Mula sa Aming mga Mambabasa
Mga Lolo’t Lola Katatapos ko lamang pong basahin ang artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Paano Ako Higit na Mapapalapit sa Aking mga Lolo’t Lola?” (Mayo 22, 2001) Matagal na po akong hinihimok ng aking mga magulang na magkaroon ng kaugnayan sa aking mga lolo’t lola, subalit dahil sa laging may alitan sa pagitan ng aking mga magulang at ng aking mga lolo’t lola sa nanay ko, lagi kong nadarama na talagang hindi po ako dapat na makipag-usap sa kanila. Tinulungan ako ng artikulong ito na matalos na gusto ni Jehova na magkaroon ako ng kaugnayan sa kanila. Sa halip na pumili ng papanigan, pipiliin ko lamang ang panig ni Jehova.
C.L.M., Estados Unidos
Anong gandang mga artikulo tungkol sa mga lolo’t lola! Tuwang-tuwa akong binanggit ninyo ang pagsulat ng liham. Kahit na ang ilan sa amin na ‘kabataan’—ako’y 36 na taóng gulang—ay iniingatan ang lahat ng sulat o kard na ipinadala sa amin. Napakahalagang tumanggap ng isang bagay bukod sa mga bayarin at mga sulat na naglalaman ng mga anunsiyo!
M. Q., Estados Unidos
Nais ko po kayong pasalamatan sa mga artikulo hinggil sa mga lolo’t lola sa mga labas ng Abril 22 at Mayo 22, 2001. Bagaman ang aking lola ay nakatira nang malayo sa akin, malapít ako sa kaniya. Katulad po ito niyaong inilarawan sa inyong mga artikulo. Isa po siyang Saksi ni Jehova, at binigyan niya ako ng maraming espirituwal na kaalaman. Kung minsan ay magkasama kaming naghahanda para sa mga pulong Kristiyano. Ang aking pag-ibig kay Jehova ay lalong tumitindi sa tuwing nakikita ko po ang sigasig niya sa paglilingkod sa Kaniya. Ang mga artikulong ito ay tumutulong sa akin na mapanatili ang pantanging kaugnayang ito. Maraming-maraming salamat po!
G. M., Yugoslavia
Mayroon po akong katanungan. May malubhang karamdaman ang aking lolo, at ang lola ko ay kapos sa pananalapi. Paano po ako maaaring maging malapít sa kanila kung hindi ako maaaring lumabas na kasama nila?
T. O., Estados Unidos
Sagot ng “Gumising!”: Kung ang mga lolo’t lola mo ay nakatira sa malapit, maaari mo silang dalawin o kausapin sa telepono sa pana-panahon. Sa pagsasaalang-alang sa kanilang kalagayan, maaari pa ngang ikaw ang gumawa ng ilang bagay para sa kanila. Gaya ng ipinakita ng artikulo, ang pagsulat ng mga liham ay maaaring isa pang paraan upang mapalapít sa iyong mga lolo’t lola. Sa paano man, tiyak na pahahalagahan ng iyong mga lolo’t lola ang anumang pakikipag-ugnayan mo sa kanila.
Mga Telepono Palibhasa’y nagtatrabaho ako sa departamento ng physics sa isang malaking institusyon sa pagtuturo, pinahahalagahan ko ang inyong artikulong “Nakakonekta Ka Na—Paano?” (Mayo 22, 2001) Malinaw ang pagkakasulat nito, at inaasahan kong ito’y makapagpapasigla sa mga nag-iisip na ang physics ay napakahirap para maunawaan.
S. T., Britanya
Salamat po sa artikulong “Nakakonekta Ka Na—Paano?” Ito ang katanungan na madalas kong pag-isipan. Isa po akong estudyante sa haiskul, at gustung-gusto kong basahin ang Gumising! Malaking tulong ang napapanahong publikasyong ito sa maraming report sa paaralan. Salamat po sa inyong pagpapagal!
H. W., Estados Unidos
Ang kable ng telegrapo na nailagay sa karagatan ng Atlantiko noong 1866 ay hindi siyang una. Ang una ay inilagay sa pagitan ng Ireland at Newfoundland noong 1858. Nakalimutan na ito sapagkat hindi ito gaanong nagtagal.
L. D., Britanya
Sagot ng “Gumising!”: Binanggit lamang ng aming artikulo na “isang kable ng ‘telegrapo’ ang matagumpay na nailagay sa karagatan ng Atlantiko sa pagitan ng Ireland at Newfoundland noong 1866.” Ang una ay natapos noong 1858, gaya ng binanggit mo. Subalit, hindi na ito gumana sa loob lamang ng ilang linggo at pagkatapos ay inabandona.