Ang Araw ng Kasal—Maligaya Ngunit Maigting
IPINAKIKITA ng Bibliya na ang Diyos na Jehova—na nakakakilala sa mga tao nang higit kaninuman—ang nagsagawa sa unang pag-aasawa. Itinatag niya ang pag-aasawa bilang mahalagang pundasyon sa lipunan ng tao. (Genesis 2:18-24) At masusumpungan natin sa kinasihang Salita ng Diyos, ang Bibliya, ang iba’t ibang simulain na maaaring pumatnubay sa atin kapag nagpaplano tayo ng isang kasalan.
Halimbawa, sinabi ni Jesus na ang mga Kristiyano ay dapat na ‘magbayad kay Cesar ng mga bagay na kay Cesar.’ (Mateo 22:21) Kaya dapat silang sumunod sa batas ng lupain. Ipinagsasanggalang ng isang pag-aasawa na sumusunod sa legal na mga kahilingan yaong mga nasasangkot sa maraming paraan, katulad ng paglilinaw sa mga pananagutan sa mga anak (kasali na ang tahanan, pagkain, pananamit at edukasyon) at mga karapatan sa pagmamana. May mga batas din na dinisenyo upang ipagsanggalang ang mga miyembro ng pamilya mula sa pang-aabuso at pagsasamantala.a
Ang mga Paghahanda
Minsang napagpasiyahan ng magkatipan na sila’y magpapakasal at na ang kasal ay susunod sa mga batas at mga simulain ng Bibliya gayundin sa batas ng bansa, anong praktikal na mga bagay ang dapat isaalang-alang? Kabilang dito ang petsa at ang uri ng seremonya ng kasal na gusto nila.
“Maaaring ang mga ideya ng magkatipan ay hindi katulad niyaong sa mga magulang, at maaaring naiipit sila sa kung ano ang gusto nila at sa pagsunod sa mga tradisyon ng pamilya,” ang sabi ng isang aklat tungkol sa paksang ito. Ano ang maaaring gawin? “Walang madaling solusyon dito, maliban sa mataktikang makinig, pag-usapan ang mga problema, at magbigayan. Isa itong maigting na panahon para sa lahat, at malaki ang maitutulong ng kaunting pag-iisip nang patiuna at pag-unawa upang maging mas madali ang mga kaayusan.”—The Complete Wedding Organiser and Record.
Bagaman malaki ang magagawa ng maibiging mga magulang upang matiyak ang tagumpay ng araw ng kasal, dapat nilang iwasan ang tukso na igiit ang kanilang sariling mga kagustuhan. Sa kabilang panig naman, bagaman ang pangwakas na mga pasiya ay gagawin ng nobya at nobyo, dapat silang makinig sa payo na may mabuting intensiyon. Kapag nagpapasiya kung aling mga mungkahi ang tatanggapin, makabubuting tandaan ng magkatipan ang payo ng Bibliya: “Ang lahat ng bagay ay matuwid; ngunit hindi lahat ng bagay ay kapaki-pakinabang. Ang lahat ng bagay ay matuwid; ngunit hindi lahat ng bagay ay nakapagpapatibay. Patuloy na hanapin ng bawat isa, hindi ang kaniyang sariling kapakinabangan, kundi yaong sa ibang tao.”—1 Corinto 10:23, 24.
Kasama sa mga paghahanda ang iba-ibang gawain, mula sa pagpapadala ng mga imbitasyon hanggang sa pagsasaayos ng handaan sa kasal. “Kapag higit na maayos ang paghahandang ito, kapag ginamit ang mas malayong pananaw at higit na pagpaplano, higit na mababawasan ang pagod at tensiyon,” ang sabi ni H. Bowman sa kaniyang aklat na Marriage for Moderns. “Sa ilalim ng pinakamabubuting kalagayan,” ang babala niya, “makadarama ang isa ng kaunting pagod, at makabubuting gawin ang lahat ng makatuwirang pagsisikap na bawasan ito.”
Maraming gagawin at mga bisitang aasikasuhin. Makatutulong ba ang mga kaibigan o ang pamilya? Maaari bang ibahagi sa ibang mga responsableng tao ang ilang bagay na hindi naman kailangang gawin mismo ng nobya at nobyo?
Ang mga Gastusin
Mahalaga ang isang makatuwirang badyet. Hindi makatuwiran o maibigin na asahang ang magkatipan o ang kani-kanilang mga magulang ay mangutang upang ibayad sa isang kasalan na higit kaysa sa kanilang makakaya. Bagaman kaya naman nila ang isang magarbong kasalan, pinipili pa rin ng marami ang isa na mas simple. Anuman ang kaso, nasumpungan ng ilang magkatipan na kapaki-pakinabang ang magkaroon ng isang listahan para sa tinataya at aktuwal na mga gastusin. Makatutulong din na magkaroon ng listahan ng mga takdang petsa para sa lahat ng bagay na kailangang organisahin. Ang pagsasaulo ng lahat ng takdang petsa ay malamang na maging maigting.
Magkano ang magiging halaga ng kasalan? Iba-iba ang presyo sa bawat lugar, subalit saan ka man nakatira, makabubuting itanong sa sarili: ‘Kaya ba namin ang lahat ng bagay na pinaplano namin? Talaga bang kailangan ang mga ito?’ Si Tina, isang nobya, ang nagsabi: “Ang ilang bagay na waring ‘kailangang-kailangan’ noong panahon ng pagpaplano ay hindi naman pala mahalaga nang bandang huli.” Isaalang-alang ang payo ni Jesus: “Sino sa inyo na nais magtayo ng tore ang hindi muna uupo at tutuusin ang gastusin, upang makita kung mayroon siyang sapat upang matapos iyon?” (Lucas 14:28) Kung hindi mo kayang gastusan ang lahat ng bagay na gusto mo, alisin ang ilan. Kahit na kung kaya mo ang higit pa, baka gugustuhin mo pa ring panatilihing simple ang mga bagay-bagay.
Sa Italya, isang eksibit na isinagawa upang ianunsiyo ang mga serbisyo at ipinagbibiling mga bagay para sa mga kasalan ay naglaan ng ilang tantiyang halaga na maaaring magastos ng isang karaniwang nobyang Italyana. Makeup at pag-aayos ng buhok, $450; pag-upa ng isang magarang kotse, $300; video ng kasal, $600; album ng kasal (hindi kasama ang mga litrato), $125-500; mga bulaklak, $600 pataas; piging, $45-90 bawat tao; trahe-de-boda, $1,200 pataas. Kung isasaalang-alang ang kahalagahan ng okasyon, mauunawaan naman ang hangaring gawin itong espesyal. Subalit anuman ang napagpasiyahan ay dapat na gawin sa timbang na paraan.
Bagaman ang ilan ay gumugugol ng napakalaking halaga, ang iba naman ay nasisiyahan na magtipid—o ginagawa nila iyon dahil sa wala silang ibang mapagpipilian. “Pareho kaming payunir [buong-panahong mga ebanghelisador], at wala kaming salapi, ngunit hindi ito mahalaga,” ang sabi ng isang nobya. “Ang aking biyenang babae ang bumili ng tela para sa trahe-de-boda, na tinahi naman ito ng isang kaibigan bilang regalo niya sa kasal. Ang mga imbitasyon ay isinulat ng aking asawa, at isang kaibigang Kristiyano ang nagpahiram sa amin ng isang kotse. Para sa handaan, bumili kami ng mga kinakailangan, at may nagbigay sa amin ng alak. Hindi iyon maluho, ngunit sapat na iyon.” Ayon sa isang nobyo, kapag nagbibigay ng praktikal na tulong ang pamilya at mga kaibigan, “lubhang nababawasan ang mga gastusin.”
Anuman ang kanilang kalagayan sa pananalapi, iiwasan ng magkatipang Kristiyano ang anumang kalabisan, ang pagiging makasanlibutan, o ang pagpaparangya. (1 Juan 2:15-17) Kaylungkot nga kung ang isang maligayang okasyon na gaya ng kasalan ay maging dahilan upang ang isa ay hindi makasunod sa mga simulain ng Kasulatan hinggil sa pagiging katamtaman, na nagbababala laban sa labis na pagkain, labis na pag-inom, o anumang bagay na makahahadlang sa isang tao na maging “di-mapupulaan”!—Kawikaan 23:20, 21; 1 Timoteo 3:2.
Iwasan ang kausuhan na magkaroon ng mas malaki at mas magandang kasalan kaysa sa iba. Isaalang-alang ang napakaluhong belo na isinuot ng dalawang nobya sa isang bansa—ang isang belo ay 13 metro ang diyametro at tumitimbang ng mga 220 kilo; ang isa naman ay 300 metro ang haba, anupat nangangailangan ng 100 abay na babae upang madala ito. Ang pagtulad ba sa gayong mga pagpaparangya ay magiging kasuwato ng payo ng Bibliya hinggil sa pagkamakatuwiran?—Filipos 4:5.
Dapat Bang Sundin ang Tradisyon?
Iba-iba ang mga tradisyon sa kasal sa bawat bansa, kaya imposibleng magkomento tungkol sa lahat ng mga ito. Kapag nagpapasiya kung susundin nila ang isang kaugalian, makabubuting itanong ng magkatipan sa kanilang sarili: ‘Ano ba ang kahulugan nito? Nauugnay ba ito sa isang pamahiin ng mabuting kapalaran o hangad na maging palaanakin—gaya ng paghahagis ng bigas sa mga bagong kasal? Nauugnay ba ito sa huwad na relihiyon o sa iba pang gawain na hinahatulan ng Bibliya? Ito ba’y di-makatuwiran o di-maibigin? Maaari bang mapahiya o matisod dito ang iba? Maaari ba itong magbangon ng mga pag-aalinlangan sa mga motibo ng magkatipan? Ito ba’y mahalay?’ Kung nag-aalinlangan sa alinman sa mga puntong ito, makabubuting iwasan ang tradisyong iyon at, kung kinakailangan, patiunang ipaalam sa mga bisita ang pasiya.
Kagalakan at Damdamin
Ang damdamin sa araw ng kasal ay maaaring mula sa labis na kaligayahan hanggang sa pagluha. “Gayon na lamang ang kagalakan ko, anupat tila isa itong pangarap na nagkatotoo,” ang sabi ng isang nobya. Subalit nagugunita naman ng isang nobyo: “Iyon ang pinakamalungkot at gayundin ang pinakamasayang araw ng buhay ko. Ang aking mga biyenan ay tumatangis nang husto sapagkat kinukuha ko ang kanilang panganay na anak na babae, ang aking asawa ay umiiyak dahil nakikita niyang umiiyak ang kaniyang mga magulang, at sa wakas, umiyak na rin ako dahil sa hindi ko na ito makayanan pa.”
Ang mga reaksiyong tulad nito ay hindi dapat ikabahala—ang mga ito ay dahil sa tensiyon. Ni dapat mang ipagtaka kung ang mga kaugnayan sa pamilya, kahit na sa pagitan ng magkatipan mismo, ay medyo maigting kung minsan. “Kung sa bagay, ito marahil ang kanilang unang karanasan sa pag-iiskedyul ng isang malaking okasyon na magkasama, at ang kasabikan ay malamang na makaapekto sa kanilang kaugnayan sa paano man,” ang sabi ng The Complete Wedding Organiser and Record. “Hindi makabubuting mabalisa sapagkat ang mga bagay-bagay ay hindi naging maayos na gaya ng inaasahan; ang paghingi ng payo at suporta sa panahong gaya nito ay lubhang kapaki-pakinabang.”
Isang nobyo ang nagsabi: “Ang labis ko sanang pahahalagahan subalit lagi kong ikinalulungkot ay ang hindi pagkakaroon ng isang tagapayo na mapagtatapatan ko at isa na mapagsasabihan ko ng aking mga niloloob.” Sino pa ba ang higit na naaangkop na gumanap ng gayong papel kundi ang isang maygulang na kaibigan o kamag-anak o isang taong may karanasan sa loob ng kongregasyong Kristiyano?
Kapag nakikita ng mga magulang ang kanilang anak na lumilisan sa tahanan ng pamilya, maaari nilang maranasan ang pinaghalong kagalakan, pagmamalaki, pagsesentimyento, at pangamba. Gayunman, dapat nilang matanto nang walang pag-iimbot na dumating na ang panahon upang ‘iwan [ng anak] ang kaniyang ama at ina’ at pipisan sa kaniyang kabiyak at “magiging isang laman,” gaya ng nilayon ng Maylalang. (Genesis 2:24) Sa pagkokomento sa kaniya mismong reaksiyon sa pag-aasawa ng kaniyang panganay na anak na lalaki, nagunita ng isang ina: “Lumuha ako, subalit bukod sa kalungkutan, may mga luha ng kagalakan sa pagkakaroon ng isang minamahal na manugang na babae.”
Upang gawing kaayaaya at nakapagpapatibay ang okasyon, ang mga magulang—tulad ng nobya at nobyo—ay kailangang magpakita ng mga katangiang Kristiyano na pakikipagtulungan, kahinahunan, kawalang-pag-iimbot, at pagpaparaya.—1 Corinto 13:4-8; Galacia 5:22-24; Filipos 2:2-4.
Ikinatatakot ng ilang nobya na baka may masamang mangyari sa araw ng kanilang kasal—na ma-flat ang gulong ng kotse at mahulí sila sa pagdating sa seremonya, na magiging masama ang lagay ng panahon, o na ang trahe-de-boda ay lubhang masira sa huling sandali. Malamang na hindi mangyayari ang mga ito. Gayunman, maging makatotohanan. Hindi lahat ng bagay ay maaaring tumakbo nang maayos na maayos. Kailangang tanggapin ang mga sagabal. (Eclesiastes 9:11) Sikaping huwag mawala ang iyong ugaling mapagpatawa kapag nakaharap mo ang mga problema, at panatilihin ang isang positibong pangmalas. Kung mayroon mang sumala, tandaan na sa darating na mga panahon, maaari mo itong tawanan habang ikinukuwento mo ito. Huwag hayaang sirain ng maliliit na aksidente ang kagalakan mismo ng kasal.
[Talababa]
a Hinggil sa bagay na ito, ipinagbabawal ng maraming bansa ang bigamya, insesto, pandaraya, karahasan sa pagitan ng mag-asawa, at ang pag-aasawa ng mga menor-de-edad.
[Blurb sa pahina 7]
“Ang ilang bagay na waring ‘kailangang-kailangan’ noong panahon ng pagpaplano ay hindi naman pala mahalaga nang bandang huli.”—TINA, ISANG NOBYA
[Kahon/Mga larawan sa pahina 7]
ISANG SAMPOL NA LISTAHAN SA PAGHAHANDA BAGO ANG KASALb
6 na buwan o higit pa na patiuna
❑ Pag-usapan ang mga plano kasama ang mapapangasawa, magiging mga biyenan, at mga magulang
❑ Pagpasiyahan ang ninanais na uri ng kasalan
❑ Kalkulahin ang badyet
❑ Alamin ang legal na mga kahilingan
❑ Isagawa ang pagrereserba sa lugar ng handaan
❑ Makipag-ugnayan sa litratista
4 na buwan
❑ Pumili (mula sa mga kasuutang mayroon), bumili, o magpatahi ng mga kasuutang pangkasal
❑ Umorder ng mga bulaklak
❑ Pumili at umorder ng mga imbitasyon
2 buwan
❑ Ipadala ang mga imbitasyon
❑ Bumili ng mga singsing
❑ Kunin ang kinakailangang mga dokumento
1 buwan
❑ Isukat ang mga kasuutan sa kasal
❑ Tiyakin ang mga order at mga appointment
❑ Sumulat ng mga liham ng pasasalamat sa anumang regalong natanggap na
2 linggo
❑ Simulang dalhin ang personal na mga pag-aari sa bagong tirahan
1 linggo
❑ Tiyaking nalalaman ng lahat ng tutulong kung ano ang inaasahan sa kanila
❑ Isaayos ang pagsasauli ng anumang bagay na inarkila o hiniram
❑ Iatas ang lahat ng bagay na maaaring iatas sa iba
[Talababa]
b Maaari itong baguhin upang umayon sa lokal na mga kahilingan ng batas at personal na mga kalagayan.
[Larawan sa pahina 8]
“Ang pinagtuwang ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng sinumang tao”