Limang Paraan Upang Makahanap ng Trabaho
SINO ang nakakakuha ng pinakamagandang trabaho? Lagi bang ang pinakakuwalipikadong aplikante? “Hindi,” ang sabi ni Brian, isang konsultant sa paghahanap ng trabaho. “Ang trabaho ay karaniwan nang ibinibigay sa pinakamahusay maghanap ng trabaho.” Ano ang magagawa mo upang maging mas mahusay kang maghanap ng trabaho? Isaalang-alang natin ang limang mungkahi.
Maging Organisado
Kung nawalan ka ng magandang trabaho o matagal-tagal ka na ring walang trabaho, madali kang masiraan ng loob. “Nang una akong mawalan ng trabaho, tiwala akong makahahanap ako ng iba,” ang sabi ni Katharina, isang modista sa Alemanya. “Pero habang unti-unting lumilipas ang mga buwan at hindi pa rin ako nakahahanap ng trabaho, nanlumo ako. Nang maglaon, nahihirapan na akong ipakipag-usap ang bagay na ito sa aking mga kaibigan.”
Paano mo malalabanan ang pagkadama ng kawalang-pag-asa? “Mahalagang gumawa ka ng sarili mong iskedyul na para bang isa itong regular na ‘araw ng trabaho’ upang mapasimulan mo ang araw na nalalaman kung ano ang kailangan mong gawin,” ang mungkahi ng aklat na Get a Job in 30 Days or Less. Iminumungkahi ng mga awtor na “magtakda [ka] ng pang-araw-araw na mga tunguhin at itala ang iyong nagawa.” Bukod diyan, sinasabi nila na “sa bawat araw ay dapat kang magbihis na parang papasok ka sa trabaho.” Bakit? “Dahil kung nakabihis ka nang wasto, magkakaroon ka ng higit na kumpiyansa kahit na kapag nakikipag-usap ka sa telepono.”
Oo, dapat mong gawing trabaho ang paghahanap ng trabaho, gaano man katagal ito. Sinunod ni Katharina, na nabanggit kanina, ang sistematikong pamamaraang ito. Ang sabi niya: “Kinuha ko ang mga adres at numero ng telepono ng potensiyal na mga nagpapatrabaho mula sa ahensiya ng pamahalaan na tumutulong sa mga naghahanap ng trabaho. Tumugon ako sa mga anunsiyo sa pahayagan. Sinuri kong mabuti ang talaan ng mga numero ng telepono at inilista ko ang mga kompanya na maaaring may mga trabahong hindi pa nailalathala sa anunsiyo, at saka ako nakipag-ugnayan sa kanila. Gumawa rin ako ng maraming résumé at ipinadala ko ang mga ito sa mga kompanyang iyon.” Pagkatapos ng gayong sistematikong paghahanap, nakakita si Katharina ng isang angkop na trabaho.
Kumuha ng Impormasyon Hinggil sa mga Trabahong Hindi Iniaanunsiyo
Ang mangingisdang may pinakamalaking lambat ang malamang na makahuli ng isda. Lalakí rin ang tsansa mong makahanap ng trabaho kung alam mo kung paano palakihin ang iyong “lambat.” Kung naghahanap ka ng trabaho sa pamamagitan lamang ng pagtugon sa mga anunsiyo sa pahayagan o sa Internet, maaaring hindi mo makita ang karamihan sa mapapasukang trabaho. Marami-raming trabaho ang hindi kailanman iniaanunsiyo. Paano ka makakakuha ng impormasyon hinggil sa mga trabahong ito na hindi iniaanunsiyo?
Bukod sa pagtugon sa mga anunsiyo, tulad ni Katharina, dapat kang maglaan ng panahon bawat linggo para tawagan sa telepono o puntahan ang mga kompanyang iniisip mong may trabaho na kaya mong gawin. Huwag mo nang hintaying mag-anunsiyo sila ng mga oportunidad para sa trabaho. Kapag sinabi ng manedyer na wala silang bakanteng trabaho, magtanong sa kaniya kung may nalalaman siyang ibang kompanya na maaari mong puntahan at kung sino mismo ang dapat mong kausapin. Kung may irekomenda siya, humingi ng appointment sa kompanyang iyon, na binabanggit ang pangalan ng taong nagbigay sa iyo ng impormasyon.
Si Tony, na nabanggit sa naunang artikulo, ay nakahanap ng trabaho sa ganitong paraan. “Nakipag-ugnayan ako sa mga kompanya kahit na hindi sila nag-anunsiyo ng mga oportunidad para sa trabaho,” ang paliwanag niya. “Sinabi ng isang kompanya na walang bakanteng trabaho sa kasalukuyan subalit sinabi nilang subukin ko raw bumalik pagkaraan ng tatlong buwan. Bumalik ako, at nakakuha ako ng trabaho.”
Gayundin ang ginawa ni Primrose, isang nagsosolong ina sa Timog Aprika. “Habang nag-aaral ako ng isang kurso sa first-aid,” ang sabi niya, “napansin ko ang isang bagong gusaling itinatayo sa kabila ng daan at nalaman kong ito pala ay magiging isang nursing home para sa mga may-edad na. Paulit-ulit akong nakipag-appointment sa superintendente ng nursing home. Nang maglaon, sinabi niya sa akin na walang makukuhang trabaho sa kasalukuyan. Gayunman, paulit-ulit akong bumalik upang alamin kung maaari akong magtrabaho roon, kahit bilang boluntaryo. Nang maglaon, nakapagtrabaho ako roon bilang temporaryong manggagawa. Puspusan akong nagtrabaho anumang atas ang ibigay sa akin. Dahil dito, nadagdagan ang aking mga kuwalipikasyon at nakakuha ako ng permanenteng trabaho sa nursing home.”
Maaari ka ring magpatulong sa iyong mga kaibigan, kapamilya, at iba pang kakilala para makakuha ng impormasyon sa mga trabahong hindi iniaanunsiyo. Ganito nakahanap ng trabaho si Jacobus, isang safety officer sa Timog Aprika. Sinabi niya: “Nang magsara ang kompanyang pinagtatrabahuhan ko, ipinaalam ko sa aking mga kaibigan at kapamilya na naghahanap ako ng trabaho. Isang araw, narinig ng kaibigan ko ang isang usapan habang nakapila siya sa supermarket. Isang babae ang nagtatanong sa kausap na babae kung may kilala siyang naghahanap ng trabaho. Sumabad ang kaibigan ko at sinabi sa babae ang tungkol sa akin. Nagsaayos ng isang appointment, at nakuha ko ang trabaho.”
Maging Madaling Makibagay
Upang lumaki ang tsansa mong makahanap ng trabaho, dapat na madali kang makibagay. Ganito ang sabi ni Jaime, na nabanggit sa naunang artikulo: “Malabo kang makahanap ng trabahong inaasahan mo. Kailangan mong matutong maging kontento sa trabaho kahit na hindi ito gaya ng inaasahan mo.”
Ang pagiging madaling makibagay ay maaaring mangahulugan ng pagdaig sa pagtanggi sa ilang uri ng trabaho. Isaalang-alang si Ericka, na nakatira sa Mexico. Bagaman sinanay siya bilang isang executive secretary, sa pasimula ay hindi siya nakahanap ng uri ng trabaho na gusto niya. “Natutuhan kong tanggapin ang anumang angkop na trabaho,” aniya. “Pansamantala ay nagtrabaho ako bilang sales assistant. Nagtinda rin ako ng mga taco sa lansangan at naglinis ng mga bahay. Nang maglaon, nakahanap ako ng trabaho na doon ako dalubhasa.”
Nang si Mary, na nabanggit sa naunang artikulo, ay mawalan ng trabaho bilang klerk, nakita rin niya ang pangangailangang maging madaling makibagay. Ganito ang paliwanag niya: “Hindi ako nagpumilit sa paghahanap ng gayunding uri ng trabaho na gaya ng ginagawa ko noon. Sinuri ko ang bawat mabalitaan kong oportunidad sa trabaho, kahit na maaaring ituring ng ilan na mababang uri ito ng trabaho. Dahil dito, nakahanap ako ng trabaho na makatutustos sa aking dalawang anak.”
Gumawa ng Mabisang Résumé
Para sa mga nag-aaplay sa mga posisyong pang-manedyer, mahalaga ang paggawa at pamamahagi ng propesyonal na résumé.a Ngunit anumang trabaho ang hinahanap mo, napakahalaga ng isang résumé na pinaghandaang mabuti. “Sinasabi ng résumé sa potensiyal na mga nagpapatrabaho hindi lamang kung sino ka kundi gayundin naman kung ano ang iyong natapos at kung bakit kailangan ka nila,” ang sabi ni Nigel, isang konsultant sa paghahanap ng trabaho sa Australia.
Paano ka ba gagawa ng isang résumé? Ilagay ang iyong buong pangalan, adres, numero ng telepono, at adres sa e-mail. Sabihin ang iyong layunin. Itala ang natapos mong edukasyon, na itinatampok ang anumang pagsasanay at mga kasanayang nauugnay sa trabahong hinahanap mo. Ilagay ang mga detalye ng iyong dating karanasan sa trabaho. Isama hindi lamang ang nagawa mo kundi ang mga halimbawa ng mga tunguhing naabot mo at ang mga kapakinabangang naidulot nito sa iyong dating mga pinagtrabahuhan. Itampok din ang mga aspekto ng iyong dating pinagtrabahuhan na tumulong sa iyo upang maging kuwalipikado sa kasalukuyang trabaho na hinahanap mo. Ilakip ang personal na impormasyon na naglalarawan sa iyong mga katangian, interes, at mga kinahihiligang gawin. Dahil iba-iba ang pangangailangan ng mga kompanya, baka kailangan mong baguhin ang iyong résumé sa bawat trabahong gusto mong pasukan.
Dapat ka bang gumawa ng résumé kung nag-aaplay ka para sa iyong unang trabaho? Oo! Maaaring maraming bagay ka nang nagawa na maituturing na karanasan sa trabaho. Halimbawa, may mga kinahihiligan ka bang gawin, gaya ng gawaing-kahoy (woodworking) o marahil pagkukumpuni ng mga lumang kotse? Maaari mo itong ilista. Sumama ka na ba sa anumang gawaing pagboboluntaryo? Itala ang gawaing pagboboluntaryo na nagawa mo at ang mga tunguhing naabot mo na.—Tingnan ang kahon na “Sampol na Résumé Para sa mga Hindi Pa Nakapagtrabaho.”
Kung hindi ka makakuha ng appointment para sa interbyu sa isang potensiyal na nagpapatrabaho, mag-iwan ng isang maliit na tarheta—lalong mabuti kung ito ay sampung sentimetro por labinlimang sentimetro—na naglalaman ng iyong pangalan, adres, numero ng telepono, at adres sa e-mail, gayundin ng maikling sumaryo ng iyong mga kasanayan at mga natapos. Kung angkop, maaari mo pa ngang ilagay ang larawan mo o ang larawan mo na kasama ang iyong pamilya sa likod ng tarheta. Ipamahagi ang tarhetang ito sa lahat ng maaaring makatulong sa iyo na makahanap ng trabaho, at hilingan sila na ipasa ito sa sinumang kakilala nilang nag-aalok ng uri ng trabaho na hinahanap mo. Kapag nakita ng potensiyal na nagpapatrabaho ang tarhetang ito, maaaring bigyan ka niya ng pagkakataon para sa isang interbyu—na marahil ay makaaakay pa nga sa pagkakaroon ng trabaho!
Ang paghahanda ng résumé ay tutulong sa iyo na madamang kontrolado mo ang situwasyon habang naghahanap ka ng trabaho. Ganito ang sabi ni Nigel na nabanggit kanina: “Ang paggawa ng résumé ay tutulong sa iyo na maorganisa ang iyong kaisipan at mga tunguhin. Pinalalakas din nito ang iyong kumpiyansa sa pamamagitan ng pagtulong sa iyo na maghanda sa mga maaaring itanong sa iyo sa interbyu para sa trabaho.”—Tingnan ang kahon sa pahina 7.
Maghandang Mabuti Para sa mga Interbyu
Ano ba ang nasasangkot sa paghahanda para sa isang interbyu? Baka gusto mong magsaliksik tungkol sa kompanyang gustong mong pasukan. Miyentras mas marami kang nalalaman hinggil sa kompanya, mas mabuting impresyon ang magagawa mo sa panahon ng interbyu. Makatutulong din sa iyo ang pagsasaliksik upang matiyak mo kung nasa kompanya ngang iyon ang uri ng trabahong gusto mo o na ang kompanya ngang iyon ang gusto mong pasukan.
Pagkatapos, pag-isipan ang isusuot mo sa interbyu. Kung ang trabahong hinahanap mo ay manu-manong trabaho, magsuot ng angkop at malinis na damit. Sinasabi ng masinop na pananamit at pag-aayos sa potensiyal na nagpapatrabaho na ikaw ay may pagpapahalaga sa iyong sarili at sa gayo’y mas malamang na pahahalagahan mo rin ang iyong trabaho. Kung gusto mong magtrabaho sa opisina, pumili ng mahinhing pananamit na itinuturing na angkop na kasuutang pang-opisina sa inyong lugar. Ang sabi ni Nigel: “Piliin ang iyong isusuot bago pa ang iyong interbyu upang hindi ka nagmamadali at maging labis na maigting bago ang interbyu.”
Iminumungkahi rin ni Nigel na dumating ka sa iyong interbyu nang mas maaga ng mga 15 minuto. Sabihin pa, hindi matalinong dumating nang napakaaga. Subalit magiging kapaha-pahamak naman ang pagdating nang huli. Sinasabi ng mga eksperto na napakahalaga ng unang tatlong segundo sa iyong interbyu. Sa maikling panahong iyon, sinusukat ng tagapag-interbyu ang iyong hitsura at ang iyong paggawi na lubhang nakaiimpluwensiya sa kaniyang opinyon tungkol sa iyo. Kung huli ka, magiging di-kaayaaya ang impresyon sa iyo. Tandaan, wala nang pangalawang pagkakataon para ituwid ang unang impresyon sa iyo.
Tandaan din na hindi mo kaaway ang tagapag-interbyu. Tutal, malamang na nag-aplay rin siya sa kaniyang trabaho, kaya alam niya kung ano ang nadarama mo. Sa katunayan, baka kinakabahan siya, yamang maaaring kaunti o wala siyang pagsasanay na tinanggap sa pagsasagawa ng interbyu. Bukod diyan, kung ang nagpapatrabaho ang tagapag-interbyu, malaki ang malulugi sa kaniya kung maling tao ang mapipili niya para sa trabaho.
Upang maging mabuti ang pasimula, ngumiti ka at makipagkamay sa tagapag-interbyu kung iyan ang karaniwang pagbati. Sa panahon ng interbyu, magtuon ng pansin sa kinakailangan sa iyo ng nagpapatrabaho at kung anong mga kasanayan ang maiaalok mo. May kinalaman naman sa mga bagay na dapat mong iwasan, ganito ang sabi ni Nigel: “Iwasan ang pagiging di-mapakali o hukot—ang mabikas na tindig ay nagpapahiwatig ng pagtitiwala. Huwag maging labis na di-pormal o sobrang madaldal, at huwag na huwag gumamit ng mga salitang walang galang. Iwasan din ang negatibong mga komento tungkol sa iyong dating mga amo at katrabaho—kung negatibo ka hinggil sa kanila, malamang na isipin ng tagapag-interbyu na magiging negatibo ka rin sa trabahong ito.”
May kinalaman sa mga bagay na dapat gawin o sabihin sa panahon ng interbyu, iminumungkahi ng mga eksperto ang sumusunod: Tumingin sa tagapag-interbyu, kumumpas nang natural kapag nagsasalita ka, at magsalita nang malinaw. Sagutin nang maikli at tapat ang mga tanong, at magbangon ng mahahalagang tanong tungkol sa kompanya at sa potensiyal na trabaho. Sa pagtatapos ng interbyu, kung gusto mo pa rin ang trabahong iyon, hingin mo ito. Ang paggawa nito ay magpapakita na gusto mo talaga ang trabaho.
Kung susundin ang mga mungkahing ibinalangkas sa itaas, di-magtatagal at magkakaroon ka na ng trabaho. Kung ganiyan ang kalagayan, ano ang magagawa mo upang makapanatili rito?
[Talababa]
a Sa ilang lugar, ang katulad na dokumento ay tinatawag na CV, o curriculum vitae.
[Kahon/Larawan sa pahina 6]
Sampol na Résumé Para sa Hindi Pa Nakapagtrabaho
Pangalan Mo:
Adres Mo:
Numero ng Telepono Mo at Adres sa E-Mail:
Layunin: Maghanap ng trabaho sa pagawaan sa pinakamababang posisyon.
Edukasyon: Nagtapos sa Sariling Bayan High School, 2004.
Mga Kurso: Mga kasanayan sa wika, matematika, computer, kurso sa gawaing-kahoy.
Mga Kasanayan at Kakayahan: Bihasa ako sa mga gawang-kamay. Regular kong minamantini at kinukumpuni ang kotse ng aming pamilya. Gumagawa ako ng mga silya at mesang yari sa kahoy sa aking gawaan sa bahay. Nasisiyahan akong gamitin ang mga kasanayan ko sa matematika sa paggawa ng muwebles. Naglagay ako ng bubong bilang boluntaryo sa isang proyekto ng pagtatayo. Nagagamit ko ang karamihan sa mga uri ng computer at natutuwa akong matuto ng bagong mga programa sa computer.
Personal na Impormasyon: Maaasahan—dalawang beses lamang akong lumiban sa paaralan noong ikaapat na taon ko sa haiskul. Matapat—isinauli ko ang napulot kong pitaka na may lamang pera. Palakaibigan—regular na nakikibahagi sa boluntaryong gawain sa komunidad at nasisiyahang tumulong sa mga may-edad na. Atletiks—mahilig akong magbasketbol. Mga libangan—hilig ko ang gawaing-kahoy at pagkukumpuni ng mga kotse.
Mga Mapagtatanungan: Makukuha kung hihilingin.b
[Talababa]
b Maaaring isama sa mga mapagtatanungan ang isang guro na nakakakilala nang husto sa iyo o isang kaibigan ng pamilya na may negosyo. Kung hihilingin ng nagpapatrabaho ang mga pangalang ito, mahihiwatigan mo na interesado ang potensiyal na nagpapatrabaho na kunin ka para sa trabaho. Tiyaking humingi ng pahintulot sa mga itinala mo bilang mga mapagtatanungan.
[Kahon/Larawan sa pahina 7]
Mga Maaaring Itanong sa Iyo sa Interbyu
❑ Bakit ka nag-aplay sa trabahong ito?
❑ Bakit gusto mong magtrabaho sa mismong kompanyang ito?
❑ Ano ang nalalaman mo hinggil sa trabaho/kompanya/industriyang ito?
❑ Nasubukan mo na ba ang ganitong uri ng trabaho noon?
❑ Anu-anong uri ng makina ang kaya mong patakbuhin?
❑ Ano ang karanasan mo sa ganitong uri ng trabaho?
❑ Ano ang mga kasanayan mo na maaaring maging kapaki-pakinabang sa trabahong ito?
❑ Magkuwento ka tungkol sa iyong sarili.
❑ Anong limang salita ang masasabi mong pinakamainam na naglalarawan sa iyo?
❑ Nakapagtatrabaho ka ba sa ilalim ng maigting na mga kalagayan?
❑ Bakit ka umalis sa dati mong trabaho?
❑ Bakit matagal kang walang trabaho?
❑ Ano ang opinyon sa iyo ng huli mong amo?
❑ Gaano kadalas kang lumiban sa huli mong trabaho?
❑ Ano ang mga plano mo sa hinaharap?
❑ Kailan ka maaaring magsimulang magtrabaho?
❑ Ano ang pinakamainam mong katangian/kasanayan/talento?
[Kahon/Larawan sa pahina 9]
Kumusta Naman ang mga Ahensiya ng Pagtatrabaho sa Internet?
Labimpitong milyong résumé ang nakalista sa isa sa pinakamalalaking ahensiya ng pagtatrabaho sa mga Web site sa Estados Unidos para suriin ng potensiyal na mga nagpapatrabaho at mga 800,000 trabaho naman ang nakalista para isaalang-alang ng mga walang trabaho. Ipinakikita ng mga surbey na hanggang 96 na porsiyento ng mga tao sa ilang bansa ang naghahanap ng trabaho sa Internet. Gayunman, ipinakikita ng natipong pananaliksik mula sa mga propesyonal sa 40 bansa na 5 porsiyento lamang sa kanila ang nakahahanap ng trabaho sa Internet.
Sa paglalagay ng iyong résumé sa Internet, mas maraming potensiyal na mga nagpapatrabaho ang makaaalam na naghahanap ka ng trabaho, subalit kailangang mag-ingat. Lumalaki rin ang posibilidad na mabiktima ka ng pandaraya. Upang hindi ka madaya, ibinigay ng mga eksperto sa industriya ang sumusunod na payo:
1. Basahin ang privacy policy ng ahensiya ng pagtatrabaho sa Internet bago mo ilagay ang iyong résumé sa kanila. Ipinagbibili ng ilang job site sa Internet ang iyong personal na mga impormasyon sa mga kompanya na nagbebenta ng produkto sa maraming tao o sa iba pang interesadong mga kompanya o indibiduwal.
2. Ilagay ang iyong résumé sa ilan lamang kinikilalang job site sa Internet. Mahalagang protektahan ang iyong personal na impormasyon upang hindi ito magamit sa maling paraan. Ang iyong résumé ay hindi dapat maglaman ng impormasyong kakailanganin ng magnanakaw upang makuha ang iyong pagkakakilanlan at magdulot sa iyo ng walang-katapusang pinansiyal na problema. Hindi kailangang malaman ng lehitimong mga nagpapatrabaho ang numero ng iyong libreta sa bangko, numero ng credit card, o eksaktong petsa ng kapanganakan.
3. Mag-ingat sa malalabong alok na trabaho. Sinabi ni Pam Dixon, isang mananaliksik sa World Privacy Forum, na miyentras di-espesipiko ang inaalok na trabaho, karaniwan nang hindi ito totoo. “Ang malabong pananalita na gaya ng ‘Mayroon kaming libu-libong trabaho’ o ‘Nagtatrabaho kami sa malalaking kompanya’ ay isang babalang tanda,” ang sabi niya at idinagdag pa: “Ang mga paghiling ng kompanya na magpadala ng bagong kopya ng iyong résumé ay maaari ring magpahiwatig na ang kompanya ay mapandaya.”
Tandaan, hindi nakokontrol kahit ng lubhang kinikilalang mga job site sa Internet ang nangyayari sa iyong résumé pagkatapos na mai-download ito ng isang potensiyal na nagpapatrabaho o ng iba pang interesadong kompanya o indibiduwal.
[Dayagram/Larawan sa pahina 5]
TRABAHO
Maghandang mabuti para sa mga interbyu
Gumawa ng mabisang “résumé”
Maging madaling makibagay
Alamin ang hindi iniaanunsiyong trabaho
Maging organisado
[Larawan sa pahina 7]
Ang paghahanap ng trabaho ay nangangailangan ng pagtitiyaga at mabuting pagsasaliksik
[Larawan sa pahina 8]
Tutulong sa iyo sa panahon ng mga interbyu ang pagiging sistematiko