Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g89 4/22 p. 23-27
  • Higit Pang Lugar Para sa Lumalaking Pamilya

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Higit Pang Lugar Para sa Lumalaking Pamilya
  • Gumising!—1989
  • Kaparehong Materyal
  • Ito Kaya ang Pinakamagaling na Karera Para sa Iyo?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2001
  • Brooklyn Bethel—100 Taon ng Kasaysayan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2009
  • Mailalaan Mo Ba ang Iyong Sarili?
    Ating Ministeryo sa Kaharian—2001
  • Pagmamasid na May Pagpapahalaga sa “Bahay ng Diyos”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1994
Gumising!—1989
g89 4/22 p. 23-27

Higit Pang Lugar Para sa Lumalaking Pamilya

ANG magasing ito, ang Gumising!, at ang kasama nito, Ang Bantayan, ay gawa ng isang pamilya. Ang mga ito ay gawa ng tinatawag na pamilyang Bethel, ang “Bethel” ay nangangahulugang “Bahay ng Diyos.” Mahigit na 11 milyong kopya ng bawat labas ng Gumising! at mahigit na 13,000,000 kopya ng bawat labas ng Ang Bantayan ang iniimprenta ng mga pagawaang iyon sa buong daigdig na pinatatakbo-ng-pamilya. Yamang sa pangunahing mga wika ang dalawang magasin ay lumalabas nang makalawa sa isang buwan, iyan ay halos 50 milyong kopya na iniimprenta sa isang buwan, o halos 2 milyon sa bawat araw na paggawa! Karagdagan pa, ang pamilyang Bethel ay gumagawa ng sampu-sampung milyong mga Bibliya, aklat, at mga pulyeto taun-taon.

Ang pamilyang Bethel sa buong daigdig ay lumaki tungo sa mahigit na 9,000 mga miyembro. Kabilang dito ang mga binata at dalaga, gayundin ang mga mag-asawa. Ang internasyonal na punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova, na nasa Brooklyn Heights sa Brooklyn, New York, ang may pinakamalaking pamilya, may bilang na halos 2,800. Iyan ay isang pagdami mula sa halos 600 miyembro noong 1960. Kaya sa paglipas ng mga taon, higit at higit na lugar ang kinailangan para sa lumalaking pamilya na ito sa Brooklyn. Ang pinakamalaking gusali, ang dating Towers Hotel, ay binili noong 1975 at binago ang pagkakayari upang tirhan ng mga 800 katao. Subalit kailan lamang tatlo pang malalaking gusali ang idinagdag sa mga gusaling ito ng Bethel.

97 Columbia Heights Ang isa ay ang magandang bagong 11-palapag na gusaling ito na nakapanunghay sa East River, na nasa lugar ng dating Hotel Margaret. Kitang-kita rito ang tanawin ng isa sa kilalang tanawin sa lahat ng panahon, ang nagtataasang mga gusali sa Lower Manhattan at ang bantog na pinansiyal na distrito nito. Mas mahalaga, katabi lamang ito ng 107 at 124 Columbia Heights, malalaking residenteng tirahan na tuluyan ng mahigit na isang libong mga miyembro ng pamilyang Bethel.

Isang daang taon lamang ang nakalipas, ang 50-metro-ang-taas na Hotel Margaret ay nayari sa 97 Columbia Heights at napabantog sa buong daigdig. Noong Pebrero 1980, samantalang ang Margaret ay binabago tungo sa marangyang mga apartment, ito’y tinupok ng apoy at saka giniba. Noong 1986, nang tanggapin ng tagagawa ang pahintulot na sumige sa bagong konstruksiyon, ipinagbili niya ang ari-arian sa Samahang Watchtower, ang legal na ahensiya ng mga Saksi ni Jehova. Habang ang sunud-sunod na mga palapag ng gusali ay inihahanda para panirahan noong 1988, isang kabuuan na 250 miyembro ng pamilyang Bethel ang nanirahan dito.

Sinabi ng isang tagapagsalita para sa kompaniya na nagdisenyo sa gusali na sinikap nilang “panatilihing buháy ang alaala ng Margaret.” Ang pagkakagawa sa mga bintana, halimbawa, ay nagpapagunita sa mga gawang tanso at metal sa Margaret. Sabi pa ng tagapagsalita: “Sinikap naming panatilihing mas malaki ang gusali patungo sa tubig at mas maliit sa may pamayanan.” Sa gayon, ang gusali ay kapantay ng kalapit na mga gusali.

Standish Hotel Ang ikalawang malaking karagdagan sa mga gusali ng Bethel ay ang 12-palapag na Standish Hotel, sa banda roon ng kalye, sa 169 Columbia Heights. Binabanggit ang tungkol sa pagtatayo ng hotel na ito, na ipinangalan kay Miles Standish na kilala noon sa sinaunang New England, ang Brooklyn Daily Eagle ay nagsabi noong 1903: “Ang kompaniya ay naniniwala na ang dakong napili, dahil sa kapaligiran nito at sa walang kapantay na tanawin ng East River na iniaalok nito at ang kawili-wiling mga bagay sa paligid, ang huwarang dako para sa isang hotel at binabalak nitong magtayo ng isa sa pinakamaganda at nasasangkapang mga bahay sa bansa.”

Hindi nagtagal ang hotel ay binuksan, subalit noong 1970’s ito ay nasira nang lubha. Binili ito ng Cohi Towers Associates noong maagang 1980’s, at nang maglaon isinagawa ang ganap na pagkukumpuni sa layong maglaan ng karagdagang tirahan para sa pamilyang Bethel. Noong 1986 ay natapos ang pagkukumpuni, at noong 1988 binili ng Samahang Watchtower ang Standish. Ito ang tirahan ng 140 miyembro ng pamilyang Bethel at ng halos 25 ng orihinal na mga nangungupahan na nakatira pa roon.

Ang Bossert Hotel Ang ikatlong karagdagan sa mga gusali sa Bethel ay ang 12-palapag na Bossert Hotel sa Montague Street, wala pang limang-minutong lakad mula sa Standish. Orihinal na binuksan noong 1909 na may 200 silid, ito ay sinasabing isa sa pinakamagandang hotel sa Brooklyn. Ang panlahat na istilo ng arkitektura ay ika-15-siglong Italyanong Renaissance.

Noong 1914 mga 175 silid pa ang idinagdag, at pagkaraan ng dalawang taon isang restauran sa taas ang idinagdag na kahawig ng isang pasyalang kubyerta ng isang pribadong yate. “Saanman sa lungsod ay walang katulad nito sa kagandahan ng tanawin,” ulat ng Brooklyn Daily Eagle noong 1949. “Ang matataas na tao sa lipunan, mga artista at manlalaro ay nagtungo sa Marine Roof.” Ang mga nagsisikain, gayundin ang mga residente sa matataas na palapag, ay nasisiyahan sa malawak na tanawin ng daungan ng New York, Governor’s Island, ang Statue of Liberty, ang dalampasigan ng Jersey, at ang dulong bahagi ng Manhattan.

Sa wakas, ang dating napakagandang hotel ay naging pangit dahil sa tagal at kapabayaan. Binili ito ng Cohi Towers Associates noong 1983, at isang malaking proyekto ng pagbabago ang sinimulan. Pagkatapos binili ng Samahang Watchtower ang Bossert noong 1988. Ito ngayon ang tirahan ng mga 270 miyembro ng pamilya, samantalang 40 o mahigit pa sa orihinal na mga nangungupahan ang nakatira rin doon.

Ang gawaing pagpapanauli ay nangahulugan ng paghahalili sa lahat ng pinto at bintana at sa lahat ng mga instalasyon ng tubo, sistema ng pagpapainit, at kuryente. Naglagay din ng isang bagong elebeytor, at sa kasalukuyan dalawa sa tatlong orihinal na mga elebeytor ang kinukumpuni. Ang mga lugar ng sayawan ay ginawang tatlong maluluwang na silid kainan, at ang kusina sa silong ay ganap na sinira, itinayong-muli, at nilagyan ng modernong mga kagamitan. Ang mga silid sa buong hotel ay kinumpuni’t binago. At, ang bulwagan ay ipinanauli sa dati nitong kagandahan, na kinabibilangan ng pagkumpuni sa nasirang tulad-marmol na mga haligi sa pamamagitan ng isang proseso na halos ay naging limot nang sining.

Sa labas, ang buong gusali ay nilinis, ang masonerya ay inayos, at ginawang-muli ang malalaking bahagi ng ornamental na mga gawang bato. Libu-libong boluntaryong mga manggagawa mula sa buong Estados Unidos ang nakibahagi sa gawaing paglilinis, pagkukumpuni, at pagpapanauli. Ang mga ito ay nagbigay ng kanilang panahon at talino sa loob ng isang linggo o higit pa. Isang pangkat ng 39 na mga dalaga, mga Saksi, nakikita sa bubong ng Bossert, ang nagtatrabaho sa loob ng mga ilang buwan sa mga plantsa o andamyo, inaayos ang masonerya sa labas ng hotel.

Lahat-lahat, ang pamilyang Bethel sa Brooklyn ay nakatira ngayon sa halos 20 mga residenteng tirahan sa Brooklyn Heights, pawang malapit lamang sa isa’t isa. Sa katunayan, ang Towers, 124 Columbia Heights, 107 Columbia Heights, at 119 Columbia Heights, na tirahan ng halos 2,000 sa pamilya, ay ikinakabit ng mga tunel sa ilalim ng lupa. May mga plano na para sa bagong gusali sa 97 Columbia Heights na ikabit sa mga ito sa pamamagitan ng tunel sa malapit na hinaharap. Gayunman, ang Bossert at Standish Arms ay napakalayo sa mga gusaling ito upang ikabit sa pamamagitan ng mga tunel sa ilalim ng kalye.

Ang paglaki ng pamilyang Bethel ay nagpapabanaag sa lumalagong pagtugon sa mensahe ng Kaharian na ipinangangaral ng mga Saksi ni Jehova. (Mateo 24:14) Ang 3,592,654 na nakibahagi sa gawaing ito noong nakaraang taon ay dalawang ulit na mas marami sa bilang ng nakibahagi rito noong 1973. Ang mga miyembro ng pamilyang Bethel sa Brooklyn, New York, ay maligaya sa pribilehiyo na paglingkuran ang espirituwal na pangangailangan ng kanilang mga kapatid na lalaki at babae sa buong daigdig. At sila ay totoong nagpapasalamat sa higit pang lugar na inilaan sa kanila.

[Mga larawan sa pahina 24, 25]

Ang Standish Hotel at ang bulwagan nito

Kabilang pahina: ang Bossert Hotel at ang bulwagan nito

[Mga larawan sa pahina 26]

Boluntaryong mga manggagawa na kumumpuni sa masonerya sa labas ng Bossert Hotel

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share