Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g02 1/8 p. 3-9
  • Ang Araw na ang Twin Towers ay Gumuho

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Araw na ang Twin Towers ay Gumuho
  • Gumising!—2002
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Isinalaysay ng mga Nakaligtas ang Kanilang mga Kuwento
  • “Wala Itong Mapaglalapagan!”
  • “Kung Kailangan Kong Lumangoy, Lalangoy Ako”
  • “Ito na ba ang Huling Araw ng Buhay Ko?”
  • “Nakita Ko ang mga Tao na Tumatalon Mula sa Tore”
  • Suporta at Pakikiramay Mula sa Maraming Dako
    Gumising!—2002
  • Tore
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Binigla ng Nakamamatay na Lindol!
    Gumising!—1986
  • Higit Pang Lugar Para sa Lumalaking Pamilya
    Gumising!—1989
Iba Pa
Gumising!—2002
g02 1/8 p. 3-9

Ang Araw na ang Twin Towers ay Gumuho

ANG mga naganap noong Setyembre 11, 2001, sa New York City, Washington, D.C., at Pennsylvania ay hindi kailanman mabubura sa isipan ng milyun-milyon, marahil ng bilyun-bilyon, sa mga naninirahan sa daigdig. Nasaan ka nang makita o marinig mo ang balita tungkol sa pag-atake sa World Trade Center sa New York at sa Pentagon sa Washington?

Ang di-kapani-paniwalang mabilis na pagkawasak na iyon ng napakaraming ari-arian at, di-hamak na mahalaga, ng napakaraming buhay ay nagbigay sa sangkatauhan ng dahilan upang huminto at mag-isip-isip.

Ano ang natutuhan natin tungkol sa ating mga priyoridad at sa ating mga pinipili sa buhay? Paano itinampok ng kalunus-lunos na mga pangyayaring iyon ang ilan sa mas mabubuting katangian ng ating pagkatao​—ang pagsasakripisyo sa sarili, pakikiramay, pagbabata, at kawalang-pag-iimbot? Sisikaping sagutin ng artikulong ito at ng kasunod na artikulo ang huling nabanggit na katanungan.

Isinalaysay ng mga Nakaligtas ang Kanilang mga Kuwento

Karaka-raka kasunod ng kasakunaan sa New York, nagsara ang sistema ng subwey, at libu-libong tao ang lumabas sa gawing timog ng Manhattan na naglalakad​—marami sa kanila ang tumawid sa mga tulay ng Brooklyn at Manhattan. Malinaw nilang nakikita ang mga gusali ng opisina at pagawaan ng pandaigdig na punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova. Ang ilang lumikas mula sa kasakunaan ay agad na nagtungo sa mga gusaling iyon.

Si Alisha (sa kanan), ang anak na babae ng isang Saksi, ay kabilang sa unang dumating. Siya ay punô ng alikabok at abo.a Paliwanag niya: “Habang nasa tren ako patungo sa trabaho, nakikita ko ang usok na nanggagaling sa World Trade Center. Nang dumating ako sa dako ng kasakunaan, nagkalat sa lupa ang mga bubog, at naramdaman ko ang init. Ang mga tao ay nagtatakbuhan sa lahat ng direksiyon, habang sinisikap ng mga pulis na paalisin ang mga tao sa lugar. Para itong lugar ng digmaan.

“Tumakbo ako sa kalapit na gusali para sumilong. Pagkatapos ay narinig ko ang pagsabog nang bumangga ang ikalawang eroplano sa south tower. Hindi mailarawan ang tanawin, may maitim na usok sa lahat ng dako. Kami’y sinabihan na umalis sa dako ng panganib. Isinakay ako sa isang lantsang tumatawid sa East River patungo sa Brooklyn. Nang makarating ako sa kabilang ibayo, tumingala ako at nakita ko ang isang malaking karatula, ‘WATCHTOWER.’ Ang punong-tanggapan ng relihiyon ng aking ina! Agad akong nagtungo sa gusali ng opisina. Alam kong ako’y nasa pinakamabuting kamay. Nakapaligo ako at pagkatapos ay nakatawag ako sa aking mga magulang.”

Si Wendell (sa kanan) ay isang tagapagbukas ng pinto (doorman) sa Marriott Hotel na nasa pagitan ng dalawang tore. Sabi niya: “Nagtatrabaho ako noon sa lobby nang maganap ang unang pagsabog. Nakita kong nagbabagsakan ang mga pira-pirasong labí sa buong paligid. Tumingin ako sa lansangan, at naroon ang isang lalaking nagliliyab at nakahiga sa lupa. Hinubad ko ang aking amerikana at kamisadentro at tumakbo ako upang patayin ang apoy. Isa pang dumaraan ang tumulong. Nasunog ang lahat ng damit ng lalaki maliban sa kaniyang medyas at sapatos. Pagkatapos ay dumating ang mga bombero at kinuha ang lalaki upang gamutin.

“Di-nagtagal pagkatapos niyan, tinawagan ako sa telepono ni Bryant Gumbel ng balitaan ng CBS TV upang kunin ang ulat mismo ng isang nakasaksi sa pangyayari. Nabalitaan ito ng aking pamilya sa Virgin Islands sa kanilang TV at, dahil dito, nalaman nila na ako’y buháy.”

Si Donald, isang malaking tao at may taas na 195 sentimetro na empleado sa World Financial Center, ay nasa ika-31 palapag ng gusaling kinaroroonan niya, na nakaharap sa Twin Towers at sa Marriott Hotel. Sabi niya: “Napatunganga ako at nahintakutan sa aking nakita. Ang mga tao ay nahuhulog at tumatalon mula sa mga bintana ng north tower. Nag-isteriko ako at tumakbo nang mabilis palabas ng gusali nang aking buong makakaya.”

Isa pang karanasan ay yaong hinggil sa isang ina na mga edad 60 at sa kaniyang dalawang anak na babaing mga edad 40. Si Ruth at ang kaniyang kapatid na si Joni ay nanunuluyan kasama ng kanilang ina, si Janice, sa isang otel na malapit sa Twin Towers. Ganito ang kuwento ni Ruth, isang rehistradong nars: “Naliligo ako. Walang anu-ano’y sumigaw ang aking ina at kapatid at pinalalabas ako ng banyo. Nasa ika-16 na palapag kami, at nakikita nila sa bintana ang nahuhulog na mga pira-pirasong labí. Aktuwal na nakita ng aking ina ang katawan ng isang lalaki na lumipad sa isang kalapit na bubong na para bang ito’y tumilapon mula sa kung saan.

“Dali-dali akong nagbihis, at nanaog kami sa hagdan. Maraming nagsisigawan. Lumabas kami sa lansangan. Narinig namin ang mga pagsabog at nakita ang mga kislap ng apoy. Kami’y inutusang pumunta kaagad sa gawing timog sa Battery Park, kung saan naroon ang Staten Island Ferry. Patungo roon, si Nanay, na may namamalaging hika, ay hindi na namin makita. Paano niya maliligtasan ang lahat ng usok, abo, at alikabok na ito? Ginugol namin ang kalahating oras sa paghahanap sa kaniya ngunit hindi namin siya makita. Subalit, noong una ay hindi kami gaanong nag-alala sapagkat siya ay lubos na may-kakayahan at mahinahon.

“Nang maglaon, kami’y sinabihang magtungo sa Brooklyn Bridge at tumawid sa kabila. Isip-isipin na lamang ang aming kaginhawahan pagdating namin sa gawing Brooklyn ng tulay at nakita namin ang malaking karatulang ‘WATCHTOWER’! Batid namin na kami’y ligtas.

“Kami’y tinanggap at binigyan ng matutuluyan. Pinaglaanan din kami ng mga damit, yamang damit lamang na suot namin ang aming taglay. Subalit nasaan si Nanay? Naging walang saysay ang paghahanap namin sa kaniya sa mga ospital sa magdamag. Mga bandang alas-onse y medya ng umaga kinabukasan, tumanggap kami ng isang mensahe. Si Nanay ay nasa ibaba sa lobby! Ano ang nangyari sa kaniya?”

Ipinagpatuloy ng ina, si Janice, ang ulat: “Nang nagmamadali kaming lumabas sa otel, nabahala ako hinggil sa isang may-edad nang kaibigan, na hindi nakaalis kasama namin. Gusto kong bumalik at kargahin siya mismo palabas. Subalit lubhang mapanganib iyon. Sa kaguluhan ay napahiwalay ako sa aking mga anak. Gayunman, hindi ako labis na nabahala, yamang kalmado naman sila at si Ruth ay isang kuwalipikadong nars.

“Saanman ako tumingin, ang mga tao ay nangangailangan ng tulong​—lalo na ang mga bata at mga sanggol. Tumulong ako sa marami hangga’t magagawa ko. Nagtungo ako sa triage area, kung saan ang mga biktima ay binubukud-bukod at ginagamot ayon sa tindi ng kanilang mga pinsala. Tumulong ako sa pamamagitan ng paghuhugas sa mga kamay at mga mukha ng mga pulis at mga bombero, na natatakpan ng pinong abo at alikabok. Nanatili ako roon hanggang mga alas-tres ng madaling-araw. Pagkatapos ay sumakay ako sa huling lantsa na patungong Staten Island. Inakala ko na marahil ay nanganlong doon ang aking mga anak. Subalit hindi ko sila nakita.

“Noong umaga ay sinikap kong makasakay sa unang lantsang pabalik sa Manhattan, subalit hindi ako makasakay sapagkat hindi ako isang emergency worker. Pagkatapos ay nakita ko ang isang pulis na natulungan ko. Sumigaw ako: ‘John! Kailangan kong makabalik sa Manhattan.’ Siya’y sumagot: ‘Basta sumunod kayo sa akin.’

“Pagdating ko sa Manhattan, bumalik ako sa Marriott Hotel. Marahil ay may pagkakataon pa ako na matulungan ang aking may-edad nang kaibigan. Hindi na maaari! Guhô na ang otel. Patay na ang kabayanan​—walang buhay kahit saan. Tanging ang pagod na pagod na mga pulis at bombero ang naroroon, na nababanaag ang trahedya sa kanilang mga mukha.

“Nagtungo ako sa Brooklyn Bridge. Habang papalapit ako sa dulo ng tulay, nakikita ko ang isang pamilyar na karatula, ‘WATCHTOWER.’ Marahil ay masusumpungan ko roon ang aking mga anak. Tiyak nga, bumaba sila sa lobby upang batiin ako. Gayon na lamang ang aming pagyapos at pag-iyak!

“Nakapagtataka, hindi man lamang ako inatake ng hika kahit minsan, sa kabila ng usok, alikabok, at abo. Patuloy akong nanalangin, sapagkat ibig kong makatulong, hindi maging isang pabigat.”

“Wala Itong Mapaglalapagan!”

Si Rachel, isang babae na wala pang 25 anyos, ay nagsabi sa isang manunulat ng Gumising!: “Naglalakad ako sa aking bloke sa gawing timog ng Manhattan nang marinig ko ang ingay ng isang eroplano sa itaas. Napakalakas nito anupat napatingala ako. Hindi ako makapaniwala​—naroon ang napakalaking eroplanong jet na ito na maliwanag na pababa. Nagtataka ako kung bakit ito lumilipad nang napakababa at napakabilis. Wala itong mapaglalapagan! Marahil ay nawalan ng kontrol ang piloto. Pagkatapos ay narinig ko ang isang babaing sumisigaw, ‘Tinamaan ng eroplano ang gusali!’ Isang napakalaking bolang apoy ang sumabog sa north tower. Nakita ko ang isang napakalaking butas na itim sa tore.

“Ito ang pinakakakila-kilabot na bagay na kailanma’y nakita ko sa aking buhay. Parang hindi ito totoo. Tumayo lamang ako roon na nakanganga. Sa sandaling panahon, ang ikalawang tore ay tinamaan ng isa pang eroplano, at nang maglaon ay gumuho ang dalawang tore. Nag-isterika ako. Hindi ko makayanan ito!”

“Kung Kailangan Kong Lumangoy, Lalangoy Ako”

Kararating pa lamang ni Denise, edad 16, sa kaniyang paaralan na katabi ng American Stock Exchange, na tatlong bloke sa gawing timog ng World Trade Center. “Pasado 9:00 n.u. pa lamang noon. Alam kong may nangyari, subalit hindi ko alam kung ano. Nasa ika-11 palapag ako ng paaralan habang nagkaklase hinggil sa kasaysayan. Ang lahat ng estudyante ay mukhang takot na takot. Gusto pa rin ng guro na kumuha kami ng eksamen. Gusto na naming lumabas at umuwi.

“Pagkatapos ay yumanig ang gusali nang bumangga ang ikalawang eroplano sa south tower. Subalit hindi pa rin namin alam kung ano ang nangyari. Walang anu-ano’y narinig ko sa walkie-talkie ng guro: ‘Dalawang eroplano ang sumalpok sa Twin Towers!’ Naisip ko, ‘Hindi makatuwirang manatili sa paaralan. Terorismo ito, at ang Stock Exchange ang susunod.’ Kaya lumabas kami.

“Tumakbo kami pababa tungo sa Battery Park. Lumingon ako upang makita kung ano ang nangyayari. Nakikita kong parang guguho ang south tower. Pagkatapos ay naisip ko na magiging sunud-sunod ang pagguho ng lahat ng matataas na gusali. Nahihirapan akong huminga, yamang ang aking ilong at lalamunan ay barado ng abo at alikabok. Tumakbo ako sa East River, na nag-iisip, ‘Kung kailangan kong lumangoy, lalangoy ako.’ Habang tumatakas ako, nananalangin ako kay Jehova na iligtas ako.

“Nang maglaon, isinakay ako sa isang lantsang patungo sa New Jersey. Inabot nang mahigit na limang oras upang makita ako ng aking nanay, ngunit ligtas naman ako!”

“Ito na ba ang Huling Araw ng Buhay Ko?”

Si Joshua, edad 28, mula sa Princeton, New Jersey, ay nagtuturo sa isang klase sa ika-40 palapag ng north tower. Naaalaala niya: “Walang anu-ano, parang isang bomba ang sumabog. Nagkaroon ng mga pagyanig, at pagkatapos ay naisip ko, ‘Hindi, ito’y isang lindol.’ Tumingin ako sa labas, at ito’y hindi kapani-paniwala​—usok at mga pira-pirasong labí ang umaalimpuyo sa palibot ng gusali. Sinabi ko sa klase, ‘Iwan na ninyo ang gamit ninyo. Umalis na tayo!’

“Bumaba kami sa hagdan, na punô ng usok, at ang tubig ay lumalabas mula sa mga sprinkler. Subalit walang natataranta. Patuloy akong nananalangin na sana’y napili namin ang tamang hagdan upang hindi namin masalubong ang apoy.

“Habang tumatakbo ako pababa sa hagdan, naisip ko, ‘Ito na ba ang huling araw ng buhay ko?’ Patuloy akong nananalangin kay Jehova, at nakadama ako ng pambihirang kapayapaan. Hindi pa ako kailanman nakaranas ng gayong uri ng panloob na kapayapaan. Hinding-hindi ko malilimot ang sandaling iyon.

“Nang sa wakas ay nakalabas kami ng gusali, sinabihan kami ng mga pulis na magtuluy-tuloy sa paglabas. Tumingala ako sa mga tore at nakita ko ang dalawang gusali na parehong tinamaan sa gitna. Para itong panaginip.

“Pagkatapos ay narinig ko ang nakapangingilabot na tunog​—isang nakatatakot na katahimikan na tila ba pinipigilan ng libu-libong tao ang kanilang hininga. Para bang huminto ang New York. Sinundan ito ng pagtitilian. Ang south tower ay gumuguho! Isang daluyong ng usok, abo, at alikabok ang humagis patungo sa amin. Para itong special effects sa isang pelikula. Subalit totoo ito. Nang maabutan kami ng ulap ng usok at alikabok, halos hindi kami makahinga.

“Nakarating ako sa Manhattan Bridge, kung saan lumingon ako at nakita ko ang pagbagsak ng north tower kasama ang napakalaking antena nito ng TV. Habang tumatawid ako sa tulay, patuloy akong nananalangin na sana’y makarating ako sa Bethel, ang pandaigdig na punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova. Sa buong buhay ko ay ngayon lamang ako nakadama ng labis na kaligayahan na makita ang lugar na iyon. At doon sa pader ng pagawaan ay naroon ang malaking karatula na nakikita ng libu-libo sa bawat araw, ‘Read God’s Word the Holy Bible Daily’! Naisip ko, ‘Malapit na ako. Basta magpatuloy ka.’

“Habang binubulay-bulay ko ang mga pangyayaring iyon, naikintal nito sa akin na talagang kailangang magkaroon ako ng tamang mga priyoridad​—na ang pangunahing mga bagay sa buhay ang dapat unahin.”

“Nakita Ko ang mga Tao na Tumatalon Mula sa Tore”

Nakita ni Jessica, edad 22, ang mga pangyayari nang lumabas siya mula sa isang istasyon ng subwey sa kabayanan. “Tumingala ako at nakita ko ang abo, mga pira-pirasong labí, at lahat ng uri ng piraso ng metal na nahuhulog. Ang mga tao ay naghihintay upang magamit ang mga pampublikong telepono at higit at higit na nag-iisterika dahil sa mga pagkaantala. Nanalangin ako upang maging mahinahon. Pagkatapos ay isa pang pagsabog. Ang mga asero at salamin ay nahuhulog mula sa himpapawid. Narinig ko ang mga sigaw, ‘Isa pang eroplano!’

“Tumingala ako, at nakapangingilabot na makita​—ang mga taong tumatalon mula sa itaas na mga palapag kung saan sumisigalbo ang usok at apoy. Nakikini-kinita ko pa ito​—isang lalaki na kasama ang isang babae. Nakahawak sila nang sandali sa isang bintana. Pagkatapos ay kinailangan nilang bumitiw, at sila’y nahulog. Hindi mo mababata ang tanawin.

“Sa wakas, nakarating ako sa Brooklyn Bridge, kung saan hinubad ko ang aking di-komportableng sapatos at tumakbo ako patungo sa gawing Brooklyn ng ilog. Naglakad ako patungo sa gusali ng opisina ng Watchtower, kung saan ako ay agad na tinulungan na huminahon.

“Nang gabing iyon, sa bahay, binasa ko sa Gumising! ng Agosto 22, 2001, ang serye na ‘Pagharap sa Post-traumatic Stress.’ Talagang kailangang-kailangan ko ang impormasyong iyon!”

Ang tindi ng kasakunaan ay nagpakilos sa mga tao na tumulong sa anumang paraan na magagawa nila. Ipinaliliwanag sa susunod na artikulo ang aspektong iyon ng kuwento.

[Talababa]

a Kinapanayam ng Gumising! ang mas marami pang nakaligtas na higit sa maaaring isama sa maikling salaysay na ito. Ang kanilang pakikipagtulungan ay nagpangyaring makumpleto at matiyak ang mga ulat na ito.

[Dayagram/Mga larawan sa pahina 8, 9]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

NAWASAK

1 NORTH TOWER 1 World Trade Center

2 SOUTH TOWER 2 World Trade Center

3 MARRIOTT HOTEL 3 World Trade Center

7 7 WORLD TRADE CENTER

LUBHANG NASIRA

4 4 WORLD TRADE CENTER

5 5 WORLD TRADE CENTER

L ONE LIBERTY PLAZA

D DEUTSCHE BANK 130 Liberty St.

6 U.S. CUSTOMS HOUSE 6 World Trade Center

N S NORTH AT SOUTH NA MGA TULAY PARA SA TAO

BAHAGYANG NASIRA

2F 2 WORLD FINANCIAL CENTER

3F 3 WORLD FINANCIAL CENTER

W WINTER GARDEN

[Credit Line]

Noong Oktubre 4, 2001 3D na Mapa ng Lower Manhattan mula sa Urban Data Solutions, Inc.

[Mga larawan]

Pinakaitaas: Unang gumuho ang south tower

Itaas: Ang ilan ay tumakbo sa mga gusali ng Watchtower para manganlong

Kanan: Daan-daang bombero at tagasagip ang walang-pagod na nagtrabaho sa Ground Zero

[Credit Lines]

AP Photo/Jerry Torrens

Andrea Booher/FEMA News Photo

[Picture Credit Line sa pahina 3]

AP Photo/Marty Lederhandler

[Picture Credit Line sa pahina 4]

AP Photo/Suzanne Plunkett

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share