuslit ng pananampalataya,’ gaya ng tawag sa kanila ng isang manunulat, ay patuloy na namuhay nang mapanganib. Maraming colporteur ang inaresto, ipinadala sa mga bilangguan o sa mga galera, ipinatapon, o naging mga martir. Ang ilang colporteur ay sinunog kasama ng kanilang mga aklat. Bagaman isinisiwalat ng kasaysayan ang ilan lamang sa mga pangalan nila, dahil sa maraming matatapang na indibiduwal na iyon kung kaya’t karamihan sa mga sambahayang Protestante ang nagkaroon ng mga kopya ng Bibliya.

Naglalakad na mga Aklatan

Noong ika-17 siglo, ipinagpatuloy ng Simbahang Katoliko ang paghihigpit sa karaniwang mga tao na makabasa ng Bibliya. Sa lugar nito, binigyan ang mga mananampalataya ng mga aklat ng mga oras at mga aklat hinggil sa mga buhay ng mga santo​—mga kahaliling mababa ang uri!a Sa kabaligtaran, ang mga Jansenista, mga Katolikong may “eretikong” mga pangmalas, ay nagtaguyod ng pagbabasa ng Banal na Kasulatan. Kaya ang mga colporteur ay nakibahagi sa pagpapasakamay ng bagong kumpletong salin ng Griegong Kasulatan (“Bagong Tipan”) ng mga Jansenista na ginawa ni Le Maistre de Sacy.

Kasabay nito, isang bago at murang uri ng literatura ang nagsimulang lumitaw sa bag ng colporteur. Ang mga aklat na ito ay nagturo sa maraming tao sa Pransiya na magbasa, anupat tinuturuan at nililibang sila, hanggang sa maglaho ang mga ito noong ika-19 na siglo. Tinawag ng Pranses ang mga ito na bibliothèque bleue, o asul na aklatan, dahil sa kulay ng mga pabalat nito. Sa Inglatera, tinatawag itong mga chapbook; at sa Espanya, pliégos de cordel. Binubuo ito ng mga kuwento ng mga kabalyero noong Edad Medya, kaalamang-bayan, buhay ng mga santo, at iba pa. Maguguniguni na may-kasabikang hinihintay ang colporteur, kagaya sa Pyrenees, kung saan ay dumarating siya sa tag-init o, sa Dauphiné Alps, kung saan ay dumarating naman siya sa taglamig.

Kapansin-pansin, tinugon ng mga colporteur ang mga pangangailangan ng kapuwa mga edukado at ng mga di-edukado. Ganito ang obserbasyon ng isang ika-18 siglong pag-aaral hinggil sa mga magsasaka sa rehiyon ng Guienne sa timog-kanluran ng Pransiya: “Sa mahahabang gabi ng taglamig, [ang mga magsasaka] ay nagbabasa ng hinggil sa buhay ng mga santo o isang kabanata sa Bibliya sa loob ng kalahating oras sa tinipong sambahayan. . . . Kapag wala nang iba, binabasa nila . . . ang asul na aklatan at iba pang bagay na walang halaga na dinadala ng mga colporteur sa lalawigan taun-taon.” Gayunman, lubhang popular ang Bibliya at ang mga kopya nito ay matatagpuan maging sa maliliit na bukid.

Organisadong mga Network

Ang mga network ng mga colporteur ay nabuo sa mga Alps ng Pransiya at Italya, sa Pyrenees, at sa Normandy, sa hilagang-kanluran ng Pransiya. Ang mga colporteur pa lamang mula sa Dauphiné Alps ang may hawak na sa sangkapat ng kalakalan ng aklat sa timugang Europa. “Ang negosyo ng pagbebenta ng aklat sa Espanya at Portugal, at gayundin sa maraming bayan sa Italya, ay hawak ng mga Pranses, mula sa iisang nayon . . . sa Dauphiné Alps,” pahayag ng isang nagbebenta ng aklat sa Geneva noong panahong iyon.

Bukod pa sa katotohanan na ang mga colporteur ay “aktibo, masisipag, at napakaseryosong mga tao,” ang kanilang tagumpay ay dahil na rin sa pagiging malapít nila sa mga miyembro ng kanilang pamilya, nayon, at relihiyon. Marami sa kanila ang mga Protestante na patuloy na nakipag-ugnayan sa mga ipinatapon sa panahon ng mga pag-uusig. Kaya ang mga kamag-anak, kababayan, at karelihiyon ang bumubuo sa mabibisang network na nagparoo’t parito sa Europa. Halimbawa, ang pamilyang Gravier ay may network ng pagbebenta ng aklat na lumaganap sa buong Pransiya, Espanya, at Italya. Umabot pa nga ang ibang mga network sa Persia at sa mga lupain ng Amerika.

Ang Pagbabalik ng Gawain ng mga Colporteur

Noong ika-19 na siglo, ang Pag-unlad ng Industriya ay nagdulot ng isang nakamamatay na dagok sa mga pampamilyang negosyo na umiral sa loob ng maraming salinlahi. Gayunman, ang paglikha ng mga samahan ukol sa Bibliya ang muling nagbunsod sa pamamahagi ng Bibliya nang higit kailanman. Subalit, ang Simbahang Katoliko ay salansang pa rin sa pamamahagi ng Bibliya. Hanggang sa huling bahagi ng mga taon ng 1800, patuloy na nililigalig at inihahabla ang mga colporteur ng Bibliya. Magkagayunman, mula 1804 hanggang 1909, namahagi sila ng anim na milyong kopya ng Bibliya sa kabuuan o sa bahagi nito sa Pransiya pa lamang.

Ang gawaing pagtuturo sa madla hinggil sa Bibliya ay tiyak na hindi natigil. Noong 1881, nanawagan ang magasing Zion’s Watch Tower and Herald of Christ’s Presence (inilathala sa Estados Unidos) sa mga Kristiyano na tahakin ang gawain ng mga ebanghelisador. Ang kanilang tunguhin? “Ang palaganapin ang katotohanan, sa pamamagitan ng paghikayat sa mga tao na magbasa.” Pagsapit ng 1885, mga 300 ebanghelisador ang tumugon sa panawagan at humayo sa larangan. Ang ilan ay naglakbay sa malalayong lugar, anupat nagtungo sa mga lupaing tulad ng Barbados, Burma (Myanmar ngayon), El Salvador, Finland, Guatemala, at Honduras. Nang sumiklab ang Digmaang Pandaigdig I, pinalaganap ng gayong mga ebanghelisador ang kaalaman sa Bibliya sa Alemanya, Costa Rica, Inglatera, New Zealand, Norway, Poland, Pransiya, Sweden, Switzerland, at Tsina.

Kapansin-pansin noong unang mga taon nito, ang buong-panahong mga ebanghelisador na kabilang sa mga Estudyante ng Bibliya (ngayon ay kilala bilang mga Saksi ni Jehova) ay tinatawag na mga colporteur. Nang maglaon, hindi na ginamit ang terminong ito, yamang hindi tumpak na inilalarawan nito ang pangunahing tunguhin ng kanilang gawain​—ang pagtuturo ng Bibliya. (Mateo 28:19, 20) Karagdagan pa, hindi naipahahayag ng termino ang pangunahing katangian ng kanilang gawain na di-pinagkakakitaan. Kaya ngayon, ang buong-panahong ministrong mga Saksi ni Jehova ay tinatawag na mga payunir.

Noong nakaraang taon, mahigit sa 800,000 payunir ang walang-bayad na namahagi ng mga Bibliya at salig-Bibliyang literatura. Ginagawa nila ito, hindi upang kumita ng salapi, kundi “dahil sa kataimtiman, oo, gaya ng isinugo mula sa Diyos, sa paningin ng Diyos, kasama ni Kristo.” (2 Corinto 2:17) Kaya ang mga ministrong payunir sa ngayon ay di-hamak na nakahihigit sa mga naglalakad na mga tindahan ng aklat. Gayunman, malaki ang utang na loob nila sa mga sinaunang colporteur na iyon dahil sa halimbawa na ipinakita ng marami sa mga ito sa kasigasigan at paninindigan.

[Talababa]

a Ang isang aklat ng mga oras ay naglalaman ng mga panalangin na dapat bigkasin sa opisyal na itinakdang mga oras para sa pagpaparangal kay Maria.

[Mga larawan sa pahina 24, 25]

Dinala ng mga colporteur ang pinakabagong mga paninda sa tahanan ng mga tao

May-kasabikang hinihintay ang mga colporteur

[Credit Line]

© Cliché Bibliothèque nationale de France, Paris

[Mga larawan sa pahina 26]

Ang “Bagong Tipan” ni Le Maistre de Sacy, at isang aklat mula sa asul na aklatan

[Credit Lines]

Sa dulong kaliwa: © Cliché Bibliothèque nationale de France, Paris Kaliwa: © B.M.V.R de Troyes/Bbl.390/Photo P. Jacquinot

[Larawan sa pahina 26, 27]

Namahagi ang mga ebanghelisador ng literatura sa Bibliya

[Larawan sa pahina 26]

Sa ngayon, ang buong-panahong mga ebanghelisador ay nag-aalok ng walang-bayad na pagtuturo sa Bibliya

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share