Relihiyosong Pag-uusig sa Georgia—Hanggang Kailan Pa?
MULA SA BAYBAYIN ng Dagat na Itim na may kaaya-ayang klima hanggang sa napakalamig na Kabundukan ng Caucasus, ang Georgia ay isang lupain ng likas na kagandahan. Pinalalamutian ng makakapal na kagubatan, mga batis, at mayayabong na mga libis ang bulubunduking rehiyong ito sa pagitan ng hangganan ng Europa at Asia. Ang kabisera ng Georgia, ang Tbilisi, ay isang abalang lunsod na doo’y ang modernong mga gusali ay may kahalong mga monumento ng sinaunang arkitektura. Ngunit ang pinakamahalagang bagay sa Georgia ay ang mga mamamayan nito, na kilala sa matibay na buklod ng pamilya at magiliw na pagkamapagpatuloy.
Sa buong kasaysayan ang mga mamamayan ng Georgia ay nakaranas ng paniniil. Ang kanilang bansa ay sinalakay noon ng mga Romano, Persiano, Byzantine, Arabe, Turko, Mongol, Ruso, at iba pa. Ayon sa isang pagtantiya, ang Tbilisi ay 29 na ulit nang nawasak!a Gayunpaman, napanatili ng mga Georgiano hindi lamang ang kanilang pagmamahal sa buhay, sining, awit, at sayaw kundi gayundin naman ang kanilang reputasyon bilang isang mapagparayang lipunan.
Gayunman, nakalulungkot na ito’y hindi na masasabi sa ngayon hinggil sa lahat ng tao sa Georgia. Sa nakalipas na dalawang taon, sinira ng isang maliit na grupo ng mga Georgiano ang reputasyon ng kanilang bansa sa pamamagitan ng pagsalakay sa daan-daan nilang kababayan. Binugbog ng galít na galít na mga mang-uumog ang mga inosenteng lalaki, babae, at mga bata gayundin ang mga may-edad at mga may kapansanan. Sa pamamagitan ng paghampas ng mga pamalong may mga pako at mga baretang bakal, sinugatan ng mga sumalakay ang katawan ng kanilang mga biktima, sinira ang kanilang mga mukha, at hinapak ang kanilang mga anit. Bakit ba binugbog nang napakatindi ang mapapayapang mamamayan ng Georgia? Sapagkat sila’y mga Saksi ni Jehova—isang Kristiyanong komunidad na naroroon na sa Georgia bago pa ipinanganak ang karamihan sa mga sumalakay.
Mula sa mga Pagtuligsa Tungo sa mga Pagsalakay
Bagaman ang relihiyosong kalayaan ay ginagarantiyahan sa Georgia, malimit na kinukumpiska ang mga literatura ng mga Saksi ni Jehova. Noong Abril 1999, ang mga opisyal ng adwana ay nagsabi na ang mga literatura ay maaari lamang ilabas sa pahintulot ng patriyarka, ang pangulo ng Simbahang Georgiano Ortodokso.b Nang sumunod na buwan, ang Simbahang Ortodokso ay nabanggit muli—sa pagkakataong ito ay sa Pandistritong Hukuman ng Isani-Samgori sa Georgia. Doon, si Guram Sharadze, isang nakaatas na kinatawan ng parlamento at lider ng kilusang pulitikal na “Georgia Muna Una sa Lahat!,” ay nagsampa ng demanda sa hangaring buwagin ang legal na korporasyon na ginagamit ng mga Saksi ni Jehova. Inakusahan niya ang mga Saksi ng pagiging laban sa bansa at mapanganib. Sino ang sumuporta sa pag-aangking ito ni Sharadze? Kalakip sa demanda ay isang liham mula sa kalihim ng Catholicos-Patriyarka ng Buong Georgia.
Noong Mayo 20, 1999, pinagtibay ng Georgia ang European Convention for the Protection of Human Rights and Fundamental Freedoms at sa gayon sila’y obligadong pagtibayin ang mga artikulo ng kombensiyon. Sinasabi ng Artikulo 10: “Ang bawat isa ay may karapatan sa kalayaan ng pagpapahayag. Kasama sa karapatang ito ay ang kalayaan na manghawakan sa mga opinyon at tumanggap at magbigay ng impormasyon at mga ideya nang hindi hinahadlangan ng pangmadlang awtoridad at ng anumang hangganan.” Napahinto ba ng karapatang ito ang mga mananalansang sa mga Saksi mula sa patuloy nilang pagsisikap na ipagbawal ang relihiyosong literatura? Hinding-hindi!
Noong Hunyo 21, 1999, iginiit ng Tanggapan ng Patriyarka ng Buong Georgia sa isang liham sa tagapangulo ng pagsusuri ng adwana na “ang pamamahagi ng banyagang literatura ng relihiyon ay dapat na ipagbawal.” Bukod dito, si Giorgi Andriadze, isang opisyal na tagapagsalita ng Simbahang Georgiano Ortodokso, ay nagpahayag na ang mga Saksi ni Jehova ay mapanganib at dapat na ipagbawal. Tinugon ang mga pagtuligsang ito. Ang mga relihiyosong panatiko, na sumunog sa mga literatura ng mga Saksi ni Jehova noong nakalipas, ay nakadama ngayon nang may pagtitiwala na maaari nilang salakayin ang mga Saksi at hindi sila maparurusahan. Noong Linggo, Oktubre 17, 1999, muli silang sumalakay.
Ang Pang-uumog ay Nananatiling Hindi Naparurusahan
Nang Linggong iyon, mga 120 Saksi ni Jehova sa Tbilisi—mga lalaki, babae, at mga bata—ang dumalo sa isang relihiyosong pagtitipon. Kapagdaka, ang dating paring Ortodokso na si Vasili Mkalavishvili at ang 200 sa mga tagasunod niya ay biglang pumasok sa dakong pinagpupulungan.c Pinalibutan nila ang mga Saksi at pinagpapalo sila nang paulit-ulit ng kanilang pamalong kahoy at ng mga krus na bakal. Sinunggaban ng apat sa mga sumalakay ang isang Saksi sa kaniyang mga braso at leeg. Bigla nilang iniyuko ang kaniyang ulo at sinimulang ahitan ang kaniyang ulo samantalang pinagmamasdan nang buong kasiyahan ng mang-uumog ang kaniyang pagkapahiya. Nang umalis sa wakas ang hibang na mang-uumog, 16 na mga Saksi ang kinailangang gamutin sa ospital. Isang lalaki ang nabalian ng tatlong tadyang. Isa pang Saksi na 40-taóng-gulang na babae na nagngangalang Phati, ay nagsabi nang malaunan: “Sinimulan nila akong sigawan, at sinuntok ako ng isa sa kanila nang buong lakas. Sinuntok niya ang aking mukha at mga mata. Sinikap kong itago ang aking mukha sa pamamagitan ng aking mga kamay. Umaagos ang dugo sa aking mga daliri.” Nang matapos ang brutal na taong ito sa pambubugbog kay Phati, hindi na makakita ang kaniyang kaliwang mata. Sa ngayon, ang mata ni Phati ay tuluyan nang napinsala bilang resulta ng pagsalakay.
Ang marahas na pagsalakay na ito, na ipinalabas sa telebisyon, ay nagbunsod kay Presidente Eduard Shevardnadze na magsalita. Kinabukasan ay sinabi niya: “Hinahatulan ko ang pangyayaring ito at ako’y naniniwala na ang mga ahensiyang tagapagpatupad ng batas ay dapat magsampa ng isang kasong kriminal.” Yamang nakilala sa video ang lider ng mang-uumog at ang iba pang mga sumalakay, ang hatulan sila ay isang simpleng bagay. Subalit, pagkalipas ng dalawang taon, wala sa mga sumalakay ang nahatulan.
Lumakas ang Loob Nang Hindi Naparusahan
Hindi nga kataka-taka, ang di-pagkilos ng mga awtoridad—ng sekular at ng klerigo—ay nagbigay ng ideya sa mga sumasalakay na ang karahasan ay maaaring pahintulutan. Palibhasa’y lumakas ang loob nang hindi naparusahan, pinatindi pa nila ang kanilang daluhong ng pagnanakaw, pambubugbog, at pagsipa sa mga Saksi ni Jehova—sa mga pribadong tahanan, sa mga lansangan, at sa mga dako ng pagsamba. Sa pagitan ng Oktubre 1999 at Agosto 2001, may mahigit sa 80 dokumentadong ebidensiya ng pagsalakay sa mga Saksi ni Jehova na nakaapekto sa mahigit na 1,000 biktima. Gayunman, noong Pebrero 9, 2001, isang piskal ng lunsod sa Tbilisi ang nagsabi sa mga reporter na ang imbestigasyon ni Vasili Mkalavishvili “ay nagpapatuloy pa rin.” Nakalulungkot, sa panahong ito’y isinusulat, pinahihintulutan pa rin ng mga awtoridad sa Georgia ang mga mananalansang sa mga Saksi ni Jehova na isagawa ang kanilang mga krimen ng pagkapoot.—Tingnan ang kahon na “Patuloy ang Pang-uumog.”
Ano ang papel ng pulisya? Ang mga ulat sa pahayagan at video ay nagsisiwalat na hindi lamang pinahihintulutan ng pulisya ang mga pagsalakay laban sa mga Saksi ni Jehova kundi nakibahagi rin ang mga ito sa pagsalakay! Bilang halimbawa, noong Setyembre 8, 2000, sa siyudad ng Zugdidi, pinatigil ng isang grupo ng mga opisyal ng pulisya na may hawak na batuta ang isang mapayapang kombensiyon ng 700 Saksi ni Jehova. Iniulat ng mga nakasaksi na ang mga opisyal ng pulisya na nakamaskara ay “gumawa ng isang landas ng pagpuksa,” na binubugbog ang mahigit na 50 Saksi. “Nakapanlulumo,” ang sabi ng may-ari ng dako ng kombensiyon, samantalang ginugunita niya ang sindak sa mukha ng mga bata habang sila’y pinapuputukan sa ibabaw ng kanilang ulo ng blangko na pansabog sa tangke. Sinalakay ng mga pulis ang dako at ito’y sinunog. Ngunit hanggang sa mga araw na ito, sila’y hindi pa rin naparurusahan.
Dahil sa ang ubod-samang insidenteng ito ay hindi mapalalampas (tingnan ang kahon na “Pakikibahagi ng Pulisya”), noong Mayo 7, 2001, ang United Nations Committee Against Torture ay may katuwirang nagpahayag ng pagkabahala nito tungkol sa “patuloy na mga gawa ng pagpapahirap at iba pang mga gawa ng kalupitan, di-makatao o mapanghamak na pagtrato o parusa na ginawa ng mga tauhan ng tagapagpatupad ng batas sa Georgia; ang patuloy na kabiguan na maglaan sa bawat pagkakataon ng mabilis, walang-pagtatangi at lubos na mga imbestigasyon sa maraming paratang ng pagpapahirap.”d Ang totoo, wala ni isa sa mahigit na 400 reklamo na isinumite ng mga Saksi ni Jehova sa pulisya ang humantong sa paghatol sa mga kilalang nagkasala! Kaya, ang Tagapagtanggol ng Publiko sa Georgia, o Ombudsman, na inihalal ng parlamento ay nagkomento: “Ang karapatang pantao ay nilabag mismo ng mga taong obligado, dahil sa kanilang tungkulin, na protektahan ang mga karapatang iyon. Para sa kanila, ang karapatang pantao ay isa lamang piraso ng papel.”
Ang Pasiya ng Korte Suprema ay Lumikha ng Kalituhan
Para bang hindi pa sapat ang ilegal na mga pagsalakay ng mang-uumog at pulisya, ang Korte Suprema ng Georgia ay nagpalabas kamakailan ng isang pasiya na lumikha ng kalituhan tungkol sa mga karapatan ng mga Saksi ni Jehova.
Isaalang-alang natin ang ilang saligang impormasyon. Ang pulitikong si Guram Sharadze ay nagsampa ng demanda sa layuning buwagin ang legal na mga korporasyon ng mga Saksi ni Jehova. Ang kaniyang demanda ay pinawalang-halaga noong Pebrero 29, 2000. Gayunpaman, si Sharadze ay umapela at nanalo. Ang mga Saksi ni Jehova naman ay umapela sa Korte Suprema. Noong Pebrero 22, 2001, ang Korte Suprema ay nagpasiya laban sa mga Saksi, pangunahin na sa legal na mga teknikalidad. Ang Korte Suprema ay nangatuwiran na binabanggit ng Konstitusyon na ang mga relihiyon ay dapat na nakarehistro sa ilalim ng pangmadlang batas sang-ayon sa isang hindi pa umiiral na batas na iniisa-isa ang pagrerehistro ng mga samahang relihiyoso. Ipinasiya ng korte na dahil sa hindi pa umiiral ang batas na ito, ang mga Saksi ni Jehova ay hindi maaaring irehistro sa anumang alternatibong anyo. Gayunman, mga 15 iba pang samahan na sumusuporta sa mga gawain ng relihiyon ay legal na nakarehistro sa Georgia.
Bilang reaksiyon sa pasiya ng Korte Suprema, ang Ministro ng Katarungan ng Georgia, si Mikheil Saakashvili, ay nagsabi sa isang panayam sa telebisyon: “Sa isang legal na pangmalas, ang pasiya ay tunay na mapag-aalinlanganan. Sa palagay ko’y hindi iyon ang pinakamatagumpay na panahon sa kasaysayan ng Korte Suprema.” Si Zurab Adeishvili, ang pansamantalang tsirman sa komite ng parlamentong legal ng Georgia, ay nagsabi sa Keston News Service na siya’y “tunay na nababahala” tungkol sa pasiya sapagkat “ito’y humihimok sa mga puwersang radikal sa ating Simbahan [Georgiano Ortodokso] upang sugpuin ang minoryang grupo ng mga relihiyon.” Nakalulungkot, ang mga ikinababahala ni Adeishvili ay napatunayang totoo. Ilang araw pagkatapos ng hatol, ang karahasan sa mga Saksi ni Jehova ay muling nagpasimula. Sa taóng 2001, ang mga Saksi ay sinalakay ng mga mang-uumog, pulisya, at mga paring Ortodokso noong Pebrero 27, Marso 5, Marso 6, Marso 27, Abril 1, Abril 7, Abril 29, Abril 30, Mayo 7, Mayo 20, Hunyo 8, Hunyo 17, Hulyo 11, Agosto 12, Setyembre 28, at Setyembre 30. At ang karahasan ay patuloy pa rin.
Sa gitna ng ganitong bagong bugso ng pag-uusig, ang Korte Suprema ay gumawa ng di-pangkaraniwang hakbang na linawin sa publiko ang pasiya nito, na nagsasabi: “Nakalulungkot, binigyan ng maling kahulugan ng publiko ang pagpapawalang-bisa ng Korte Suprema sa pagrerehistro ng Samahan ng mga Saksi ni Jehova . . . Nang ang korte ng pagrerehistro ng mga nasasakdal, bilang isang legal na kasangkapan ng pribadong batas, ay pinawalang-bisa, ang kanilang karapatan sa kalayaan ng pag-iisip, ng budhi at relihiyon ay hindi nilabag o kaya’y ipinagbawal sa tuwiran o di-tuwirang paraan. Ang kanilang kalayaang baguhin ang kanilang paniniwala, isahan man o kasama ng iba pa, sa publiko man o sa pribado, ay hindi ipinagbawal. . . . Ang pasiya ng Korte ay hindi nagbawal sa karapatan ng nasasakdal na tumanggap at mamahagi ng kanilang mga ideya at impormasyon. Hindi ito nagbawal sa kanilang karapatan na magkaroon ng mapayapang mga pagtitipon.”
Libu-libong Georgiano ang Nagsalita Laban sa Pag-uusig
Bagaman waring ang pahayag na ito ng Korte Suprema ay nagkaroon ng bahagyang epekto sa mga gumawa ng marahas na pang-uumog, nakapagpapasiglang pansinin na libu-libong mamamayan ng Georgia ang bumatikos na sa patuloy na ginagawang pag-uusig. Pasimula noong Enero 8, 2001, pinalaganap ng mga Saksi ni Jehova ang isang petisyon na nanawagan para sa proteksiyon mula sa mga pagsalakay ng mang-uumog at para sa pag-uusig sa mga nakibahagi sa marahas na mga pagsalakay laban sa mga mamamayan ng Georgia. Sa loob ng dalawang linggo, 133,375 mamamayang adulto mula sa lahat ng rehiyon ng Georgia ay pumirma sa petisyon. Kung isasaalang-alang na mayroon lamang 15,000 mga Saksi ni Jehova sa Georgia, ang karamihan ng pumirma ay malamang na mga miyembro ng Simbahang Georgiano Ortodokso. Ngunit noong Enero 22, 2001, ang petisyon ay nawala. Ano ang nangyari?
Nang araw na iyon, sa tanggapan ng Pangmadlang Tagapagtanggol ng Georgia na si Nana Devdariani, idinaos ang isang pulong sa pamahayagan upang pormal na ipalabas ang petisyon. Walang anu-ano, sa panahon ng pulong, si Vasili Mkalavishvili at sampung iba pa ay biglang pumasok sa tanggapan upang kumpiskahin ang 14 na tomo na bumubuo sa petisyon. Sinikap ng isang kinatawan ng Caucasian Institute for Peace and Democracy na protektahan ang petisyon, subalit siya’y nilusob ng mga sumalakay. Samantalang buong lakas na nanunuligsâ si Mkalavishvili, ang kaniya namang mga tagasunod ay mabilis na umalis tangay ang 12 sa 14 na tomo ng petisyon. Isang banyagang diplomatiko na nakasaksi sa insidente ay bumulalas: “Ito’y totoong di-kapani-paniwala!” Mabuti na lamang, noong Pebrero 6, ang petisyon ay muling tinaglay ng mga Saksi, at noong Pebrero 13, 2001, ito’y ibinigay sa presidente ng Georgia.
“Lahat ng Gawang Panliligalig . . . ay Pag-uusigin”
Inaasam-asam ng mga Saksi ni Jehova sa Georgia at sa buong daigdig na ang presidente ng Georgia ay gagawa ng hakbang may kaugnayan sa petisyong ito. Kung sa bagay sa nakalipas, paulit-ulit na hinatulan ni Presidente Shevardnadze ang pag-uusig sa mga Saksi ni Jehova. Bilang halimbawa, noong Oktubre 18, 1999, inilarawan ng presidente ang mga pagsalakay sa mga Saksi ni Jehova bilang “lansakang pamamaslang” na “hindi maaaring pahintulutan.” Noong Oktubre 20, 2000, sumulat si Presidente Shevardnadze sa isang miyembro ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova: “Gagawin namin ang lahat upang pawiin ang karahasan.” Idinagdag pa niya: “Tinitiyak ko sa inyo na ang mga awtoridad ng Georgia ay mananatiling matatag na nakatalaga ukol sa proteksiyon ng mga karapatang pantao at kalayaan ng budhi.” Muli, noong Nobyembre 2, 2000, sa isang sulat sa Commission on Security and Cooperation sa Europa, si Presidente Shevardnadze ay nagsabi: “Ang isyung ito [ng katayuan ng minorya ng mga relihiyon sa Georgia] ay pinagtuunan din ng seryosong pagkabahala sa gitna ng aming mamamayan at ng pamahalaan.” Ipinangako niya sa komisyon: “Lahat ng gawang panliligalig at pisikal na karahasan ay pag-uusigin at ang mga gumawa nito ay mananagot sa batas.”
Ang nababahalang mga tagapagmasid sa Europa at sa iba pang dako ng daigdig ay umaasa na ang matatag na mga salita ni Presidente Shevardnadze ay mabilis na matutupad. Samantala, ang mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig ay matiyagang nananalangin sa kapakanan ng kanilang mga kapananampalataya sa Georgia samantalang ang malalakas-loob na mga Saksing ito’y patuloy na naglilingkod kay Jehova sa kabila ng matinding pag-uusig.—Awit 109:3, 4; Kawikaan 15:29.
[Mga talababa]
a Para sa higit pang impormasyon hinggil sa Georgia, tingnan ang artikulong “Georgia—Isang Sinaunang Pamana na Naingatan,” sa Enero 22, 1998, isyu ng Gumising!
b Gayunman, noong 2001, inihinto ng Kagawaran ng Adwana ang pagkumpiska sa literatura ng mga Saksi ni Jehova.
c Sa kalagitnaan ng 1990, si Vasili Mkalavishvili ay itiniwalag mula sa Simbahang Georgiano Ortodokso (GOC) pagkatapos ng buong-kabagsikang pagpuna sa GOC tungkol sa pagiging miyembro nito sa World Council of Churches (WCC). (Mula noon binawi na ng GOC ang kanilang pagiging miyembro sa WCC.) Samantala, si Mkalavishvili ay nakisama sa Greek Old Calendarists sa ilalim ng Metropolitan Cyprian.
d Ang Georgia ay isa sa 123 estado na bahagi ng United Nations Convention Against Torture and Other Cruel, Inhuman or Degrading Treatment or Punishment. Dahil dito, ang Georgia ay nagkasala ng “pagpaparusang labag sa batas.”
[Blurb sa pahina 24]
“Ang lahat ng gawang panliligalig at pisikal na karahasan ay pag-uusigin at ang mga nagkasala ay magsusulit sa batas.”—Presidente ng Georgia, Eduard Shevardnadze, Nobyembre 2, 2000
[Blurb sa pahina 24]
“Umaasa kami na ang bagay na ito [ng karahasan laban sa mga relihiyong minorya] ay malulutas at ang lahat ng grupo ng relihiyon sa Georgia ay magtatamasa ng walang-pagbabawal na kalayaan ng pagpapahayag ng kanilang relihiyosong mga paniniwala.”—David Soumbadze, nakatataas na tagapayo ng Embahada ng Georgia sa Washington, D.C., E.U.A., Hulyo 3, 2001
[Kahon/Larawan sa pahina 20]
PATULOY ANG PANG-UUMOG
Ang kabiguan ng mga awtoridad ng Georgia na hatulan ang mga sumalakay sa mga Saksi ni Jehova ay naglantad sa mga Saksi sa higit pang mga gawa ng pag-uusig.
Bilang halimbawa, noong Enero 22, 2001, sa rehiyon ng Svanetis Ubani ng Tbilisi, ang dating paring Ortodokso na si Vasili Mkalavishvili at ang kaniyang mang-uumog ay sumalakay sa isang relihiyosong pagtitipon ng 70 Saksi. Sinuntok, sinipa, at hinambalos ng mga krus na kahoy at bakal ng mga sumalakay ang mga Saksi. Ubod lakas na hinampas ng isang sumalakay ng malaking krus na kahoy ang ulo ng isang Saksi anupat nabali ang krus. Ang ilang Saksi ay kinaladkad sa isang madilim na kuwarto, na doo’y binugbog sila ng ilan sa mga sumalakay. Ang may-edad nang mga Saksi ay puwersahang dumanas ng pananakit habang tinatamaan ng mga kamao at krus. Hinabol ng dalawang matandang lalaki ang isang 14-na-taóng-gulang na batang lalaki at pagkatapos ay sinuntok at sinipa ang kaawa-awang bata. Isang 30-taóng-gulang na sumalakay ang humabol sa isang 12-taóng-gulang na batang lalaki at inihampas ang isang malaking Bibliyang Georgiano sa ulo ng bata. Samantala, isang Saksi ang tumakbong palabas ng bahay upang tumawag ng pulis, ngunit siya’y nahuli. Pinukpok ng mang-uumog ang kaniyang mukha hanggang sa napuno ng dugo ang bibig niya at siya’y sumuka. Sa wakas, ang malulupit na mang-uumog ay naghiwa-hiwalay. Ang mga sumalakay ay hindi pa rin naparusahan.
Muli, noong Abril 30, 2001, binuwag ng mga tagasunod ni Mkalavishvili ang isang relihiyosong pagtitipon ng kongregasyon ding iyon ng mga Saksi ni Jehova. Kinaladkad ng mga sumalakay ang mga Saksi palabas at sila’y pinagpapalo ng mga kahoy na may mga pako. Sinugat ng mga pako ang kanang braso, kaliwang kamay, kaliwang paa, at kaliwang pisngi ng isang Saksi na nagngangalang Tamaz. Karagdagan pa, kinailangan ni Tamaz ang limang tahi upang isara ang isang malalim na sugat sa kaniyang ulo. Hinalughog din ng mga mang-uumog ang bahay na pinagpupulungan, pinagsisira ang muwebles, kagamitang de-kuryente, at lahat ng mga bintana. Pagkatapos ay sinunog nila sa isang malaking sigâ ang literatura na inilathala ng mga Saksi ni Jehova. Noong Hunyo 7, 2001, opisyal na hiniling ng Human Rights Watch ang impormasyon mula sa Ministro ng Kapakanang Panloob ng Georgia, si Kakha Targamadze, at Prosecutor General ng Georgia, si Gia Mepharishvili, ang tungkol sa mga hakbang na ginawa upang idemanda ang mga may kagagawan nito at ang iba pang pagsalakay na ginawa kamakailan. Sa ngayon, wala pa sa mga sumalakay ang naidemanda.
[Kahon sa pahina 21]
PAKIKIBAHAGI NG PULISYA
Noong Setyembre 16, 2000, naglagay ng barikada ang mga pulis mula sa lunsod ng Marneuli upang pigilan na makarating sa lugar ng kombensiyon ang 19 na bus na may lulang mga Saksi ni Jehova. Sa isang barikada, pinagbabato ng mga sumasalakay ang mga bus na may lulang mga Saksi, anupat tinamaan sa ulo ang isang pasahero. Ang ilang mga Saksi ay kinaladkad mula sa mga bus at binugbog, samantalang ninakawan naman ang ibang mga pasahero. Kasabay nito, malayang pinadaan ng mga pulis ang mga bus na punô ng mga tagasunod ni Mkalavishvili na determinadong wasakin ang lugar ng kombensiyon. Sinunog ng mang-uumog ang isa’t kalahating tonelada ng relihiyosong literatura. Ang mga pulis na naroroon ay nakibahagi sa pambubugbog ng mga Saksi.
Ang Pamahayagan ng Caucasus ay nag-ulat na susuriin ng Ministri ng Kapakanang Panloob ang pagsalakay na ito at gagawa ng “naaangkop na hakbang.” Ang mga imbestigador ay may matatag na saligan para akusahan ang mga nagkasala. Ang Konstitusyon ng Georgia, Artikulo 25, ay gumagarantiya sa karapatan ng lahat ng tao upang magdaos ng isang pangmadlang pagtitipon. Subalit, wala sa mga sumalakay ang nademanda. Limang buwan pagkatapos ng pagsalakay na ito, ang Keston News Service ay nag-ulat na isang abogado ni Guram Sharadze, ang lider ng kilusang pulitikal na “Georgia Muna Una sa Lahat!,” ay umamin na inimpluwensiyahan ni Sharadze ang mga awtoridad sa Marneuli at Zugdidi upang hadlangan ang pagdaraos ng dalawang kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova.
[Kahon sa pahina 21]
GUMAGARANTIYA NG PROTEKSIYON ANG KONSTITUSYON NG GEORGIA
Ang Konstitusyon ng Georgia ng Agosto 24, 1995, ay gumagarantiya ng kalayaan ng relihiyon at proteksiyon laban sa malupit na mga pagsalakay, tulad ng ipinakikita sa sumusunod na mga sipi:
Artikulo 17—(1) Ang karangalan at dignidad ng isang tao ay di-malalabag. (2) Ang labis na pagpapahirap, di-makatao, malupit o mapanghamak na pagtrato o pagpaparusa ay ipinagbabawal.
Artikulo 19—(1) Bawat indibiduwal ay may karapatan sa kalayaan ng pagsasalita, pag-iisip, budhi, relihiyon at paniniwala. (2) Ang pag-uusig sa isang indibiduwal dahil sa kaniyang mga pag-iisip, paniniwala o relihiyon ay ipinagbabawal.
Artikulo 24—(1) Bawat indibiduwal ay may karapatan upang malayang tumanggap at magpalaganap ng impormasyon, upang ipahayag at ipalaganap ang kaniyang opinyon nang bibigan, sa sulat o sa alinmang ibang anyo.
Artikulo 25—(1) Bawat indibiduwal maliban sa mga miyembro ng hukbong sandatahan, pulisya, at mga paglilingkod na panseguridad ay may karapatan upang magdaos ng isang pampublikong pagtitipon nang walang armas maging sa loob ng bahay o sa labas nang walang patiunang pahintulot.
[Kahon sa pahina 22]
ANG DAIGDIG AY NAGMAMASID
Paano ba minamalas ng internasyonal na komunidad ang kabiguan ng Georgia na pahintuin ang pag-uusig sa mga Saksi ni Jehova?
Ang mga pamahalaan ng Estados Unidos at Gran Britanya ay magkasabay na nagsabi: “Ginulo ang isang pagtitipon ng mga Saksi ni Jehova, isang malaking bilang ng mga tao ang pinakitunguhan nang marahas at ang iba’y hinadlangan na dumalo sa pagtitipon. Ang mga Embahada ng Estados Unidos ng Amerika at Gran Britanya ay lubhang nababahala rito at sa iba pang mga seryosong paglabag kamakailan doon sa mga nagsasagawa ng kanilang karapatan sa kalayaan ng relihiyon sa Georgia . . . Aming tinatawagan ng pansin ang Pamahalaan ng Georgia na imbestigahan ang mga insidenteng ito at maging mapagbantay na tinitiyak ang paggalang sa relihiyosong karapatan ng lahat.”
Ang tagapangulo ng Delegasyon sa European Union-Georgia Parliamentary Cooperation Committee, si Ursula Schleicher, ay nagsabi: “Sa pangalan ng delegasyon ng European Parliament nais kong ipahayag ang aking pagkatakot sa pinakahuling sunud-sunod na insidente ng mararahas na pagsalakay sa mga peryodista, sa mga aktibista ng karapatang pantao at sa mga Saksi ni Jehova . . . Itinuturing ko ang ganitong klase ng pagkilos bilang isang napakalupit na pagsalakay laban sa saligan ng mga karapatang pantao kung saan ang Georgia ay itinalaga bilang kasama sa mga pumirma sa European Convention for Protection of Human Rights and Fundamental Freedoms.”
Ang U.S. Commission on Security and Cooperation sa Europa ay sumulat kay Presidente Shevardnadze tungkol sa mga pagsalakay sa mga Saksi ni Jehova: “Ang pinakahuling mga pangyayari ay tunay na nakababahala at bumabangon ang mga pagkatakot na ang situwasyon sa Georgia ay maaaring hindi na mapigilan. Kung hindi kikilos, yaong mga nanawagan para sa karahasan laban sa mga relihiyong minorya ay mapasisigla na magpatuloy sa kanilang mga pananalakay. Kami ay umaasa na kayo, bilang pangulo ng estado, ay magbibigay ng halimbawa sa publiko at sa mga opisyal ng Georgia at ipaaabot ang dalawang matatag at malinaw na mga mensahe: anuman ang pangmalas ng isa sa ibang mga relihiyon, ipinagbabawal ang anumang anyo ng karahasan laban sa mga taong nagsasagawa nito; at ang mga indibiduwal na nakikibahagi sa gayong karahasan—lalung-lalo na ang mga pulis na nagtataguyod o aktuwal na nakikibahagi sa kahiya-hiyang mga pagkilos na ito—ay pag-uusigin nang lubos sa antas na ipinahihintulot ng batas.” Ang liham na ito ay pinirmahan ng pitong miyembro ng Kongreso ng Estados Unidos.
Ang kasamang tagapamanihala ng Commission on Security and Co-operation sa Europa, ang kongresista ng Estados Unidos na si Christopher H. Smith, ay nagsabi: “Bakit ang Georgia ay hindi nagtataguyod ng kalayaan sa relihiyon at mga karapatang pantao katulad ng kanilang sinasabi na gagawin? . . . Ang pagsusunog ng mga literatura ay salungat na salungat sa Kasunduan sa Helsinki at nagpapagunita sa ilan sa amin sa Komisyon tungkol sa mga pagsusunog ng mga aklat na nangyari noong mga panahon ng Nazi.”
Ang pansamantalang Executive Director ng Europe and Central Asia Division of Human Rights Watch ay sumulat: “Lubhang nababahala ang Human Rights Watch tungkol sa posibilidad ng higit pang karahasan, dahil sa rekord ng pamahalaan ng Georgia sa kabiguan nito na pag-usigin ang mga may kasalanan sa nakaraang mararahas na pagsalakay laban sa mga minoryang relihiyon. Aming hinihiling ang inyong madaliang panawagan na wakasan ang mga pagsalakay at maparusahan yaong mga may pananagutan dito.”
Ang sanlibutan ay nagmamasid. Kikilos kaya ang Georgia ayon sa pandaigdig na mga pangako nito? Nanganganib ang reputasyon ng Georgia.
[Kahon sa pahina 23]
ISANG APELA SA EUROPEONG HUKUMAN
Noong Hunyo 29, 2001, ang mga Saksi ni Jehova ay nagsampa ng isang pormal na kahilingan sa Europeong Hukuman ng Karapatang Pantao na pormal na tinututulan ang patuloy na kawalang-pagkilos ng ahensiya ng tagapagpatupad ng batas ng Georgia. Pagkaraan ng ilang araw, noong Hulyo 2, 2001, ang Europeong Hukuman ay tumugon. Ang tagapagrehistro ng Hukuman ay sumulat na ang Presidente ng Kapulungang Panghukuman ay nagsabi na ang kasong ito ay “dapat bigyan ng priyoridad.”
[Mapa sa pahina 18]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
RUSSIA
GEORGIA
DAGAT NA ITIM
TURKEY
[Larawan sa pahina 18]
MAYO 13, 2001 - Nawalan ng tahanan ang pamilya Shamoyan nang sunugin ng isang arsonista ang kanilang bahay
[Larawan sa pahina 18]
HUNYO 17, 2001 - Si Giorgi Baghishvili ay marahas na sinalakay habang dumadalo sa isang pagpupulong ng mga Saksi ni Jehova
[Larawan sa pahina 19]
HULYO 11, 2001 - Si David Salaridze ay tinamaan sa ulo ng isang pamalo at binugbog sa likod at mga tadyang nang siya’y salakayin samantalang dumadalo sa isang pagpupulong ng mga Saksi ni Jehova
[Larawan sa pahina 23]
HUNYO 28, 2000 - Winasak ng mga arsonista ang bodega ng literatura ng mga Saksi ni Jehova sa Tbilisi
[Larawan sa pahina 23]
AGOSTO 16, 2000 - Sa silid-hukuman ng Gldani-Nadzaladevi, sinalakay ng isang tagasuporta ni Vasili Mkalavishvili si Warren Shewfelt, isang Saksi na taga-Canada
[Picture Credit Line sa pahina 24]
AP Photo/Shakh Aivazov